You are on page 1of 65

PEDESTRIAN AT IBA PANG MGA TULA

Gerome Nicolas Dela Peña


PEDESTRIAN AT IBA PANG MGA TULA
Karapatang ari © 2018 ni Gerome Nicolas Dela Peña
geromedelapena26@gmail.com

Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang bahagi ng librong


ito ang maaaring sipiin o gamitin sa anumang anyo at paraan,
maliban na lamang kung may pahintulot sa may-hawak ng
karapatang-ari o kailangang sipiin sa pagsusuri at pananaliksik
pang-akademya.

Pagkilala sa mga aklat na Late–Later–Latest (Mga Hugot


kong Laptrip at Badtrip), Pusuan Mo: An Anthology of
Literary Works for Millennials, at sa antolohiyang Tuwing
Umuulan ng Kataga-Manila kung saan unang lumabas at
nailathala ang ilan sa mga tulang nasa koleksyong ito.

Disenyo ng aklat, larawan, at layout ni Ronie Chua Padao


einor91@gmail.com

Inilimbag sa Pilipinas ng Hinabing Salita Printing Press


hinabingsalitaprinting@gmail.com
+63948-543-9905/+63956-633-6147

ii
Alay sa lahat ng mga patuloy na naglalakbay sa iba’t ibang
pedestrian lane ng buhay

iii
NILALAMAN
INTRODUKSYONv
KUNG PAANONG ANG PAGTULA AY PANANATILING
BUHAY  xii
PEDESTRIAN1
KUNG TUTULA KA SA INTERNET 2
PLATO3
BIYAHE NG JEEPNEY 4
MAY MGA GABI 5
SA MALL 6
PINAKBET8
DEATH NOTE 9
LANGIT10
MALI KA 11
BASO O BOTE 12
LOBONG PUSO 13
BINGIT14
BINARY OPPOSITION 15
TARA, LARO TAYO! 17
HINDI NAMAN LINGID SA AKIN 19
NAKASUSUGAT DIN ANG MGA PATAK NG ULAN 20
LARAWAN21
KUNG NAIS MO AKONG MAHALIN 22
SUICIDE BOMBER 24
HINDI SA PILING NG SALITA 25
ULAN  26
KUNG PAANONG TAHIMIK ANG PAGMAMAHAL 27
PANINGIN29
EKSAM30
ASAHI31
LUMULUHA RIN ANG MGA GURO 32
HINDI LAMANG SA ISIPAN 33
BULAG34
LASOG-LASOG36
HINTAY37
HIT AND RUN 39
PAGTAWID40
PUSAKAL41
MANIBELA42
LATE SUSPENSION 43
TRAFFIC ENFORCER 44
TIMPLA45
SUMPA ANG PAGTULA 46
ANG MAY-AKDA47

iv
INTRODUKSYON
Saksing nagsasalaysay ang pedestrian ni Gerome Nicolas Dela
Peña sa koleksiyong ito na, sa aking palagay, ang siyang naging
tatak niya bilang manunulat na nakikisangkot sa mga usaping
panlipunan sa pagdaan ng panahon.

Hindi lamang naging kasapi si Gerome ng Tanggol Wika,


kundi nagsilbing timon din ng mga guro at estudyante sa
kanyang paaralan para sa pagpapaunlad ng panitikang
makabayan. Sa larangang ito siya nakatanggap ng paggalang.
Sunod namang natanggap siya bilang kandidatong kasapi ng
Kataga-Manila. Laging huli sa kanyang batch, ngunit hindi
nasiraan ng loob, nagpatuloy hanggang sa maging ganap na
kasapi. Sa katunayan, nahuli rin siya sa lunsad-aklat ng aming
antolohiyang Tuwing Umuulan, sa dahilang nagbasa pa siya
ng panayam sa isang kumperensiya sa UP Diliman para sa ika-
200 kaarawan ni Karl Marx.

Ang mga tulang nasa koleksiyong ito ay halos maituturing na


panitikang testimoniyal. Pasalaysay nga ang bitaw ng mga
taludtod. Ang mahalaga’y nailalangkap ang damdamin at
isipan sa realidad. Ano’t ang relasyong pag-iibigan ay relasyong
puno ng kontradiksiyon nang “Huminto ang mga sasakyan
/ subalit nag-unahan naman ang mga luha / sa pisngi dulot
ng iyong nasaksihan.” At hindi maiiwasang maging saksi
sa karahasang nangyayari sa paligid nang “Nakita mo ang
lasog- / lasog na katawan ng isang pusang / kalye na halos
manikit na lamang / sa mainit na aspalto sa tanghaling tapat.”
Silang “hindi / maipinta ang mukha ng mga nakakikita / sa
sawimpalad na bangkay” ay inilarawan niya, hindi bilang
tagalabas, kundi kabahagi sa kolektibong danas.

Kaya naman naiangat na ni Gerome ang pedestrian bilang


isang karakter na nakayayamot patungo sa pagiging tagamasid.
Naglalangkap siya ng mga pambihirang imahen. Gaya na
lamang ng palihim na pag-iikot ng mga plato sa bawat
pamamaalam, gunitang tulad ng isang perlas sa loob ng puting
sobre, at ulo ng makasalanan ang kinagatang mansanas.
Nang ilarawan niya ang pagkamulat ng isang manggagawa
(“Winasak mo ang aliping nasa salamin. / Umagos ang
dugo sa iyong mga mata / subalit nanatiling nakatitig ang
katotohanan”) ay para bang nagpapaalala sa atin ng maaaring

v
mangyari, sakaling magpasiya tayong mag-aklas sa pagkakatali
sa sistema ng pang-aalipin. Binigyan tayo ng mga opsiyon,
gamit ang paghahambing sa pag-inom (“Ilalagay mo ba sa
baso /at dadagdagan ng yelo para mas swabe / ang daloy sa
lalamunan o lalagukin na lang / sa mismong bote ang alak na
nasa harapan.”). Sa huli, nasa atin na ang pagpapasiya kung
paano tayo kikilos.

Mark Angeles
Ganap na Kasapi ng KATAGA, Samahan ng mga Manunulat
sa Pilipinas
Komisyon sa Wikang Filipino - Makata ng Taon 2016 at
Gawad Carlos Palanca– Unang Gantimpala sa Tula 2016

vi
Nakilala ko ang manunulat bilang fellow sa 2018 Angono
Summer Writers Workshop. Doon ko nabasa ang mga tula
niya na sa palagay ko ay hindi na kailangan ng masinsing
pagbasa dahil nakatatayo na ang mga ito at nakatatawid na sa
mambabasa. Nang hilingan niya akong magbigay ng puna at
salita sa Pedestrian, naisip kong muli na di na pagkakataon na
kami ay magtagpo sa paksa muli ng pagtawid.
Ngunit higit pa sa rito ang ibinibigay ng koleksyon. Ang
kalakasan ng tula ay nasa paggamit ng damdamin bilang
pangunahing salik ― nagsasabata, mangingibig, anak, at
kaibigan ang persona. Emosyonal, kumpesyunal at personal
ang mga tula. May mga tulang madaldal at may matimpi.
Batid mong matalas ang obserbasyon ng manunulat at may
kakayahan siyang isa-anyo ang mga ito sa bisa ng mga salita.
Nasa unang listahan ang tulang Pedestrian upang magsilbing
drayber ng koleksyon. Dito pa lang, ipinadarama na sa
mambabasa na may malinaw na layon ang pagsulat niya. Sa
mga linyang Nakatawid sila ng ligtas/ naisip mong panahon
na/ upang ikaw naman ang pumili/ ng sarili mong landas.
Malinaw na malinaw ang hiwatig sa nais mangyari at daanang
danas.
At ang mga sumunod pang tula sa koleksyon ay ang mismong
pagdaan sa eksperiyensyang ito ng manunulat. Binabati kita.
At salamat sa pagtitiwala.

Francisco Arias Montesena


Premyadong Makata at Kwentista
Fellow, 8th UST National Writers’ Workshop, 8TH Ateneo
National Writers’ Workshop, 3rd Francheska Beard
Performance Poetry Workshop, ika-5 Palihang Rogelio Sicat
at 55th UP National Writers’ Workshop.

vii
Nangangako ang koleksiyon, lampas sa semiotika at retorika
ng mga paa o ng mga lakbay at lakbaying maiikli’t mahahaba
sabihin pang “pedestrian lane” lamang. Maaaring ang anumang
pagtawid ay hindi lamang pisikal kundi saklaw na rin ng wika’t
diyalekto ng mga paroo’t parito. May tradisyonal na konsepto
ang “pedestrian” na tumutukoy din sa anumang mababaw o
mapagpaimbabaw o kaya’y kapos sa inaasahang lalim o nilay.

Sa koleksiyong ito, matatagpuan din ang maraming


pagtatangkang hindi lahat ng tinatawiran ay daan o tulay.
May rumaragasang tubig sa ilalim o kaya’y said o tuyo pero
nakapagtatakang may naiiwang salimuot, tuwiran man o hindi:
na minsan, silang nagsisitawid ay salat sa kahulugan. Higit
na mahahalaga marahil ang iba’t ibang dahilan ng pagtawid,
nabubura man ang daan o buong-buo pa rin. Baka nga ang
tinatawirang daan ay nagpapanggap lamang na samutsaring
tulay o guwang. Parang sinasabi ni Dela Peña na mga paa
marahil ang may kakayahang humusga, walang iba.

Masigasig ang makata sa pagiging saksi ng lahat ng pagtawid at


patotoo sa koleksiyong ito.

Niles Jordan Breis


Premyadong Makata at Mananaysay sa Palanca
Fellow, UP National Writers’ Workshop 2018
Makata ng Taon 1994, Komisyon sa Wikang Filipino

Maaaring totoong nagiging palasak ang mga salita, pero


hindi ang mga karanasan at mga nararamdaman ng tao. Sa
koleksiyong Pedestrian, hindi lamang naipakita ni Dela Peña
ang iba’t ibang mukha ng pag-ibig at paglisan, kung hindi pati
na rin ang paghihintay sa pagitan. Ngunit masalimuot man, tila
sa paghihintay na ito nabuo ni Dela Peña ang iba’t ibang tulang
maaaring sumalamin sa damdamin ng kabataan.

