You are on page 1of 13

Bekilipino: “Ang Paglaladlad

ng Gay Lingo sa Kultura at


Wikang Filipino”

Bediones, Gray Louis S.

2018
Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kultura at Wikang Filipino”

Abtrak
Ang gay lingo ay sa wikang nilikha ng mga bading na tumatayong kanilang
sosyolek. Ang wika ito ay napakakulay, napakamalikhain, at sadyang napakalikot sa
paraan ng pagbubuo ng salita. Kapara ng mga wikang natural at likas na nabuo, ang
gay lingo ay patuloy at mabilis na nagbabago sa paglipas ng panahon. Sa
kadahilanang ang gay lingo ay nilikha lamang, sinuri ng pamanahong papel na ito
ang iba’t ibang pag-aaral hinggil sa gay lingo. Ipinaliwanag ang iba’t ibang paksaing
may kinalaman sa kasaysayan, estruktura, at kultura ng gay lingo. Inilahad ang
kalipunang impormasyong hinggil sa iba’t ibang teorya o batayan sa may kinalaman
sa wika na papasok sa pagsusuri ng gay lingo. Dagdag pa rito ay inilahad din ang mga
nalikom na datos na hinggil sa estruktura ng gay lingo na tumalakay sa ponolohiya,
morpolohiya, sintaksis, semantika, at ortograpiya. Inilahad din sa pag-aaral ang
kulturang ng mga bading sa paggamit ng isang likhang wika sa araw-araw na usapan,
akademya, panitikan, at iba pang larangan.
Pangunahing Salita:
Gay lingo, estruktura, bading,

