You are on page 1of 17

CREATIVE?

NON-FICTION

PINASA NI: ROMEO, ROCEL E.

BSED FL 4-1N

PINASA KAY: PROP. ARLAN CAMBA

1
WIKANG FILIPINO: WIKA NG
PAGKALAS, PAG-AKLAS AT
PAGLAKAS
(ISANG SANAYSAY)
ISINALING SULATIN SA PATIMPALAK NA PAGSULAT NG SANAYSAY
NOONG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA 2018 NA MAY TEMANG
WIKANG FILIPINO: WIKA NG PROTESTA TUNGO
SA PAMBANSANG KAUNLARAN

PANIMULA:

"FIGHT TYRANNY! DUTERTE RESIGN!" - Paulit-ulit na sigaw ng mga militanteng

grupo sa Mendiola.

"Hala, anong tyranny? Wala namang ganyang pinatupad si Pangulong Duterte a."

Mula sa isang matandang lalaking nakasalamin. "Oo nga, nag-iimbento at gumagawa

lang yan ng kwento para paniwalaan sila ng mga tao." Sabi ng babaeng nakasuot pa ng

apron habang maiging hinahawakan ang balde na may lamang isda. "Sige mag-ingay

lang kayo! Dyan naman kayo magaling e! Pero nakikinabang din naman kayo." Sabi ng

isang malaking lalaki na sinubukan pang sumigaw sa bintana ng jeep. "Resign? Lahat

naman ata ng pangulo pinagreresign niyo." Bulyaw ng isang lalaki na hindi ko tanaw

mula sa pwesto ko. "Sus, nagdudulot lang yan ng trapik dito e." Mula naman sa isang

istudyante na nakasuot ng malaking headset na katabi ko. Ilan lang ito sa mga narinig

2
kong komento ng mga taong nakasama ko sa loob ng jeep noong dumaan kami sa

Mendiola. Aminin ko, hindi ako nakapagsalita sa mga narinig ko. Nainis ako ngunit pinili

ko na lamang na tumahimik dahil baka humaba pa ang usapan at maging personalan

katulad ng mga komento na nababasa ko mga social media ngayon.

"FIGHT TYRANNY!" Sigaw nila kasabay ng pagpukpok ng mga kaldero at

pagwawagayway ng mga plakard na ganoon din ang nakasulat. Sa katunayan, hindi

ako pamilyar sa salitang ito kaya noong una kong nakita ang ispelling nito sa mga post

sa social media, kaagad kong hinanap ang salin sa Filipino. Tyranny : isang salitang

pangngalan na may kasing kahulugan na paniniil, bagsik at kalupitan. At katulad ng

inaasahan, mas naintindihan at mas dama ko ang mensahe na binabanggit nila at mga

karatulang nakikita ko sa mga kilos protesta. Sa simple at maikling karanasan na iyon,

mas napagtanto ko na kung ang wikang ginagamit sa pagpasa o pagbibigay ng

mensahe ay alam at ginagamit ng mga karaniwang tao ay mas nagkakaroon ito ng

malaking epekto sa pang-unawa at maging damdamin ng tao. Kaya noong mga

panahong iyon, naisip ko na kung sakaling nakasalin sa wikang Filipino ang lahat ng

plakard na hawak nila at maging ang mga salitang isinisigaw nila siguro mas

naiintindihan ito ng mga karaniwang Pilipino. Katulad na lamang ng ginawa ng mga

makabayang manunulat noong namamalagi pa sa Pilipinas ang mga kolonyalistang

Espanyol. Mula mga makabayang akda nina Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena,

Marcelo H. del Pilar, at nina Bonifacio mismo, Emilio Jacinto, Antonio Luna at Apolinario

Mabini na isinulat at sinalin sa wikang maiintindihan ng karaniwang Pilipino. Ang

kanilang panulat ay naging bahagi ng “rebolusyong pangkultura ” na naghanda sa mga

dakilang anak ng bayan sa pag-aarmas at pagkalas sa yapos ng “Inang Espanya

3
(Tiamzon, 2016). Ganito ang naggagawa ng wika, napanggiising at nakapagpapakilos

at nagdudulot ng kaunlaran sa isip, damdamin at maging sa pambansa kung

naiintindihan at lubos na nauunawaan ng mamamayan.