Rhea B. Gulin
Tagapangulo, Kataga-Manila
Estudyante at Guro ng Panitikan

viii
Pasan-pasan ni Gerome Nicolas Dela Peña ang Sumpa ng
Pagtula magmula nang ibigin niya ang paghabi ng sukat at
tugma. Ang Timpla ng kanyang mga obra ay tumatawid sa
kanyang sariling mga saloobin patungo sa pagpapahayag ng
damdamin kaugnay ng mga isyung panlipunan. Mapangahas
ang pagpihit niya ng Manibela mula sa mga akda niyang
nagpapahayag ng tamis ng pagmamahal patungo sa Pusakal na
paglalarawan ng pagkamuhi sa walang habas na pagpaslang na
nagaganap sa lipunan.

Hindi Lamang sa Isipan ang Pagtawid na nais niyang


iparating sa mambabasa kundi maging Kung Paanong
Tahimik ang Pagmamahal ay maipakikita gamit ang Paningin,
Larawan at Pedestrian upang mapatunanayang Nakakasugat
Din ang mga Patak ng Ulan sa Bingit ng Lasog-lasog at Bulag
na lipunan.

Kung papaano naipakita ni Dela Peña ang Binary Opposition,


Hindi sa Piling ng Salita kundi sa animo-Hit and Run niyang
paglalarawan sa kalagayan ng lipunan gamit ang kanyang mga
tula ay bahagi ng kanyang paglalakbay bilang makata na dapat
nating subaybayan at patuloy na abangan.

Joel Costa Malabanan


Guro sa Philippine Normal University
at kompositor ng mga kantang makabayan

Tinutumbok ng mga tula sa koleksiyong ito ang mga


damdaming hindi pinalad makatawid. Ng mga nabundol
nating puso sa kalye ng pag-ibig. Kaya’t nariyang pumaparada
ang kirot. Ano ngayon ang higit na mainam? Ang magpasagasa
sa ragasa ng alaala? O tuluyang humakbang palayo, tungo sa
paglimot? Sapagkat tiyak ang landas ng bawat salita. Diretso sa
kaibuturan ng ating pagkatao.

Xeus DC Foja
Jaywalker, Makata

ix
Inaakay tayo ng “Pedestrian” ni Gerome sa biyahe ng pag-
ibig at pagkasawi at sa kaskaserong lungsod upang saksihan
ang pagtawid sa iba’t ibang damdamin, kadalasa’y lungkot at
hinayang. Pero pagsapit sa kabilang dulo, ipinapatanaw niya
ang pinanggalingan bago iwan. Bitbit sa muling paghakbang at
pag-usad ang optimismo, tibay ng loob, at pagnanais na muling
magmahal. Para sa sarili. Para sa bayan.

Richard R. Gappi
Makata, Mamamahayag Pangkomunidad,
Manggagawang Pangkultura

Nakatutuwa ang sigla ng pagsusulat ngayon, lalo sa pagtula.


Higit na nakatutuwa ang mga nagsusulat at nagpapalimbag
din. Patunay ang aklat na ito sa siglang iyan. Ang mga tula
rito ay nasa hagod ng kasalukuyang pagkahilig sa pabigkas na
pagtula. Liriko ang mga tula; mga pagpapahayag ng personal
na pagsipat at pagtitimbang sa sariling danas.

Ang higit na mainam, hindi nananatili sa isang lugar o danas


ang makata; patuloy na naglalakad para sa iba pang danas. Sa
malayong lakbayin, mainam at naisagawa na ng Pedestrian ang
mga unang paghakbang.

Reuel Molina Aguila


Tagapagtatag at Tagapayo, KATAGA, Samahan ng
Manunulat sa Pilipinas
Guro ng Malikhaing Pagsulat, Unibersidad ng Pilipinas,
Diliman

x
Hindi bulagsak ang nilalandas ng mga tula ni Dela Peña.
Tinuturuan tayo ng bawat imahen ng tula na pumikit at
namnamin ang hulagway ng paglalakbay. Bagamat may
lumbay ang binabagtas niyang pananalinghaga, ibinabaling
niya tayo sa daang tumatagos sa malalayang anyo ng paglikha
ngunit may tangang pag-usad at paglakad tungo sa dakilang
pagwawasak sa pamamayani ng mga tumutulang iisa ang tinig.

Romeo Palustre Peña


May-Akda, Isang One Dalawang Zero
Fellow sa Tula, 57th UP National Writers’ Workshop

Isang napakapersonal na liham sa bayan at kapwa ang


“Pedestrian at Iba Pang Mga Tula,” at masasabi kong
ebidensiya ang koleksiyon na ito ng muling pagtalas ng kritika
at sipat ng makata sa buhay-personal at buhay-bayan ng mga
Pilipino.

Nakaumang na patalim ang mga linyang inukit gamit ang


karanasan at alaala, na sa huli, ibinabaon sa mga nanlalamig
at atomisadong mga kamalayan na naghahanap ng kalinga
ng katotohanan. Sapagkat ang mukha ng katotohanan ay
ikinalat ng kontradiksiyon, ngunit maaari pa ring matagpuan:
sa mukha ng kaibigan at kaaway, sa dyipning mausok at di-
sigurado, at maging sa pagtawid sa mga delikadong pedestrian
lane ng buhay.

Mula sa punto de bista ng isang manunuri ng kasaysayan at


panitikan, masaya kong inirereport sa lahat na ang kamalayang
milenyal ay hitik sa karanasan at malalim ang pinagtutugunan.
At hindi malayong nasa presipiyo na nga tayo ng kultural na
rebolusyon dahil sa kanila.

Marius Carlos, Jr.


Awtor, editor, tagapagtaguyod (KADLiT & AlterNation)

xi
KUNG PAANONG ANG PAGTULA AY
PANANATILING BUHAY
Kung hindi ako natutong tumula, malamang dedbol na ako.
Lagi ko itong naibabahagi sa aking mga mag-aaral o sa mga
malalapit na kaibigang nagtatanong kung kailan at paano ako
natutong magsulat. Mahabang istorya. Pero ang totoo, hindi
rin naman talaga lubhang kaiba sa marami. Nagsimula akong
tumula sa pamamagitan ng love poems. Walang kamatayang
pagkiling sa romantikong nosyon ng pag-ibig. Para sa akin
noon, walang silbi ang alinmang akdang pampanitikan kung
hindi ito nauunawaan ng marami; bagay na sa tingin ko’y
tanging sa mga tulang pumapaksa lamang sa mga naratibo ng
walang katapusang pagtitinginan at tamis ng unang pagtatagpo
ng mga labi matatagpuan. Pero siyempre, nagkamali ako.

Marami sa mga kabataan sa kasalukuyan ang nahuhumaling


sa sining ng pagtula (o mas kilala nila ngayon bilang “spoken
word”) ang mas tinatanggap ito bilang “hugot poetry.” Dito,
malaya nilang naibabahagi ang nilalaman ng kanilang mga
saloobin, damdamin, at karanasan hinggil sa iba’t ibang danas
(personal man o hindi) sa masalimuot na mundo ng pag-ibig
o pagmamahal. Marahil, masasabing naging popular ito sa
mga kabataan (lalo na sa mga millennial at Generation Z)
dahil sa angkin nitong angst — performative kasi ang estilo
nito at madalas na itinatanghal sa entablado, coffee shop,
resto bar, at iba pang lugar na may mga taong makapakikinig
o makapanonood. Pinaglalangkap kasi nito ang tagpuan ng
sining ng pagtula at maging ng pagtatanghal; kaya sa mga
kabataang lumaki sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ay
tila mga musika ito sa pandinig. Dagdag pa ang mahabang
kasaysayan ng mga oral na uri ng panitikan sa bansa.

Kasalukuyan akong nagpapanggap bilang isang makata


o isang spoken word artist. Matapos akong matanggap
bilang kandidatong kasapi ng KATAGA (Samahan ng mga
Manunulat sa Pilipinas) na nakabase sa Lungsod ng Maynila
(ngayo’y pinalad na maging ganap na kasapi), naisip ko na
ang proyektong ito. Tutal, hindi naman ako mapakali nang
hindi nakatutula, bakit hindi ako maglathala ng isang librong
maglalaman ng aking personal na paglalakbay sa buhay—
bilang isang guro, manunulat, o isang simpleng nilalang sa
alien na mundo.

xii
Mas naitulak akong ituloy ang nasabing pangarap o plano
matapos kong maging fellow sa tula sa “pinakamahirap”
na palihan sa pagsulat sa buong bansa (tanging ang mga
organisador at fellows lamang ang nakaaalam); walang iba
kundi sa Angono Summer Writers’ Workshop na ginanap
ngayong taong 2018. Pinangunahan ito ng kapwa premyado at
mga organikong makata at manunulat sa mismong Art Capital
ng Pilipinas. Malaki ang pagkakautang ko sa genre na ito kaya
kailangan kong magbalik sa pamamagitan ng pagbabahagi ng
aking mga piling tula sa nakalipas na limang taon.

Ilan sa mga tulang nasa koleksyong ito ay mula sa lumang


notebook na sinusulatan ko ng mga tula; pero mas marami pa
rin ang una nang nai-post sa Facebook o naisulat sa note sa
aking cellphone. Nagsimula ang commitment ko sa pagtula sa
pamamagitan ng texting o SMS, maging sa social media nang
malaman ko kay Prof. Joel Costa Malabanan ng PNU-Manila
ang trend ng pagbabahagi ng mga tula sa pamamagitan ng text.
Tinawag niya itong TexTula.

Para sa kanya, maraming mga tagpo sa pang-araw-araw nating


danas sa iba’t ibang estilo ng pakikisangkot at pakikisalamuha
sa lipunang ating ginagalawan ang maaari nating maibahagi
sa pamamagitan ng pagtula – kailangan nga lang na maaagap
sa pagsusulat; dahil ang totoo, kung gaano kabilis ang
pagdating nito sa ating kamalayan at isipan ay ganoon din ito
kabilis na nawawala o nakahuhulagpos. At isang mahusay na
instrumento ang mga bagong teknolohiyang nagsusulputan sa
kasalukuyang panahon gaya ng gadgets at smartphones para
kagyat na maisulat ang anomang tagpong nais mong tulaan.
Mga tagpong pumako sa iyong paningin. Mga pangyayaring
habang buhay nang magiging bahagi ng iyong kabuuan.

