You are on page 1of 12

MATAAS NA PAARALAN NG KOLEHIYO NG MIRIAM

Loyola Heights, Katipunan, Quezon City

SEX EDUCATION SA BANSANG PILIPINAS: ISANG PAG-AARAL SA MGA


BENEPISYONG MAKUKUHA NG MGA ESTUDYANTE NG MATAAS NA PAARALAN
NG KOLEHIYO NG MIRIAM

Bilang Katugunan sa Pangangailangan sa


Asignaturang Pagsulat sa Piling Larangan

Mga Mananaliksik:
Abbu, Mae
Ajoc, Jenny
Bonifacio, Julianne Denise
Kim, Si Young
Lazier, Heather
Leyson, Mariella

12-Agnesi

Isinumite Kay:
Bb. Angela Bautista

Setyembre 19, 2017


INTRODUKSYON

Kilala ang Pilipinas bilang isang konserbatibong bansa. Ngunit sa panahon

ngayon, mapapansin na patuloy nang lumilitaw ang mga isyung may kinalaman sa

iresponsableng pakikipagtalik. Karaniwang nauuwi ito sa hindi ginustong pagbubuntis,

pagpapalaglag, watak na pamilya, sexually transmitted diseases (STD), at marami pang

iba. Ang mas nakalulungkot pa ay madalas ang kabataan ang nasasangkot dito.

Isa sa mga malulubhang problema na hinaharap ng Pilipinas taon-taon ay ang

pagtaas ng populasyon. Ayon sa istatistika, ang populasyon ng Pilipinas noong taong

2000 ay nasa 76.50 milyon at umabot sa 88.57 milyon noong taong 2007 na

nangangahulugang 2.04 porsyento ang tinaas ng ating populasyon malipas lamang ng

pitong taon. Mataas ang population growth rate na ito para sa isang maliit at mahirap na

bansa tulad ng Pilipinas. Isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng pagtaas ng populasyon

sa ating bansa ay ang pagsabak ng mga Filipino sa premarital sex, at kadalasan ito ang

nagiging sanhi ng maagang pagbubuntis ng mga kabataang babae. Ang sex education

ay makatutulong upang maiwasan ang maagang pagbubuntis lalo na sa mga kabataan

at para maiwasan na rin ang mga sexually transmitted diseases. Ito rin ay pagkakataon

sa paaralan na matalakay ang mga responsableng asal kaugnay ng pakikipagtalik.

Maraming maitutulong ang sex education sa problema sa paglaki ng populasyon

at pagkalat ng sexually transmitted diseases sa ating bansa. Ngunit, sa kasamaang

palad, hindi sumasang-ayon ang mga konserbatibo sa lipunan at pati na rin ang

katolikong simbahan na ipatupad ito sa kurikulum. Ang iba’t ibang kultura sa loob at

labas ng bansa ay mayroong sari-sariling pananaw sa moralidad ng pakikipagtalik ng


mga hindi pa naikakasal. Ang sinasabi naman ng iba ay ang sex ay opsyonal o

depende sa tao kung pipiliing maagang masangkot sa nasabing aktibidad, habang ang

iba ay itinatanggi ang sex sa mga hindi pa naikakasal.

Ang iba’t ibang dahilan kung bakit hindi sumasang-ayon ang katolikong

simbahan na ipatupad ito ay dahil hindi ito angkop sa bansang Pilipinas, na kilala bilang

isang relihiyosong bansa, at ayon din sa kanila ay maaaring mas mahihikayat ang

kabataan na sumabak sa premarital sex. Kung walang tamang patnubay, mananatili na

ang pag-unawa ng mga kabataan sa sex ay isang gawain na mapagkukunan ng

kaluguran na hindi alam ang tunay na resulta - ang hirap ng pagpapaanak.

Nais na magsilbing gabay ang papel na ito upang makatulong na makahanap ng

solusyon sa pagtaas ng populasyon ng Pilipinas. Maaari rin itong maging gabay sa mga

magsasaliksik na kaparehas din sa paksang ito. Ang papel na Ito ay makatutulong din

upang mabigyan ng kaalaman ang mga tao sa pagiging handa at malaman ang

kahalagahan ng pag-aaral sa sex education. Oras na upang maipatupad ito sa

Pilipinas.