WIKA NG HIMAGSIKAN

Sa kadahilang ang wikang Tagalog ang wikang kanilang kinamulatan at ginagamit

sa pang-araw-araw na pamumuhay, wikang Tagalog na rin ang kanilang gabay sa

pakikipagtalastasan sa usapin ng pag-aaklas, rebolusyon at paghahangad ng

pambasang kaunlaran.

Bago pa dumating ang Rebolusyong 1896, kinilala ang mga propagandista na sina

Del Pilar (1888) na sumulat ng Dasalan at Tocsohan na ginamit ang dasal bilang

katatawanan sa pagsasamantala ng mga Prayleng Kastila sa mga Pilipino, si Graciano

Lopez Jaena (1874) na sumulat ng Fray Botod na nagpakilala sa kasibaan,

pagkagahaman at hilig sa mga kababaihan ng mga Prayle, si Gat. Jose Rizal na

sumulat ng dalawang makapangyarihang nobela na Noli Me Tangere (1887) at El

Filibusterismo (1891) na nagsiwalat at tumutulig sa sa nabubulok na sistema ng lipunan.

Bagamat ito ay nakasulat sa wikang Kastila, isinalin ito ng mga makabayang manunulat

kasama na si Andres Bonifacio upang maintindihan ito ng mga karaniwang

mamamayan at noong naunawaan na nang lubos ang akda, nagpasiklab ito ng

damdaming makabayan ng mga Pilipino at doon na mas lumakas ang mga kilusan na

lumalaban sa mga mapang-aliping Kastila.

Sa pag-uwi ni Rizal kasama ang ilan pang ilustrado sa Pilipinas, ipinagpatuloy nila

ang pagpopropaganda at itinayo ang La Liga Filipina na naglalaman ng mga artikulo na

4
nasa wikang naiintindihan ng karaniwang Pilipino. Mula sa pahayagang ito, nanawagan

siya na tumindig bilang bansa. Unti-unting iminumulat ng mga ilustrado ang

mamamayang Pilipino sa nabubulok na sistema ng pamamahala ng simbahan at

gobyerno ng Espanya. Nagtayo ng kilusan ang mga ilustrado sa Pilipinas, itinuring itong

limitado sa kadahilanang ang mga kasapi nito ay mula sa mga may kayang pamilya na

may layuning na matiyak ang partisipasyon ng kanilang pampulitikang pahahari at

pakinabang sa ekonomiya (Sison, 1980). Gayumpaman, nakatulong pa rin ang kilusan

at ang mga sulatin na nailathala noon sa pagpapalaganap ng nasyunalismo at sa

paghahanda ng isip ng mga Pilipino para sa pagsiklab ng Rebolusyon ng 1896.

Noong panahon ng rebolusyunaryo, alinsunod sa Konstitusyon ng Biak-na-Bató na

binuo noong 1897, Tagalog ang magiging opisyal na wika ng bansa. Ang gayong

probisyon ay produkto ng paggamit ng Katipunan sa Tagalog bilang wika ng

komunikasyon, gaya ng pinatutunayan sa lahat ng mga dokumentong inilabas nito, at

ayon na rin sa Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andrés Bonifacio

at sa KKK na sinulat at inilathala ni Hermenegildo Flores noong 1922. Maraming

dokumento ng Katipunan gaya ng isyu ng pahayagang Kalayaan at mga liham ng

pamunuan, ay nakasulat sa Tagalog (Richardson, The Light of Liberty). Sa Kartilya ng

Katipunan na nailathala naman noong 1892, sinabi ni Emilio Jacinto na ang "salitáng

tagalog katutura'y ang lahát nang tumubo sa Sangkapuluáng itó; sa makatuid, bisaya

man, iloko man, kapangpangan man... ay tagalog din." Maging sa isinulat na

sanaysay/editoryal ni Andres Bonifacio na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ay

malinaw na noong mga panahong iyon, ginagamit ang Tagalog bilang terminong

kumakatawan sa lahat ng mamamayan ng bansang Pilipinas.