Panimula at Paglalahad ng Suliranin


Sa Pilipinas ay isang malaking usaping moral, politikal, at panlipunan ang
pagiging homosekswal tulad ng isang bakla (Casabal, 2008). Dagdag pa niya,
madalas na masangkot ang mga ganitong tao sa pambubulas sa saanmang lugar ng
ating lipunan. Dagdag ni Daniels (2010) na sinipi nina Lunzaga, Bendulo, at
Felisilda (2011), sa panahon ng ating mga ninuno ay isang kahihiyan sa isang
pamilya ang magkaroon ng baklang miyembro. Batay rin sa pag-aaral ni Casabal
(2008), dahil sa mga araw-araw na nararanasang pakikibaka at pakipagtunggali ng
mga bakla sa mga taong may matatag na patriyarkal na pananaw ay nakabuo sila ng
isang sandata na magiging kalasag at baluti laban sa panghuhusga. Isinilang ang
isang makulay at malikhaing wikang sinasalita ng sangkabaklaan na may marikit at
malikot na ponolohiya at morpolohiya (Casabal, 2008).
Ang mga salitang badaf, badette, bading, bading garci, badinger, badinger z,
badush, baklers, baklesh, bakling, baklita, baklush, bayola, bayot, beki, binabae,
juding, keki, kekla, kunesa, pa-girl, pa-mihn, paminta, shokla, silahis, vaklush, X-men
ay ilan lamang sa mga salitang ginagamit para sa salitang bakla (Alba, 2006; Casabal,
2008). Bekimon, bekinese, o mas kilala sa tawag na gay lingo ang wikang nilikha ng
mga bading. Batay sa pag-aaral ni Gianan (2008) na sinipi nina Barrameda, et al.
(2010) ay lumaganap ang gay lingo sa Pilipinas noong 1960. Dagdag naman ni Alba
(2006) ay iniugnay kay Jose Javier Reyes sa isang kolumnista at kritiko ng pelikulang
si Nestor Torre kaya nabuo ang salitang “swardspeak” noong 1970 bilang katawagan
sa wika ng mga bading. Ayon naman kay Baytan (2002) ay makaluma na ang salitang
“swardspeak” na hindi umaangkop sa mga bading sa kasalukyan kaya pinalitan ito ng
“gayspeak” (sinipi ni Alba, 2006).
Ang gay lingo ay nabuo dahil sa matinding diskriminasyon. Isang paraan ang
gay lingo upang makatakas ang mga bading sa pang-iinsulto. Ginamit ang wikang ito
upang malayang makapag-usap ng mga anumang paksain (Barrameda, et al., 2010).
Dagdag pa ni Alba (2006), ginamit ang gay lingo nang maitago ang mga usapan na
na hindi naaayon sa ibang tao. Batay kay Hernandez (2010), isa sa kaangkinan ng gay
lingo ay pagkukubli na hindi maiintindihan at mauunawan ng mga makaririnig ang
usapan. Isang pandepensa ang gay lingo upang labanan ang diskriminasyon
(Casabal, 2008).
Iniiba ang paraan ng pagkakabuo ng mga salita sa gay lingo (Hernandez, 2010;
Lunzaga, et al., 2011). Dagdag naman ni Red (1996) at Suguitan (2005) ay walang
sinusunod na tuntunin ang gay lingo kung estruktura ng wika ang usapan ngunit
hawak nito ang batas ng kalayaang walang tuntuning idinikta. Sa pagsusuri na
isinagawa nina Bernales, et al. (2016) lumalabas na maraming sinusunod na pagbuo
ng salita sa gay lingo tulad na lamang ng paglalagay ng kanilang sariling panlapi,
substitusyon sa unang titik o pantig ng salita, panghihiram sa natural na wika
maliban sa Tagalog, pagbubuo ng akronim, pag-uulit ng mga salita o redupliksyon,
paghahawig ng dalawang bagay, pagkakaltas ng mga titik o pantig, pagbabaligtad ng
posisyon ng mga titik o pantig ng salita, paggamit ng mga salitang katunog, paggamit
sa pangalan ng mga sikat na tao, bagay, o lugar, at paghihimig ng mga salita.
Malayong-malayo na ang nararating ng gay lingo mula sa pag-usbong nito
noong 1960 (Gianan, 2008). Dagdag pa niya ay hindi na mapipigilan pa ang
pagkalat at paglaganap nito sa bibig ng madla. Tulad ng isang natural na wika, ang
gay lingo ay patuloy na nagbabago sa pag-usad ng panahon ngunit sobrang bilis na
hindi kapara ng likas na wika (Suguitan, 2005). Saad pa ni Suguitan (2005), sa
sobrang bilis ng pagbabago ng gay lingo ay hindi maaaring makagawa ng
diksyonaryong hindi maluluma sa loob lang isang buwan, linggo, o maging isang
araw. Batay sa pag-aaral ni Casabal (2008), lumalabas na walang konsistensi o
kaisahan sa pagbabaybay sa gay lingo. Ayon kay Alba (2006), kahit ang mga tunay na
lalaki at babae ay gumagamit na rin ng gay lingo nang hindi namamalayan. Dagdag
pa ni Cortez (2017), ginagamit ang gay lingo sa pang-araw-araw ng pakikipag-usap.
Layunin ng pamanahong papel na ito na bigyang linaw ang estruktura at kalikasan
ng gay lingo at kung ano ang papel nito sa kultura at Wikang Filipino.