Kung hindi ako natutong tumula, malamang dedbol na ako.


Maraming beses sa buhay ko lalo na noong hayskul at kolehiyo
na ninais ko nang i-advance ang pakikipagkita kay San Pedro.
Emo days ko iyon. Sobrang wasak. Dalang-dala sa kumpas ng
teenage hormones. Iyong tipong usong-uso ang paglalaslas ng
pulso at papatakan pa ng katas ng ginayat na kalamansi para
mas lalong manuot ang sakit. Hardcore, hard rock, metalcore,
post-hardcore, at screamo ang mga tugtugan. ‘Yung emo ka na
nga tapos sobrang lungkot pa ng mga awitin na pinakikinggan

xiii
mo. Ewan. Feelingero na tanging ako lang ang nagtataglay ng
pinakamalas at pinakamasalimuot na guhit ng palad. Lakas
maka-millennial.

Pakiramdam ko, tanging ang pagsulat ang nasumpungan ko


noong mga panahong iyon. Ikaw ba naman ang lumaki sa
lipunang punong-puno ng mga mapangmatang nilalang; higit
na maliit ang tingin sa mga dati nang maliliit; sa mundong
umiikot lamang sa kapital — paniniwalang sa materyal na
akumulasyon napupunan ang kakulangan sa buhay; at sa selfie
universe na kanya-kanyang buhay at tanghod lamang sa kani-
kanyang timeline ang mahahalaga sa bawat isa. Mga bagay na
pinagninilay-nilayan kong mag-isa. Tahimik. Sa isang sulok.
Walang ibang tangan ang mga kamay kundi panulat at papel na
matagal ko ring hiningahan ng napakaraming mga problema
sa pamilya, pag-aaral, mga kaibigan, at maging sa pang-araw-
araw na pakikidigma.

Hindi ko ikinahihiyang marami sa aking mga tula noong


nagsisimula pa lamang akong makipagniig sa mga kataga at
salita (o magpanggap na isang makata) ay puro litanya ng
“mahal, mahal kita kahit na mahal mo ay iba” — dahil ito
naman talaga ang aking pinagmulan. Dahil alam kong ‘di
ako gwapo at ipinaglihi lamang ako sa graham balls, pwet ng
kaldero, at sama ng loob, kailangan kong daanin sa kaunting
boka at sining; pagtulang (o pambobolang) tipong “ang ‘yong
buhok ay tulad ng mga alon sa karagatan / ang ‘yong mga
mata, ay higit sa nagniningning na mga bituin sa kalangitan
/ ang ‘yong mga labi, ay ang mapupulang rosas sa hardin ng
aking pagsinta.

And guess what, I am very happy to inform you guys that 9


out of 10 na niligawan ko, basted ako. Bukod sa gusto pa rin
talaga nila ng gwapo (awtsu, hu hu) ay weirdo ang turing sa
akin. Sino nga ba namang magpapahalaga o makaa-appreciate
sa paggamit (o sa taong gumagamit) ng wikang Filipino sa
panahong parang kending ipinamimigay na lamang ang
pagsasabi ng mga salitang I love you at I miss you.

Ang Pedestrian at Iba Pang Mga Tula ay isang pangarap na


nagkatotoo. Bata pa lamang ako, dahil ginawa ko na yatang
hobby ang overthinking, ay isang malaking palaisipan na sa
akin ang pagtawid sa pedestrian lanes; bagay na nahirapan ang

xiv
aking mga magulang na ipaunawa sa akin. Hindi nagkulang
sa paalala ang aking ina na kung pipiliing tumawid, lagi’t
laging tumingin sa kanan at kaliwa, makinig sa paligid, at
maghintay sa hudyat ng awtoridad o ng traffic lights — at
ang pinakamahalaga, huwag na huwag tatawid kung hindi sa
tamang tawiran. Dahil aniya, hindi magbubunga ng kahit na
anong kabutihan ang hindi pagsunod, ang hindi pagyukod.

Subalit sa paglipas ng panahon, mas bumigat ang mga


bagaheng matagal nang nananahan sa dibdib. Nasaksihan
kong ‘di lahat ay sumasang-ayon sa pananaw ni ina; marami sa
aking mga kababayan ang tila hindi alintana ang panganib na
dulot ng hindi pagtawid sa tamang tawiran, o sa mas malalim
na tanaw, ang magpasailalim sa mga panuntunang umiiral
sa lipunan. Pero hindi lang naman lagi sa mga commuter ang
sisi. Mas bumigat ang dati ko nang dinadalang agam-agam
nang makasaksi ako mismo, sa harapan ko, ng isang halos
nagkandalasog-lasog na katawan ng isang matandang lalaki,
matapos mabundol ng isang nagmamadaling SUV. Saan? Sa
mismong pedestrian lane.

Alam kong sa ibang pagpapakahulugan, boring o walang


kabuhay-buhay ang ikinakabit na katuturan sa salitang
pedestrian. Pero para sa akin, mas itinuro nito sa akin
kung paano magmasid o maging malay sa lipunang aking
ginagalawan. Pagtula ang ibig sabihin sa akin ng sandaling
paghimpil bago tumawid; pagtimbang sa lilikhaing desisyon
—walang ipinagkaiba sa mismong pagtawid. Dahil ang totoo,
tulad ng maraming mga bagay na pinaninindigan natin sa
buhay, maaaring sa isang pagkakamali’y magwakas ang
lahat. Isa itong malikhaing prosesong dapat na pagdaanan ng
sinumang piniling o pipiliing ibahagi sa iba ang kani-kanilang
naratibo ng pakikipagsapalaran sa mundo.

Narito ang koleksyon ng mga tulang hinango ko mula sa


mga karanasan sa paghihintay, pagtawid, at hindi na muling
paglingon sa iba’t ibang pedestrian lane at sangandaan ng
buhay. Hangad kong sana, sa pamamagitan ng aklat na ito,
higit nating mapanindigan ang bawat pagpiling pinili natin sa
buhay sa ngalan ng pagsunod o lalong higit, sa pagbalikwas.

GEROME NICOLAS DELA PEÑA


Antipolo, Rizal

xv
PEDESTRIAN
Huminto ang mundo mo
sa pagitan ng mga rumaragasang sasakyan.
Nakita mo ang sariling nakatanaw

sa kabilang dulo ng kalsada
sa babaeng inalayan ng buhay
at sa tanawing dati’y kayo pa ang magkasama.

Tinawid nila ang daan.


Ipinaalala nito ang piraso ng nakaraan.
Tila alam na alam na nila

ang landasing nais puntahan.


Huminto ang mga sasakyan
subalit nag-unahan naman ang mga luha

sa pisngi dulot ng iyong nasaksihan.


Nakatawid sila nang ligtas.
Naisip mong panahon na

upang ikaw naman ang pumili


ng sarili mong landas.

1
KUNG TUTULA KA SA INTERNET
Gusto mong langkapan
ng mga salitang may kinalaman
sa pag-ibig ang bawat mong taludtod.

Ikwento ang pakikipagsapalaran


sa pamamagitan ng mga katagang
“Mahal, okay lang ako. Hindi masakit.”

Subalit naisip mong hindi paraiso


ng mga sawimpuso ang internet.
Panandalian lamang itong langit:

dahil matapos kang mag-post


o mag-status ng lahat ng ‘yong galit
lilipas lang din ito nang saglit

sa pagitan ng mga like, sad reaction,


mangilan-ngilang shares at comments
mula sa mga akala mo’y kaibigan.

At matapos ang ilang oras –


mananatili na lamang itong bagahe
sa timeline at sa iyong sarili.

Bigla ay mapagtatanto mong


kung tutula ka sa internet
ng tungkol sa pagkasawi

dapat pag-isipan mo itong muli’t muli.


Dahil ang totoo,
ikaw at ikaw lamang ang pupuso

sa sarili mong kwento ng pagkagupo.

2
PLATO
Sanay na akong mainip sa paghihintay
sa iyong pagdating. Umaasang hindi ka lasing
at wala kang kasamang bagong “kaibigan.”
Hindi na kasi maganda sa pakiramdam
ang masilayan na naman kitang nasasaktan.

Hindi ko sa ‘yo maamin ang pananabik
dahil hindi naman tayo malapit sa isa’t isa.
Katabi kita sa pagtulog subalit dama ang iyong layo.
Ninanakaw ka nila sa akin, sa mga gabing malamig
na damang-dama ko ang init ng mga luha sa pisngi.

Lingid man sa ’yo, subalit sa bawat pamamaalam mo


ay palihim kong iniikot ang mga plato. Inaaninag ka
hanggang sa unti-unti kang kainin ng kadiliman.
Alam kong dito mo iniraraos ang aking sikmura,
habang sinisikmura mong gawing parausan ng iba.

Hindi ka man magsalita, matagal ko nang narinig


ang totoo. Nagtatapat ang dingding at ang mesa.
Humihiyaw ang kusina, maging ang banyo.
Ipinaaalalang sa ‘yo at sa ‘yo lamang ako nagmula
at hindi sa kung kanino mang parokyano.

Musmos pa lamang ang puso subalit mulat na


sa bawat kantyaw at panunuksong mula sa kanila.
Tila maririing mga sumpa at dasal ang inuusal
ng bawat mga labing walang nakikita kundi –
“P*t*ng ina mo! Anak ka ng put*!”

Ngunit, sa kabila ng bawat pighati’t lungkot


na nakatahi na sa kapalaran nating dalawa,
lingid man sa ’yo, iikutin at iikutin ko pa rin
ang bawat plato sa pag-aasam na babalik ka.
Dahil hindi ko man maamin at ‘di man sabihin,

Mahal na mahal pa rin kita, aking ina!

