You are on page 1of 2

Agunyas sa Hacienda Luisita

Tula ni Bienvenido Lumbera

Walang kampanang kumalembang ng panangis

Nang kayo’y paslangin ng mga pulis at sundalong

Bayaran ng naghaharing uri.

Kalasti lamang ng gatilyong humaplit

sa balang inip na inip

sa baril ng mga berdugo.

Walang dalanging pumulas sa bibig

Ng mga matronang paladasal tuwing nobena

Kay San Isidro Labrador.

Buntong-hininga lamang: ay, nabawasan din

Ang bilang ng mareklamong magsasakang

Kasabwat ng mga NPA.

Walang benditang tumigmak sa amoy-lupang bihis

Ng mga welgistang humingi ng dagdag

Sa 9.50 lingguhang kita.

Dugong pumulandit sa dagsa ng bala,

Laway na tumalsik nang hatawin ng truncheon,

Plemang idinahak ng panginoong maylupa.

Hindi kalembang, hindi dasal, hindi bendita,


Ang dala ng ipo-ipong nagpupuyos

Sa mga dalisdis ng Sierra Madre

Na papatag sa mga tubuhang Cojuangco

At sa mga kamalig at pabrika ng asendero.

May titis na nagliyab sa dibdib

Ng bawat isa sa amin,

At ang mga dila ng lagablab

Ay sasanib sa ipo-ipong dumarating,

Hahawanin ang lupaing sasaksi

Sa itatanim naming lipunang

Malaya at hindi na paaapi.

–Bienvenido Lumbera

You might also like