Layunin

Ang konseptong papel na ito ay ginawa upang matalakay ang sex education sa

bansang Pilipinas. Ang papel na ito ay naglalaman ng impormasyon patungkol sa mga

naidulot ng pagbabahagi ng sex education sa mga kurikulum. Makikita rin dito ang

pagtalakay sa epekto ng sex education sa mga bansang nagpapatupad na nito.

Maaring magamit rin ang papel na ito bilang isang sanggunian ng mga may nais na
pag-aralan ang sex education. Ang papel na ito rin ay ginawa upang mabigyan ng

pansin ang posibilidad ng pagiging parte ng sex education sa kurikulum ng Pilipinas.

Pangkalahatan: Paano makatutulong ang Sex Education sa mga Estudyante sa

Mataas na Paaralan ng Miriam?

Tiyak:

● Bakit mahalagang talakayin ang Sex Education lalo na sa mga kabataan?

● Anu-ano ang mga puntong tinatalakay sa kurso ng Sex Education?

● Bakit hindi kabilang ang Sex Education sa kurikulum ng Miriam? Ano ang

magiging epekto nito kung ipapatupad ito sa susunod na taon?

● Paano maisasabuhay ng mga estudyante ng Miriam ang mga puntong ibibigay

ng pananaliksik?

● Epektibo ba ang paraan ng pagtatalakay ng Sex Education sa ating bansa?

● Ano ang mga plano ng gobyerno sa pagpapatupad ng pagsama ng Sex

Education sa bagong kurikulum?

● Ano ang mga magagandang bunga ng pagtalakay ng Sex Education sa

paaralan?

Kahalagahan

Ang pagkakaroon ng sex education sa bansa ay makatutulong upang mabigyan

ng sapat na kaalaman ang mga estudyante sa tamang pagdesisyon. Ang pag-aaral din

na ito ay mahalaga upang mabigyan sila ng kaalaman patungkol sa relasyon,

sekswalidad, at ang mga aktibidad na may kinalaman dito. Ito rin ay isang paghahanda
sa pagtapak sa buhay ng isang matanda. Ang pagiging handa ay nakatutulong upang

maiwasan ang mga sakit na pwedeng makuha katulad ng AIDS o HIV. Ang pag-aaral

na ito ay hindi lang tungkol sa pakikipagtalik kung hindi isa ring gabay sa paglaki ng

bawat isa sa atin. Ang sex ay normal na bahagi ng buhay at dapat ay hayaan ang mga

kabataan na mapag-aralan ito. Lahat ay may karapatan sa sex education at oras na

upang ito ay isali sa kurikulum ng ating bansa.

Maraming komunidad ang pabor sa pag-aaral ng sex education. Mayroon din

namang mga komunidad na hindi. Ang papel na ito ang magsisilbing gabay sa pag-

intindi ng mga tao sa paksa. Mahalaga ito para sa mga komunidad sapagkat pinapakita

dito na ang sex education ay hindi lamang tungkol sa sex at droga, may mas malalim

pa ito na kahulugan. Importante na malaman ng mga komunidad ang mga puwedeng

mangyari kapag hindi ito ipasok sa kurikulum ng mga estudyante. Ang pag-aaral nito ay

hindi humihikayat ng mga tinedyer na magkaroon ng sex, kung hindi ang kabaliktaran.

Sa huli, mahalaga itong papel na ito para sa komunidad para mabukas ang kanilang

puso't isipan na isang tungkulin ang turuan ang susunod na henerasyon.

Ang papel na ito ay makatutulong para maimulat ang mga mata ng gobyerno na

makatutulong ang sex education sa mga problema na hinaharap ng Pilipinas katulad ng

paglaki ng populasyon. Ito rin ay para malaman nila na ang pagdagdag ng sex

education ay para maiwasan ang mga iresponsableng asal ng mga Filipino na patungo

sa maagang pagbubuntis. Kailangan din mapagtanto ng administrasyon na ito ay

importante sa sikolohikal na paglaho ng mga kabataan.