3
BIYAHE NG JEEPNEY
Marahil tulad ng araw-araw na biyahe ng jeepney
dumaraan din tayo sa napakaraming
pakikipagsapalaran sa buhay.
Sanay na sa bawat pag-alis at paghihintay.

Tiyak kong ‘di tulad ng maraming pasahero,


batid mong iisa lang ang ating patutunguhan.
Mahapo man sa pag-aabang at pakikipagsiksikan
mapagal man sa init at pagkaubos ng pasensya’y

nakangiti mo pa ring babaybayin ang pinili mong daan


dahil ‘di tulad ng iba, ang biyahe mo’y may pinaglalaanan.
Malaon mo nang tanggap na ang buhay
ay isang mahabang kalye ng iba’t ibang karanasan.

Hindi laging may hihinto sa tapat mo


para maalwan kang makasakay. Alam mo
na kung minsan, kailangan mong ipilit ang sarili
para hindi ka mahuli at maipit sa kumplikadong mundo.

Pinili mo ang maging matapang.


Kahit na ang totoo, kailangan mo lang din ng karamay.
Kahit na ang totoo, sa landas na iyong pinili
umaasa ka ring mayroong titigil sa ‘yo upang manatili.

Ang buhay nati’y isang biyahe ng jeepney.


Iba’t ibang pagtawid ang nagaganap sa lansangan ng pagpili.
Maaaring minsa’y makasakay ka sa mabagal, byaheng langit,
sa tipong “late-ka-na-saka-pa-nagpa-gas” na nakagagalit

hinding-hindi ka pa rin titigil sa pag-usad


dahil lagi’t laging mayroong biyaya ang pag-alis.
Ang mahalaga’y ‘di tayo napapagod na sa biyahe ay sumugal
upang sa dulo ng destinasyong pinili nating puntahan

mas mapagtanto nating ganap na tayong nagmamahal.

4
MAY MGA GABI
May mga gabi talagang bubuhayin ka
ng pagpapatiwakal ng mga bituin.

Ipararanas nila sa ’yong hindi ikaw,


o sila, ang tumitingala’t tumitingin

sa mga diyamanteng nagniningning.

Ipaaalalang sa ‘yo sila nakadukwang,


mariing nagmamasid. Binabantayan

ang bawat gabi ng iyong pagkasawi.

‘Pagkat lagi’t lagi’y nanaisin nilang


magpakamatay at muling isilang

upang sa mumunti mong mga mata’y


may panibagong araw at pag-asang

sa puso mo’y patuloy na mahihirang.

5
SA MALL
Tamang-tama lang ang timpla
ng lamig ng hangin at ilaw sa loob
upang mapanatiling nagniningning
ang ‘yong mga mata. Hindi magkandamayaw

ang ‘yong mga paa sa pagsasalitan


makapasok lang sa mga tindahang
may mga ngiting tila hindi napapatid
kahit maghapon nang naka-display

sa bawat istante. Hindi mo namalayan


na noong pumayag kang ipasilip ang laman
ng iyong bag at kapkapan sa katawan
ikaw na ang sunod na bebendisyunan.

Habambuhay ka nang magiging palaman


sa spicy hungarian, magsisilbing mayonnaise
sa shawarma, display na baboy-aso-oso
sa naglalakihang eskaparate habang

walang katapusan kang huhulugan ng barya


upang sakyan ng mga batang inaaliw lamang
ng mga manggagawang ina at amang
pansamantalang tinatakasan ang pait

ng kanilang sawing kapalaran. Ikaw na rin


ang magsisilbing ticket sa arcade
ang buy-one-take-one na damit
ang tissue at napkin sa loob ng vendo machine

ang soda at popcorn


ang kape, donut at isang slice na chocolate cake
ang standee ng pelikulang “now-on-its-3rd-week”
at ang Bible na nahalo sa Filipiniana section.

At bago ka umuwi sa tahanan upang muli’t


muling sariwain ang hindi malilimutang karanasan
sa kakaibang mundong iyong natuklasan
maririnig mo ang halakhak sa likod ng CCTV:

nanlilisik ang mga mata at sinasabing


lagi’t laging maligaya ang pagbabalik.
6
ANG PAGLIMOT AY PAGBUBUKAS NG
ISANG LIHAM
Nang magpasya kang talikuran at limutin
ang bawat alaalang batid mong tanging dahilan
kung bakit ka pa nabubuhay,
inihanda mo na ang sarili sa kamatayan.
Ang pagpili mong lumayo
ay tulad ng pagbubukas ng isang liham —
lihim mong pinaglilimian ang gunitang
tulad ng isang perlas sa loob ng puting sobre.

Nakasusugat ng palad ang unti-unting


paglusong mo sa karagatan ng luhang
matagal mong hindi pinakawalan. Nalunod ka
sa daluyong ng agos nang tumambad ang mga salita.

Tinitigan ka ng mga kataga sa anyo ni Poseidon.


Bigla kang nanghina dahil nilalamon ka nito nang buo:
nabibingi ka at tinatakasan ng paghinga dahil ang diyos
na nasa harap mo’y ang sarili mo ring multo.

Hindi mo matanggap sa sariling ang pag-ibig


na inilaan mo’y binawi sa iyo ng kawalan mo
ng lakas na loob para lumaban. Nagpalunod ka
sa pighati’t kalungkutan na dala ng mga salitang

hindi mo kailanman piniling panindigan.


Nagpatuloy ka sa pagbabasa. Basang-basa
ang iyong mata habang umaagos pa rin sa kamay mo
ang bawat titik ng liham na hindi mo na naibigay sa kanya.

Hinintay mong maubos hanggang sa huling patak


ang sariling pag-ibig sa piraso ng papel na iyong hawak.
Pinili mong titigan ang paglimot upang sagipin ang sarili
sa pagkalunod. Batid mong ang pagbubukas mo ng liham

ay simula ng bagong buhay na handa mo nang panindigan.

7
PINAKBET
Ang dulot mong pag-ibig
ay tulad ng pinakbet.
Halo-halo man ang sangkap
iisa pa rin ang lasang malalasap.

Kapag ako’y nalulumbay


pinatitikim mo ng sitaw.
Pampahaba ng pasensya’t may linyang,
“Huwag na huwag kang bibitaw.”

Kung ako’y naguguluhan


kalabasa naman ang masusumpungan.
Para sa ’yo, ituturo ng matang malinaw
ang tamang direksyon upang hindi maligaw.

Kapag ako’y maligaya


hahaplusin ng daliri ng okra.
Ipaaalalang sa malagkit na katas
ang pagsinta mo’y hindi magwawakas.

Kung ako nama’y maraming tanong


ikukumpara mo ako sa talong.
Hindi man pansini’t madalas na isinasantabi
Ang sustansya’y nariyan lamang at nagkukubli.

Tunay ngang ang dulot mong pag-ibig


ay tulad ng pinakbet.
Nasa halo-halong sangkap
ang habambuhay ko nang

hahanap-hanaping sarap.

8
DEATH NOTE
Sa bawat paghalik ng tinta
sa mukha ng kwaderno’y
nangangahulugan ng kamatayan.

Itinatakda ang bagong simula


para sa mga inosenteng biktima
habang tinatapos ang maysala.

Kasabay ng paggulong
ng kinagatang mansanas
ay ang ulo ng makasalanan:

kaligtasan ang siyang dulot


at katapusan ng kay tagal
nang ikinukubling galit at poot.

Katarungan ba ang puno’t dulo


ng pinapatid na paghinga?
At sa kasalukuyang mundo

sino ba talagang may tangan-tangan


ng kapangyarihang isulat
ang bawat nating ngalan at alaala

sa pahina ng kamatayan?

9
LANGIT
Nababatid kong balang araw
Sa tarangkahan ng ating pangarap
Ngingitian mo ako at unti-unting
Magbabalikan ang mga alaala.

Ipaaalala nito ang lahat ng pighati


Kirot, dusa, at pang-aalipustang
Dinanas natin sa kamay ng kawalan
Magsisilbing lamat ng bawat pakikipagsapalaran

Ang iyong mga titig at ngiti.

Balang araw
Bago ko ihakbang ang mga paa
Sa loob ng tarangkahan
Ihahakbang ko muna ang sarili

Sa kanlungan ng iyong labi.

Dahil higit sa kung anumang layon


At yamang nais kong makamit

Ikaw pa rin ang tunay kong langit.

10
MALI KA
Nang sabihin mo sa aking hindi natin dapat
sinasalungat ang bawat guhit sa ating palad,
pakiramdam ko, nagkakamali ka.

Ilang taon ko na ring hinahayaang akayin ako


sa napakaraming landasin sa buhay
ng sinasabi mong tadhana.

Lingid sa kaalaman mo
habang minamasdan ko ang sarili
sa salamin ng iyong mga mata,

ilang beses ko ring sinadyang maging manhid


sa kumikirot nang mga guhit sa aking palad.
Gustong-gusto kong humingi sa ‘yo ng tawad.

Gustong-gusto kong ihingi sa ‘yo ng paumanhin


kung sa bawat mong sulyap at tingin,
puso ko na pala’y unti-unti mong inangkin.

Eksaktong kabaligtaran ka man


ng bawat kong inaasam at pamantayan,
totoong hindi pumipili ang pagkakataon.

Dahil ang totoo, mali ka.


Hindi ko kailanman sinalungat ang tadhana.
Tapat at bulag ko pa nga itong sinusunod.

Dahil kung totoong pinili kong magpatangay


sa matagal nang kumikirot na guhit ng aking palad,
matagal ko na sana sa ‘yong ipinagtapat

ang malaon ko nang dinadalang bigat.

11
BASO O BOTE
Tila isang napakalaking hamon sa ‘yo
ang pagpili. Ilalagay mo ba sa baso
at daragdagan ng yelo para mas swabe
ang daloy sa lalamunan o lalagukin na lang

sa mismong bote ang alak na nasa harapan.


Umikot na muli ang usapan.
Naungkat ang lihim mong pag-ibig
na pinupulutan ng mga kainuman.

Niragasa ng bagyo ang isipan.


Humigpit bigla ang kapit mo sa bote ng alak
at sa basong naghihintay na mapunan.
Isasalin ba ang laman o mananatiling

nasa orihinal nitong lalagyan?