5
Ang wikang Tagalog naman ay malinaw rin na siyang wika ng komunikasyon ng

maraming rebolusyunaryo, lalo na ng pamunuan nitong nasa kabisera (San Juan, 2016).

Sa maikling panahon, ipinakita ng mga rebolusyunaryong Pilipino na may malinaw na

plano sila sa pagkakaroon ng wikang pambuklod. Noong nabuo naman ang

Konstitusyon ng Malolos noong 1899 na sinasabing "gobyernong pinangingibabawan

ng mga elit" (Rafael 348), hindi ito naging makatotohanan sa kadahilanang ito ay

nakakiling sa mga Espanyol. Dagdag pa, nailatag na ng Konstitusyon ng Biak-na-Bató

ang patakarang pangwika na naging gabay sa mga sumunod pang Konstitusyon.

WIKA NG BAGONG PAG-ASA O BAGONG PAG-AALSA

Sinimulan ng mga Amerikano ang direktang pagsakop sa Pilipinas noong 1899.

Kasabay ng pagpapasuso ng kanilang wikang ipinagmamalaki na siya raw wika ng

daigdig. Ingles ang ginagamit na pangturo kasabay ng pagbabahagi ng kulturang hiram

din naman sa ibang lahi. Sa mga panahon ding ito, patuloy na nakikibaka ang mga

Pilipino sa mga bagong mananakop habang may ilang Pilipino rin ang agad na

naghunyango upang maituloy ang Amerikanisasyon. Pinamunuan ni Heneral Macario

Sakay ang Republika ng Katagalugan noong 1902 (Blanco 374) at nagpanguna ng

rebolusyon at diskurso ng katipunan para sa pambansang pagpapalaya at diskurso sa

sariling wika at pagbubuo ng sariling pambansang identidad sa pamamagitan ng

paggamit ng pangalang Katagalugan para sa nasyong-estado, sa halip na "Filipinas" o

"Pilipinas" na nilikha ng mga Espanyol (Guerrero et al. 3-12). Sa mga panahon ding ito,

ipinakilala ang pagpaparusa sa mga Pilipino na nagsasalita ng wikang Tagalog o

bernakular. Inihihiya sa pamamagitan ng pagpapasuot ng dambuhalang karatula na "I

was caught speaking in the vernacular", pinapasubo ng siling labuyo ng mga maetra ng

6
bata na nakabaro't saya pa man din, sa mga sawimpalad na batang kulang ang alam na

Ingles kaya obligadong manaka-nakang bumulong o maghayag sa bernakular (Edroza-

Matute, 10-13).

Ngunit sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang mga pakikibaka laban sa mga

bagong mang-aalipin ng bansa gaya ng mga itinatampok sa palabas, teatro (Casanova,

32-73), balagtasan (Zafra, 42-50), tula, awit (Maceda, 235-418), maikling kwento at

nobela. Kinilala si Fransisco Balagtas-Baltazar na sumulat ng Florante at Laura na

nanawagan sa pagbabagong panlipunan. Kasabay ng mga panahon ding ito

nanawagan ng kalayaan at katarungang panlipunan ang mga grupong Partido

Komunista ng Pilipinas (PKP) gamit ang wikang sarili mula sa mga polyeto, dyaryo at

talumpati sa publiko (Richardson, Komunista 140).

Sa pagbuo naman ng Surian ng Wikang Pambansa, inutulan ng ilang mga nasa

malalayong rehiyon ang pagpili ng Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa noong

1936 (Maceda, "The Filipino National Language" 99-108; Almario 1-73; Parale 1-255).

