You are on page 1of 5

Alamat ni Maria Makiling

Si Maria ay kaisang-isang anak nina Dayang Makiling at Gat Panahon, na para-


parang bathala o engkantado kung sa ngayong pakahulugan. Tanging-
tanging mutya ang nabanggit na lakambini sa kanilang tahanan pagka’t
siyay’y bugtong na aliw ng kanyang ama’t ina. Siya ang liwanag ng kanilang
paningin; siya ang galak ng kanilang puso; anupa’t sa biglang pangungusap,
siya ang kayamanang impok ng kanilang buhay. Sa kanilang katandaan, si
Maria ang bango at kulay ng mga araw nilang unti-unting nawawalan ng
sigla’t lakas.

Si Maria’y hindi taga-lupa, bagama’t siya’y nakiki-ulayaw sa madlang kinapal.


Gaya na nga ng aking nasabi, nang panahong yao’y maaaring makipag-usap
ang mga tao sa bathala; maaari silang magkatabi sa lilim ng isang
punungkahoy. Maaaring patulong sa kanila ang isang nilikhang nasa
kagipitan, at ang mga ito naman, kung sadyang taimtim sa loob ang
paghiling, ay hindi nagmamaramot. Kung ang pastol ay humihihip ng subing o
plauta habang siya’y nagpapalipas ng maligayang sandali sa piling ng mga
binabantayang hayop, sa kaginsa-ginsa’y susulpot nalamang sa kanyang
harap ang isang nimpang lipos ng alindog upang makinig at makihati sa
kaligayahan.

Naging ugali na ni Maria, sa araw-araw halos, ang lumuwas sa bayan at mamili


sa talipapa. Kaparis ng ibang babae, siya’y nakasuot ng sutlang kung minsa’y
may burdang bulaklak at malalapad ang guhit na siyang kinaugalian nang
panahong yaon. Ang kanyang maitim at malagong buhok na kung ilugay ay
abot hanggang sakong ay may pahiyas na sariwang bulaklak-suha. Sa kanyang
dibdib ay nakayakap ang mabangong kuwintas ng ilang-ilang. Magiliw siyang
mangusap at lipos ng galang. Mahinhing kumilos na wari bang nahihiya. Bakit
ang hawas niyang mukha’y salamin ng kagandahan. Bakit ang kanyang mga
mata’y sakdal nang aamo. Maging ang kanyang kapwa babae’y naakit bumati
sa kanya. Ang mga maginoo, sa kanya’y nagyuyuko ng ulo.

Si Maria’y laging may kasamang dalawang ita sa kanyang pamimili. Ang mga
nasabing utusan ay hindi lumalayo sa likod ng kanilang panginoon. Sa
kanilang dalang buslo ay maliwanag na mapapansin ang mga luyang kulay-
ginto na pinamamalit ni Maria. Nang panahong yao’y walang kuwartang
katulad ngayon na ating ibinibili ng kailangan. Noon, sa halip na bili ay palitan
ang palakad ng bawa’t tao. Doon nga sa talipapa nagtutungo ang may
kailangan. Sari-saring bagay ang matatagpuan doon. Mga pinatuyong balat
ng hayop na may magagandang balahibo. Mga banig na yari sa buli’t sa
pandang may kulay salit-salit. Mga sutlang habi na may malalapad na guhit ay
may patak-patak. At kung anu-ano pang kagamitan sa loob ng bahay ang
paninda roon.

May tanging araw na tinatawag nilang pagpapalitan. Sa araw na yaon


lumuluwas sa bayan ang maraming tao upang makipamalit. Palibhasa’y hindi
luyang talaga ang ipinamamalit ni Maria, kundi tunay na luyang ginto, kung
kaya marami ang nagbibili sa kanya ng iba’t ibang lako. Nagkataon namang sa
araw na yao’y namamalit si Gat Dula. Bukod sa kanyang ilang kawal na lingkod
na kasama’y may kasama pa siyang mga dugong-mahal. Si Gat Dula ay taga-
Bai, kaya sa kanilang pagtungo sa bayan ng Makiling ay kinailangan nilang
gumamit ng malaking bangka. May kalayuan ang agwat ng dalawang bayang
nabanggit. Kaya kung sa mga kangga sila sasakay na hila ng mga kalabaw ay
tatanghaliin sila ng pagdating.

