Ang sayusay o retorika ay isang uri ng sining na naipapakita sa pamamagitan ng
paggamit ng wika sa paraang pasulat o pasalita. Ito rin ay maihahambing sa
linggwistikal na pananaw kung saan ito ay maaaring maipakahulugan bilang isang pag-aaral patungkol sa kaalaman ng tao sa mga salita, o sa mas malawak na pagtukoy, lenggwahe. Ginagamit ng isang indibidwal ang retorika upang maayos at mabisa nitong maipahayag ang kanyang saloobin patungo sa kanyang tagapakinig na siyang nakatakdang tumanggap ng mensaheng ipinababatid. Bukod pa rito, ang retorikal na paggamit ng wika ay mainam upang maipakita ng isang tao ang kanyang kagila-gilalas na kasanayan sa pakikipagtalastasan. Ayon sa mga impormasyon na nakalap mula sa iba't-ibang aklat, isang mahalagang kaalaman ng pagpapahayag ang retorika sapagkat tinutukoy nito ang angking abilidad na tumutugaygay sa pagsusulat o pagsasalita ng isang tao, bagay na humuhulma sa mga pangunahing kasanayan sa larangan ng komunikasyon. Maaaring rin itong maisambit bilang isang punla ng kahusayan ng isang nilalang sa pagpili ng mga salitang nais niyang iparating. Kung kaya't ito ay isang epektibong paraan ng pakikipagdayalogo. Mula ang salitang "retorika" sa salitang Latinna rhetor, na nangangahulugang "guro" o "mahusay na mananalumpati". Susi ang pag-aaral ng retorika tungo sa mabisang pagpapahayag ng nauukol sa kaiga-igaya at epektibong pagsasalita o pagsulat at isa ring hibla ng produktibong pag-aaral upang makabuo ng mga makabuluhang kaisipan sa pamamagitan ng pili at wastong pangungusap na may maangkop na layunin. Bilang isang sining, isa itong sining na kooperatiba, temporal, limitado at nagsusupling. Ilan sa mga gampanin nito ang pagbibigay daan sa paglinang ng kasanayan sa komunikasyon, pag-aabala, pagpapalawak ng pananaw, pagbibigay- ngalan, at pagbibigay-kapangyarihan.
Sa tradisyunal na pagkilala sa sining na ito, karaniwang iniuugnay ang retorika sa
sining ng pagbigkas at, samakatwid, ay kinakailangang masangkapan hindi lamang ng mga estilo sa pananalita kundi maging sa paggamit ng jestyurs at galaw para maging epektibo at kaakit-akit sa mga taga-pakinig. Kaugnay nito, sinasabi nina William D. Halseyat Emmanuel Friedman (1979) na ang retorika ay isang berbal na agham at humahakdaw pa sa lojic at balarila. Sa pagbibigay-empasis nito sa paggamit ng mga salita bilang epektibong sangkap, ang retorika ay nakatuon sa maaring magawa ng mga salita at hindi sa kinakailangang istraktura o ayos ng mga salita sa isang pahayag. Ang binibigyan-priyoriti sa retorika ay kalayaan sa pagpapahayag at hindi ang mga panuntunang ipinagbabawal ng lojic at balarila. Maaring sabihing sa retorika, ang mahalaga, unang-una ay ang epektibo at ang magandang pagapaphayag, bago pa ang lojic at balarila. Hindi sapat ang maging wasto lamang ang ayos ng mga salita sa loob ng isang pangungusap. Kailangang mahigitan pa ang mga ito sa pamamagitan ng maganda at mabisang pagpapahayag na magagawa lamang ng isang malikhaing manunulat sapagkat siya’y may kakayahan sa paggamit ng mga salita bukod sa may kinalaman sa mga prinsipyo ng retorika at ng mga sangkap nito. Kaya hindi nga kataka-taka kung bakit ang mga nasa mass media ay mahuhusay; sa pamamagitan ng alam nilang mga sangkap ng retorika, namamanipuleyt nila ang isispan ng kanilang mga tagapakinig at mambabasa sa pamamagitan lamang ng paggamit nila ng mga salita.