Gayumpaman, ang wikang Tagalog ay naging wika ng pakikibaka laban sa mga

kolonyal at imperyalista kung gayo'y naging mabisang instrumento ito sa pagpapalaya

ng bansa at ng kamalayan ng mamamayan (San Juan, 2016). Sa kabila ng mga

kaganapang ito, unti-unti pang umusbong ang mga panulat na mapaghimagsik at

tumatalakay sa pag-aalsa laban sa sistemang ipinama ng mga Amerikano katulad na

lamang ng pagtuturo ng wikang Ingles. Gamit ang wikang kanilang kinamulatan, walang

takot na tinalakay nila ang nabubulok na pamamalakad ng imperyalistang US habang

may ilan din namang manunulat na tuluyan nang nasakop ang kaisipan sa pagsulat ng

7
mga akdang punong-puno ng romantisismo hanggang nalimot na ang katotohanan

gamit pa ang wikang dayuhan. Bunga ng hindi pag-apruba ng gobyerno ng Amerikano

sa mga lehislasyon at batas na isama ang mga katutubong wika bilang wikang panturo,

naglathala ang mga manunulat at mamamahyag sa Tagalog. Kabilang sa mga nagsulat

ng mga satirikang akda ay sina Juan Crisostomo Soto na sumulat ng Ms. Phatupats at

Teodoro M. Kalaw na lumikha ng La Girl Filipina (Constantino, 2018). Bumuo ang mga

manunulat sa Tagalog ng mga Kapisanan ng mga Manunulat noong 1903.

Pinangunahan ito nina Lope K. Santos, Patricio Mariano, Eusebio Daluz at marami

pang iba.

Sa pananakop naman ng mga bagong imperyalistang Hapones simula noong 1942

kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pansamantalang ipinagbawal ang

paggamit ng Ingles at ang wikang pambansa ang ginamit na wikang panturo sa lahat ng

antas, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayang ng Pilipinas. Itinuring ang

panahon na ito na "Gintong Panahon ng Pantikan" dahil yumabong lalo ang panitikan

sa sariling wika sapagkat "Pati ilang manunulat na Pilipino sa Ingles ay nagsulat sa

Tagalog, sa panahon ng Hapon" (Edroza-Matute, 191). Nahirapan ang mga

makabayang manunulat na sumulat ng mga akdang kumakalaban sa mga Hapon dahil

sa mahigpit na censorship ng mga ito sa mga inilalathang akda ng mga Pilipino, kung

kaya palihim na naghimagsik ang mga manunulat gamit ang mga tayutay, idyoma at

talinhaga sa kanilang mga akda. Halimbawa na lamang ang mga sumusunod: Jose Ma.

Hernandez na sumulat ng Panday Pira, NVM Gonzales - Sino ba kayo ? Dahil sa Anak ,

Higanti ng Patay, Lunsod, Nayon At Dagat-dagatan. Kasama sina Narciso Reyes sa

Tinubuang Lupa, Liwayway Arceo na Uhaw ang Tigang na Lupa, Jose Esperanza Cruz

8
- Tatlong Maria, Isidro Castillo - Lumubog ang Bituin at Gervacio Santiago - Sa Lundo

ng Pangarap. Ang mga akdang ito ay umiikot sa mga paksang tumatalakay sa usapin

ng lupain at lihim na nanunuligsa sa pangungumpiska ng mga Hapones sa mga ari-

arian ng mamamayang Pilipino.

Matapos ang pananakop ng mga pasistang Hapones, nagpatuloy pa ang

makabayang panulat ng mga Pilipino. Mula sa paghihimagsik sa nakalulumong sistema

ng lipunan hanggang sa pagwasak sa tradisyunal na paglikha ng Panitikang Pilipino.

Kinilala bilang Ama ng Makabagong Panulaang Pilipino si AGA o Alejandro (1955) dahil

sa kanyang paghihimagsik sa lumang tradisyon at pagpapakilala ng mga tulang

modernismo katulad ng kanyang akda na Ako Ang Daigdig at marami pang mga

makatang sumunod sa kaniyang yapak (Rafal, 2017). Mula naman sa mapagpanggap

na patakarang pangwika ng rehimeng Marcos, ginamit ang wikang pambansa sa

politikal na edukasyon (Maceda, "The Filipino National Language" 103) at malawakang

propagandang anti-pyudal, anti-kolonyal, anti-kapitalista, anti-imperyalista at anti-

diktatura na katulad ng ipinahayag ni Atienza (69):