Batayang Teoretikal
Barayti ng Wika: Sosyolek, Rehistro, at Pidgin
Ang sosyolingguwistikong pag-aaral ay nakatuon sa epekto ng lipunan
sa paggamit ng wika na nagbabago dahil sa edad, kasarian, trabaho, pinag-aralan,
antas ng pamumuhay, at iba pang aspeto ng buhay (Rubrico, 2012). Dagdag pa niya,
itinuturing ng mga paham sa wika na isang sosyolek ang gay lingo dahil isa itong
baryasyon sa wika na ang gumagamit ay nasa panlipunang pangkat ng mga bading.
Makikita na napakalaki ng epekto ng kasarian sa pagbabago ng wika. Mapapansin
din na ang gay lingo ay nagagamit upang maitago at bilang pamalit sa mga salitang
hindi dapat banggitin sa lipunan (salitang taboo).
Ang rehistro ng wika ay isang baryasyon sa wikang nagpapakita ng paggamit
ng pormal at impormal na estilo na madalas na ginagamit sa isang larangan
(Austero, et al., 2016). Batay sa isinagawang pag-aaral nina Barrameda, et al. (2010),
at Bagood at Silvano (2018), inirekomenda na dapat pang galugarin at pag-aralan
ang gay lingo na ginagamit ng baklang propesyonal at di-propesyonal. Ito
nangangahulugang may pagbabago pa rin sa wika kung paano ito ginamit.
Ang pidgin ay isang barayti ng wika na nilikha dahil sa pangangailangan ng
pangkat ng mga tao (Rubrico, 2012). Batay sa kahulugan na ibinigay ay masasabing
ang gay lingo ay isang wikang pidgin. Ito ay nilkha dahil sa pangangailan ng mga
bading bilang panangga sa lumalalang diskriminasyon.

Ang Teoryang Eureka! at mga Likhang Wika


Batay kay Boeree (2003), ang wika ay sadyang inimbento lamang ng ating mga
ninuno at kanilang isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang gay lingo ay inimbento
lamang upang mapunan ang pangangailangang panlipunan. Sa pagkakaimbento ng
wikang ito ay namayapag sa kultura ang bandera ng bakla.
Ayon kay Adams (2011), ang pormal na pag-aaral sa mga inimbentong wika ay
nakatuklas ng magandang resulta at nakahihikayat na makitang may sariling
kakayahan ang mga ito ngunit magiging mapanganib kung iaangkop sa mga natural
na wika na magbubunsod ng kalituhan lalo na sa paraan ng pag-unawa. Dagdag pa
niya ay madalas na sa mga wikang inimbento mula sa mga sikat na akda ay walang
pag-iingat sa mga detalye sa pagpapahayag ng saloobin, at pagwawalang bahala sa
kultura at katapatan.
Ayon pa kay Cheyne (2008), ang mga nilikhang wika ay makikitaan ng
pagkakakilanlan sa mga wikang natural na nabuo batay sa isang tao o grupo ng mga
tao na hindi matunton kung kailan nagsimula. Dagdag pa rito ay hindi tulad ng mga
wikang natural na nagbabago sa pag-usad ng panahon, ang mga artipisyal na wika ay
malayang binubuo sa takdang oras at layunin nito. Maraming katawagan ang
ganitong uri ng wika tulad ng wikang pantulong, inimbentong wika, likhang wika,
wikang piksyonal at iba pa na nabibilang sa grupo ng wikang tinatawag na wikang
pilosopikal, artistikong wika, at wikang unibersal na umaayon bilang mga artipisyal
na wika (Cheyne, 2008).
Tunay na isang imbento ng wika lamang ang gay lingo sa lingguwistika ngunit
ito ay may sariling kaangkinan na ginagamit ng isang pangkat ng mga tao para sa
iisang layunin. Naging matagumpay ang pagkakabuo nito nang pasalita dahil kahit
walang tuntunin na sinusunod ay nakukuhang magkaunawaan ng mga tao nag-uusap
gamit ang gay lingo.

Ang mga Tayutay


Ang metapora o pagwawangis ay isang uri ng tayutay na naghahambing ng
dalawang bagay nang direkta o tuwiran. Tinawag na metapora ni Suguitan (2005)
ang gay lingo dahil sa madalas nitong paghahambing nang tuwiran tulad na lamang
ng mga salitang “nota” mula musika na ginawang panumbas para sa ari ng lalaki.
Ang onomatopoeia o paghihimig ay mga salitang ginagamit na ibinabatay sa
tunog na narinig. Madalas na ginagamit ang paghihimig sa gay lingo dahil sa
malawakang paglikha ng mga tunog na wala namang kahulugan ngunit ang
pinaririkit lamang nito ang pagkabigkas ng mga salita tulad na lamang ng mga
panlaping -sung, -chikels, at -belles. Ang ilan pang halimbawa ay pak!, chukchak!,
chorva!, chos!, at char!
Ang alusyon na may kinalaman sa pagtawag ng mga kilalang tao mula sa
panitikan, relihiyon, pamamahayag, lipunan, at marami pang iba. Masasabing
talamak din kung gumamit ng alusyon ang gay lingo dahil sa laksa-laksang pangalan
ng mga sikat na tao o bagay ang ipinapampalit sa karaniwang salita tulad na lamang
nina Gardo Versoza para sa salitang haggard, Alma Moreno para sa almuranas, Eva
Kalaw para sa tae, at marami pang iba.

