You are on page 1of 9

Pagsisiyam sa Mahal na Poon San Juan Nepomuceno

Yugto ng Pagsisisi
Panginoon kong Hesukristo, na napapako sa Krus dahilan sa
pagsinta sa akin, at hindi mo ibig na ang makasalanan ay
mapasama, kundi ang siya'y magbalikloob at mapakagalinbg;
pinagsisisihan kong masakit at taimtim sa puso ang lahat ng
kasalanan ko, at sa pagkaluhod ko ngayon sa harap mo'y
hinahagkan ko ang iyong mga mahal na paa, at hinihingi ko sa
iyo na ako'y patawarin mo, yayamang ikaw ay kagalingang
walang hanggan. Diyos na dapat sintahin ng buong puso, at
lalo sa lahat; lubha kong dinaramdam ang pagkakasala, at
matibay ang aking panatang magbago ng asal at dumulog ng
tapat sa banal na Sakramento ng Pangungumpisal.

Alang-alang sa mga kamahal-mahalan mong sugat, sa maantak


na Pasyon at kalait-lait na pagkamatay mo, at pakundangan
naman sa mga sakit ng iyong kabanal-banalang Ina, at sa mga
karapatan ng iyong mabait na alagad at martir na si San Juan
Nepomuceno, na aming pintakasi, ay ini-aamo ko sa iyo na
ipagkaloob mo sa akin ang ako'y mamatay, bago magkasala sa
iyo, at ang pananatili sa tunay na pagsinta't paglilingkod sa
iyong kamahalan hanggang sa huling sandali ng aking buhay.
Siya nawa.

(Dasalin ang panalanging tangi para sa araw)


Panalangin sa Araw-Araw
At yayamang ikaw ay naging tanging Pintakasi ng puring
iniingatan, hingin mo sa kanya na makilala namin ang
nakasusuklam na kapangitan, ang kasiraan ng puri't ang lubos
na kamurahan ng kaluluwang nasa kasalanang malaki,
sapagkat siya ay kaaway ng Panginoong Diyos at alipin ng
demonyo: at sa tapat na pagpapahayag ng aming mga
kasalanan sa pamamagitan ng isang taimtim na
pangungumpisal, ay kamtan namin ang tunay na kapurihan ng
mga natuturang anak at kaibigan ng Panginoong Diyos dahil sa
grasya. Siya Nawa.

3-Ama namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati . . .


(Sa Santisima Trinidad)
At hingin ang biyayang ninanasang kamtan

Huling Panalangin sa Araw-araw


O Diyos na makapangyayari sa lahat, at Panginoon ng tanang
kinapal; Diyos na dapat sambahin, igalang at purihin: ini-aamo
namin sa iyo ng buong pagpapakababa ng loob na alang-alang
sa mga karapatan at sa pamamagitan ng maluwalhating martir
at aming pintakasi na si San Juan Nepomuceno ay ilayo mo sa
amin ang anumang kasiraan ng puri, kamurahan at hayag na
kahihiyan, na makaliligalig sa amin sa paglilingkod sa iyo, at
iadya mo kami ng lalo't lalo sa malaking kamurahan, lubos na
kahihiyan at mga paglait na dadalitain ng mga sinumpa sa
harap ng tanang mga Anghel at Santo, sa araw ng paghuhukom
sa sangkatauhan; at sa pagmamahal namin sa mga kapuriha't
karangalan sa lupa ay huwag mawala sa amin ang puring
walang hanggan at ang kaluwalhatiang inihahanda mo sa iyong
mga hinirang sa Langit. Alang-Alang sa anak mo, Panginoon
naming Hesukristo, na nagtiis ng kalait-lait na kamatayan dahil
sa pagtubos sa amin, at nang kami ay mailigtas sa kahihiyang
walang hanggan; at Siya'y Diyos na sumasaiyo, nabubuhay at
naghaharing kasama ang Espiritu Santo magpakailanman
saan. Siya Nawa.