Kaugnay na Literatura at Pag-aaral


Mula sa mga pag-aaral ng Advocates for Youth Organization (2009), nalaman na

ang pagkakaroon ng maayos na sex education ay nakatulong upang mapalawak ang

bilang ng mga hindi handa sa pakikipagtalik. Ang mga kabataan ay mas gumamamit din

ng contraceptive kung ito ay napapabilang sa kanilang kurikulum. Importante rin ito

upang mabigyan ng tamang gabay ang mga kabataan. Nakatulong na ito sa

pagkaantala ng kabataan sa sekswal na aktibidad o ang dalas nito, bawasan ang bilang

ng mga kasosyo sa pakikipagtalik at nadagdagan ang bilang ng gumagamit ng condom

at ng contraceptive. Ang mga resulta na ito ay labis na mahalaga upang mapatunayan

na ang pagkabilang nito sa kurikulum ng mga paaralan ay mahalaga.

Ayon sa artikulo ni Andrade (2016), ang sex education dito sa bansang Pilipinas

ay hindi umiikot sa konsepto ng sex mismo kung hindi tungkol ito sa mga bagay na may

kinalaman sa personal na kaligtasan, kalinisan, at pangkalahatang kalagayan ng isang

indibidwal. Ito ang naging pangunahing layunin ng sex education sa kurikulum ng K-12

ayon sa opisyal na sinabi ng DepEd. Napapabilang na ito sa “Responsible Parenthood

and Reproductive Health Law of 2012” na mas kinikilala bilang “RH Law” na masugid na

ipinatupad ni Pangulong Duterte sa kaniyang administrasyon. Kabilang na rin sa artikulo

ang pahayag ni Rosalie Masilang, DepEd Adolescent Reproductive Health focal person

at supervising education program specialist. Sinabi niya na sa unang baitang pa lamang

ay tinuturo na kaagad ang pagkakaiba ng tama at maling uri ng hawak sa mga tuntunin

ng sekswal na moralidad. Tinama rin niya ang mga maling pananaw ng mga

konserbatibo patungkol sa sex education na sinasabing kabilang din dito ang mga

diskusyon patungkol sa kasarian at sekswalidad, tamang mga halaga at mga kaugalian

ng interpersonal na relasyon upang sikaping pigilin ang maagang pagbubuntis at


premarital sex. Mahalaga ito sapagkat nagbibigay-kaalaman ito sa modernong

kalagayan at pagsasagawa ng sex education sa bansa sa iba’t ibang antas o baitang ng

mga paaralan.

Ayon kay Alfonso Card. López Trujillo (1995), kasama ang The Pontifical Council

For The Family, nagpahayag sila ng mga patnubay pagdating sa sex education. Ang

tradisyonal na pagtuturo ng Simbahang Katoliko tungkol sa edukasyon sa sex, ayon

kina Popes Pius XI at Pius XII, ay hindi dapat na ito nagbibigay ng maseselang

impormasyon sa lahat, kundi ito ay dapat isang bagay na nagbibigay ng kahinhinan,

kadalisayan, kalinisang-puri, moralidad, at isang bagay na nagtuturo sa ikaanim at

ikasiyam na kautusan. Bukod pa rito, ito ay dapat ding maging pangunahing bagay para

sa mga magulang na magbahagi nang pribado sa bahay. Sa Mataas na Paaralan ng

Kolehiyo ng Miriam, hindi opisyal napapabilang ang sex education sa kanilang

kurikulum, ngunit napapabilang ito kahit na hindi tuwiran sapagkat isa itong paaralang

Katoliko. Nakatutulong ang sanggunian na ito upang makita sa konstekto ng isang

paaralang Katoliko ang sex education, lalo na’t may kinalaman ang pag-aaral na ito sa

kurikulum ng Miriam.

Sa artikulong “Why The Philippines needs Sex Education” ni Perales (2012),

pinag-uusapan ang iba’t ibang mga kahihinatnan ng mga kabataan na walang alam

tungkol sa sex education, kagaya ng maagang pagbubuntis na ang edad pa lamang ay

namamagitan sa 15-19, at ang pagkalat ng iba’t ibang sakit katulad ng HIV. Nabanggit

din dito ang pagiging Katoliko ng bansang Pilipinas at paano ito nagiging basehan para

ipatupad ang ito sa sistema ng mga paaralan dahil maiiwasan ang aborsyon ng mga

batang ina. Nagbigay ng datos ang manunulat ng artikulo na nilalahad ang bilang ng
batang kalye na 1.5 milyon noong 1998. Sa huli, nagbigay ng iba’t ibang bagay na

makukuha sa sex education kagaya ng pagplano ng pamilya para sa kinabukasan,

pangilin, paggamit ng birth control, at iba pa.