Nawiwili ang lahat sa pagpapalitan ng kanilang dala-dalahan. Kasingkapal ng


mga paninda ang tao sa talipapa. Karaniwan nang dayuhin ang tanging araw
ng pamamalitang ukol sa bawat pook. Kaya bukod sa mga sadyang tubo sa
Makiling ay may ibang mukhang mapapansin doong nangangalakal. Kabilang
sa mga lipingmahal na namamalit ay si Gat Dulang nagpapalipas lamang ng
maligayang sandali sa talipapa. Nagkataon namang nagkasabay ng padampot
sina Maria at Gat Dula sa kanilang binibiling balat ng hayop na may
magagandang balahibo. Sa gayong pagkakasabay ay nagkabunggo ang
kanilang mga balikat, at nagkatama ang kanilang mga mata. Gaanong
pagtataka noon ang naghari. Lalo na nang sa di sinasadya’y nahawakan ni Gat
Dula ang malasutlang daliri ng dalaga. Sandali silang nagkatinginan. Subalit sa
taglay na kayumian ni Maria’y nagyuko ng ulo ang makisig na Gat tanda ng
paggalang at paghingi ng paumanhin. Bago sila nagkalayo’y isang mahiyaing
ngiti ang naitugon ng lakambini sa mapakumbabang ‘patawad po’ ng binata.
Buhat noo’y naging malimit ang pagdalaw ni Gat Dula sa Makiling. Subali’t
mula rin noo’y hindi na niya napagmalas ang maalindog na katauhan ni Maria.
Hanggang noong makalipas ang ilang panahonng pamumulaklak ng suha, ay
saka lamang niya muling napalarang mamasdan sa dating talipapaang
luwalhating bumihag sa kanyang pihikang pag-ibig. Gaanong galak niya, at
tuloy na ibulong sa kanyang loob: “Ang tiniis kong hirap nang nagdaang mga
araw, marahil ngayo’y malulunasan na.” Banayad siyang lumapit kay Maria, at
nagbigay-galang. Walang kasintamis na ngiti ang isinagot naman sa kanya.

Buhat noo’y naging matalik na silang magkakilala hanggang sa nakaraan ang


ilang pagbibilog ng buwan. Sa isang tabi ng batis na umaaliw-iw sa loob ng
gubat ay nahiwatigan nilang sa ubod ng puso’y may tinitimpi silang
pagmamahal. Ito’y naramdaman nila nang magtamang matagal ang kanilang
mga paningin, at hindi maibuka ng kanilang labi ang binibigkas ng dibdib. Sa
gayong lihim na pag-iibigan ay nagkayakap ang dati’y magkalayong langit at
lupa. Nguni’t ang gayong pagsusuyuan, sa nilakadlakad ng mga araw ay hindi
nalihim sa kaalaman ng ama ni Maria.

Sabihin pa ang galit ni Gat Panahon; halos mayanig ang buong lawa nga Bai.
Gaanong damdamin ang nilasap ni Dayang Makiling, buhat nang matantong
ang bugtong na anak niya’y may kasuyong taga-lupa. Ang puso ng ina,
palibhasa’y kadluan ng awa, kung kaya di nakatiis na tanungin si Maria.
Madali’t salita, dahil sa malabis na pagmamahal ng magulang ay
pinagbawalan ang kanilang anak. Sapul noon, hindi na nakapanaog sa lupa si
Maria. Pinutol ni Gat Panahon ang pagtungu-tungo ni Maria sa talipapa.
Binawi sa kanya ng nagmamalasakit na magulang ang engkanto ng pagiging
tunay na kinapal: yaon ang pinagmulan tuloy ng pagkakahiwalay ng mga
bathala at madlang tao.

Subalit kung umibig si Maria’y minsan lamang, at walang kasindakila. Kung


siya ma’y hindi na nakapapanaog sa lupa dahil sa wala na siyang
kapangyarihang makihalubilo sa madlang kinapal, sa alaala ni Gat Dula’y hindi
nagkukulang ang kanyang pagdalaw. Naroong kung minsa’y pamalas siya sa
sandaling nag-iisa ang mabunying Gat, ngunit pag nilapitan nito upang
yakapin ay bigla siyang naglalaho. Naroong umawit siya nang lubhang
matimyas kung nangungulila si Gat Dula ngutnit pag hinanap nito kung saan
nanggaling ang tinig ay hindi naman malaman. Anupat ang lahat sa binta’y
parang panaginip. Walang kasingwagas naman ang pagmamahal ni Gat Dula
kay Maria. Ang lahat ng pook at nayong niyapakan ni Maria, maging ang
tabing-batis na madalas nilang pagtagpuan, ay hindi nakaliligtaang dalawin.

