Mobile Legends

You might also like

You are on page 1of 2

Kung hindi ka magpipigil, malululong ka talaga.

Wala sigurong tao ngayon lalo na ang kabataan ang hindi nakakaalam ng Mobile Legends (ML) Bang
Bang, naglalaro man o hindi dahil sa kasikatan nito. Wala namang masama kung maglalaro nito at ng iba
pang mobile games pero katulad ng ibang mga teknolohiya, kailangan ang pagpipigil upang maiwasan
ang mga negatibong epekto nito.

Ang Mobile Legends (ML) ay halimbawa ng isang mobile game katulad ng Clash of Clans, Call of Duty, at
Rules of Survival. Nilikha ito ng Moonton na isang game developer na nakabase sa Malaysia.

Sa isang pag-aaral na isinagawa sa Polytechnic University of the Philippines- Laboratory High School,
wala naman naging masamang epekto ang paglalaro ng ML sa pag-aaral ng mga mag- aaral. Pagdating
naman sa pakikisalamuha, napag-alaman din ng pag-aaral na positibo rin ang epekto nito sa
pakikisalamuha ng mga mag-aaral sa kanilang mga kaklase at kaibigan.

“Nakatutulong po ‘yong paglalaro ng ML kasi strategy game po ito. So parang bonding na rin po naming
magkakaibigan kasi nagtutulungan kaming magkakaibigan para manalo,” paglalahad ni Lee, isang Grade
10 student ng Montessori De Sagrada Familia (MDSF). “Ngayong semester, hindi ako halos nakapaglaro
kasi may research kaming ginagawa. So, kapag aral, aral talaga, saka na ang laro,” dugtong naman ni
Nat-Nat, isang Grade 12 student.

Bagama’t may nagpapatunay na walang negatibong epekto ito sa pag-aaral o pakikisalamuha ng isang
tao, maaari pa rin itong magdulot ng negatibong epekto sa mga naglalaro lalo na kung walang gagabay
sa kanila. Marami pa ring mag-aaral ang gumugugol ng maraming oras sa pag-aaral katulad na lamang ni
James, isang Grade 8 student. “Minsan po ay naglalaro ako ng ML ng 8-12 hours sa isang araw,”
pagtatapat niya.

Ayon kay Mary Joys Mendoza, Counselling and Testing Officer ng MDSF, nalululong ang mga mag-aaral
sa paglalaro ng ML dahil sa ranking feature ng larong ito. “Maraming kabataan ang nalululong sa
paglalaro ng ML dahil ito ay nakakapagbigay ng instant gratification sa kanila. Ito ay isang online game
kung saan ang isa sa mga goal ng player ay tumaas ang kanyang ranking kaya mas nahuhumaling silang
maglaro nito,” paliwanag niya.
Bukod dito, isa pang negatibong nararanasan ng isang manlalaro sa paglalaro ng ML ay ang “trash
talking” na kung saan ay nakakapagsambit ang mga manlalaro ng mga negatibong salita. “Minsan ‘yong
trash talk nila sumosobra. Kaya ‘yong ibang trash talk parang nagiging personal na rin at nagiging sanhi
ng init ng ulo,” kwento ni James.

Pero higit sa lahat, dahil sa labis na paglalaro ng ML, nauubos ang oras ng isang mag-aaral na sana ay
maaari niyang ilaan para sa pamilya. “May times na nagtatampo sa akin at nagagalit ‘yong mama ko sa
akin kasi, puro na lang daw ako ML. Tapos nauubos na lang daw lagi pera ko kasi bili ako nang bili ng skin
ng heroes ko sa ML,” salaysay ni Erick, Grade 7 student.

‘Wag mong Hayaang Kontrolin ka Nito

Limitasyon talaga ang kailangan. Wala namang masamang maglaro ng ML, pero kung hindi pipigilan ang
sarili, maaaring magdulot ito sa pagkalulong hanggang sa mahirap na itong takasan. Tandaan, lahat ng
sobra ay masama.

“Limitahan ang sarili sa paglaan ng ilang oras lamang sa paglalaro nito. Maghanap ng ibang
mapaglilibangan bukod sa paglalaro ng online games tulad ng sports o pakikihalubilo sa pamilya o mga
kaibigan. Kung sa tingin nila ay labis na ang pagkalulong sa paglalaro ng ML mas mabuting burahin muna
ang game na ito at kailangan din ang tulong ng mga magulang upang makaiwas sa pagkalulong sa ML
dahil maaari nilang kunin ang cellphone o gadget sa pag-iwas sa paglalaro,” pagtatapos ni Mendoza.

You might also like