"Kaya kayang mapagbuhusan ng mga makabuluhang diskasyon


ang mga usaping manggagawa, mga isyu ng unyon gaya ng
pagpapataas ng sweldo at pagbago sa mga di-makatwirang kundisyon
ng paggawa sa mga pabrika kundi gagamit ng Pambansang Wika (PW)
ang mga aktibistang inatasang lumubog at magpalawak sa masang
manggagawa? Ang mga magsasaka kaya’y mahihikayat kung hindi
gagamitin ang wikang ito sa mga usapin ng pantay na karapatan sa lupa,
reporma sa lupa, reporma o pagbabagong agraryo sa relasyon ng
panginoong maylupa at mga kasama at ang mismong pagpapaunawa sa
makabagong kilusang propaganda at kultural? Napipilipit man ang mga

9
dila sa umpisa, ginamit ng mga aktibista ang wika o lenggwaheng
ginagamit, sinasalita at nakagisnan o natutuhan nga ng masa sa
kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at relasyon sa kapwa nila
milyun milyong kalipunan. Salita ng komiks, palengke, pabrika, radyo at
telebisyon at ilang dyaryo’t magasin ang pinili ng mga aktibista ng
sambayanan.”

Sa pahayag na ito, masasabi natin na nagkakaroon ng dating o malaking epekto sa

mga tagapakinig ang mga termino at mga politikal na salita gamit ang wikang

nauunawaan ng mga karaniwang mamamayan lalong lalo na ng mga naaping sektor ng

lipunan. Kung ang tagapakinig ay pamilyar sa wikang ginagamit ng nagsasalita, mas

nauuwaan nang tuluyan ang mga mensahe na nais ipahiwatig ng nagsasalita. Sa pag-

unawa ito, maaaring magdulot ng pagkabuhay o pagkagising ng natutulog na

damdamin at lumikha ng pagkilos.

Bago pa man tuluyang nagsimula ang aktibismo ng sambayang Pilipino laban sa

rehimeng Marcos, laganap na ang mga kilos protesta sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas

lalong lalo na sa Gitnang Luzon dahil sa mayabang na pagdeklara ni Marcos ng

reporma sa lupa na sa huli ay wala namang ginawang makabuluhang hakbang. Sa mga

panahong ito, nahuhubog pa lalo ang wikang Filipino bilang wika ng protesta laban sa

mga naghaharing uri at mapagsamantala. Nakalilikha ng mga awitin katulad ni Ka Jess

Santiago, tula at mga talumpati na pinapalabas sa publiko ang mga mamamayan upang

ihayag ang katakotakot na karanasan ng mga api sa sariling bayan.

Nagpatuloy pa ang panahon kasabay ng pag-usbong ng mga makabago at

mapaghimagsik na panulat gamit ang wikang naiintindihan ng mga nakararami.

Hanggang dumating ang pagsigla ng panahon ng aktibismo laban sa diktaturyang

10
Marcos. Mula sa mga dyaryong ipinapakalat katulad ng Ang Bayan at ibang mga

nailathala sa iba't ibang panig ng Pilipinas; at mga malawang pagkilos protesta ng

mamamayan, pinaigtig nito ang tungkulin ng wika Filipino bilang wika ng pagkakaisa

laban sa karahasan at wika bilang pagbuo sa bago at mas maunlad na bayan. Nakilala

sina Jose Lacaba, Lamberto Antonio, Emmanuel Lacaba, Virgilio Almario, Bayani

Abadilla at marami pang iba na lumikha ng mga makabuluhang tula na nagpaalab pa sa

damdamin ng mga Pilipino. Hanggang bumagsak ang rehimeng Marcos na hindi

nalulutas ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang hindi matapos-tapos na problema ng

lipunan kasabay ng mga kilos protesta at demonstrasyon na isinasagawa sa iba't ibang