Pagbabagong Morpoponemiko
Ang metatesis ay isang uri ng pagbabagong morpoponemiko na nagpapakita
ng pagpapalit ng posisyon ng mga titik o pantig sa isang salita. Batay sa pag-aaral
nina Bagood at Silvano (2018) at Bernales, et al. (2016), lumalabas na may mga
salitang bahagi ng gay lingo ang dumaan sa proseso ng metatesis tulad na lamang ng
salitang “anda” mula sa binaligtad na pantig ng daan o hundred sa wikang Ingles.
Isa pang uri ng pagbabagong morpoponemiko ay ang pagkakaltas ng ponema.
Ang pagkakaltas ng ponema ay nakatuon sa nawawalang mga ponema o pantig sa
loob ng salita. Mabuting halimbawa dito ang katagang “wâ” na pinaikling wala.

Panghihiram at Halo-halong Lengguwahe


Ang panghihiram ay isang hakbang sa paghahanap ng katapat ng salita mula
sa isang wika (Almario, 2015). Isang patunay ang gay lingo na napakadalas
manghiram ng mga salita sa ibang wikang katutubo at wikang banyaga. Batay sa
isinagawang pag-aaral nina Casabal (2008), Lunzaga, et al. (2011), at Pascual (2016)
na ang gay lingo ay ibinatay at malawakang humihiram sa Cebuano, Tagalog, Bisaya,
Waray, Hiligaynon, Ingles, Kastila, Hapon, at iba pang wika. Ang ilan sa mga
hiniram na salita ay “gurang” mula sa Bisaya na nangangahulugang matanda,
“otoko” mula sa Hapon na may ibig sabihin na lalaki, “sight” mula sa Ingles para sa
nakita.
Isa mga dahilan ng panghihiram ay ang pagkukubli na umaayon sa rason kung
bakit nabuo ang gay lingo. Batay kina Alba (2006) at Hernandez (2010) ay ang gay
lingo ay nabuo upang maikubli ang pag-uusap o paksa ng usapan sa mga taong
nakaririnig. Ginamit ang gay lingo upang tuluyang maitago ang tunay kahulugan at
nang makaiwas sa panghuhusga mula sa mga taong nakapaligid.
Ang halo-halong wika ay ang paghahalo ng dalawa o higit pang wika sa mga
pahayag, pangungusap, o salita. Code-mixing ay isang sitwasyong pangwika na may
kinalaman sa paghahalo ng mga salita. Ang paraan na ito ay nagpapakita ng pag-iisa
ng dalawang wika sa isang pangungusap. Kilala rin ito sa katawagang “konyo.”
Pinatunayan ng pag-aaral ni Casabal (2008) na ang gay lingo ay nagpapakita ng code-
mixing dahil piling salita lamang mula sa gay lingo ang ginagamit at ang iba pang
salita sa isang pahayag ay mula na sa isang wika.