Mga Dalit sa Kapurihan ni San Juan Nepomuceno


Sagot: Gawin ka naming uliran, O San Juan, sa Kabanalan
1.) Pintakasing Tinuturan
Ng Puring iniingitan:

2.) Tulad ni San Juan Bautista


Ikaw ay bungang nilalang
ng matatandang magulang,
Na sa Birhen ay umasa;
Madali kang nagpakita
ng hilig sa kagalingan:

3.) Sa panganganak sa iyo


buong bayan ay nagtaka
Sa nakikitang himala
sa bubungan ng bahay mo;
Na parang maraming ilaw,
Mga bituin kung titigan:

4.) Sa Nepomu, sa bohemia


Lumabas ka sa liwanag,
ikaw ay nagpakasipag
sa pangangaral sa Praga;
At maraming nagkasala
ang naakay sa katuwiran:

5.) Maraming lubhang biyaya


ng Poong Birheng Maria
sa iyo'y nagpakilala
na para kang anak niya
Doktor, Martir na masigla,
at Birhen sa kalinisan:

6.) Kay Wenceslao na nagnasa


na isulit sa kanya
Ang sikreto ng konsyensya
ng asawa niyang Reina;
Inilaban mong masigla
Ang mahal na kalihiman:

7.) Sa Malaking pagka galit


ni Wenceslao na malupit,
At hindi ka nga mapilit
Sa hindi dapat isulit,
Binalaan kang mahigpit,
ng hatol na kamatayan:

8.)Nalunod ka't namatay


sa kalaliman ng ilog,
At doon ka inihulog
Mula sa taas ng tulay;
Inibig ng haring banday
Siya mong maging libingan:

9.) Bangkay mong lulutang-lutang


Sa gabi ay nagniningning,
At nakuha't nailibing
Minahal at iginalang
at walang na alang-alang
sa haring natitigilan:

10.) Sa Limang bituing masinag


na iniabuloy ng Langit
Sa bangkay mong ililigpit,
Ay nabantog at natanyag
ang nakamtam mong liwanag
sa buhay na walang hanggan:
11.) Sa pagkabaon mo sa lupa
Tatlong siglong mahigit,
nagningning at marikit
Ang iyong mahal na dila;
Himalang kahanga-hanga,
Tanda ng iyong kabaitan:

12.) Pintakasing Tinuturan


Ng Puring iniingitan:

Antifona
Ito ang tunay na Martir na dahil sa ngalan ni Kristo'y nagbuhos
ng kanyang dugo: hindi siya natakot sa mga babala ng mga
hukom, ni hindi niya hinangad ang luningning ng mga
karangalan sa lupa, kaya sumapit siyang maluwalhati sa
kaharian ng Langit.

Ang banal ay mananariwang parang Azucena. At parating


mamumulaklak sa harap ng Diyos.
Ipanalangin mo kami, maluwalhating Martir San Juan
Nepomuceno. Nang kami ay maging dapat sa mga pangako ni
Hesukristo.

Panalangin
O Diyos na sa masusing pag-iingat ni San Juan Nepomuceno ng
mahal na Lihim ng Pangungumpisal, ay pinamutihan mo ang
Santa Iglesia ng mga martires: Ipagkaloob mong maawain na
kami ay magtipid sa pangungusap, at matutuhan naming
ingatan ang dila, at lalong magalingin at magtiis ng anumang
hirap at sakuna sa buhay na ito, kaysa tumanggap ng anumang
ipagkakasala sa iyo. Alang-alang sa Anak mo, Panginoon
naming Hesukristo, Diyos na sumasaiyo, nabubuhay at
naghaharing kasama ang Espiritu Santo magpakailanman
saan. Siya Nawa.

1 Aba po Santa Mariang Hari


(Sa Mahal na Virgen)
1 Ama namin, Aba Ginoong Maria, Luwalhati
(Kay San Jose)
Idalangin ang mga naghihingalo at kaluluwa sa Purgatoryo
MGA PANALANGING TANGI PARA SA ARAW
Unang Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na sa panganganak sa iyo ay pinagpala ka ng
Diyos, at inibig niya ang bubungan ng iyong bahay ay makitaan
ng maniningning na ilaw, mga tandang nagpahayag na ikaw ay
lumalabas sa maliwanag, upang iyong akayin ang tao sa
magaling: ini-aamo namin sa iyo na hingin mo sa Panginoong
Diyos na ang aming isip ay liwanagan ng kanyang mahal na
grasya, nang magalab ang puso namin sa tunay na pagsinta sa
kanya, matutuhan naming kilanlin at hamakin ang
kaparangalan ng mga bagay sa lupa, at aming pagpilitan ang
pagkamit ng mga bagay na walang katapusan sa Langit.

Ikalawang Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na binigyan ng Panginoong Diyos ng biyayang
pagkakilala, at pinamutihan ng katakatakang karunungan,
nang ikaw ay matutong mamahala't umakay sa mga kaluluwa
sa daang masikip na patungo sa Langit: Ini-aamo namin sa Iyo
na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng tunay na
karunungan, na hindi nakakamtan kundi sa maningas na
pagsinta sa Kanya't sa matiyagang pag-alinsunod sa mahal
niyang kalooban.

