You are on page 1of 23

Pagsusuri ng Popular na Midya Gamit ang Ilang Perspektibo at

Teorya sa Araling Pilipino


ABSTRACT


Ang popular na midya sa kasalukuyan ay di matatawaran ang

impluwensiya sa mga mamamayan. Di maitatanggi na ang mga tao ay

nabubuhay sa isang panahon kung saan napakabilis ng palitan ng

impormasyon, at tila ang lahat ay nakadepende rito. Ang mga

kabataan ngayon ay ipinanganak at nabubuhay sa panahon ng

makabagong teknolohiya at nakadepende rin sa internet bilang isang

normal na bahagi ng kanilang pamumuhay, bukod pa sa radyo,

pahayagan, at ang tanyag na telebisyon.


Ayon na rin kay Marshall MacLuhan (1964), ang paraan ng pagbibigay

ng mensahe, o ang midyum, ang siyang mismong mensahe na rin. Gamit

ang malawak na komposisyon ng midya mula sa pahayagan, radyo at

musika, telebisyon, at ang makabagong internet, mahihinuha ang mga

mensaheng nais iparating ng popular na midya sa tao, o ang motibo

sa likod ng midya. Ano nga kaya ang nais iparating ng midya sa mga

tao? Ano kaya ang mga natatamong mensahe ng mga tao sa midya? Ano

kaya ang epekto ng mga mensaheng hayag o nakakubli sa mga

mambabasa/tagapakinig/manonood/user?


Iyan ang ilang katanungang nais sagutin ng pag-aaral na ito. Gamit

ang mga perspektibo at teorya sa Araling Pilipino, susubuking

1
suriin ng papel na ito ang estado ng popular na midya sa

Pilipinas. Gamit ang mga teorya gaya ng Pantayong Pananaw,

Unitaryanismo, teorya ng modernisasyon, Pilipinolohiya,

structuralism, at iba pa. Kabilang na rin ang pagsilip sa paksa

gamit ang mga perspektibo gaya ng mga kaugaliang Pilipino, mga

platapormang politikal, at historyograpiya. Iisa-isahin ang mga

ipinaparating na layunin, at tuwiran o nakakubling mensahe, ng

iba't ibang bahagi ng popular na midya -- gaya ng pahayagan, radyo

at musika, telebisyon, at ang internet.


INTRODUKSYON


Bilang isang taong nabubuhay sa ika-21 siglo, hindi maiiwasan ang

paggamit ng iba't ibang uri ng midya sa araw-araw na bahagdan ng

buhay. Mula sa iba't ibang babasahing pampahayagan, mga

pinakikinggang musika at programa sa radyo, ang talamak na

panonood ng telebisyon, at ang patuloy na sumisikat at

interaktibong internet.


Gayumpaman, ang mga midyang ito ay nagbibigay ng impormasyon sa

isang mabisang pamamaraan na hindi maikakailang maimpluwensiya sa

mga taong gumagamit o komokunsumo nito. Isa itong mabisang paraan

upang ikalat ang impormasyon at paniniwala kahit na ito ay

maituturing na mabuti o hindi para sa mga tumatanggap nito. Ito

ang dahilan kung bakit ang midya ay madaling pasukan ng mga teorya

2
ng mga tao, upang gawing mabuti ang masama, at ang masama bilang

mabuti.


Sa ganitong kadahilanan, nais pag-aralan ng papel na ito kung ano-

ano ang mga nilalaman ng kasalukuyang mga bahagi ng midya at kung

ano ang mga posibleng epekto nito sa mga tumatanggap ng midya sa

pamamagitan ng pagtukoy ng ebidensya ng iba't ibang teorya at

pananaw na ginagamit sa araling Pilipino.


Layunin ng pag-aaral na ito na alamin ang mga nilalaman apat na

pangunahing bahagdan ng popular midya -- ang mga babasahing

pampahayagan kabilang ang mga diyaryo, tabloid, magasin, at iba

pang babasahin sa labas ng internet; pangalawa ang mga musikang

pinakikinggan sa radyo at mga palatuntunang nasa radyo rin mapa-AM

man o FM; pangatlo, ang mga programa at istratehiya ng

pagpapatalastas at pagbabalita sa telebisyon; pinakahuli naman ang

panibangong uri ng midya, ang internet. Ang nilalaman ng bawat

bahagdan ng midya na ito ay itutugma at aanalisahin upang matukoy

kung ano ang mga teorya ng araling Pilipino na sinasadya man o

hindi na matatagpuan sa pangunahing bahagdan ng popular na midya.