bahagi ng kapuluan ng Pilipinas. Dagdag pa ang mga bagong dugo ng mga manunulat

na patuloy pa ring nagsisiwalat ng kabulukan ng sistemang panglipunan hindi lamang

sa mga sa akdang inilalathala kundi pati sa mga social media sites gaya ng Facebook

at Twitter. Kasabay ng pagbabago ng midyum sa pagpoprotesta at pakikibaka, ang

wikang ginagamit na sa mga ito ay nahahaluan na mga terminolohiyang hindi gamay ng

mga karaniwang mamamayan. Nag-umpisa ang ganitong pagbabago simula noong

namayagpag ang kulturang popular na dala rin ng umuunlad na teknolohiya gaya ng

telepono, TV, radio, pelikula at mga makadayuhang pagtatanghal (Constantino 2018).

Dala na rin mga mamamahayag na naglalatha sa mga news portal sa internet na

naglalayong pagandahin ang kanilang isinusulat kaya bunga nito, nagkakaroon ng hindi

pagkakaintindihan sa pagpapakahulugan ng mga salita at nagbubunga pa ng kalituhan

sa mamamayang Pilipino. Dagdag pa ang mga mag-aaral at mga propesyonal na

tinatawag na "Intellectuals" na mula sa mga kilalang paaralan na kadalasang

11
nagsasalita at namumuna sa wikang Ingles na aminin man natin o hindi, hindi ito

nauunawaan ng mga karaniwang mamamayan maliban na lamang kung sila ay

nakapagtapos ito o kahit nakapag-aral man lang. Para saan pa ang pamumuna at

pagsasalita para sa bayan kung hindi naman ito nauunawaan ng mga taong dapat

nakaririnig ng mensaheng ito. Paano sila mapapakilos? Kung hindi nila naiintindihan

ang dahilan at maaaring maging bunga ng pananahimik nila. Isa itong indikasyon ng

pamamanhid ng kamalayang pagkamakabayan. Sa panahong tayo'y mas nagiging mas

malapit na sa isa't isa dahil sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, marapat lamang na

mas mabilis ang pagkakaunawaan natin sa bawat isa samatuwid, magiging mabilis din

ang pagsulong ng minimithi nating kaunlaran.

WIKANG HINAHAMON NG PANAHON

Patuloy ang dehumanisasyon sa ilalim ng K to 12. Winawasak nito ang

makabayang edukasyong mag-aambag sana sa pag-unlad ng bansa at ng mga

mamamayan nito (San Juan, 95-96). Mula sa pagturing sa mga mag-aaral na susunod

sa mga yapak mga tinatawag na mga bagong bayani o mga Overseas Filipino Workers

(OFW), ipinapakita lamang ng pamahalaan kasama ng mga negosyanteng

nangangapital kung gaano sila kagahaman sa salapi at kapangyarihan. Ginagamit ng

mga ito ang kahirapang nararanasan ng mamamayan upang ipagpatuloy ang walang

habas na piga sa lakas paggawa at kayamanan ng mamamayan. Ang mga

manggagawang nililikha ng K to 12 ay isa lamang sa mga hakbang ng mga

makapangyarihan upang matuloy ang pagbura sa Filipino at Panitikan sa Kolehiyo.

12
Sa pamamagitan ng Commission on Higher Education Memorandum Order (CMO)

No. 20 Series of 2013, binura ng malapapet na administrasyong Aquino ang

asignaturang Filipino, Panitikan, at Philippine Government & Constitution. Alinsunod sa

hungkag na pag-alingawngaw ng panawagang "global competitiveness" na nag-anyong

rasonableng pagtalikod sa sarili upang diumano'y harapin ang daigdig, pagpatay sa

kakayahang makipag-usap at makipagdiskurso sa kababayan upang higit na maginv

mahusay sa pakikipagtransaksiyon sa mga masasalaping dayuhan, tuon sa

kakakayahang teknikal at trabaho lamang habang isinasantabi ang pangkalahtang

paghubog sa pagkatao at pagiging tao ng estudyante (San Juan, 2017). Ngunit sa

pamamagitan nang kolektibong pagkilos ng mga edukador, mag-aaral, manunulat,

lingkod-bayan at mga mamamayang may malasakit sa bayan sa mismong wikang

pambansa sa lansangan hanggang sa harap ng Korte Suprema, nagpalabas ng

Temporary Restraning Order ang korte laban sa CMO No. 20, Series of 2013. At

hanggang ngayon pinagpapatuloy pa rin ang pakikibaka laban sa hindi makatarungang

pagbura sa ating kutura, wika at identidad; At paglapastangan sa ating lahi.