Kaugnay na Literatura at Pag-aaral


Bekified: Akademya, Midya, at Kultura
Ang gay lingo ay isang wikang buhay na patuloy at mabilis magbago. Dahil sa
tulin ng paglaganap nito, pati ang mga hindi homosekswal ay marunong na ring
magsalita at kung hindi man ay umiintindi ng gay lingo (Suguitan, 2005). Dagdag pa
rito, dahil sa pagkakalunod ng mga tao sa gay lingo bilang pang-araw-araw na wika sa
komunikasyon ay hindi nila namamalayang kanila na itong ginagamit (Pascual,
2016).
Pumasok ang gay lingo sa akademya bilang paksa sa mga sulating
pampananaliksik at mga salitang lahok sa diksyunaryong ginawa ng Kolehiyo ng Arte
at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas (Barrameda, et al, 2010). Dagdag pa nina
Barrameda, et al. (2010) ay naging patok din ang “Zsa Zsa Zaturnnah” na isang
komiks ni Carlo Vergara na itinanghal nang musikal sa teatro at kalauna’y ginawang
isang pelikula. Ayon naman kay Gianan (2008), ginamit din ang gay lingo sa
pahayagang pampaaralan ng Polytechnic University of the Philippines.
Kasabay ng modernisasyon at pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay
kumalat din ang gay lingo. Pinasok ng wikang ito ang industriya ng showbiz kaya
nabuo ang “showbiz slang” (Barrameda, et al, 2010). Bukod pa rito, ayon sa kanila ay
inimpluwensyahan din ng gay lingo ang mga pahayagang tabloid na madalas na
gumagamit ng wikang ito. Karagdagan pa ang pagsulpot ng gay lingo sa midya ay
mula sa “Katok mga Misis” sa pangunguna ni Giovanni Calvo noong 1980 sa isang
bahagi na “Word for the Day” (Barrameda, et al., 2010). Dagdag pa nila ay pinasok
din ng gay lingo ang telebisyon noong 2004 sa programang “Out” na sinundan pa ng
mga talk shows tulad ng “Startalk” na gumagamit ng blind item. Batay rin kina
Barrameda, et al. (2010) ay nilooban din ng gay lingo ang radyo sa ilang FM Station,
ang internet sa paggamit ng blogs, forums, at websites, at ang pagteteks na
tinangkilik sa nasa anyong nakatatawa.
Sa pagiging marikit at malikhain sa pagbuo ng mga salita sa gay lingo ay
naging makulay rin ito sa larangan ng panitikan ng kulturang Filipino. Kumalat din
ang mga tula, maikling kuwento, dula, pelikula, at iba pa na tumatalakay at
gumagamit ng gay lingo o sa kasarian (Pascual, 2018). Dahil sa makulay na kulay na
wika, pinasok din ng mga bakla ang mga timpalak-kagandahan na laging may tatak sa
kanilang mga kasabihan na gumagamit ng katutubong wika ngunit may pagbabago sa
orihinal na kasabihan ayon kina Profeta at Nanalis (n.d.). Pumatok din sa mga
Filipino ang mga awiting bayan na isinalin sa gay lingo (Casabal, 2008).

Kapederasyon: Gay Lingo sa Ibang Bansa


Karagtig bansa ng Pilipinas sa Timog-Silangang Asya ang Indonesia. Tulad ng
Pilipinas, may sariling wika ang mga bakla mula sa Indonesia na tinatawag na Bahasa
binan o Bahasa béncong (Racoma, 2013). Bahasa ang wikang ginagamit ng bansang
Indonesia na pinagkuhanan ng salita. Ang “binan” ay mula sa salitang “banci” na
ginitlapian at kinaltasan na taglay ang kahulugang “lalaking nagbibihis babae.” Ang
“béncong” naman ay isang likas na salitang Bahasa na nangangahulugang bakla o
bading. Tulad ng gay lingo, ang Bahasa binan o Bahasa béncong ay nilalapian at
kinakaltasan ng mga pantig o titik (Racoma, 2013).
Sa Africa naman ay may tinatawag na gayle o gail na sosyolek ng mga bading
sa siyudad o bayan. Ayon kay Racoma (2013), ang paggamit ng wikang ito ay
pinaniniwalaang lumaganap sa kultura ng mga taga-South Africa noong 1950 sa
pangunguna ng pangkata ng mga kabataang Cape Colored. Ang ilan sa mga salitang
bahagi ng gayle ay hiram mula sa polari (Racoma, 2013). Ang polari naman ay isang
sosyolek na wika ring ginagamit ng bading sa United Kingdom partikular ang mga
manananghal at marinong mangangalakal (Racoma, 2013). Dagdag pa niya, ang mga
tagapagsalita ng wikang Bantu ay may tinatawag na “IsiNgqumo” na wikang
ginagamit ng bading sa Zimbabwe.
Ang gay lingo ay hindi matatagpuan sa anumang legal na dokumento o sulatin
at walang kapinuhan sa wika ngunit sa larangan ng lingguwistika ay nabuo ang
“lingguwistikong lavender” na tumutukoy sa pag-aaral ng ganitong uri ng wika. Tuon
nito ang paggamit sa araw-araw na komunikasyon ng mga wikang ginagamit sa
komunidad ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, asexual at iba pa na mas
kilala sa LGBTQA+.