Hindi ka na lamang umimik
kahit kabi-kabila ang kantyawan.
Napagdesisyunan mo na lamang

na lagukin ang walang lamig


na serbesa. Dumaloy ang pait
sa lalamunan na matagal nang hindi
nasasayaran. Umagos ang katotohan:

naisip mong tama ang naging desisyon.


Ayos lang na mapangiwi sa lasa
at malunod sa pighati ng pagpili.
Dahil para sa ‘yo, wala nang alak o serbesa

ang mas papait pa sa inililihim mong pag-ibig


na hindi mo maamin-amin sa kanya.

12
LOBONG PUSO
Hindi tulad ng maraming mga lobong
dahilan ng iyong mga ngiti
ang puso ko’y nag-iisa lamang.

Hindi mo kailanman
maaaring makadaupang-palad
‘pagkat wala sa iyong mga kamay

ang dulo ng aking pisi.


Mataman lamang akong nagmamasid
mula sa bughaw na kalangitan.

Pinanonood ang bawat mong lakbayin.


Lingid sa kaalaman mo,
ang Maylalang

ang sa aki’y nagbigay-buhay.


Itinadhana Niya ang hindi natin
pagtatagpo. Tulad ng hangin

na dalisay ang layunin,


madarama mo ako subalit hindi kailanman
masusukol ng tingin.

13
BINGIT
Sadyang mababatid mo lamang
na ganap mong nasimulan
kung nasa bingit ka na ng wakas.

Magsisilbing parang mga talulot


ang bawat mong pagbibilang
ng mga gunita ng nakalipas,

unti-unting binabawi ng panahon.


Maaalala mo ang bawat hakbang
na sa una, akala mo’y pasulong

subalit makalipas ang milya-milyang


pakikihamon at pakikipagsapalaran,
napagtanto mong ito’y kabaligtaran.

Dahil pilitin mo mang patuloy


na humakbang at sumugal,
hindi nasa tagal o haba ng daan

na binaybay ang sukatan.


Nasa pagtatangka itong paulit-ulit
na makabalik sa piniling landas.

Dahil ang totoo,


mababatid mo lang na iyong nasimulan,
kung nasa bingit ka na ng pamamaalam.

14
BINARY OPPOSITION
Alam kong pinagtagpo tayo sa isang sangandaan,
sa isang mundong puno ng salungatan.
Pinili ko ang hindi mo pagpili
at sumugal kahit pa alam kong noon pa man,
hindi na ako magwawagi.

Nang dahil sa ‘yo, pinili ko ang umibig.


Limutin ang pinakamatimyas na alaala
alalahanin ang pinakalipas nang mga gunita.
Patuloy na ihakbang ang sarili
kahit paglayo lamang ang maging tangi mong ganti.

Noong ipinagtapat mo sa akin


ang katotohanang matagal ding itinago
ng bawat mong ngiti, kasinungalingan
ang siyang nangibabaw sa lumulubog nang pag-igpaw.
Itinatak sa sariling dapat kitang sagipin.

Tinumbasan ko ang bawat mong pagod at pangamba


ng oras, panahon, pagtitiyaga, at pagkalinga.
Hindi lingid sa aking hindi mo ganap na nauunawaan
na ‘di baleng pumanaw ako sa bisig ng pighati,
mabuhay lamang ang dati mong mga ngiti.

Wala na ring halaga sa akin


ang bawat pagkilala, salapi, at pagtingin ng iba.
Hinubad kong lahat ng tinamong karangalan,
mabihisan lang kita ng pag-asa’t kapayapaan.
Maipadama lang sa ‘yo, langit ng walang hanggan.

Ngayong narito tayo sa beranda ng kalungkutan,


unti-unti nating hinanap ang ligaya –
saksi ang kalangitang pinuno ng mga bituing
matatagpuan lamang sa ningning ng ‘yong mga mata.
Pagluha ang tanging pumunas sa kapighatian.

15
Alam kong bibilang na lamang tayo ng panahon.
Hindi na alam kung matatanganan pa ang mga hamon.
Huwag kang mag-alala, lumilipas man ang katawan
subalit hindi ang dakilang gunita at pagsinta.
Dahil marami man tayong pagkakaiba
ang mga puso nati’y mananatiling iisa.

Mamamatay ako
subalit bubuhayin kailanman
ng pagsintang sa ‘yo ko lamang naramdaman.

16
TARA, LARO TAYO!
(para sa lahat ng mga nilikha nating Magdalena)

Tara, habulin mo ako.


Maglaro tayo.
Punuin natin ng halakhak
Ang bawat kanto at sulok.
Gawin nating kwarto ang mundo.
Isiping kumot ang hangin,
Alisin ang lungkot natin.
Magpakalulong sa nadarama ng ating mga puso(n).

At oo, huwag ka nang magkaila.


Hindi na bago sa akin
Ang munting bahay-bahayan natin.
Dahil bago mo pa ako nakilala’t nalasap,
Sarap, na ang unang nahanap nila sa akin.

Lumapit ka, huwag ka nang mahiya.


Para akong batang lulunok
sa lahat ng idudura mong salita.
Patihaya’t padapa, anomang
posisyon ay paliligayahin kita.

Ganito na ako noon,


mapa-Tikling man o Junction.
Ganito na ako noon,
handa sa lahat ng aksyon.

Handa sa lahat ng sakit at sarap


na ipinilit nila sa aking ipalasap
Noong isang gabing masaklap,
sa isang saglit ay winasak
Lahat ng puri ko’t dangal,
Ngalan ng pamilya’t pangarap.

Kilala na kita
sa anyo pa lamang ng iyong mga titig at ngiti
Mga matang tila bala ng baril
na tumatagos sa aking blusa.
Nginig at ngiwi
Sa bawat kislot ng daliri’y kirot ang sukli.
Sa bawat haplos at hagod sa aking katawan

17
Wala ka rin namang pinag-iba roon sa kawatan
Na umangking pilit ng aking kamusmusan.

Sigaw, palahaw at bulong,


Ritwal, dasal at alulong
Tara, takbo’t magpakalulong!
Dahil tulad nila’y halimaw ka ring
sa aki’y magkukulong
Sa paraiso ng mga alinlangan at tanong.

Kaya naman, tara, habulin mo ako.


Gagawin nating “langit” ang mundo.
Tutumbasan ng aksyon ang bawat hiling
Lulubusin sa Junction at Tikling.
Sa madidilim na sulok, ika’y hihintayin
Dahil sa larong hindi na bago sa atin
Palalasapin kita ng sarap:
sarap na una na nilang nahanap sa akin.

Kaya naman, dahil alam kong


sasaktan mo rin lang ako,
Tara, laro tayo!

18
HINDI NAMAN LINGID SA AKIN
(kay Jethro Rañola)

Hindi lingid sa akin


na nalalaglag ang dahon
sa kanyang takdang panahon
pero iba ka.

Lubos kong nababatid


na lumilipad ang ibon
tungo sa ibang mga puno’t sanga
kung ubos na ang sandali
at kailangan na niyang lumisan.

Nagbabago talaga ang lahat


maging ang mukha ng mundo
iniiba nito ang takbo
at tibok ng ating mga puso.

Subalit, alam kong


hindi ka isang dahon
at lalong hindi mo pa panahon
pero bakit nagkaganoon?

Hindi ka rin isang ibon


na matapos dumapo
sa sanga ng aming mga puso
makipagtawana’t makipagkwentuhan
ay tutungo naman sa ibang puno’t sanga
dahil ubos na ang sandali
at kailangan mo nang lumisan.

Hindi kaila sa pusong


nalalaglag ang dahon
sa kanyang takdang panahon
pero iba ka.

Lingid kasi sa akin


sa amin
na lumisan ka na pala.

19
NAKASUSUGAT DIN ANG MGA PATAK NG
ULAN
Naaalala mo siya
Sa gitna ng luha ng panahon
Gumuguhit sa ‘yong gunita
Ang tamis ng inyong kahapon.

Habang dinig ang bawat patak


At dama ang lamig
Sa ‘yong puso’y patuloy na nakatarak
Ang sandali ng inyong pagniniig.

Kumikirot ang puso


Bumabagal ang pintig
Nagdurugo ang mundong
Puno ng dating pag-ibig.

Malamig ang simoy ng hangin


Tila mga piraso ng salaming
Sumusugat sa ‘yong pagtingin.

Dahil hindi mo man maamin


Dama ng patak ng ulan at haplos ng hangin
Ang hindi mo pinakakawalang damdamin.

20
LARAWAN
Pinagmamasdan ko ang iyong ngiti
na matagal ding nanatili
sa kanlungan ng aking kalupi.

Ito ang pinakapaborito kong kurba


ng iyong katawan. Pinalilipad ako
sa bawat gaan at bigat ng mundo.

Alam kong isa kang pangarap


na naghugis-tao. Isang anghel —
iniwan ang sariling pakpak sa ulap.

Bumabalik ang lahat kong gunita


habang tangan-tangan ka saanman
dinadala ang tulad ko ng tadhana.

Hindi sumuko’t nagbago


ang kadalisayan ng bawat linya
ng mukhang ipinahiram sa ’yo ni Bathala

kahit ilang beses ko nang tinangkang


burahin ang ‘yong kulay
sa naglalagablab na apoy ng pagdududa

at lunurin ang ‘yong kabuuan


sa karagatan ng kawalang-tiwala.
Nanatili kang walang bahid ng galit.

Pagmamasdan ko pa rin ang ngiting


hindi kailanman darating ang paglipas.
‘pagkat sa kanlungan ng aking alaala

hinding-hindi ka makararanas ng pagkupas.

21
KUNG NAIS MO AKONG MAHALIN
Kung nais mo akong mahalin
Namnamin mo ang awit ng hangin
Damhin mo sa iyong mga balat
Ang dampi ng aking mga halik
At maging bahaging dapat
Ng pagtahan ng bawat alon
Sa nag-aalimpuyos na dagat
Ang pagnanais mong ako’y tunay
Na makilala’t makadaupang-palad.