Ang mga pagbabagong ito ay isa lamang sa mga hamon na pinagdaraan ng wika na

sa kasamaang palad ang wikang humubog sa ating buhay at pagkatao ay

sinusubukang burahin at tanggalin sa isip ng mamamayan ng mga mismong tao na

dapat na nagbibigay gabay at depensa rito. Ang wika na siyang dapat magiging

sandata at kasangkapan sa pag-unlad ay unti-unting pinapalitan at nililigaw ng panahon

dala ng mga pagbabago at paglikha ng mga ilusyon nang madaliang pang-unlad. Ayon

pa sa isang Propesor na si Dr. Juan (2017) bilang pagpapatunay, ang wika Filipino ang

pangunahing instrumento sa pag-unlad ng kaalaman at kasanayan ng mamamayan

13
tungo sa pambansang kaunlaran. Sa kadahilanang ang wikang Filipino ang ginagamit

ng malaking populasyon ng bansa, matitiyak natin na ang wikang ito rin ang magdadala

ng pambansang kaunlaran at pagbabagong panlipunan. Bilang ginagamit ang wikang

Filipino sa edukasyon at kung sakaling ang pamahalaan ay may maayos na polisiya at

patakarang pangwika, mapapabilis ang pagkakaunawan, maging ang paglikha ng mga

pananaliksik at ang aplikasyon nito at hanggang naglaon ang pambansang kaunlaran

ay makakamtam din. Katulad ng mga karatig bansa natin gaya ng Japan, South Korea,

Taiwan at Tsina na gumagamit at nagtataguyod ng kanilang sariling wika hindi lamang

sa loob ng akademya kundi maging sa industriyalisasyon. Gawin sanang modelo ng

ating bansa ang mga pagpapahalagang pinagsisikapan nila upang mapanatili ang

kanilang kultura at wika hindi gaya ng nangyayari ngayon na basta na lamang inangkop

sa mito ng globalisasyon ang sistema ng edukasyon at lilikha pa ng mga

manggagawang lito at biktima ng ilusyon na nilikha mismo ng pamahalaan. Sa pagligtas

natin at pagbibigay puwang sa mga asignaturang Filipino, ipinapakita rin natin sa

sambayan na kinakailangan ng pagkilos upang tuluyan ngang magkaroon ng malinaw

usapan o polisiya ng wika sa pagitan ng mamamayan at ng mismong pamahalaan.

Gayundin ang patuloy na pagkakaroon ng mga panawagan at pagpupulong sa loob at

labas ng akademya tungo sa pang-angat ng antas ng diskurso at kamalayan ng

mamamayan. At sa pagpapatupad nito, maisasakatuparan din natin ang radikal na

repormang sosyo-ekonomiko na magdadala sa atin ng kaunlarang panlahat.

Gayumpaman, nagsisilbi lamang itong hamon sa atin upang patunayan sa ating mga

sarili na karapatdapat nating matamasa ang kalayaan at kaunlaran na matagal na

nating hinahangad. Bilang ang wika nga ang tagapagdaloy ng kaalaman at ginagamit

14
sa lahat ng interaksyon sa pamumuhay ng tao, kapag ang wika ang nalason, apektado

nito maging ang isip, puso at kaluluwa ng mga tao. Hinahamon tayo ng panahon at ng

pagkakataon upang maimulat pa ating mamamayan sa kalunoslunos na pamumuhay

na ating kinasadlakan. Huwag sana tayong maging bulag at bingi sa mga panahong ito,

dahil isang kasalanan ang manahimik sa mga kamaliang ito.