Ang mga impormasyong ito ay masusumpungan sa pamamagitan ng isang

metodo, ang pananaliksik (archival research) at pag-intindi ng mga

teorya at perspektibo o pananaw na gagamitin sa pagtalakay

analisasyon sa iba't bahagdan ng popular na midya. Sa ganitong

paraan, ang pag-aaral na ito ay nalilimitahan ng mga pananaw at

3
kaalaman ng mananaliksik, at maaaring mapaghusay sa hinaharap sa

pamamagitan ng mga case study at pakikipagpanayam sa mga tao o

korporasyong namamahala sa mga uri ng popular na midyang ito. Isa

pang nakapagpalimita ng pag-aaral ay ang oras ng pag-aaral na sa

hinaharap ay maaaring pang mapahaba. Gayumpaman, ang mananaliksik

ay gagawin ang lahat upang maipresenta ang kritika ng kasalukuyang

mukha ng popular na midya sa Pilipinas sa lente ng mga perspektibo

at teorya ng araling Pilipino.


Ang sumusunod ay ang mga teorya o pananaw ng araling Pilipino na

gagamitin sa pag-aaral, pati na ang teoryang pagbabatayan ng pag-

aaral na ito na binuo ni Marshall MacLuhan, na kailangan din

munang maintindihan upang mas maging komprehensibo at makabuluhan

ang analisis na gagawin sa mga bahagdan ng popular na midya.


Taong 1964, ipinahayag ni Marshall MacLuhan ang kanyang teorya,

kilala bilang ang MacLuhan Equation, na naglalaman ng katagang

"the medium is the message". Upang mas maintindihan ang kanyang

teorya, binigyan niya ng kahulugan ng mga salitang ginamit niya sa

kanyang equation -- ang medium, at message, o mensahe.

Ang medium ayon kay MacLuhan ay isang extension o karugtong na

bahagi ng isang tao, gaya ng isang martilyo na nagiging karugtong

ng ating katawan, at may kakayahang gawin ang mga bagay na hindi

kayang gawin ng ating mga katawan lamang. Sa ganitong bisa, sinabi

ni MacLuhan na ang medium ay isang paraan upang magpakita ng

4
extension o karugtong na bahagi ng ating kaisipan o damdamin, at

maiparating ito sa kamalayan ng iba.

Ang mensahe naman, ayon kay MacLuhan,ang mensahe ay isang

pagbabago sa "scale", "pace", o "pattern" at nagpapakilala sa mga

tao sa pamamagitan ng isang makabagong imbensyon o inobasyon. Ito

ay di nakatuon sa nilalaman o sa inobasyon, kung hindi, ang

mensahe ay nakatuon sa "inter-personal dynamics" na dala ng

inobasyon o imbensyong yaon. Halimbawa, ang isang palabas sa

teatro, ang mensahe ay hindi ang mismong palabas ngunit ito ay ang

pagbabagong dala ng palabas sa kaisipan ng mga manonood, o

pagbabago sa lugar na pagdarausan ng palabas sa teatro gaya ng

pagdami ng mga turista dahil sa ipalalabas sa teatro.

Bagkus, ang kahulugan ng equation ni MacLuhan ay simple; maaaring

matasa ang kalikasan at katangian ng mga bagay na ating nililikha

(medium) sa pamamagitan ng mga pagbabagong (message) dinudulot

nito (Federman, 2004).


Gamit ang MacLuhan Equation tatasahin at tutukuyin ang mga

pagbabagong dinudulot ng mga bahagdan ng popular na midya (medium)

at hahanapin ang kanilang naidudulot na pagbabago sa pananaw o

kaisipan ng mga tao, at sa kanilang kapaligiran (message)upang

matukoy ang kinalaman ng mga ito sa mga pangunahing teorya o

pananaw sa araling Pilipino.


Ilan sa mga pananaw o teoryang gagamitin sa pag-aaral na ito ay

ang sumusunod:

5
1. Pantayong Pananaw - Ang pantayong pananaw ay isang teoryang

itinaguyod ni Zeus Salazar na tumutukoy sa kaisipang pumapaloob

sa isang lipunang may closed circuit (tayo) na may sariling

pagpapalitan at interaksyon ng kaugalian, tradisyon, konspeto,

kaisipan, at ibang bahagi ng kultura na nagaganap sa pamamagitan

ng isang uri ng code o pamamagitan -- iisang wika (Salazar,

1989). Ito rin ay maituturing na katutubo, katangi-tangi, at ang

katotohanan -- na ang mga bagay ay dapat tinitingnan sa pananaw

na Pilipino, at iwinawaksi ang lahat ng anumang dulot ng mga

dayuhan sa purong katutubong Pilipino na may taal na

pagkakaunawa sa pagiging Pilipino.

2. Sikolohiyang Pilipino - Malaki ang impluwensiya ng pantayong

pananaw sa mga pansariling pananaw ni Virgilo Enriquez sa

sikolohiyang Pilipino. Ayon sa kanya, ang sikolohiyang Pilipino

ay mayroon dapat oryentasyong Pilipino na nagbibigay ng esensya

o kabuluhan dito. Tulad ng pantayong pananaw, ayon sa

sikolohiyang Pilipino, nararapat tingnan ang mga bagay-bagay sa

mga pananaw na may katutubong Pilipino at malayo sa kaisipang

pandayuhan. Isang halimbawa ang mga kaisipang kanluranin na

nagbabalat-kayo bilang kaisipang unibersal (dahil ang isang

teoryang pang-agham gaya ng sikolohiya ay dapat unibersal) ay

dapat isiwalat at talkdan upang maabot ang isang purong

sikolohiyang Pilipino na nagmula rin sa kaisipang Pilipino.