Kung nais mo akong mapasa’yo


Huwag mo akong lunurin
Sa mapanlinlang na mundo
Sa mga pantasya’t balatkayo
Sa mga gintong salitang

Kumikinang nga sa anyo’t


Mabigat man ang timbang
Subalit nananatiling bato
At walang bahid ng kung anomang
Tunay at totoo.

Kung nais mo akong angkinin


Tumingin ka sa mga mata ko
Diretso, ipadama mo sa akin
Ang halaga’t pagmahahal mo.

Angkinin mong iyo ang bawat kakulangan,


Punan mo ang lahat ng agwat
Ilapat mo nang marahan
Ang iyong mga palad
Sa aking mga dibdib
Masdan mo ang aking mga mata
Dadalhin kita sa paraisong
Tayong dalawa lamang
At ang ating pagsinta
Ang sadyang mahalaga.

Kung nais mo akong makaniig


Iparanas mo sa akin
Ang tunay mong pag-ibig

22
Unti-unti mo sa aking iparinig
Ang dalanging inaawit ng iyong dugo
Habang ang mga saplot
Na bumabalot sa buo kong katawan
Ay marahan mo ring inihihiwalay
Sa aking nagbabagang kalamnan.

At pagtapos ay maririing mga dasal


Ang ating uusalin
Isang mahabang ritwal
Iaalay sa ’yong lahat
Ang buo kong pagkatao’t dangal.

At kung nais mo akong mahalin


Namnamin ko ang awit ng hangin
Kung nais mo akong mapasa’yo
Huwag mo akong lunurin
Sa mapanlinlang na mundo
Kung nais mo akong angkinin
Tumingin ka sa mga mata ko
Kung nais mo akong makaniig
Iparanas mo sa akin
Ang tunay mong pag-ibig.

At kung nais mo akong ibigin


Ibigay mo lang sa akin ang pagmamahal mo
Kahit hindi na ang mundo
Pangako, ako’y mapapasa’yo
Nang buong-buo
Buong pag-ibig ko’t pagkatao.

23
SUICIDE BOMBER
Tulad ng nauubos na oras
sa bombang nakapulupot sa ‘yong katawan
ang iyong paghinga. Pabilis nang pabilis

na para bang nilalamon ka na ng sarili mong kaba.


Hinubad mo ang anumang bahid ng pagkabalisa
dahil batid mong magaganap na ang itinakda.

Nanginginig ang buo mong kalamnan


habang patungo sa gusaling naglalaman
ng libo-libong katawan na bumubuhay naman

sa daan libo ring sikmura at kamusmusan.


Gusto mo pa sanang manalangin subalit
naalala mong hindi ka nga pala kilala ng diyos.

Batid mong tanging ang de-bateryang aparato


ang nag-iisang dakilang tagatubos sa kasalanan
ng mga taong hindi naman nagkasala sa ‘yo.

At nang dalhin ka ng ‘yong mga paa sa destinasyon


naibulong mo sa sariling ito na ang katapusan.
Nakita mo ang iyong minamahal na asawa

at mga anak sa mukha ng mga inosenteng


pawang asawa, anak, kapatid, at magulang din
sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Nag-unahan ang luha sa ‘yong mga mata


nang mabatid mong ilang segundo na lang ang natitira.
Minarapat mong bumalik: talikuran ang kapalarang

itinakda lamang sa ‘yo ng itinuturing mong panginoon.


Subalit bago mo pa man ihagis ang sarili
sa labas ng gusaling pinili mong maging hantungan

iginawad na sa ‘yo ang kamatayang nakaguhit


sa ‘yong palad. Naging impyerno ang buong kalangitan.
Iwinagayway ang itim na bandila upang dakilain

ang iyong walang pangalang kabayanihan.

24
HINDI SA PILING NG SALITA
Nang dahil sa ‘yo,
nanaisin ko na sanang makipagbati
sa sinasabi nilang lumikha ng lahat.

Umasa akong tulad niya,


maililigtas mo ako, maging ang kaluluwa
sa nagbabadyang pagkadarang sa impyerno.

Pero ngayon, mukhang ako naman


ang nagkamali. Ako ang naisahan.
Totoong hindi kayang higitan ng isang gabi

ang ilang taon niya sa ‘yong pagpapadama ng langit.


Subalit, marahil ay tama ka.
Hindi kayang iligtas ng tao ang sarili.

Higit sa salita, ‘di hamak na mas matimbang


ang pag-iral ng pamantayan at tawag ng laman.
Ligayang batid kong matagal mo nang natagpuan.

Dahil kung tunay na alam ng tao


ang daan tungo sa kaligtasan
malaon ko na sanang piniling mabuhay

hindi sa piling ng mga letra at salita.


Kung hindi sa piling ng Ama
na tanging sa puso mo lamang muli kong natagpuan.

25
ULAN
Lumuluha ang langit
nang piliin mong wakasan
ang sariling pagkawasak.

Pinatatahan mo ang pusong


walang ibang kilala kundi
ang pangalang nagparanas sa ‘yo

na hindi laging biyaya


at milagro ang dulot ng ulan
sa mga tulad nating talunang

naiwan na naman ang payong


at hindi alam kung hanggang kailan
mananatili sa pagsukob sa silong

na hindi naman tayo ang nagmamay-ari.


Marahil, sa paghahanap ng dahilan
kung bakit hindi pa rin tumitila ang ulan

maaapuhap din natin ang sagot


sa hindi natin mapatid-patid
na katanungan kung bakit

itinutumbas sa labis na kalungkutan


at sa paulit-ulit na kwento ng paglisan
ang bawat butil ng ulan.

26
KUNG PAANONG TAHIMIK ANG
PAGMAMAHAL
(alay sa Ama sa pelikulang “A Quiet Place”)

Nang mapagtanto mong nagwakas na


ang mundong dati-rati’y isang paraiso,
sinimulan mo na ring ilagay
sa sarili mong mga kamay
ang buhay ng minamahal
mong kabiyak at mga anak.

Batid mong hindi ang mga salita


ang maaari mong maging takbuhan.
Kung noo’y makapangyarihan
ang mga kataga, ngayo’y isa nang sumpa
na maghahatid sa lahat sa kapahamakan.
Kailangan mong gumawa ng paraan.

Hindi biro ang harapin ang impyernong


nasa maskara ng isang diyablo.
Silang itinatakda ang malagim na kapalaran
sa sinumang mapili ng kanilang pandinig
ay tila mga diyos na nakapagpapanginig
sa lahat ng sa kanilang landas ay titindig.

Matiyaga mong pinag-aralan ang agham


maging ang sining ng paglaban.
Batid mong katumbas ng bawat
bulong, kaluskos, ingay, at dagundong
ang malagim na wakas at kamatayan.
Kailangan mong gumawa ng paraan.

Sa huli, hindi ka nagkamali.


Dahan-dahan mong isinakatuparan
ang lahat ng pagsisikap at pagtitiyaga
upang pamilya mo’y mailigtas.
Dahil ang totoo, para sa tulad mong ama
sadyang tahimik ang tunay na umiibig.

27
Hindi ka hinalinhinan ng mga salita
kahit sa kahuli-hulihan mong sandali.
Sa gitna ng pinakamasalimuot na gabing
alam mong katapusan na ng ‘yong paghinga,
isinigaw mo pa rin sa anak na minamahal
na siya ang tanging dahilan ng ‘yong pag-iral.

28
PANINGIN
(kay Andrea Paragas Senorio)

Alam kong bibilang pa ng ilang taon


ang pagtitinginan nating hindi kailanman
masusukat ng paningin. Mamasdan pa rin natin

ang bawat pagmulat at pagsasara


ng mga umaga at gabing laging nakamasid.
Inaabangan ang napipinto nating pagkurap.

Ipaaalala ng bawat kong sulyap at titig


na hindi ba, ilang beses na ring nagtangka
ang ating mga mata na humanap ng iba?

Sinubukang tumanaw sa malayo


magbulag-bulagan sa sariling nadarama
subalit bigo — dumaloy lamang ang luha’t dugo

tuluyang binanlawan ang ating pagbabalatkayo.


Dahil kahit piliting ang mga mata’y ipikit,
didilat at didilat ang pusong inangkin

ng mundong matatagpuan lamang


sa bintana ng ating pagsinta
at sa bawat ningning ng ating pagtingin.

29
EKSAM
Parang isang sumpa
ang pumasok sa apat na sulok
ng kulungang ito. Tila paghihimas
ng malamig na rehas na bakal ang pagsagot
sa mga blangkong papel na pinuno ng tinta.

Nakayukong hinahalungkat sa isipan


ang sagot na ninanais nila. Hindi ba maaaring
humingi ng tulong kung nahihirapan na?
Sa aming baryo kasi, kung may sakit ang isa
sama-sama siyang bibigyang-lunas ng iba.

Sulit ba talaga itong nasabing pagsusulit?


Totoo ba ang pangakong pag-unlad
sa mga tulad kong naghahanap ng pag-angat?
Nasa pagitan ba ng bawat pagpipilian
ang matagal nang sagot sa aming kahirapan?

Pagsasanay lang ba ito sa marahas na mundong


may “tamang” sagot subalit walang “wastong” katwiran?
May “pagpipilian” pero iisa lamang ang patutunguhan?
May “pagmamarka” pero walang pagpapaunlad
at pangakong “paglaya” para lamang sa mga kayang lumipad?

30
ASAHI
(sa mga manggagawa ng salamin)

Umuulan noon subalit alam mong hindi ng swerte.


Kitang-kita mo ang paglabas ng kotse
ng bosing na Hapon na kay gaan ng buhay.

Sa iyong mga mata’y tila isang ritwal


ng paghuhugas-kasalanan ang pagdaloy ng ulan
sa kabuuan ng kanyang sasakyan.

Habang sa sarili, damang-dama mo ang bigat


ng luhang nagbabadyang pumatak sa unipormeng
isang dekada mo nang hinihingahan ng pagkabalisa.

Nakabibingi ang bawat tikatik


na unti-unting lumulunod sa sawi mong kapalaran.
Namataan mo ang sarili sa salaming

ikaw at ang pagal mo nang mga kamay ang maylikha.


