You are on page 1of 2

Maaaring Lumipad ang Tao

People Could Fly, Maikling Kuwento ni Virginia Hamilton

Noong unang panahon, sa Aprika, ang mga tao ay maaaring lumipad. Sa ilalim ng bughaw na langit, para
silang maiitim na ibon na may nagniningning na pakpak.

Nang sila’y hinuli para gawing alipin, nakalimutan nila kung paano lumipad. Ang kanilang mga pakpak ay
nawala nang sila’y isinakay sa mga barkong papunta sa Amerika.

Pagdating sa Amerika, nagkaroon ng Master ang mga alipin. Ang Master ay may amo na tinatawag na
Overseer o Tagapagbantay, at ang Overseer ay may Drayber. Nakasakay ang Overseer sa kabayo habang
binabantayan ang mga alipin. Kung mayroong mabagal magtrabaho, gumagamit ang Drayber ang isang
latigo para paduguin ang likod ng mga kulang-palad.

May iisang matandang alipin na hindi nakalimot sa kanilang kakayahan na lumipad; ang pangalan niya ay
Toby. May isang babae na may sanggol na nakatali sa kanyang likod; ang pangalan niya ay Sarah.

Ang gutom na sanggol ay umiiyak. Kaya’t sinisigawan ng Tagapagbantay si Sarah.

“Patahimikin mo ang pesteng ‘yan!”

Yumuko si Sarah, ngunit walang tigil ang pag-iyak ng sanggol. Lumapit ang Drayber at nilatigo ang likod
ng babae.

Humiyaw ang bata sa hapdi ng latigo. Sumalagmak si Sarah. Nilapitan siya ng matandang si Toby.

“Kailangan kong lumikas sa madaling panahon,” sabi ng babae.

“Sa madaling panahon,” sabi ng matanda.

Napakahina na ni Sarah, at nasusunog na sa araw ang kaniyang mukha. Ang bata ay umiiyak nang
umiiyak. “Kaawaan mo kami, kaawaan mo kami” animo’y hagulhol ng sanggol. Napaupo na lamang si
Sarah.

“Tumayo ka, itim na baka!” sigaw ng Tagapagbantay. Sinenyasan niya ang Drayber at ang latigo ay
dumaplis sa binti ng babae.

“Ngayon na!” sabi ni Sarah.

“Sige, anak, ngayon na,” sagot ni Toby “Humayo ka.”

“Kum… yali, Kumbuba tambe” at iba pang mahihiwagang salita ang lumabas nang mabilis mula sa labi ni
Toby, na kung pakinggan ay parang mga bulong at buntong-hininga lamang.

Itinaas ni Sarah ang isang paa sa hangin. At ang isa pang paa. Naramdaman niya ang mahika, ang
misteryo ng mga salita ng Africa. Pumailanlang siya tulad ng isang ibon.
Hinabol siya ng Tagapagbantay, sumisigaw. Nilipad ni Sarah ang mga bakod. Nilipad niya ang mga
kahuyan. Hindi sagabal sa kanya ang matatayog na puno. Lumipad siya na parang agila, hanggang sa
wala nang nakakita pa sa kanya.

Walang sinuman ang nagtakang magkuwento sa kung anong nangyari dahil hindi kapani-paniwala ang
nangyari.

Kinabukasan, mainit pa rin ang sikat ng araw. Ang isang binatang alipin ay nawalan ng malay nang dahil
sa init. Ginamitan siya ng latigo ng Drayber. Lumapit si Toby para wikain ang mga salita. Narinig ng
binata ang mga salita ng sinaunang Aprika. Pumasok nang dagli ang kahulugan sa isip niya, bago mawala
na parang bula. Lumipad ang binata.

Tuwing may nahihimatay sa init, nandoon si Toby. Mga bulong… mga buntong-hininga… At ang mga
nahimatay ay biglang nakalilipad.

“Dakipin ang matanda!” sigaw ng Tagapagbantay. “Narinig kong may binigkas siyang mahihiwagang
salita. Dakipin siya!”

Tumakbo papalapit ang Master. Hinanda ng Drayber ang latigo. Ang may-ari ng mga alipin ay nagbalak
na patayin ang matanda.

Napatawa si Toby. “Hindi ba ninyo alam kung sino ako? Hindi ba ninyo nakikila ang ilan sa amin dito?”
Harap-harapan, sa mukha ng mga mang-aabuso, sinabi ng matanda, “Kami ang mga taong nakalilipad.”

At binigkas niya muli ang mga sinaunang salita.

May napakalakas na hiyawan. Ang mga baluktot na likod ay naunat. Matatanda at batang mga alipin ay
pumailanlang na magkakahawak-kamay. Lumilipad sila nang langkay-langkay na animo mga ibong
tumatakip sa asul na kalangitan, maiitim na anino. Lumipad sila nang napakataas. Lumilipad sila patungo
sa Kalayaan. Lumilipad sa kanilang hulihan ang matandang si Toby, inaalagaan sila. Hindi siya umiiyak.
Hindi siya tumatawa. Siya ang gumagabay.

Nakita niya sa taniman ang mga naiwang alipin na hindi marunong lumipad.

“Isama n’yo kami!” ang wika ng kanilang mga mata, ngunit takot silang sumigaw.

Hindi naidala ni Toby ang mga ito. Walang panahon para turuan silang lumipad. Kailangan nilang
maghintay ng ibang panahon para makalikas.

“Paalam!” sabi ng matanda sa kanila.

Ganyan ang kuwento ng Overseer. Sabi ng Master ay kasinungalingan ang lahat at bungang-isip lang iyon
sa sikat ng araw. Ang Drayber ay walang sinabi. Kinuwento ng mga aliping hindi nakalipad ang mga
pangyayari sa kanilang mga anak. Nang sila’y malaya na. Kinuwento nila ito noong sila’y malaya na.

At ang kanilang mga anak ay nagpatuloy sa pagkukuwento. At ngayon naman ay naikuwento ko na sa


iyo.

You might also like