3. Pilipinolohiya - Ito ay ang pag-aaral ng pagiging tao, o

pagkataong Pilipino na isinagawa ni prospero Covar. Isa ring

taga-hanga ng pantayong pananaw ni Zeus Salazar. Ayon kay Covar,

6
ang pagkatao at katauhan ay dalawang magkaibang bagay -- ang

katauhan bilang isang kabasalan o abstract na konspeto, habang

ang pagkatao ay tumutukoy sa kalikasan ng pagiging isang

Pilipino. Dahil sa kaibahan ng dalawang ito masasabing ang isang

katauhan ay maaaring tumukoy sa isang mala-tabula rasa na

konspeto ng tao na panlahat, habang ang pagkatao ay tumutukoy na

mismo sa kaliaksan ng isang Pilipino mismo, na may katiyakan na,

at malayo sa basal na katauhan. Mula rito ay inihalintulad ni

Covar ang isang tao sa isang banga na may labas, loob, at lalim;

sinabi niya rin na ang "konspeto ng loob ay magiging malinaw

kung ilalarawan ito sa konteksto ng sisidlan. Ang sisidlan ay

may loob at labas. Ang loob ay nilalagyan ng laman." -- ang tao

ay nilalagyan ng laman at pinakikilos ng budhi at kaluluawa

(1995). Ipinapakita nito na may mas malalim na konspeto ng

pagkatao sa ilalim ng isang katauhan.

4. Mga Kaugaliang Pilipino - Tila isang kabalintunaan ngunit ang

isang taong nagbibigay kahulugan sa mga kaugaliang Pilipino

(Filipino Values) ay isang Amerikano -- si Frank Lynch. Ayon kay

Lynch (1970), ang Pilipino ay may kaugaliang maisusuma sa ilang

mga bahagi lamang. Isang katangian ng kaugaliang Pilipino ang

SIR o Smooth Interpersonal Relations o ang pagpapanatili ng

mabuting pakikipag-ugnayan sa ibang tao, o kapwa Pilipino, sa

lahat ng pagkakataon. Ayon kay Lynch, may tatlong bahagi ang SIR

-- ang pakikisama, ang "euphemism", at ang paggamit ng mga "go-

between" o mga padrino. Sinabi niya na ang pakikisama ay ang

karaniwang pagtalima at hindi pagsalungat sa kagustuhan ng iba

7
upang mapangalagaan ang mabuting pagsasama ng dalawang

indibidwal o grupo ng indibidwal, gaya ng pamilya. Madalas, ani

Lynch, na ipinaririnig ng mga Pilipino ang mga sagot na alam

nilang inaasahan ng kanilang mga kausap imbis na ibigay ang

katotohahanan. Ang paggamit naman ng euphemism ay tumutukoy sa

hindi pagnanais ng Pilipino na masabihan ng masama ng kanyang

kapwa tungkol sa isang bagay. Ito ay maiuugat pa rin sa

pakikisama dahil samas ninanais pa ng mga Pilipino, ani

Lynch,namaiwasan ang magkasakitan ng damdamin kaya itinatago sa

mga euphemism ang katotohanan. Ang paggamit naman ng mga padrino

ay isang paraan upang maiwasan ang pagkakagulo sa pagitan

ngdalawang tao, o grupo ng tao, at ang padrino ay ang siyang

mamamagitan. Kadalasan, di na matutuloy ang masamang tangka ng

bawat isa sa kanilang mga katunggali o nakagalit dahil sa

padrino na, kunektado pa rin sa pakikisama, ay ayaw masaktan ng

mga taong nagtatalo.

5. Konsepto ng Nasyonalismo - Ayon sa kilalang historyador na si

Teodoro A. Agoncillo (1974), ang nasyonalismong Pilipino ay

kasalukuyan pang naghahanap ng mukha at katauhang Pilipino. Ang

ganitong uri ng nasyonalismo ay masasabi, aniya, na nagmula sa

pananakop ng mga dayuhan at kanilang impluwensiya sa mga

Pilipino, bilang reaksyon ng mga Pilipino, at pagdepensa sa

pagpasok ng kaisipang kanluranin na nakaaapekto sa konsepto ng

nasyonalismong Pilipino.

6. Konsepto ng Modernisasyon - Batay sa pag-aaral, upnag maituring

na isang modernong lipunan ang isang estado ay nararapat na may

8
mga industriyang naitaguyong, organisadong istrukturang

pampamahalaan, malawakang sistema ng transportasyon sa

pamamagitan, di lamang ng mga sasakyan kundi mga imprastuktura

gaya ng naglalakihang kalsada, pier, o paliparan, at

pagpapataas ng lebel ng kaalaman ng mamamayan gamit ang

malawakang pampublikong edukasyon na may pare-parehong layunin

sa pag-aaral, at ang mass media. Gayumpaman, ayon kay Guthrie

(1970) ay may pangangailangan sa pagbabago ng kaisipan ng mga

tao,na ang ito ay makisabay sa pagiging moderno, upang ang

modernisasyon ay mas maitataguyod.