Ayon kay La Bella (2014) at sa mga kapwa niyang mananaliksik sa talaarawan

ng Incorporating Sexuality Education in the Public School System: Perception from the

Philippines ay nanguha ng impormasyon at datos tungkol sa mga benepisyo ng sex

education sa bansang Pilipinas katulad ng Baseco, Quezon City, at Binan. Nangolekta

rin ng iba't ibang opinyon ng mga taong maaapektuhan tungkol sa pag-implementa ng

sex education kagaya ng mga estudyante at guro. Sa talaarawan na ito, ang mga

estudyante, kinakailangan ng mga paaralan sa sistema ang “SexEd”. Base raw ito sa

kanilang karanasan kasama ang kanilang pamilya o kaya ang kanilang mga kaibigan.

Makatutulong din ang SexEd sa pagpalakas ng kanilang relasyon sa kanilang magulang

para maiwasan ang presyon tungkol sa pakikipagtalik. Samantalang para sa mga guro,

hindi sila sang-ayon sa pagturo nito dahil hindi raw ito tama sa kanilang mga paniwala

at moralidad. Ang mga datos at mahihinuhang impormasyon dito ay makatutulong na

tumutukoy sa sex education at bakit ito kailangan sa Pilipinas.

Ang artikulo ni De, A. (2015) ay pinaguusapan ang benepisyo at kasamaan ng

pagkakaroon ng sex education sa Pilipinas. Kasama sa benepisyo nito ay ang

paglalawak ng kaalaman ng mga kabataan sa mga epekto ng sex sa kanilang buhay at

kung kailan lamang ito dapat ginagawa, malalaman na nila ang mga dahilan kung bakit

nagiiba ang kanilang mga katawan habang sila ay lumalaki (hormonal changes), paano

maiiwasan ang maagang pagbubuntis at ang mga isyu na may kaugnayan sa sex

katulad ng panggagahasa. Sa kabilang banda, ang mga nabanggit na kasamaan ng


pagkakaroon ng sex education sa kurikulum ay una, may mga relihiyon na hindi

sumasang-ayon dito at maaari na ang mga paksa ay laban sa kanilang mga paniniwala.

Pangalawa, may mga estudyante at guro na hindi interesado sa paksa na ito at baka ito

ay hindi bigyan ng kahalagaan o hindi seryosohin at pangatlo, maaaring magkaroon ng

mga maling impormasyon sa mga pagtuturo at ito ay bigyan ng masamang impresyon

ng mga estudyante.

Isang panayam na isinagawa ni Yuvienco J. G. (2016) ay tungkol sa iba’t ibang

mga magulang na nag papaliwanag kung bakit mas naniniwala sila na dapat may

pinagmumulan ng kaalaman ang mga kabataan sa sex education. Sa pagbubuod ng

mga impormasyon na nangalap mula rito, madalas na nakukuha ng mga bata ang

impormasyon sa sex sa kanilang mga kaibigan o social media ngunit, maaaring mali

ang mga impormasyon na kanilang natututuhan. Bukod dito, nais ng mga magulang na

mas maging bukas ang kanilang mga anak sa paksang sex at ang proseso ng

conception upang magabayan nila sila ukol rito. Huli, ayon kay Gilkerson, ang sex

education ay hindi lamang tungkol sa sex mismo o sa pagbubuo ng anak kundi, ito ay

nagpapakita ng halimbawa ng pagmamahal ng mga magulang sa isa’t isa at paggalang

sa asawa.

Ayon kay Stephens (2012) sa librong “Teenage Sexuality”, Kailangang mag-

ambag ang mga paaralan, magulang at mga komunidad sa pagturo ng sex education.

Dapat din ito pondohan ng gobyerno sapagkat ang mga programa sa eskwelahan

tungkol sa sex education ay kadalasang maayos at nagbibigay na ng opportunidad sa

pag-unlad ng kasanayan at saloobin ng mga tao sa pamamagitan ng mga aralin sa

kurikulum.
Ang artikulo naman ni Santos (2015) na pinamagatang “Learning sex education

in school” ay tungkol sa pangangailangan ng ating henerasyon ngayon ng higit sa

karaniwan na talakayan tungkol sa sex education. Binigyan diin ng manunulat na hindi

araw-araw na nakikipag-usap ang mga kabataan tungkol sa kasarian at ang mga

pakikibaka ng pagiging isang tinedyer sa kanilang silid-aralan. Karaniwan, nakikipag-

usap sila sa kanilang mga sarili at ang mga impormasyon na nakukuha nila ay

kadalasang mga maling kuro-kuro at kababalaghan mula sa iba pa nilang mga kaibigan.