Ikatlong Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na pinagkalooban ng Panginoong Diyos ng
maningas na pagsinta't pagmamalasakit sa ikagagaling ng
mga kaluluwa, ng ikaw ay mangaral ng parang alagad niya't
apostol, at maituro mo sa lahat ang mga katotohanang walang
hanggan: ini-aamo namin sa iyo na turuan mo kaming matakot
sa Panginoong Diyos, upang maitaguyod namin sa paglilingkod
at pamimintuho sa kanyang kamahalan ang aming mga
panimdim, pangungusap at gawang lahat.

Ikaapat na Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na pinamutihan ng Panginoong Diyos , ng isang
malalim na pagpapakababa ng loob, tinanggihan mo't niwalang
kasaysayan ang mga karangalan sa lupa, at inari mong
lubhang mataas na kapurihan ang maglingkod lamang at
manuyo sa Hari ng Langit: ini-aamo namin sa iyo na ihingi mo
kami sa Panginoong Diyos ng tunay na kababaan ng loob,
upang mailagan namin ang malabis na pagnanasa ng mga
papuri sa mundo, at sa halip nito'y mahalin lamang at hanapin
ang nauukol sa pamimintuho sa Kanya.

Ikalimang Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na minahal at ginawang tagapaglimos ng haring
Wenceslao, at nagpakita sa isang lubusang pagkamahabagin
at tunay na pagsintang ama sa mga maralitang tao, na
inaabuluyan mo't binubusog sa lahat ng kanilang
pangangailangan, at walang nakahihigit kundi ang lalong
nasasalat: ini-aamo namin sa iyo na ihingi mo kami sa
Panginoong Diyos ng malaking pagkahabag at awa sa mga
tunay na mahirap, na sila'y mga kapatid ding dapat ibigin alang
alang sa Panginoong Diyos.
Ikaanim na Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na hindi ka natakot munti man sa hari sa lupa,
samantalang sa pagtingin lamang at pagnanasang magbigay-
lugod sa Hari ng Langit ay buong kabayanihan ng loob na
nanatili kang matiyaga sa panatang hindi sisirain ang banal na
lihim ng Pangungumpisal: ini-aamo namin sa iyo na ihingi mo
kami sa Panginoong Diyos ng katibayan ng puso sa
pagsasagawa ng kabanalan, upang matutuhan naming walang
kasaysayan masasamang hangaring nakaliligaw sa pagsunod
sa kanyang mga kautusan.

Ikapitong Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na nagtiis ng sari-saring mabibigat na parusa, at
ibinulid sa isang ilog, at doon nalunod at namatay alang-alang
sa Panginoong Diyos, upang mapatotohanan mong ikaw ay
aliping mabait, na hindi sumala sa iyong tapat na paglilingkod
sa kanya: ini-aamo namin sa iyo na ihingi mo kami sa
Panginoong Diyos ng anumang dusa't hirap sa buhay na ito, sa
pangingilag sa kasalanan, at kami ay tulungan mong maamo't
saklolohan sa sandali ng kamatayan.

Ikawalong Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na inibig ng Panginoong Diyos na igalang at
purihin sa pamamagitan ng madlang himala ng kanyang awa
na ipinagkakaloob sa mga tumatawag at napasasaklolo sa iyo,
at sa bagsik naman ng mga parusa niya sa mga pangahas na
nagbantang lumapastangan sa iyong mahal na libingan: ini-
aamo namin sa iyo na ihingi mo kami sa Panginoong Diyos ng
tunay na pagmamahal sa kalinisan, at ang mga puso namin, na
parang mga libingan ni Hesukristo, kung siya'y aming
tinatanggap sa banal na Pakikinabang, ay huwag mawili sa
anumang panimdim at pag-ibig na di matuwid.

Ikasiyam na Araw
Maluwalhating Martir at iniibig naming Pintakasi, San Juan
Nepomuceno, na pinapuriha't ginaganti ng Panginoong Diyos
ng malaking tuwa't ligaya sa Langit, at iniibig niyang mabantog
ka sa lupa sa pamamagitan ng mga himala't pagpala ng
kanyang awana iginagawad sa mga nagpapaunlak sa iyo na
napaampon sa iyong pagtatangkilik sa kanilang mga
pangangailangan: ini-aamo namin sa iyo na ihingi mo kami sa
Panginoong Diyos ng isang tunay na pagdedebosyon at
pagsintang anak sa Mahal na Birhen, at sa anumang hirap at
panganib ng kaluluwa't katawan ay ipagkaloob mo sa amin ang
iyong mabisang pagsaklolo.

You might also like