You are on page 1of 2

Charlette Alessi Inao

2019-46186
Wika I

The Arrival: Ang Komunikasyong Hindi Sakop ng Salita

Wika ang makapag-bubuklod sa lahat. Ang kasabihang ito ay paulit-ulit na nating naririnig
at paulit-ulit nating sinasang-ayunan. Ngunit hanggang ngayon, kahit walang-tigil tayo sa
pagkikilos at pakikipag-talastasan, magulo parin ang mundo. Magkaka-away parin ang mga iba’t-
ibang bansa. Hindi parin magawang magkasundo ng ibang mga kultura’t relihiyon. Hindi parin
napag-buklod ng wika ang sangkatauhan. Tiyak na ito’y nakapagtataka. Ito rin ang nilalaman ng
diskurso sa science fiction film na The Arrival.
Simula pa lamang ng pelikula, ipinakita na nito ang napakaraming paraan kung paano
nangyayari ang komunikasyong hindi berbal. Ang paunahing tauhan na si Louise ay nagpapakita
at nagpaparamdam ng pagmamahal sa kanyang anak sa pamamagitan ng kanyang mahihimbing
na yakap, matatamis na halik, at ang maingat na paghawak ng maliliit na kamay ng bata. Sa
buong takbo ng palabas, napaka raming mga pagkakataon na hindi gumamit ng salita ang mga
karakter upang magkaintindihan. Bukod sa pananalita, gumamit ang mga tauhan ng mga
ekspresyon sa muka, wika ng katawan, at marami pang iba, upang maipahiwatig ang kanilang
mga mensahe. Ngunit ang pagkalarawan ng hindi berbal na komunikasyon sa The Arrival ay tiyak
na mas malalim pa sa pang araw-araw na mga sitwasyong sila’y hindi gumagamit ng salita. Ito’y
kanilang mas naipakita sa pamamagitan ng pag-intindi sa mga “alien” na biglaang dumating sa
kanilang mundo.
Dahil ang mga alien ay isang kulturang hindi nila kilala at naiintindihan, sinubukan ng mga
tauhan na makipag-komunika sa mga ito, upang malaman ang kanilang layunin. Ginamit muna
ng mga tauhan ang kanilang kinalakihang wikang Ingles upang simulan ang kanilang pakikipag-
talastasan. Kahit papano, ang pag-gamit ng mga biswal na imahe ay ang unang nakapag-pukaw
ng tugon mula sa mga alien. Ngunit ang rason kung bakit sila’y nagkaroon ng kaunting
pagkaunawaan ay hindi dahil sa salita, ngunit dahil sa pag gamit ng mga simbolong titik at mga
kumpas na kanilang ikinabit at iniugnay sa mga simbolong ito. Dahil dito, ang mga alien ay
tumugon sa pamamagitan rin ng kanilang sariling simbolo, at nahanap lamang ni Louise ang mga
huwaran na nakatulong sa kanilang pagkakaintindihan. Hindi ito maituturing berbal na
komunikasyon, sapagkat hindi naman nakadisenyo ang kanilang mga utak upang mabigyang-
kahulugan ang magkaibang wika ng isa’t isa. Maitutulad lamang to sa totoong buhay kung saan
tayo’y sumusubok makaintindi ng mga pananaw, intensyon, at mga mensahe ng ibang mga
kultura. Subalit, pinatunayan ng pelikula na hindi sapat ang paghanap ng kung-anumang
pagkakatulad o pagkakahawig ng magkakaibang wika upang umabot sa kumpletong
pagkakaunawaan. Kahit anong gawin nating pagsasalin, limitado parin ang anting malalaman
kung berbal lamang ang paraan ng ating komunikasyon. Ito ang dahilan kung bakit lahat ng tao
sa pelikula, na nakatuon lamang sa teknikal na paraan ng komunikasyon, ay hindi nagkaroon ng
pagkakataon na maintindihan ang mensahe ng mga alien; lahat ng tao bukod kay Louse. At ang
naiibang katangian ni Louise na nagbigay-daan sa kanyang kumpletong pagkaunawa sa mga
alien ay ang kayang pakikiramdam.
Iba-iba man ang mga realidad at pamumuhay ng bawat kultura, iba-iba man ang kanilang
pamamaraan ng pakikipag-talastasan, may mga bagay na hindi nawawala sa bawat tao na tiyak
na makapag-bubuklod-buklod sa sangkatauhan. Ito’y hindi wika. Ito ay ang ating mga damdamin.
Lahat ng tao ay nakakaramdam ng saya, lungkot, o galit. Minsan, may mga damdaming hindi
kayang ilaman ng anumang simbolo o salita, ngunit mga damdaming nakikita sa lahat ng tao, iba
man ang kanilang mga pinagmulang kultura o wika. Ang damdamin ni Louise at ang damdamin
ng mga alien ang natatanging nakapagtatag ng kakaibang koneksyon sa parehong panig, kahit
sa mga panahong hindi na sapat ang mga simbolo at salita. Sa ganitong paraan naipakita ng The
Arrival ang halaga ng komunikasyong hindi berbal. Hindi man ito sakop ng salita, ito ang naging
daan patungo sa pagkaunawaan.
Syempre, hindi ibig sabihin nito na ang komunikasyon ay magiging epektibo sa paggamit
ng damdamin lamang. Ang berbal and hindi berbal na pamamaraan ng paghihiwatig ng mensahe
ay dapat parating magkadikit at magkasama. Ang wika ay dapat gamitin habang tayo’y
nakikiramdam. Masyadong naka limita ang mga kultura sa mundong ito sa kanilang sari-sariling
wika, sari-sariling kasanayan, sari-sariling pagsasalin, at sari-sariling mga tuntunin.
Nakakalimutan natin ang mga bagay na tunay at likas sa sangkatauhan. Kapag ating nilubos ang
paggamit ng parehong berbal at hindi berbal na komunikasyon, sa pamamagitan ng wika, kultura,
at damdamin, baka sakaling may mahanap tayong solusyon sa ating mga problema. Kahit
papano, ito ang solusyong iminumungkahe sa atin ng pelikulang The Arrival.

You might also like