Nang panahong yao’y malimit ang pakikipagdigma ng mga bayan sa kapwa-


bayan. Di kataka-takang lusubin ni Lakan Bunto ang kaharian ng Bai na sakop
ni Gat Dula. Subali’t kung ilang kaharian na ang nakikipaghamok sa matapang
na Gat, maano man lamang na mapipilan siya o kaya’y masugatan. Ang
dahilan ay sapagkat siya’y tinangkilik ng engkanto ni Maria. Ang adhikaing
pag-ibig ng paraluman ay nagiging baluti at kalasag ng mabunying Gat.
Marami na siyang napasukong kaharian; marami na siyang
napagtagumpayang tabak, ngunit ang hindi lamang niya napasusuko’t
napagwawagihan ay ang kamandag ng pangungulila sa pag-ibig. Yaon ang
dahilan ng kanyang pagkakasakit, hanggang sa siya’y naputulan ng hininga.

Ang sabi ng alamat, hinihiling ni Maria sa Bathalang Maykapal na ang


kaluluwa ng kanyang irog ay ibigay sa kanya. Noo’y yumao narin ang kanyang
mga magulang kaya’t sang-ayon sa sabi sina Maria at Gat Dula ang nag-uwi
sa naiwang kayamanan at lupain. Subali’t hindi nalilimot ni Maria ang
pagkamasintahin ng kanyang inang si Dayang Makiling sa lahat ng
nasasakupan. Ang pag kamahabagin ni Dayang ay minana ni Maria sa
kanyang puso. Sa bawat bakuran ng bahay ng kanyang mga sakop, gaya rin
nang dating ginagawa ng kanyang yumaong ina, ay ibinubudbud niya ang
mga luyang ginto. Ang sinumang ikakasal sa walang magamit na magarang
kasuutan ay hinahandugan niya. Ang isang mag-anak na maghahanda, ngunit
walang magamit na kasangkapan ay kanyang pinahihiram. Ang lahat nang
daing at kahilingan ng kanyang mga sakop ay tinutugon niya ng
mapagpalang kandili.

Ngunit ang gayong malimit na pagpapahiram ay madalas magbunga ng di-


mabuti. Ang karamihan sa tinatangkilik ni Maria’y di-marunong tumingin ng
utang na loob. Hanggang sa wakas ay nakaisip ang ibang mag-imbot sa di
nila pag-aari. Ang mga kasangkapang ipinahiram sa kanila ni Maria,
palibhasa’y pawang ginto, kung kaya tikis nilang hindi ibinabalik. Bakit ang
sama’y hindi lamang inaaangkin yaon ng iba, kundi ipinagpapalit pa sa mataas
na halaga sa mga taga-ibang bayan. Sa gayon nang gayo’y nayamot si Maria.
Tuloy nawika sa sariling, “nag-iba na ang panahon.”

Kaya pati pahintulot na iginawad niya upang malayang makapanguha ang


sinuman ng madlang bungang kahoy sa gubat ay kanyang binawi. Dahil sa
pagmamalupit ng tao sa hayop ay ipinagbawal din niya ang pangangaso, ang
paninilo ng mga manok-labuyo, at pamamana ng mga ibon. Kung ang
kanyang utos ay sinusuway ng sinuman, ang ginagawa ni Maria’y pinagdidilim
ang panahon at pinabubuho ang malakas na ulan; pinagugulong niya ng
malalaking tipak na bato sa bundok, hinahagkis niya ng baliti ang pinawalang
mababangis na kalabaw at nang manugis at lumikha ng matinding kidlat. Ang
mga yao’y panakot lamang naman ni Maria upang ang mga mangangasong
gumagambalang malabis sa katahimikan ng sakop niyang kagubatan ay
magsilayo at umalis.

Aral

 Iwasan ang pagiging makasarili.


 Ibalik ang mga bagay na ipinahiram lamang sa iyo.
 Sumunod sa mga batas upang hindi maparusahan.
 Ang pagiging matulungin sa kapwa ay hindi masama. Ngunit dapat alam
mo kung kaylan dapat maghinay-hinay at tumigil sa pagtulong kung ang
tinutulungan ay umaabuso na.
 Huwag laging umasa sa kapwa. Matutong magbanat ng buto upang
umunlad at umasenso.

You might also like