Kinuyom mo ang mga kamao at unti-unting
nagkaroon ng buhay ang bawat mong pasakit at dusa.

Winasak mo ang aliping nasa salamin.


Umagos ang dugo sa iyong mga mata
subalit nanatiling nakatitig ang katotohanan:

Sahod at benepisyong paambon-ambon


Labis na uhaw sa pag-uunyon
Sa paglaba’y kamatayan ang laging tugon.

Tinikman mo ang sariling dugo


na matagal mo nang ipinaiinom sa Panginoon.
Itinakda ang sariling kapalaran.

Ikaw at ang pagal mong mga kamay


ay ulang babasag
sa salaming malaon mo nang kinapipiitan.

31
LUMULUHA RIN ANG MGA GURO
Madalas, bilang mga guro
tinatawid natin ang hangganan
ng sariling pagtitimpi.

Kinikitlan ang sariling yabang


na nananahan sa katawan
at binubuhay ang pang-unawa.

Sabay makailang ulit nating


tatanungin ang isipan:
Ilang mag-aaral na ba

ang nagtangkang sa ati’y


sumukat at padalos-dalos
na naghatid sa atin ng mga sugat?

Dadaloy ang mga luha subalit


mas mananaig ang pag-ibig.
Babalik at babalik tayo sa tanong

kung bakit ang tulad nating guro


ay tila hindi napapagod
sa buwis-buhay na propesyon

at sa tawag ng tungkuling
bumuo ng tulay at gumiba ng harang
alang-alang sa bayang hinihirang.

32
HINDI LAMANG SA ISIPAN
Alam kong hindi lingid sa atin
na ang alaala’y hindi lamang
nananahan sa isipan.

Matatagpuan ito sa bawat guhit


ng ating mga palad sa tuwing
ito’y nagtatagpo at pinipiling
maglapat. Masasaksihan din ito
sa palitan ng mga ngiti
sa ating mga labi

o sa nagsasalimbayan nating
mga luha sa tuwing magdidikit
ang ating mga katawan

na animo’y nilikha para sa isa’t isa.


Batid kong noon pa ma’y
ang dulot mong pag-ibig

ay pawang burda sa aking balat.


Habang tinitiis ng kalamnan
ang bawat hapdi at kirot

lalo lamang nanunuot


sa kaibuturan. Ikaw ang siyang
tanging nagparamdam sa akin

na maaaring makalimot
at magtaksil ang isipan
subalit hindi ang katawan.

Dahil noon pa man


hindi na lingid sa atin
na ang mga alaala’y hindi lamang

nananahan sa isipan.

33
BULAG
Bulag ka at sanay mata-
matahin nang dahil sa kawalan
ng iyong paningin.

Dama mong ang tulad mo


na mayroong kapansanan
ay kailangang pasanin

ang sariling daigdig


alang-alang sa pamilyang
sa iyo ay nakasandig.

Batid ng ‘yong pandinig,


panlasa, pang-amoy,
at maging ng pandama

na ang kaliwanagan ng buhay


ay nasa kawalan
ng kakayahang makakita.

Mas pipiliin mo ang dilim


kaysa harap-harapang masaksihan
ang impyernong daigdig na langit naman

kung ituring ng mga malalayang


nakakikita subalit piniling magbulag-
bulagan. Mas titiisin mong ngumiti

habang naririnig, kalansing ng mga barya


o manaka-nakang pakikisimpatiya
ng mga tao sa malungkot mong musika

kaysa ang patuloy


na magpakalunod
sa pighating dulot
ng kawalan ng kakayahang

34
makakita. Dahil ang totoo,
kahit sanay ka nang mata-
matahin dahil sa kawalan
ng paningin

ikaw lang ang higit


nakakikilala sa tunay na
mukha ng kahirapan at pagtitiis.

35
LASOG-LASOG
Tumutula ako habang nakasabit
sa dyipning naglalaman ng lahat ng pasakit
pagod, pag-aalala, alinlangan at pangamba.
Ibinulong na lamang sa sariling sa aking pag-uwi
pasasalubungan kita ng tamis ng yakap ko’t ngiti.

Pero hanggang ngayon, hindi pa rin umuusad


ang hari ng lansangang alipin namang tulad
naming maghapon ngang nagtiyaga’t nagpawis
sa isang mundong lahat ng mga umaalis
ay hindi rin nararating ang ginhawang ninanais.

Isang oras na akong nagpapanik-panaog


limas na ang lakas at sumasakit na ang batok
mahahabang pila ng mga tsuper na nais nang sumabog
humihiyaw na busina, sikmura, tambutso at sapatos
tanging gusto na lamang ay makauwi nang maayos.

Pero laking gulat nang biglang ang hari sa likura’y


nag-amok, inararong lahat ng bumubuga ng usok:
isang torong handang sagasaan, suwagin, paslangin
lahat ng sa kanya’y nagbabalak na pumigil at sumiil
tungo sa duguang ilaw ng trapiko na siyang dahilan

kung bakit ako nagtitiis na sumabit


sa dyipning naglalaman ng bawat kong pasakit.

L A S O G -L ASO G
P I R A -P IR A S O
AN G A KI N GK ATA W AN

na nagkalat sa daan. Ayokong umuwi sa iyong hindi ako


ang “ako” na minahal mo’t hinihintay na muling mapasa’yo.
Ibinulong ko na lamang sa sariling sa aking pag-uwi
nawa’y pasalubungan mo ako ng matamis na yakap at ngiti.

36
HINTAY
Naniniwala akong mahalagang tanawin
ang mga anino sa nakaraan
bago ko tuluyang umpisahan
ang paglalahad sa matagal nang
damdaming kinikimkim ng puso
at dahil alam ko, alam ko namang uso
ang tumula na magsisimula sa umpisa
kaya tara. Halika. Halika’t simulan
nating tumula mula sa umpisa ng wakas.

Bakas pa rin sa aking mga mata


ang iniwan mong mga salita.
Mula noong nagpasya kang iwan
ang lahat ng bawat nating samahan,
Pagitan na lamang ang natira
sa ating hindi mapapantayang alaala.
Nasa tabi kita, pero dama ang iyong lamig.

Layo, parang ang layo-


layo ng bawat mong hakbang
Saan ka ba kasi pupunta?
Dati-rati ay ayaw na ayaw mo ang nagpapaalam.
Alam kong hindi mo gusto
ang pakiramdam ng iniiwan pero bakit?

Ano itong mga bakas ng dugong


hugis-sapatos na nasa iyong iniwang liham?
Mga lihim na matagal mo na palang ikinukubli
sa akin, sa amin, at maging sa sarili.
Bakit ang bawat mong ipinintang letra at kataga,
bilang pangwakas sa sinasabi mong dusa,
Parusa ang kabayaran, sa aming mga naiwan.

Dugo. Bakas. Liham. Lihim. Kubli.


Dugo. Bakas. Liham. Lihim. Kubli.
Bitaw. Letra. Kataga. Dusa. Parusa.
Bitaw. Letra. Kataga. Dusa. Parusa!

37
Tang-in*! Nararapat ba talaga nating
pagdaanan ang bawat salita’t parusang
idinulot ng kawalan natin ng ugnayan
sa panahong lubos mo kaming kinakailangan?

Habang tinatapos mo ang sinimulan


at sinisimulan mo ang pagtapos sa iyong sarili
Sana, sinamahan ka na lang namin.
Nag-trip tayong gusto nating mamatay o pumatay
ng bawat buhay at panahong pilit nila sa ating tinangay.

Tagay. Oo, sana itinagay na lang natin


at nagpakalango na lamang tayo
sa mga damdaming unti-unti sating pumapatay.
Para paggising sa umaga, sa panibagong umaga,
masasakit na ulo lamang ang problema
at hindi na mga pusong nagdurusa.

Sana, ganito ang mundo.


Kung saan nagsimula ay doon din magwawakas.
Paano ko sasabihing nangungulila ako sa ‘yo
kung ang espasyong iniwan mo
ang pinakamatindi kong pagsisisi
at kasalanan ko sa mundo?

Paano ko sasabihing sana


sa daigdig ng walang kasiguraduhan
ay naging sigurado ako sa nararamdaman ko.

Napagtanto ko na ring sumunod


sa bawat hagod ng ‘yong tinta
bagtasin ang daang nilandas mo
hanggang sa huling letra at dugo
ng natitira mong oras.

Gusto ko na ring lumisan


upang manatiling buhay sa paningin
ng bawat nating alaalang tanging
naiambag natin sa mundo.

Hintay – parating na ako.

38
HIT AND RUN
Huli na nang mabatid mong
hindi mo na muling makikita pa
ang ina sa inyong mumunting tahanan.
Wala ka nang maramdaman
matapos damhin ang tagos-sa-butong-
sakit na nagpamanhid sa buong kalamnan.
Nanlalabo ang iyong paningin
subalit kitang-kita mo pa rin
kung paanong pinagkaguluhan ng usisa
ang katawan mong tila tinakasan na rin
ng sarili mong kaluluwa.
Bago mo tuluyang ipikit ang mata
at tinanggap ang kapalaran,
naisip mo ang kawatang nagnakaw sa ‘yo
ng makulay mong mundo:
matakbuhan din kaya niya
maging ang konsensyang
hahabulin siya kahit saanman niya
piliing magpunta?

39
PAGTAWID
Bata ka pa lamang ay
ito na ang pinakamahirap na bagay
para sa ‘yo. Itinatak mo sa sarili

ang mahigpit na bilin ni nanay


na laging tumingin sa kanan at kaliwa:
timbangin sa sariling pagpapasya

ang bilis ng nagmamadaling lungsod.


Hindi mo pwedeng tawirin ang bugso
ng damdamin. Dahil kapahamakan lamang

ang lagi nitong dala-dala. Napagtanto mong


tama ang ina no’ng danasin mo ang kauna-
unahan mong pagkabigo nang piliin ng ‘yong

paa na ihakbang ang sarili kahit duguan pa


ang ilaw ng trapikong sinisigawan kang huminto.
Huli na ang lahat nang mapagtanto mong

umaagos na ang ‘yong dugo sa mukha ng puting linya.