Bekinolohiya: Ang Paghihimay sa Estruktura ng Gay Lingo


Ponolohiya ang tawag sa sangay ng lingguwistika na umaayon sa pag-aaral ng
mga tunog sa isang wika. Ang gay lingo ay gumagamit ng mga palatandaang
ponolohikal para makuha ang salitang ginamit (Alba, 2006). Dagdag pa ni Casabal
(2008) na upang maunawaan ang mga pahayag sa gay lingo ay kadalasang kailangang
pakinggan nang mabuti ang mga unang dalawang pantig ng salitang ginamit. Ang
paggamit ng mga tunog sa pagpapakulay ng salita ay madalas din sa gay lingo tulad
na lamang ng chenes-chenes, char-char, chu-chu, pak!, at paggamit ng mga panlaping
walang kahulugan (Pascual, 2016).
Ang morpolohiya ang isang sangay sa pag-aaral ng wika na nakatuon sa salita.
Ang panghihiram, metatesis na pagbabaligtad ng pantig ng salita o pagbabaligtad ng
mga lahat ng titik sa loob ng isang salita, paglalapi, substitusyon ng unang titik o
pantig ng salita, pabubuo ng mga akronim, pag-uulit ng mga salita, pagkakaltas
blending, paggamit ng mga sikat na pangalan ng tao, bagay, at lugar, paggamit ng
tayutay partikular ang paghihimig at metapora, at ang halo-halong wika ay mga
paraan sa pagbuo ng salita sa gay lingo na tinukoy nina Alba (2006), Bernales, et al.
(2016), Lunzaga, et al. (2011), at Pascual (2016).
Ang sintaksis ay ang pag-aaral ng ugnayan ng mga salita sa isang pangungusap.
Batay sa isinigawang pag-aaral nina Casabal (2008), Lunzaga, et al. (2011), at Pascual
(2016) ay ang pagkakabuo ng mga pangungusap sa may gay lingo ay umaayon sa
paghahalo ng dalawang wika sa isang pangungusap o code-mixing. Dagdag naman
nina Bagood at Silvano (2018) na mapapansin sa mga pangungusap na nasa gay
lingo ay may pattern na sa ugnayan ng paksa-pandiwa, paksa-pandiwa-layon,
pandiwa-paksa, paksa-pang-uri, pang-uri-paksa, at pang-abay-paksa-pang-uri.
Semantika ay nakatuon sa pagsusuri sa kahulugan ng bawat salita. Batay sa
pagsusuri nina Gianan (2008) at Pascual (2016), lumabas na karamihan o halos ng
mga salita sa gay lingo ay iba o lihis sa nais ipakahulugan. Dagdag pa nila, nagbabago
din ang kahulugan ng ilang salita depende kung paano at saang konteksto ito
ginamit. Sa paggamit ng mga salitang katunog lamang o pangngalang pantangi sa gay
lingo ay lihis agad sa kahulugang denotasyon. Ang gay lingo ay may malaking respeto
at nagtataas ng moral ng kababaihan batay sa mga salitang bahagi ng wikang ito na
may kaugnayan at kinalaman sa mga babae (Suguitan, 2005).
Ang ortograpiya ay ang tuntunin ang paraan ng pagbabaybay o pagsulat sa
isang wika. Ang ortograpiya ng gay lingo ay lubhang mahirap sapagakat walang
sinusunod na tuntunin pangwika kaya hindi makinis dahil sa kawalan ng konsistensi
o kaisahan sa pagbabaybay (Casabal, 2008). Ang diksyonaryo na maaaring magamit
bilang batayan ay hindi maaaring makapaglimbag dahil sa mabilis na magbago ang
gay lingo (Suguitan, 2005).
Kongklusyon
Ang gay lingo ay isang sosyolek na mga bading upang maging baluti sa
diskriminasyong natatanggap mula sa lipunan. Tulad ng isang natural na wika, ito ay
buhay at patuloy na nagbabago. Kakikitaan din ng baryasyon ang gay lingo tulad ng
isang likas na wika. Taglay ng gay lingo ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga
damdaming nais iparating ng mga bading. Sa taglay rin nitong kalayaan sa pagbuo
marikit, malikot, malikhain, kakaibang mga salita ay hindi nagiging maganda dahil
nawawalan ng konsistensi o kaisahan sa pagbabaybay. Hindi nagiging mapino,
makinis, at istandardisado ang gay lingo dahil sa kawalan ng mga tuntuning
pangwika. Sa kabilang banda, ang gay lingo ang nagpatingkad sa kulturang Filipino
sa larangan ng panitikan o maging sa mga timpalak-kagandahan.

