You are on page 1of 3

ISANG MATANDANG KUBA SA GABI NG CAÑAO

Simplicio Bisa

Dumating ang matandang iyon sa pagkakataong hindi inaasahan. Isa iyong matandang
kubang papilay-pilay na lumapit at naupo sa nakatumbang lusong. Walang makapagsabi
kung sino siya at wala namang nag-aksaya pa ng panahong mag-usisa. Ang totoo’y hindi
siya ganoong napag-ukulan ng pansin kung hindi lamang siya nadagil ng mga katutubong
nagkakatuwaan pa sa paghabol sa iaalay na baboy kaugnay ng idinaraos nilang cañao.
Isang tanging piging iyon upang mag-alay ng Kabunian, ang pinakadakilang bathala.
Kanina, sa pagtungo sa Lifu-o sa kaingin, ay nakakita siya ng isang uwak sa gitna ng daan.
Iyon ay isang masamang pangitain. Bumalik na siya sa kanilang ato. Ipinasiya ni Lifu-ong
tawagin ang mga intugtokan Ibig niyang magdaos ng cañao. Ibig niyang ganapin iyon sa
kanilang af-fong.
Ang pagdiriwang na ganito ay laging may nabubuhay na gunita sa lahat, lalo na sa
matatanda – binubuhay ng mga tunog ng gangsa at ng pag-awit ng mga am-ama sa ay-
ayeng. Ang alingawngaw ng mga tugtuging ito na nagliliklik sa mga labis, sa mga libis, sa
mga burol, at sa mga bundok ay tibok ng buhay sa pook na iyon; sa idinaraos na cañao
nakatuon ang pansin ng nakauunawa sa kahulugan niyon: pagkakasal kaya, pagsilang,
pagtatanim, pag-aani kaya, pakikidigmaan, paghinging-biyaya, paghinging-patnubay,
pagkamatay kaya ng isang katutubo? At dinadaluhan nila ang mga ganitong cañao at
naiisip niya ang matandang kubang iyon ay isa sa naakit na dumalo; isa ring intugtukon sa ili
na sumakop sa ato nila.
“Ama,” pumukaw ang tinig ni Sabsafung. “Ihahanda ko na ang mga tappey at fayas.”
Binalingan ni Lifu-o ang anak na nakalapit na nang hindi niya namamalayan. Sa makulay
nitong lufid na nabibigkisan ng wakes, naisip niyang isang tanging cañao ang idinaraos.
Naiiba ang ganda ng anak niya ngayon. Makintab ang buhok nito na sinusupil ng ap-pong.
Sa malikot na liwanag ng mga sulo at siga, ang fatek sa braso, balikat, at leeg ng anak ay
naging magagandang guhit na hindi makapgkubli sa katotohanang dalaga na rin ang
anak; malusog na ang dibdib nito na naiitiman din ng iginuhot na fatek. Naisip ni Lifu-o:
makatutulong na sa kanya ang anak sa pangangasiwa sa pagtatanim at pag-aano sa
kanilang kaingin... at sa pagdaos ng cañao.
“Ihanda mo na... Tulungan mo ang iyong ina...”
Bigla ang bulalas na sigawan. Hinahabol ng mga kabataang Igorot ang baboy na
papatayin sa cañao. Sa paghahabulan ay napadako sa lusong na kinauupuan ng
matanda. Sa biglang daluhong ng mga nagsisihabol, natumba ang lusong kasama ang
matandang kuba.
Natanaw ni Lifu-o kung paano tinulungang makatayo ang matanda. Muli itong naupo sa
lusong. Sa saglit na iyon, may nakita si Lifu-ong na tila kakaiba – pang-akit wari sa katauhan
ng matanda. Nagsalita iyon “Bayaan na ninyo ako...”

Nakiumpok si Lifu-o sa mga intugtukon. Siya’y nag-iisip. Ang mga ama-ma ay umaawit na
ng ay-ayeng – malalakas at nananawagan: Iligtas kami sa anumang panganib... Iligtas
kami sa mga kapahamakang darating, Kadakilaan... O, Kabunian!
Sa kalooban ni Lifu-o’y naroon din ang piping dalangin: Bigyan mo, Dakilang Kabunian, ng
masaganang at mahabang buhay ang mga nasa ato sa iling ito.
Napatay na ng matatanda ang baboy at kasalukuyang idinadarang na sa apoy. Mamasid-
masid lamang ang matandang kuba sa pagkakaupo. Nahiwalay na siya sa karamihang
ngayo’y nakapaligid sa kinakalusang baboy. Ang ningas ay kumain na sa tinipong kahoy;
mga baga na lamang iyon ng sigang kangina’y nakatanglaw sa matanda. Nasa dilim na
siya...
Binalikan ni Lifu-o ang matanda.
“Doon ka am-ama. Makiisa ka sa amin.”
“Babalik din sila rito...”
“Ibig mo bang ngumata ng tabako habang naghihintay?”
Dumukot si Lifu-o sa nakasuklob na tinuod at iniabot ang nakabilot na tuyong dahon ng
tabako.
“Salamat... Ngunit bumalik ka na roon.” Itinaboy siya ng matanda.
Bumalik na nga si Lifu-o sa bahay. Kailangang naroon siya sa pagdaraos ng ritwal.
HInahanap na nga siya.
“Nasaan si Lifu-o?”
“Si Lifu-o?”
“Lifu-o...”
Bumalik pagkaraan ng mga sandali ang lahat sa labas ng bahay na malapit sa binubuhay
na mga siga... bumalik silang masasaya... at lumalakas ang awitan... ang tunog ng gangsa,
ng kalos, ng koongan.
“Nasiyahan ang mga anito... ang apdo ng baboy ay nakaturong palabas...”
“Tuhugin sa patpat... suksok sa bubungan... sa malapit sa pintuan!”
“Magbibigay ng magandang kapalaran ang mga anito sa patnubay ni Kabunian...!”

