Sa pagtuturo at pagkatuto ng wika, hindi sapat na matutuhan lang ang mga
tuntuning panggramatika. Ang pangunahing layunin sa pagtuturo ng wika ay magamit ito nang wasto sa mga angkop na sitwasyon upang maging maayos ang komunikasyon, maipahatid ang tamang mensahe, at magkaunawaan nang lubos ang dalawang taong nag-uusap. Kapag umabot na rito, masasabing ang taong ito ay nagtataglay na ng kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence at hindi na lang basta kakayahang lingguwistiko o gramatikal kayâ naman, siya ay maituturing na isa nang mabisang komyunikeytor.
Ang terminong kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence
ay nagmula sa linguist, sociolinguist, anthropologist, at folklorist mula sa Portland Oregon na si Dell Hymes noong 1966. Nilinang nila ng kasamahan niyang si John J. Gumperz ang konseptong ito bilang reaksiyon sa kakayahang lingguwistika (lingguistic competence) na ipinakikilala naman ni Noam Chomsky noong 1965. Ayon sa orihinal na ideya ni Hymes, ang nagsasalita ng wika ay hindi lang dapat magkaroon ng kakayahang lingguwistika o gramatikal upang epektibong makipagtalastasan gamit ang wika. Nararapat din niyang maláman ang paraan ng paggamit ng wika ng lingguwistikang komunidad na gumagamit nito upang matugunan at maisagawa ito nang naaayon sa kanyang layunin.
Simula nang maipakilala sa diskursong panlingguwistika ang konsepto ng
kakayahang komunikatibo, maraming pag-aaral at mga mungkahi na ang inilabas ng mga dalubwika patungkol dito. May ilang nagsasalungatang ideya, gayumpaman, sa huli’y nagkaisa silá na ang isang taong may kakayahan sa wika ay dapat magtaglay hindi lang ng kaalaman tungkol dito kundi ng kahusayan, kasanayan, at galíng sa paggamit ng wikang naaangkop sa mga sitwasyong pangkomunikatibo. (Bagarić, et. al. 2007) Sa pagtatamo ng kakayahang pangkomunikatibo, kailangang pantay na isaalang-alang ang pagtalakay sa mensaheng nakapaloob sa teksto at sa porma o kayarian (gramatika) ng wikang ginamit sa teksto (Higgs at Clifford 1992).
Naniniwala naman si Dr. Fe Otanes (2002), na ang paglinang sa wika ay
nakapokus sa kapakinabang idudulot nito sa mag-aaral, na matutuhan ang wika upang silá ay makapaghanapbuhay, makipamuhay sa kanilang kapwa, at mapahalagahan nang lubusan ang kagandahan ng búhay na kanilang ginagalawan. Sa kabuoan, pangunahing mithiin sa pagtuturo ng wika na makabuo ng isang pamayanang marunong, mapanuri, kritikal, at kapaki-pakinabang.
Ang kakayahang pangkomunikatibo ay sumasakop sa mas malawak na
konteksto ng lipunan at kultura—Ito’y ang wika kung paanong ginagamit at hindi lang basta ang wika at mga tuntunin nito (Shuy 2009). Bilang isang lingguwista, binigyang-diin ni Dr. Hymes sa kanyang mga katrabaho ang pag-uugnay ng kultura sa wika. Ito’y isang kakaibang pananaw sa panahong siya’y nagsisimula pa lang sa kanyang karera noong mga hulíng taon ng 1950’s subalit hindi siya nagpatinag sa paniniwalang sa pagpapahayag ng mga tao’y gumagamit sila nang higit pa sa salita. Sa kasalukuyan, ang pananaw na ito ay tanggap at ginagamit na sa pag-aaral ng wika sa iba’t ibang panig ng mundo kasama na ang ating bansa. Isang pagpupugay para sa dakilang lingguwistang sumalungat sa nakasanayan at nagbigay nang higit na kahulugan sa paraan natin ng pagkatuto ng wika.