PRESENTASYON AT PAG-AANALISA


Gamit ang mga teorya at pananaw ng araling Pilipino, ipapasok ang

mga ito sa MacLuhan Equation upang suriin ang "medium" at "media"

ng apat na bahagdan ng popular na midya sa Pilipinas -- ang mga

baabsahing pampahayagan, mga musika at programa sa radyo, mga

palabas at paraan ng pagpapatalastas sa telebisyon, at ang

internet.


Mga Babasahing Pampahayagan

Ang mga babasahing Pilipino na maipakikita sa babasahing

pampahayagan ay may ipinapakitang pagkakahati sa mga mambabasa.

Kung papansinin, kadalasang maipakikita ang pagkakahating ito sa

wikang ginagamit sa mga pahayagan -- ang mga broadsheet na

pahayaganay kadalasan, kung hindi palagiang, nasa wikang Ingles,

9
habang ang mga pahayagang tabloid ay nasa wikang Filipino. Dito pa

lamang ay makikita na ang pagtalima sa kaisipang kolonyal o

dayuhan na maiuugat sa pagpili ng wikang Ingles para sa mgataong

maituturing na edukado o mayayaman, at ang Filipino para sa mga

karaniwang tao o mga taong may kakulangan sa edukasyon at sa

materyal na yaman. Ito ay maiuugat din sa presyo ng pagbebenta ng

mga pahayagan -- ang mga broadsheet ay nasa halagang 18 piso ang

isa, habang ang mga tabloid ay nasa 10 hanggang 12 pesos lamang.

Ang sinumang mambabasa ay mahihinuha na pipili ng diyaryong aakma

sa kanyang panlasa batay muna budget na mayroon siya para sa

"pagbabasa", dahil sa taong walang pera o isang tao na ang oras ay

ginugugol sa trabaho, ang pagbabasa pa nga ay maituturing na isang

magarbong gawain. Makikita rin sa mga pahayagan na ito na halos

pareho naman ang kanilang nilalaman sapagkat ang mga korporasying

naglilimbag ng mga diyaryong broadsheets ay may mga diyaryo ring

tabloid upang makuha ang "panlasa" o budget ng taong kokonsumo ng

kanilang produkto. Madalas pa, ang mga tabloid ay gumagamit ng mga

salitang balbal o slang na kadalasang "ginagamit" ng mga taong

bumibili ng tabloid. Mapapansin na ang mga salitang balbal na ito

ay ipinakakalat rin ng mga tabloid sa pag-aakalang ang mga

mambabasa nito ay gumagamit ngang mga salitang gaya ng ginagamit

sa mga ganiting uri ng diyaryo.


Sa ganitong bisa ay makikita ang pagkiling sa wika bilang isang

kasangkapan ng midya upang ikahon ang mga taong kokonsumo sa mga

kategorya ng mayaman o mahirap, may pambili at wala. Ayon sa

10
pantayong pananaw ni Salazar (1989), ang paggamit ng wikang Ingles

ay hindi maituturing na wikang "Pilipino", at ito ang paggamit

nito ay batay sa mga pamantayan ng banyagang marunong mag-Ingles

gaya ng mga Amerikano, at mga Pilipinong marunong mag-Ingles. Ang

mga Pilipinong mas pinipili ang tabloid ay naikakahon sa pag-

aakalang ang mga taong ito ay hindi marunong o gumagamit ng

salitang Ingles, bagaman at upang mas mapalawak ang kanilang hanay

ng mgataong kumukonsumo, ang mga may-ari ng palimbagan ay

nagsisimula na ring maglagay ng mga tabloid sa Ingles.


Isa pa ang isyu ng nilalaman. Kadalasang ipinapasok ang mga "pang-

akit" nilalaman sa mga tabloid upang mas bilhin ng mga tao sa

umpisa pa lamang nilang makita ang mga balitang lilikot sa

imahinasyon ng mga maaaring tagakonsumo. Isang halimbawa ang

paggamit ng mga headline ukol sa isyung pampulitika sa bansa sa

mga broadsheets habang tungkol sa panghahalay ng 14-años na

dalagita o lalaking pinutulan ng ari ang mas ibinabandera ng

tabloid. Ito ay kilalasa taguring tabloidization ni Graeme Turner

(2010). At dahil dito, nakokondisyon ang ating kaisipan upang

isipin ang mga usaping batay sa ating nabanasa --bagkus, ang mga

mayayaman ay tatalakay sa usaping pampolitika, at ang mga

mahihirap na masnakararami sa bilang, kung bibili man ng tabloid,

ay mapag-uusapan ang mga krimen na ginawang tila tsismis.*


*Batay sa Agenda-Setting Theory ni McCombs at Shaw.