Saklaw at Limitasyon Pagsusuri


Sakop ng pamanahon papel na ito ang iba’t ibang sanggunian na magbibigay
ng impormasyong makapagbibigay linaw sa usapin hinggil sa estruktura ng gay lingo.
Ang isinagawang pagsusuri ay may kinamalan sa kasaysayan, estruktura, at kulturang
nakapaloob sa gay lingo. Paghahambing at kalipunan ng mga datos ang isinagawang
pag-aaral upang lubos na matukoy at mailahad ang mga usapin hinggil sa gay lingo.

Pasasalamat
Ang pag-aaral na ito ay hindi matatapos kung wala ang suporta ng mga taong
walang sawang nagbigay tulong at gabay kabilang dito si Dr. Leila L. Serrano na
nagbigay pagkakataon upang makapag-aral ng ganitong uri ng wika, sina Bb. Diane
D. Manlapaz at Bb. Angelica C. Macalino na tumulong sa pagbibigay ng lakas na
matapos ang pamanahong papel na ito, ang aking pamilya at kaibigan na sumuporta
sa lahat ng aking ginagawa, ang sangkabaklaan para sa paglikha ng isang wikang may
namumukod tanging estilo na aking sinuri, at higit sa lahat sa Poong Maykapal na
naghandog ng buhay, kalakasan, at kaalaman para matapos ang pag-aaral na ito.