Makatutulong ito sa papel sapagkat ipinapakita dito ang mga rason kung bakit

mahalaga na matutunan ng mga estudyante ang sex education.

Ayon sa artikulong “School-Based Sex Education” ng organisasyong US Aid

(n.d.), ang pagkakaroon ng sex education sa paaralan ay dinisenyo upang madagdagan

ang kaalaman at hikayatin ang mga estudyante sa pagbabawas ng sekswal aktibidad

para sa pagpigil sa pagkakaroon ng HIV at iba pang sakit. Ang programang ito ay ay

nagiging gabay at preparasyon ng mga estudyante upang malaman kung ano ang mga

kahihinatnan nito. Nalaman na ang mga mag-aaral ay na parte ng sex education ay

mas maraming kaalaman tungkol sa HIV at kaugnay na mga sakit kaysa sa mga

kabataan na hindi. Napag-alaman din na ang mga mag-aaral na tumatanggap ng

komprehensibong pag-aaral sa sex sa kanilang paaralan ay nagpakita ng mas

kahandaan pagdating sa pagdedesisyon sa sekswal na bagay. Sa huli, masasabing

nakabubuti sa mga mag-aaral ang pagkakaroon ng sex education sa kurikulum.

Metodolohiya

Upang makagawa ng isang konseptong papel tungkol sa Sex Edukasyon sa

bansang Pilipinas at ang benepisyong mahahalap dito ng mga estudyante sa Miriam,


sisimulan ng mga mananaliksik na maghanap ng iba't ibang impormasyon tungkol sa

sex education. Una sa lahat, maglalaan ang mga mananaliksik ng mga ispesipikong

araw upang maghanap sa silid-aklatan at makakuha ng mga iba't ibang sanggunian

mula sa mga nilimbag na panitikan. Matapos maghanap ng mga sanggunian galing sa

silid-aklatan, maglalaan ng ilang araw upang makakuha ng impormasyon at datos gamit

ang internet. Pagsasama-samahin ang lahat ng mga nakuhang sanggunian ngunit

pipiliin lamang ang mga pinakamaaasahang teksto na maaaring gamitin sa konseptong

papel. Sa pagtapos ng paghanap ng mga sanggunian, magsusulat ng maayos at

detalyadong papel ang mga mananaliksik gamit ang google documents bilang isang

plataporma.
Talasanggunian:

1. Advocates for Youth (2009). Comprehensive Sex Education: Research and Results.

Advocates for Youth Org. Nakuha mula sa

http://www.advocatesforyouth.org/storage/advfy/documents/fscse.pdf

2. USAid (n.d.) School-Based Sex Education. Research to Prevention. Nakuha mula sa

https://www.jhsph.edu/research/centers-and-institutes/research-to-

prevention/publications/sex-ed-factsheet.pdf

3. Perales R. (2012). Why The Philippines needs Sex Education. Nakuha mula sa

http://definitelyfilipino.com/blog/why-the-philippines-need-sex-education/

4. La Bella, V. (2014). Incorporating Sexuality Education in the Public School System:

Perception from the Philippines. Universiteit Van Amsterdam.

5. De, A. (2015, April 09). Pros and Cons of Sex Education in Schools. Nakuha mula sa

Onlymyhealth: http://www.onlymyhealth.com/sex-education-in-schools-pros-cons-

1310535352

6. Yuvienco, J. G. (2016). I wish I had spoken with my child sooner about sex. Summer

Institute on Technology in Education, D1, D3.

7. Stephens, A. (2012). Teenage Sexuality. Gale Cengage Learning (Gale Publishers)

8. Santos, A. (2015) Learning Sex Education in School. Nakuha mula sa

https://www.rappler.com/corruption/101547-learning-sex-education-school

9. Andrade, J. (2016) Sex Education Not About Sex - DepEd. Nakuha mula sa

http://newsinfo.inquirer.net/809926/sex-education-not-about-sex-deped

10. Alfonso Card. López Trujillo. (1995). The Truth and Meaning of Human Sexuality:

Guidelines for Education Within the Family. Vatican City: Vatican.

You might also like