11
Gayumpaman, may sa kabila ng mga usaping ito, at mga magasing

kadalasan ay pulos Ingles, may isang magasing Filipno ang wika na

ginagamit -- ang magasing Liwayway. Malaki ang impluwensiya ng

magasing ito, at mga kapatid na magasin sa ibang pangunahing wika,

at ipinapamahagi sa ibang bahagi ng Pilipinas (mayroong Ilokano,

Bisaya, at iba pa) sa sikolohiyang Pilipino dahil dito lumalabas

ang mga kaisipan, na bukod sa balita, ay makikitang sumasalamin sa

buhay Pilipino. Ang kanilang mga inililimbag ay may espesipikong

pormula, batay na rin sa karanasan ng mananaliksik, na gusto

nilang iparating sa mga mambabasa gaya ng pag-asa, pagkakaisa,

pag-ibig, at iba pa. Sumakatuwid, ang mgasing kagaya ng Liwayway

ay manipestasyon ng pagkkondisyon sa kaisipang Pilipino sa kabila

ng mga nagaganap sa lipunan.


Programa sa Radyo at Musika

Hindi mailalayo ang mga obserbasyon sa mga programa sa radyo sa

mga obserbasyon sa mga babasahing pampahayagan. Kadalasang

makikita na ang radyo ay may paghahati rin sa mga programang nasa

Ingles at mga nasa Filipino, at may parehong layunin sa

pagkakahati ng tagapakinig nang gaya sa mga babasahing

pampahayagan.

Kung babalikan natin ang pantayong pananaw at ang ang

Pilipinolohiya ni Covar (1995), makikitang ang mga tagapakinig ay

tila mga banga na nilalagyan ng "loob" mula sa impormasyong nasa

radyo. Kung ang tagapakinig ay nakikinig sa mga pormat na mula sa

dayuhan at nasa wikang Ingles, o gamit ang makabagong teknolohiya

12
ay naibo-broadcast pa ang radyo mula sa ibang bansa** ay makukuha

nga ng tagapakinig ang kanyang "loob" mula sa "pansilang"

paninindigan.

Kung sa mga istasyon sa radyo na gumagamit naman ng wikang

Filipino naman ang pag-uusapan, tila kagaya ng mga tabloid na

gumagamit ito ng mga salitang balbal, o pauso nila, upang maging

salitang kolokyal at mai-promote ang kanilang istasyon sa

pamamagitan ng salita. Ang mga prase o salitang pabalbal o pauso

gaya ng "hayahay ang buhay", "kailangan pa ba i-memorize yan", at

iba pa ay nabibigyan ng ibang kulay, at ginagamit ng nga taong

nakikinig ng radyo sa mga istasyong ito. Ang mga taong gumagamit

ng mga salita o praseng ito na kung ituring naman ng iba ay

pabalbal, sa kabalintunaan, tinatawag na "jologs" bilang isang

salitang mapanghusga at discrmininatory.

Sa ganitong bisa, mas nahahati ang lipunang Pilipino sa pagitan ng

dalawang oaksyon sa pamamagitan pa lamang ng pagpili ng midyang

gagamitin sa pang-araw-araw.

Kahit sa mga kantang pinakikinggan, may pagkakahating nagaganap,

at kadalasan mapapansin na mastinatangkilik ng mga tao ang mga

kantang dayuhan kaya natatamo ng mga tagapakinig ang mga

kaugaliang mula sa dayuhan, malayo sa depinisyon ng kaugaling

Pilipino na ibinahagi ni Lynch (1970). Kadalasan ay gumagamit ng

mga salita o linya sa musika na mas prangka, at hindi na gumagamit

ng mga paligoy-ligoy na metapora na maaaring ikonekta sa konsepto

ng SIR upang magpahayag ng saloobin o kaisipan. Dahil din sa

** Isang halimbawa ang palabas sa radyo ng Amerikanong si Ryan Seacrest sa istasyong Magic 89.1
13
pagkalat at pagtangkilik sa dayuhang musika, ang Pilipinong musika

o OPM (Original Pilipino Music) na makikitaan pa ng ilang konsepto

ng pagbubuo ng SIR sa kapwa Pilipino ay nawawala na rin.

Napapalitan ito ng mga kantang mas kagaya ng mga kantang dayuhan,

pati ang pormat at linya upang mas bumenta sa mga tagapakinig.

Kung hindi man, ang karamihan ng mga kantang nasa Filipino, o

ibang pangunahin o bernakular na wika sa bansa, ang gumagamit ng

salitang balbal at mga linyang pang-aliw at kulang sa nilalaman.


Telebisyon

Ang telebisyon, bagaman sa pag-aaral na ito, ay susuri lamang sa

mga programang mula sa free tv at hindi sa mga cable tv, ay

masasabing pangunahin pa ring pinagkukunan ng pagkaaliw, balita't

impormasyon sa bansa (Yahoo-Nielsen, 2013).