“Dulutan ng karne ang mga anito: ilagay sa kiyag... paanyayahan muna ng panalangin!”
“Lifu-o,” bahagyang nagulantang ang tinawag. Idudulot na ang tap-pey, Lifu-o.” Nasa tabi
na ni Lifu-o ang asawang si Napat-a.
“Oo... Oo, Napat-a.”
Dinulutan din ni LIfu-o ang matandang kuba. Inilagay sa isang kiyag ang karne at ang kanin.
Noon nagsalita ang matandang kuba sa isang makapangyarihang tinig na naririnig ng
lahat. Ang pagdiriwang ay natigil. Ang tunog ng gangsa ay napipi at ang mga katutubo ay
bumaling sa biglang nagsalitang matanda. Ngayo’y natitiyak na ni Lifu-o na ang tinig ng
matanda ang higit na makatatwag-pansin.
“Ang idinaraos ninyong Cañao ay bibiyayaan ng mga anito, Dininig iyan ni Kabunian.
Ngayon ay ibig kong maghandog ng aking alaala.” Ang tinig niya’y malamig, tila
dumarampi sa hubad nilang katawan – pinatitindi ng malamig na simoy na itinataboy ng
mga puno ng pino at hindi makabawas ang salab ng ningas ng siga. Naging lalong malilikot
ang liwanag ng mga sulo; lumikha iyon ng mga anino sa dingding ng mga nakapaligid na
tahanan ng mga Igorot – lumaki – lumiit – nagtatanghal wari ng isang mahiwagang sayaw.
Samantala, ang tinig ng matanda ay tila nanunuot sa kaibuturan.
“Takluban ninyo ako ng isang malaking kawa at ipagpatuloy na ninyo ang cañao. Huwag
ninyong gagalawin ang pagkakataob sa akin ng kawa.”
Sumisigaw ang isip ni Lifu-o:
“O kabunian, kung ito’y palatandaan ng isang ipagkakaloob na magandang biyaya,
tulungan mong mapaayon sa katwiran.”
Nagsasalita pa ang matanda. “Sa ikatlong araw, isang kahoy ang masusupling. Huwag
ninyong gagalawin ang puno. Ang magiging bunga lamang ang maaari ninyong pitasin...”
Iyon ay isang pagsubok. Dumating ang matandang iyon sa isang pagkakataong hindi
inaasahan. Isa iyong matandang kubang pipilay-pilay na lumapit at naupo sa
nakatumbang lusong. Ngayo’y nakapangyayari na ang kanyang katauhan.
Isang matipunong Igorot ang kumuha ng kawang hiniling niya. Ang mga intugtukon, ang
mga matatalinong matatanda ng ato, ay napatatangay wari sa isang nagaganap na
mahiwagang pangyayari – buong pag-aalang-alang na inakay ang matanda at dinala sa
tabi ni Lifu-o sa gitna ng pinagdarausan ng cañao; ang ay-ayeng ay inaawit nang muli; ang
mga gangsa ay unti-unting sumisigla sa nalilikhang tugtugin...