WIKANG DAPAT IPAGLABAN MO!

Sa matagal na panahon na ginamit ang wikang Tagalog/Pilipino/Filipino sa

pakikibaka, protesta, pag-aalsa at rebolusyon upang makamit ang tunay na pambasang

kaunlaran, ito na ang naging pundasyon ng ating kasaysayan. Kasaysayan na siyang

humubog sa ating lahi at humamon sa ating pagka-pilipino bilang paghahanda sa

darating na kinabukasan. Kung saan matatamasa natin ang tunay at pambansang

pagbabago at kaunlaran. Ngayon na ang nilalapastangan ito mga dayuhang gahaman

sa salapi at kapangyarihan kasama ng kanilang mga papet at makasariling kapwa

nating Pilipino, ano ang gagawin mo? Mananatili sa kinauupuan at hayaang burahin

ang kultura at wikang nagpapakilala sa sayo? O sasama sa mga kilos protesta upang

tuluyan ngang maisakatuparan ang pangarap nating pagbabago?

Sa pamamagitan ng panulat ng ating mga makabayang mamamahayag at manunulat,

nabuhay, nagising at nabigyan ng lakas ang pagkamakabayan ng ating mga ninuno

ngunit sa tingin ko mas kailangan natin ng pagkilos ngayon. Pagkilos na sinimulan pa

noon gamit ang wikang kinamulatan at wikang lilikha ng malawakang pagkilos laban sa

mga mapagsamantala at sisira sa tatsulok na matagal nang nagdudulot ng kahirapan at

paghihinagpis sa mamamayang Pilipino. Ngayon, matapos kong ilahad ang mga punto

15
maaari na nating isigaw na: tunay nga na ang wikang Filipino ay ang wika ng protesta

tungo sa pambansang kaunlaran.

MGA SANGGUNIAN:

 Atienza, Monico. Kilusang Pambansa-Demokratiko sa Wika. Lungsod Quezon:

UP-Sentro ng Wikang Filipino

 Casanova, Arthur. Kasaysayan at Pag-unlad ng Dulaang Pilipino. Maynila: Rex

Book Store, 1984. Nakalimbag

 Constantino, Renato. "The Miseducation of the Filipino." Journal of

Contemporary Asia, 1.1 (1970). Nakalimbag

 Edroza-Matute, Genoveva. Mga Piling Sanaysay: Tinig ng Damdamin. Maynila:

De La Salle University Press, 1922. Nakalimbag

 Maceda, Teresita Gimenez. Mga Tinig Mula sa Ibaba: Kasaysayan ng Partido

Komunista ng Pilipinas at Partido Socialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955.

Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1996. Nakalimbag.

 Richardson, Jim. The Light of Liberty: Documents and Studies on the Katipunan,

1892-1897. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2013.

Nakalimbag.

 Rafal, Mark Joseph. "Mula Tula Hanggang Dula: Ang Panitikang

Mapanghimagsik sa Panitikang Pilipino" Kawing 1.2 (2017): 73-93 Polytechnic

University of the Philippines.

16
 San Juan, David Michael. "Kaisipang Nasyonalista at teoryang Dependensiya sa

Edukasyon: Ideolohikal na Kritik ng Programang K to 12 ng Pilipinas." Malay,

26.1 (2013): 96-120. Nakalimbag.

 ---. "Kapit sa Patalim, Liwanag sa Dilim: Ang Wika at Panitikang Filipino sa

Kurikulum ng Kolehiyo" Hasaan, 2014 Pamantasang Dela Salle - Maynila

 ---. "Bigwas sa Neoliberalismo, Alternatibo sa Kapitalismo: Adbokasing Pangwika

at Sosyolistang Programa sa Nobelang Mga Ibong Mandarangit ni Amando V.

Hernandez" August 2017, De La Salle University, ResearchGate

 Sison, Jose Maria. "Maikling Kurso sa Lipunan ag Rebolusyong Pilipino" Abril

1980 Pambansa-Demokratikong Paaralan, Ikatlong Edisyon 2015

17

You might also like