Sanggunian
Adams, M. (2011). From Elvish to Klingon: Exploring invented languages. New
York: Oxford University Press.
Alba, R. A. (2006). In focus: The Filipino gay speak (the Filipino gay lingo). Retrieved
from http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/the-filipino-
gayspeak-filipino-gay-lingo/
Almario, V. S. (2015). Introduksiyon sa pagsasalin: Mga panimulang babasahin hinggil sa
teorya at praktika ng pagsasalin. Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.
Austero, C., Bascuna, L., Yambao, L., Del Rosario, M. S., Mateo, E., Piers, C., &
Coronel, B. B. (2016). Komunikasyon at pananaliksik sa wika at kulturang
Pilipino. Manila: Rajah Publishing House.
Bagood, E. T. & Silvano, M. M. P. (2018). Gay language morphosyntactic anatomy:
A Tandaganon sociolect. International Journal of Research. Retrieved from
https://pen2print.org/index.php/ijr/article/view/15356
Barrameda, P. E., Ajero, C. L., Belulia, L. F., Bernanrdo, M. J., Dayag, D. D., Diaz,
A. N. … Mondejar, P. L. (2010). LanGAYge: Isang masusing pag-aaral sa
pagyabong ng gay lingo. Retrieved from
https://www.scribd.com/doc/29233061/LanGAYge
Baytan, R. (2002). Language, sex, and insults: Notes on Garcia and Remoto’s The
gay dict. Ruptures and Departures: Language and Culture in Southeast, 260-284.
Bernales, R., Pascual, M. E., Ravina, E., Cordero, M.E., Soriano, J. S., Abenilla, G.,
& Gonzales, A. L. (2016). Komunikasyon sa makabagong panahon. Malabon
City: Mutya Publishing House, Inc.
Boeree, C. G. (2003). The origins of language. Retrieved from
http://www.oocities.org/icstirk/Teaching09/Language_origins.html
Casabal, N. V. (2008). Gay language: Defying the structural limits of English
language in the Philippines. Kritika Kultura, (11), 74-101. Retrieved from
https://journals.ateneo.edu/ojs/kk/article/download/1503/1528
Cheyne, R. (2008). Created Languages in Science Fiction. Science Fiction Studies,
35(3), 386-403. Retrieved from http://www.jstor.org/stable/25475175
Cortez, H. V. (2017). Gay language: Impact on colloquial communication in
Barangay Sto. Tomas, City of Binanm Laguna. Journal of Social Sciences
(COES&RJ-JSS), 6(2), 375-382.
Daniels, R. (2010). Gay families. Retrieved from http://e-articles.info/e/a/title/Gay-
Families/ noong Abril 2011
Gianan, E. R. (2008). The evolution and expansion of the gay language in the Philippines.
Retrieved from https://www.scribd.com/doc/33341979/The-Expansion-and-
Evolution-of-Gay-Language-in-the-Philippines
Hernandez, J. F. (2010). Pasok sa banga: Ang mga sosyolek bilang batis ng mga salita sa
Filipino. Retrieved from https://prezi.com/3vrb8j8uhxqg/fil-40-report/
Lunzaga, A. B., Bendulo, H. O., & Felisilda, V. B. (2011). Morphological analysis of
gay’s spoken discourse. JPAIR Multidisciplinary Journal, 1, 163-181.
Pascual, C. J. (2018). Kabataan at kagkabata sa panitikang bakla. Katipunan: Journal
ng mga Pag-aaral sa Wika, Panitikan, Sining, at Kulturang Filipino. Retrieved from
https://journals.ateneo.edu/ojs/index.php/katipunan/article/view/2852/26
97
Pascual, G. R. (2016). Sward speak (gay lingo) in the Philippine context: A
morphological analysis. International Journal of Advanced Research in
Management and Social Sciences. Retrieved from
http://garph.co.uk/IJARMSS/Dec2016/4.pdf
Profeta, M. P. & Nanalis, W. D. (n.d.). Ang daynamiks ng wika sa gay beauty contest sa
probinsiya ng Cavite. Bataan.
Racoma, B. (2013). Swardspeak: The colorful language of the Filipino gay
community. Retrieved from
https://www.daytranslations.com/blog/2013/04/swardspeak-the-colorful-
language-of-the-filipino-gay-community-1311/
Red, M. (1996). Gayspeak in the Nineties. Ladlad 2: An Anthology of Philippine
Gay Writing, 40-48.
Rubrico, J. G. U. (2012). Sociolinguistics: Society and language. Retrieved from:
http://languagelinks.org/teaching/lecturenotes/lecturenotes_SocialVariation
sinLanguageUse.pdf
Suguitan, C. G. B. (2005). A semantic look at feminine sex and gender terms in
Philippine gay lingo. Retrieved from https://openresearch-
repository.anu.edu.au/bitstream/1885/8681/1/Suguitan_ASemanticLook20
05.pdf

You might also like