Katulad ng sa ibang naunang bahagdan ng midya, ang mga taong may

kakayahan lamang magbayad ang nakapaanood ng mga programa sa cable

tv samantalang ang mga nakararami ay nanonood free tv. Ang

parehong argumento sa pantayong pananaw ay maipapasok rito gaya ng

sa dalawang naunang diskurso.

Gayumpaman, para sa telebisyon, nais pagtuonan ng pag-aaral na ito

ang paggamit ng telebisyon bilang medium ng pagpapalaganap ng

kaisipan ng modernisasyon.

Ayon kay Guthrie (1970), kailangan maiprograma sa kaisipan ng mga

taong nasa proseso ng modernisasyon, ang proseso ng modernisasyon

bilang pagbabago sa kanilang buhay upnag maging matagumpay at

14
upang makisabay ang mga taong ito sa modernidad. Ang ganitong

kaisipan ay kadalasang maipakikita sa mga programa sa telebisyon.

Gamitin na lamang ang mga eksena sa isang telenobelang Pilipino na

tila palasak na. Naipakikita ang kaisipan ng modernidad sa mga

tanawin o lugar na pinagkukunan ng mga eksena sa mga palabas sa

telebisyon, na kadalasan ay moderno at maayos. Pinagtatagpi-tagpi

ang mga kuha ng eksena sa mga magagandang lugar na pinagshu-

shootingan upang bumuo ng isang ilusyon sa manonood na ang

Pilipinas ay nakikipagsabayan sa ibang modernong bansa, o patungo

na roon. Kadalasan rin, hindi mawawala ang mga tauhang may-ari ng

iba't ibang industriya o korporasyon na nakikipagkumpetensya sa

iba pang kumpanya sa isang industriyalisadong bansa. Bagaman at

makikita ang ilang katotohanan sa ilang bahagi ng mga palabas na

kagaya nito,bumubuo pa rin ito ng isang ilusyong malayo sa

realidad at tunay na katayuan ng bansa sa kasalukuyan.

Kung minsan, ang ilusyon ay sumosobra na sa pagpapakita ng mga

representasyon ng mga ilang sektor o bahagi ng lipunang Pilipino.

Isang halimbawa nito ang pagpapakita ng mga taong nasa

marginalised sectors ng lipunan gaya ng IP o indigenous people, at

ilang mga mahihirap na ginagampanan ng mga aktor at aktres na

hindi naman IP o naghihirap.

Ito ay tila sumasalamin sa isang pag-aaral ng kasaysayan mula sa

post-colonial na modelo ng historyograpiya na ginamit ni Renato

Constantino sa kanyang tanyag na librong "The Philippines: A Past

Revisited" kung saan ginamit niya ang modelo na ginamit ng iskolar

na si Ranajit Guha (Chakrabarty, 2000) upang mabigyan ng boses ang

15
mga taong wala sa mga dokumentong pinagmumulan ng kasaysayan. Ang

ginawa ni Constantino ay binigyan ng boses ang mga Pilipinong nasa

mga sulat at dokumentong mananakop -- ang mga taong wala ang hoses

na ito ay tinatawag na abject o subaltern. Sa ganitong bisa, tila

nagkakaroon ng ganitong epekto ang paggamit ng telebisyon sa mga

aktor at aktres na nagbibigay boses at buhay sa mga taong

ginaganapan nila sa mga palabas. Ayon pa nga kay Gayatri

Chakravorty Spivak (1988), sino kaya ang magbibigay ng boses sa

mga subaltern? Sa palagay ng mananaliksik, hindi ang mga artista,

o kahitpa ang mga reposrter sa telebisyon na nagpapakita ng ibang

imahe ng mga taong ito sa ibang paraan.


Internet

Sa bahagi ng internet, ito ay masasabing pinakamahalaga sa tatlong

naunang midya sapagkat ito ay tila kombinasyon ng tatlong naunang

medium. Gamit ang internet, ang mga user o netizen (Hauben, 2000),

ay maaaring gawin ang mga nagagawa ng mga nagagawa sa pahayagan,

sa radyo at sa telebisyon. Ito ay interaktibo at dahil dito, mas

nakahuhumaling sa lahat ng tatlong nauna. Mahihinuha rin na ang

mga obserbasyon sa tatlong nauna ay maaaring maisalamin sa

internet.

Bilang isang midyang panlahat, pagtutonan na lamang ang katangian

ng internet bilang tagapamahagi ng kaisipan o/at ng katauhang

Pilipino sa mundo.

Dahil sa katangian ng internet na kaya nitong mapabilis ang

komunikasyon sa buong mundo, madaling magkaroon ng imahe ang ibang

16
mga bansa sa mga netizen na Pilipino na nakikipagsalamuha sa

kanila, at vice-versa.

