You are on page 1of 1

« Perspective Change Anchored on Appreciate Inquiry

Marian Feasts »

MAIKLING KATESISMO: ANG TAMANG DEBOSYON SA MAHAL NA BIRHENG MARIA


September 29, 2010 by magkalakbay
1. ANO ANG DAPAT NATING PANIWALAAN (CREED)
1.1. Parangal, Hindi Pagsamba: Si Maria bilang nilalang ay hindi dapat sambahin. Ang pagsamba ay
sa Diyos lamang maaaring igawad. Kaya, bawal ang pagsamba kay Maria.
1.2. Ang maigagawad natin sa kanya ay ang parangal at papuri, tulad ng iginagawad natin sa mga
santo. Subalit sapagkat si Maria ay higit sa lahat ng mga banal, ang parangal na iginagawad sa
kanya ay higit sa dapat na igawad sa mga santo sa langit.
1.3. Ano ang apat na dahilan kung bakit dapat nating gawaran ng natatanging parangal ang Mahal na
Birheng Maria?
a. Ang Kanyang pagiging Ina ng Diyos: Hindi ibig sabihing si Maria ay Diyos. Siya lamang ay ina ni
Jesus na tao at Diyos. Si Maria ay tunay na ina sapagkat nabuo sa kanyang sinapupunan ang
katawan ni Jesus. Ipinaglihi niya ay iniluwal and ikalawang Persona ng Banal na Santatlo hindi sa
kanyang kalikasang Diyos, kundi sa kanyang kalikasang tao.
b. Ang Paglilihi kay Maria na Hindi Nabahiran ng Kasalanang Orihinal (Immaculate Conception) :
Hindi lamang hindi nagkasala si Maria ng kasalanang personal sa kanyang buong buhay, kundi
ipinagkaloob pa rin sa kanya ng Diyosn na siya’y ipaglihi sa Grasya ng Diyos. Ibig sabihin nito na
buhat sa unang sandali ng paglilihi sa kanya ng kanyang inang si Sta. Ana, punong-puno na siya ng
grasya ng Diyos, at hindi siya napasailalim sa kapangyarihan ng demonyo, ni sandali man lamang.
Ito ang tinatawag na pribilehiyo ng “Immaculada Concepcion.”
c. Ang Pagka-birhen ni Maria: Si Maria ay nanatiling birhen bago ipanganak si Jesus, sa
panganganak sa kanya, at pagkatapos siyang ipanganak. Ang pagsilang ni Jesus sa isang birhen ay
nangangahulugan na hindi karaniwang tao ang isinilang ni Maria. Ang pananatili sa pagkabirhen ni
Maria ay nangangahulugan ng pagpasok ng kaharian ng Diyos sa natatanging paraan kay Maria.
Nangangahulugan ang pananatili niyang birhen ng lubos-lubos na pagtatalaga ng kanyang sarili sa
Diyos at sa kanyang anak.
d. Ang Pag-aakyat kay Maria sa Langit: Si Maria ay iniakyat sa langit, katawan at kaluluwa. Ito rin
tatamasahin ng mga banal sa wakas ng panahon. Bagamat hindi nakasaad sa Bibliya, tulad ng
kanyang pagkamatay, ang aral na ito ay angkop sa katuruan ng Bibliya. Sapagkat hindi nabahiran ng
pagkakasala ang pagkatao ni Maria, nararapat lamang na lubusan niyang ibalik ito sa Diyos. Hindi
nararapat sa kanya ang pagkabulok ng katawan sapagkat ito ay kaparusahang dulot ng kasalanan.
1.4. Ang lahat ng biyayang ito na tinanggap ni Maria ay alang-alang kay Kristo, mula kay Kristo, at
para kay Kristo. Ang pagpaparangal natin kay Maria ay pagbibigay-puri natin sa kanyang Anak na
siyang dahilan at pinanggalingan ng lahat ng mga biyayang kanyang tinanggap.
2. ANO ANG DAPAT NATING GAWIN (CODE)
Ang buhay ni Maria ay isang magandang halimbawa ng katapatan sa kalooban ng Diyos. Kung
nagawa niya ito, kaya rin natin. Subukan natin maging tapat sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan
ng mabuting pagtupad sa ating araw-araw na tungkulin, lalong-lalo na sa ating pag-aaral.
3. ANO ANG DAPAT NATING IPAGDIWANG (CULT)
Parangalan natin ang Mahal na Birhen sa mga natatanging panalangin sa kanya lalong-lalo na sa
pagdarasal ng Santo Rosaryo. Ang tamang pagmamahal sa kanya ay dapat magbunsod sa atin sa
pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagdalo sa Santa Misa.

You might also like