Dahan-dahang humihinto ang tibok
ng ‘yong puso subalit nanatiling

nagmamadali ang mga taong


tulad mo’y nais lamang na limutin
ang bawat likaw ng kalye, puso, at bituka.

40
PUSAKAL
Nakita mo ang lasog-
lasog na katawan ng isang pusang
kalye na halos manikit na lamang

sa mainit na aspalto sa tanghaling


tapat. Labas ang bituka at hindi
maipinta ang mukha ng mga nakakikita

sa sawimpalad na bangkay. Bulung-


bulungan na baka dumagit na naman
ito ng hito, tambakol o tulingan sa hapag-

kainan ng bahay ng pulis na nakahimpil


lamang mismo harap ng kalsadang
kanyang kinabuwalan. Naalala mong

bigla ang eksaktong senaryo kung paanong


ang itinuturing mong bayani ng tahanan
ay dinaan-daanan lamang din ng mga

taong tanging bulung-bulungan lang ang


laging pinagkakaabahalan habang
nakikipagbuno sa sariling buhay.

Umagos ang dugo sa iyong mga mata


nang makita mo ang pulis na may tangang
pandakot: naghahandang linisin ang karumal-

dumal na eksena. Kumikinang pa sa


balikat nito ang estrelyang iginawad sa kanya
sa ngalan ng libo-libong walang pangalang

bangkay na tulad ng pusang kalye,


lansangan din ang naging huling hantungan.
Kitang-kita mo sa kanyang mata

ang bakas ng katawang


habambuhay nang magmamarka
sa puso mo’t isipan.

41
MANIBELA

Alam kong pinagtagpo tayo


Sa napakaraming mga sangandaan.
Sa unang beses pa lamang na masilayan
Ang tulad mo’y pinili ko nang higpitan
Ang kapit sa aking manibela.

Ibinulong sa sariling, “Hindi ito madali.”

Gaya nang marami kong paglalakbay,


Batid kong masalimuot ang daan
Tungo sa kaibuturan ng iyong puso.
Ang kaluluwa mo’y hindi patag na kalsada.
Napagtanto kong kailangan ko pang pagtibayin

Ang magiging kapit sa aking manibela.

At ngayong tayo’y iisa na –


Pinanday ang pag-iibigan ng mga hamon
At ng maraming pakikipagsapalaran,
Isa lang ang aking patuloy na maipapangako.

Dumating man ang mas marami pang hamon


Sa biyahe ng ating piniling mundo:
Madulas, maputik, mabato, o maging ito ma’y delikado.
Basta’t kasama kita at ang pagmamahal mo

Habambuhay kong tatangan ang kamay mo


sa manibela ng buhay ko.

42
LATE SUSPENSION

Walang bakas ng ligaya


sa ‘yong mga mata
nang mabatid mong matapos kang

makipaggitgitan at makipagbalyahan
makasakay lang ng jeep o bus
patungong paaralan

nakangiting babati sa ‘yo


ang suspensyong
kay tagal mong inantabayan

hindi pa man isinisilang ang umaga.


Kanina, pawang lakas ng loob
ang inalmusal mo

upang sugurin ang sungit ng panahon


sa ngalan ng pangarap
at pag-asang makapagtapos.

Uuwi kang walang bakas


ng ligaya sa ‘yong mga mata
habang lumuluha ang kalangitan

at binabaybay ng basa mong sapatos


ang daan pabalik sa tahanan. Tanging
ang malamig na panahon ang kayakap mo

habang malalambot na unan at kumot


maging ang next local elections naman
ang kasiping ni meyor sa kanyang higaan.

43
TRAFFIC ENFORCER

Alam mong kahit na magsasayaw-


sayaw ka man sa pagmamando sa daan
hindi pa rin magbabago ang ‘yong

kapalaran na nakakabit na maghapong


pagbababad sa initan. Sampung taon mo
nang tinitiis ang pinakamalaking bagahe

sa dibdib pero alam mong araw-araw


ay panibagong sandali sa ‘yong pag-aasam
na tulad ng sira-sirang traffic lights

na nakatambak sa opisina mong sinlaki


lamang ng public urinal, mapapalitan din.
Ni sa hinagap, ‘di mo inisip na gamitin

ang iyong uniporme para gumaan ang buhay


kaya’t kahit laging napakabigat ng daloy
ng mga sasakyan, nananatili kang tapat

sa tungkuling sinumpaan. Subalit muli kang


nasulasok sa usok ng nakasusukang sistemang
matagal mo nang gustong kalasan

nang mamataan mo na naman ang motorsiklo


ng anak ng alkaldeng kumaladkad sa katawan
ng panganay mong magtatapos na sana

sa kolehiyo at mag-aahon sa inyo sa lusak.


Gusto mong saglit na pahintuin sa pagmamadali
ang lungsod na matagal mong itinuring na tahanan

upang tawagin siya’t ipatupad ang batas.


Luha na lamang ang tangi mong nasumpungan
nang maramdaman mong ni sarili mong mga paa

ay hindi mo maihakbang. Pinagtaksilan ka


ng katawan at inalisan ng layang gawin ang tama.
Napuwing ka sa alikabok mula sa sasakyang

habambuhay nang isusumpa ng ‘yong kaluluwa.

44
TIMPLA

Hindi laging biyaya


ang pagtitimpla
sa mga umagang
wala tayong ibang inaasahan
kundi ang tapang ng kapeng
gigising sa mga diwang
buong gabing pinagkaitang
makahanap ng kapayapaan.

Tila naaaninag natin


kung paanong parang kaluluwang
umaakyat sa langit
ang espiritu ng init
na nagmumula sa tasa.

Hindi ka pa rin makapaniwala


na ang dati-rati’y biyayang dulot
ng uma-umagang paglasap
sa kakaibang aromang
sa kanya mo tanging naramdaman;
isang malaon na pangarap na lamang.

‘Pagkat ang init ng espiritu niyang madalas


nananahan sa kapeng araw-araw mong
ninanamnam sa palad,
pinadadaloy sa lalamunan,
nagpapasigla sa kalamnan,
inaasam at hinahanap-hanap,
nawala na lamang nang isang iglap.
Nanlamig na at hindi na muling
maaaring makaniig pa.

Hindi laging biyaya


ang pagtitimpla
ng kape sa umaga
lalo na kung bigla-bigla’y
mapagtatanto mong
nag-iisa ka na pala.

45
SUMPA ANG PAGTULA

Ang totoo, simula nang tanggapin mo


ang mga kataga sa kaibuturan ng iyong puso
itinali mo na ang iyong mundo

para sa isang malagim na sumpa.


Hahanap at hahanap ng pagkakataon
at sitwasyon ang nagkatawang-taong

salita para ipako ang ‘yong mga mata


sa sandaling mga tagpo
ngunit tila habambuhay nang babago

sa pinaghirapan mong buuing kabuuan.


Nariyang hindi ka patutulugin
sa mga gabing nakatutukso ang paghimbing:

ipaaalala sa ‘yo ang mga dapat nang kalimutan


at tila bagyong raragasa sa utak mo
ang mga tagpong matagal mo nang tinalikuran.

Dadarangin ka sa apoy ng mga pangalan


at mga gunitang akala mo’y naibaon mo na
sa pagitan ng mga nilamukos na papel,

ginupit-gupit na mga larawan,


pira-pirasong salamin,
mga abo ng dati-rati’y mga liham

na hindi mo kailanman pinatuloy sa isip


na ang kahahantungan
ay isang masamang panaginip.

Dahil makata, kailangan mong tanggapin


na ang pag-ibig sa tula
ang pinakamabigat mong sumpa.

Hindi ka ganap na makalalaya


kung mananatiling alipin ka
ng sarili mong mga tugma.

46
ANG MAY-AKDA

Si Gerome Nicolas Dela Peña ay nagtapos ng kursong BSED-


Filipino sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig at kasalukuyang
nasa ilalim ng programang M.A. sa Filipinolohiya sa
Pamantasan ng Lungsod ng Marikina. Naging Pangulo siya ng
SamFil (Samahan ng mga Mag-aaral na Nagpapakadalubhasa
sa Asignaturang Filipino) at Pangulo rin ng University Student
Council noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Kasalukuyan
siyang guro sa Departmento ng Filipino sa Our Lady of Fatima
University - Antipolo Campus. Siya ay ganap na kasapi ng
KATAGA (Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas).

Nagwagi na siya ng iba’t ibang karangalan at gantimpala


sa pagsulat sa larang ng wika at panitikang Filipino gaya
ng Unang Karangalan sa Tagisan ng Makata ng SamFil,
Unang Gantimpala sa Pagsulat ng Tula (TANAGA) mula sa
Kilometer 64 Writers’ Collective, mga gantimpala sa pagsulat
ng tula mula sa KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining
at Panitikan) at iba pa. Siya ang may-akda ng librong, “Late-
Later-Latest (Mga Hugot Kong Laptrip at Badtrip)” na lumabas
noong 2016 at ilan sa kanyang mga tula, sanaysay at maikling
kwento ay nailathala na rin sa iba’t ibang mga antolohiya at
textbooks sa buong bansa.

Kinilala at pinarangalan ng prestihiyosong Saranggola Blog


Awards ang kanyang mga tula at sanaysay sa magkasunod
na taong 2016 at 2017. Siya rin ay co-editor at contributor ng
Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials na
inilathala ng Southern Voices. Naging fellow siya sa tula ng ika-
6 na Angono Summer Writers Workshop na ginanap mismo sa
Art Capital ng bansa. Bahagi naman ang kanyang mga tula at
dagli sa kalalabas lamang na antolohiyang “Tuwing Umuulan”
na inilathala ng Kataga-Manila.

Madalas siyang maimbitahan bilang panauhing tagapagsalita


sa mga seminar at palihan hinggil sa wika, literatura at
pananaliksik sa Filipino sa iba’t ibang paaralan at pamantasan.

Kasalukuyan siyang Pangulo ng DamLay-Institute of Graduate


Studies ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina. Kasalukuyan
din niyang isinusulat ang isang koleksyon ng mga tula para sa
kanyang panggradwadong tesis.

47
48
49

You might also like