Kadalasan, mula sa aktibidad ng mga Pilipino sa internet ay maaari

nang makilala ang mga Pilipino. Kunin na lamang ang mga Pilipinong

gumagamit ng internet bilang paraan ng komunikasyon sa kanilang

mga kaanak. Ang Pilipinas ay isang bansa ng mga OFW, at karamihan

sa mga ito ay may mga pamilyang naiiwan sa Pilipinas. Halos dalawa

sa tatlong bahagi ng lahat ng mga umaalis na OFW ay mga kababaihan

at malaking porsyento nito ang mga nanay. Ayon sa isang pag-aaral,

may mga nanay na OFW na may panibagong paraan o estilo ng pagiging

ina sa kanilang mga anak (Sobritchea, 2007) at nakatutulong ang

internet sa kanilang pagpapatuloy ng isang relasyon na pinahirap

dahil sa distansya. Ayon kay Sobritchea, ang mga nanay ay oatuloy

pa rin bilang mga taong gumagawa ng desisyon sa loob ng pamilya

kahit na sila ay nasa malayo bilang OFWs, para sa mananaliksik,

ang kakayahan niyang ito na masubaybayan ang kanilang mga pamilya.

Tungkol naman sa nasyonalismong Pilipino, makikita na ang mga

Pilipino, bagaman at sinasabi ni Agoncillo (1974) na naghahanap ng

ktangiang tunay na Pilipino ang nasyonalismo ng mga Pilipino,

makikita na sa internet lumalabas ang tunay na marka ng

nasyonalismo sa bansa lalo kung may mga panlilibak na ginagawa sa

mga Pilipino. Ang internet ang nagiging buhusan nila ng sama ng

loob, galak, o anumang damdamin na nais nilang iparating saanman.

Maaaring dahil rin sa paggamit ng internet, naipakita ang

nasyonalismo ng mga tao sa iba't ibang bahagi ng mundo nang

nagkaroon ng malawakang protesta na tinatawag na Million People

17
March noong Agosto 26, 2013 kung saan ang mga tao ay nagpakita ng

pakikisama at pakikialam sa mga usaping panlipunan -- isang

manipestasyon ng pagiging nasyonlasita.


PAGLALAGOM AT PAGNINILAY


Ang medium ay ang mensahe. Tama si MacLuhan sa ganang ang kaisipan

at kapaligiran (mensahe) ng mga tumatanggap ng iba't ibang uri na

midya ay nagbabago dahil dito. Kung minsan nga lamang, ang mensahe

ay mali, isang kabalintunaan, o isang prosesong dapat palitan. Ang

ilan naman ay nararapat palakasin dahil sa mga mabuti at magandang

epekto nito. Sa radyo man, sa pahayagan, telebisyon, o internet,

ang midya ay makapangyarihan upang bumuo ng ilusyon o magpakita ng

realidad sa mga taong tumatangkilik nito.

Mapapansing ang pera ang isang dahilan kaya umiikot ang negosyo sa

larangan ng midya. Naririyan pa rin ang mga midya mula sa mga

malalaking negosyante na lumalamon sa mga midyang mula sa

pamahalaan. Ang mga midyang mula sa pagtataguyod ng pamahalaan ay

maaaring maging napakalakas ng impluwensiya upang linlangin ang

mga mamamamayan at kailangan balansehin ng midyang mula sa mga

negosyante -- ngunit hindi ganito ang nangyayari sa Pilipinas. Ang

midya sa Pilipinas ay pinamumugaran ng mga negosyanteng may

malalaking kumpanya ng midya na pinagkakakitaan ang pagmamanipula

ng impormasyon upang sila ay makabenta ng mga produkto o serbisyo

-- isang di pinakitang bahagi ng midya sa papel na ito, ngunit

18
magandang pagmulan ng kamulatan kung sakalaing magiging

tagapagtangkilik ng anumang uri ng midya.

Ang medium ay ang mensahe, at minsan, binabaliko ang medium upang

ang mensahe ay umayon sa nais ng taong may likha ng medium.


Bukod pa riyan, may mga pagbabago pang dapat pagtuonan sa paksa ng

papel na ito. Ito ang paggamit ng mga teoryang pumaloob sa papel.

Kadalasan ay ang mga teorya ay nagiging mga medium at ang epekto

nito sa kaisipan ngtao ay ang mensaheng nais nito iparating. Isang

halimbawa ang pantayong pananaw. Isang kritiko ang paggamit nito

sa Pilipinas na may hati-hating mga tao hindi lamang sa

heograpikal na antas bilang isang arkipelago, kundi pati na sa

wika at sa kultura. Kung sakaling magiging mapanalig sa teorayang

ito, kailangan bumuo ng isang Pilipinas na may pare-parehong wika

at kailangan patayin ang wika ng ibang mga lugar sa bansa na

magaganap lamang sa pamamagitan sa pagpatay ng gumagamit ng wikang

ito. Isa pa riyan ang paggamit ng wikang Filipino bilang

pambansang wika samantalang ito ay mula lamang sa Tagalog, na kung

susundin man ang salita ni Salazar, hindi makatutulong sa pagiging

isang "code" na magiging pamamagitan sa pagpapasa ng kultura sa

isang pantayong Pilipinas dahilan sa limitado ito sa isang bahagi

lamang.

Ganito rin halos ang introspeksyon ni Ramon Guillermo na hindi

nais limitahan ang pagiging Pilipino sa pook kung saan nasaan

dapat o magiging batayan ng pagiging Pilipino.