Naupo na ang matanda, taglay ang mga plato ng pagkain. Sa hudyat ni Lifu-o, dahan-
dahang itinaklob ang kawa. Lumakas ang awitan, ang ay-ayeng; bumilis ang pagtugtog sa
mga gangsa. Sa dibdib ni Lifu-o, malakas din ang pintig ng puso. Iyon din ang pintig ng
buhay na naghahari sa kapaligiran.
Sa SILANGAN pumupusyaw na ang liwanag at nagkakahugis na ang mga puno ng pino.
Sa magkabilang tabi ni Lifu-o ay ang walang katinag-tinag na si Napat-a at si Sabsafung. Sa
malapit na nakataob sa kawa ay nakapaligid ang mga katutubo. Ang hubad nilang
katawang nasisikatan ng araw ay nangingintab sa pawis. Magkahalong damdamin ng
pananabik at pangamba ang nakalarawansa mukha ng lahat. Samantala ang mga am-
ama na kinabibilangan ng mga intugtukon ay bumubulong ang mga pangamba. Sa itaas,
humuni ang isang ibon.
“Ito ang itinakdang araw ng matanda, ama,” pagaw wari ang bahagyang nagkatinig na
anak; gumulantang iyon kay Lifu-o. “Hindi ka ba natatakot, ama...? Ha, ina...?”
“Sabsafung...” Halos bulong iyon ng ina. Pinisil nito ang hinawakang kamay ng anak.
Nararamdaman ni Sabsafung ang lamig niyon.
“Bakit kayo matatakot, ha, Sabsafung? Ha. Napat-a?” Pumayapa ang tinig ng ama ngunit
ang kanyang lalamunan ay nanuyo. Lumunok si Lifu-o. “Pangako niyang handog ito.”
“Oo nga, Lifu-o...”
“Oo nga, ama...”
Kinabig ni Lifu-o ang balikat ni Napat-a at ni Sabsafung. Ang init ng katawan ay
magpapadaloy ng mainit na dugo.
Humudyat si Lifu-o . Itinaas na ang kawa. Apat na matitipunong Igorot ang lumapit sa kawa.
Ngunit...
“Apu Lifu-o, nagkalamat ang kawa...!”
“May nag-uusbong na halaman...”
“Kakaibang halaman...”
“Tugtugin ang mga gangsa... nang malakas na malakas... nang mabilis na mabilis...”
“Awirin ang ay-ayeng...”

“Manalangin...! Manalangin...!”
Sila’y nangangayupapa. Nananalangin. Nag-aawitan. Sa saliw ng gangsa. Palakas nang
palakas. May nagsisindak – mga lalaki, mga babae, mga bata, matatanda.
Sapagkat kadakilaan... o, Kabunian...! Isang halamang ginto ang tumutubong ito.
Natutop ni Lifu-o ang dibdib. Ang pintig niyon ay nagpapayanig sa kanyang katauhan. .
“Ginto! Puno ng ginto!” Ang sigawan ay di-magkamayaw – nangibabaw na sa awitan, sa
tum-tum-tum ng mga gangsa; samantala, pataas na ng pataas, palago na nang palago
ang puno. Sa sikat ng araw, ang makikinabang at makislap na kataasan ay sumisilaw sa
lahat.
Biglang-biglang, nahinto ang tugtog... napawi ang awit... napipi ang mga panalangin.
Si Sabsafung na ang unang kumilos. Tila sa isang panaginip, lumakad itong papalapit sa
puno ng ginto. Ang kinang ng puno sa paningin ni Lifu-o ay lalong nagpaningning sa
kagandahan ng anak. Ihahabi ni Napat-a si Sabsafung ng damit na ginto. Sinundan ni Lifu-o
si Sabsafung. HInaplos-haplos ni Sabsafung ang puno; hinaplos-haplos ni Lifu-o ang puno.
Ang sumusunod ay marami pang sandali ng pagpanaw ng lahat ng muni, pagkatapos ay
pagkalimot, pagkatapos ay pagliwanag sa isip ng isang katotohanan... at ang
pagkaunawa: ginto... ginto... kayamanan... kayamanang ginto...
Si Sabsafung ay kumilos; si Lifu-o ay kumilos; si Napat-a ay napahakbang na palapit sa
puno... at bigla, gumulantang sa paligid ang naghunos na damdamin. Namuo ang
sigawan. Nagkabuhay ang paligid sa maiilap na lundagan. Ang iba pa, ang lahat-lahat –
tila may isang mahiwagang kamay na nagtulak – ay nakahagip ang anuman...
Ang puno ng ginto ay dinumog. Hawak ang matatalim na bakal, tyinaga, tinapyas, binali-
bali. Pinagtutuklap ang puno. At sila’y nag-aagawan, nagtutulakan, nagsasakitan na,
nagsisipaan, nagkakabalian ng buto.
Patuloy sa pagtaas sa pagyabong ang puno; patuloy rin ang pagkaubos ng katawan ng
puno. Bumibigat na ang yumayabong at patuloy na tumataas na puno.
Bago nagawang dumapo ng isang ibong nabighani ng kakinangan ng kahoy, tila
lagunlong ng ibinuhos na ulan, ang puno ay nabuwal. Bumagsak ang mahiwagang kahoy.
Sa kinabuwalan, anino yata iyong pinawi ng higit na makinang na liwanang ng araw.
Umugoy ang mga sanga ng mga kalapit na puno ng pino. Sa malayo, narinig ang bahaw
na huni ng uwak.Huhukayin ninyo mula ngayon ang ginto... Bulong ba iyon ng hangin? Hindi
alam ni Lifu-o. Naisip niya ang matandang iyong dumating sa isang pagkakataong hindi
inaasahan, ang matandang kubang papilay-pilay na lumapit at naupo sa nakatumbang
lusong...

You might also like