19
Isa pa, ang pagkakaiba-iba, ayon kay F. Landa Jocano, ay isang

paraan upang maging isang buong bansa angPilipinas batay sa

kanyang paniniwala sa unitaryanismo na kahit na ang lahat ay may

iba't ibang silbi sa lipunan, ngunit may mga pagkakapareho na

madali rin matuklasan, at sa pangkalahatan ay bubuo ito ng isang

tila-organismong malusog na lipunan, tulad ng mga pagninilay mula

sa isinulat ni Jocano sa kanyang librong Sulod Society (1968) kung

saan makikitang tila ang mga taong nasa gilid ng lipunan ay pareho

rin lamang ng mga taong nasa sentro nito.

Isa pa ring pagninilay tungkol sa paggamit ng mga Ingles na awtor

lalo pa sa kaugaliang Pilipino. Si Lynch ay isang dayuhan na

tumitingin mula sa isang etic na pananaw ngunit ginamit ng mga

Pilipino bilang isang sandigan ng sikolohiyang Pilipino.

Hindi rin maitatanggi ang ginawa ni Constantino sa kanyang

historyograpiyang hiram kay Guha ay may kamalian at tila pag-

iimbento ng nilalaman at tila isang gawa na ng literatura at hindi

kasaysayan. Ang kamaliang ito, sa kasamaang palad ay narereprodyus

sa katauhan ng mga palabas sa telebisyon kagaya ng nabanggit

kangina.


Sa pangkalahatan, masasabing ang midya ay makapangyarihan ngunit

mas makapangyarihan pa rin ang kaalaman ng taong tagapagtanggap

nito. Kung ang lahat lamang ay mabubuksan ang isip sa mga

pagninilay at magiging matalinong konsumer ng midya, malamang ay

magiging mas matalino na rin ang mga tagapagkalat at may-ari ng

20
korporasyong pang-midya upang gumawa ng mga nilalamang may saysay

at kabuluhan.


MGA BATIS

Agoncillo, Teodoro A. 1974. Philippine Nationalism, 1872-1970.

Quezon City: R.P. Garcia Publishers


Constantino, Renato. 1975. The Philippines: A Past Revisited.

Quezon City: Tala Publications.


Covar, Prospero R. 1995. Kaalamang bayang dalumat ng pagkataong

Pilipino. Quezon City: College of Social Sciences and Philosophy

Publications, University of the Philippines-Diliman.


Enriquez, Virgilio G. 1974. Tungo sa kaganapan ng sikolohiyang

Pilipino.


Federman, M. (2004, July 23). What is the Meaning of the Medium is

the Message? Retrieved October 5, 2013 from http://

individual.utoronto.ca/markfederman/article_mediumisthemessage.htm


Guillermo, Ramon G. 2009. Pook at paninindigan: kritika ng

pantayong pananaw. Diliman, Quezon City: University of the

Philippines Press.



21
Guthrie, George. 1970. "The Philippine Temperament" in George M.

Guthrie, et. al, The Psychology of Modernization in Rural

Philippines. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.


Hauben, M. (1996) Chapter 18: The Computer as a Democratizer

"Netizens Netbook", page 3. Retrieved from http://

www.columbia.edu/~hauben/book-pdf/


Jocano, Felipe Landa (1968) Sulod Society: A Study in the Kinship

System and Social Organisation of a Mountain People of Central

Panay. Quezon City: Institute of Asian Studies.


Lynch, Frank. 1970. "Filipino Values" in George M. Guthrie, et.

al, The Psychology of Modernization in Rural Philippines. Quezon

City: Ateneo de Manila University Press.


McLuhan, Marshall. (1964) Understanding Media: The Extensions of

Man. Retrieved October 5, 2013 from http://users.wpi.edu/

~bmoriarty/imgd2000/docs/McLuhan1.pdf


Salazar, Zeus (1989) "Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag" Excerpt

from Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, eds.

Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, Pambungad sa Pag-aaral ng

Bagong Kasaysayan. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000,

55-65. Retrieved October 7, 2013 from http://

www.bagongkasaysayan.org/downloadable/zeus_003.pdf

22

Sobritchea, Carolyn I. (2007) "Constructions of Mothering: The

Experience of Female Overseas Workers" in Theresa Devaseyaham and

Brenda S.A. yoeh, eds. Working and Mothering in Asia: Images,

Ideologies, and Identities. Singapore: National University of

Singapore Press


Spivak, Gayatri Chakravorty (1988) Can the Subaltern Speak? From

C. Nelson and L. Grossberg (eds.) Marxism and the ainterpretation

of Culture. Macmillan Education: Basingtoke.


Turner, Graeme (2010) Ordinary People and the Media: the Demotic

Turn. London: Sage Publications


Census data revisited. (n.d) Retrieved September 5, 2013, from the

International Agenda Setting Conference website, http://

www.agendasetting.com/index.php/agenda-setting-theory

23

You might also like