You are on page 1of 8

Bekilipino: “Ang Paglaladlad ng Gay Lingo sa Kulturang Pilipino”

Ikalimang Pangkat

Ang pagkatuto ng isang paksa ay hindi minamadali, unti-unti itong inaaral hanggang

ito’y tumatak sa ating mga isipan. Ang patuloy na pagyabong sa paggamit ng wikang gay

lingo sa lipunang ginagalawan ng mga Pilipino ay lubusang nakikita at nararamdaman sa

kasalukuyang panahon.

Ang komunidad ng LGBTQIA+ sa Pilipinas, partikular ang populasyon ng mga

lalaking bakla, ay may sariling katutubong wika na kilala bilang swardspeak. Ito ay "gay

lingo" o "gay talk" na nabuo mula sa salitang Ingles at Tagalog, gayundin sa iba pang mga

wika at diyalekto sa Pilipinas kabilang ang Cebuano, Waray, Bicolano, at Hiligaynon. Ang

mga diyalektong ito ay mayaman sa mga termino at parirala na isinama ng mga kabilang sa

komunidad ng LGBTQIA+ ng Pilipinas sa kanilang sariling dinamikong wika. Ang salitang

"sward," na inilalarawan bilang turf sa diksyunaryo, ay Filipino slang para sa isang bakla.

Ang wikang Gay lingo ay isa sa pinakabago at patuloy na umuusbong na wika sa

ating lipunan, ito ay nilikha ng at para sa mga lalaking may pusong mamon o beki.

Umusbong ang gay lingo o kilala din sa tawag na gayspeak noong dekada 60, ito ay dahil sa

lubusang pagtanggi at diskriminasyong kanilang natanggap mula sa kanilang lipunan. Isa

itong paraan upang magkaroon ang mga beki at LGBTQIA+ community ng kalayaan at

pagkakaisa, ayon kay Miko Santos, ang gay lingo ang naging sandata nila upang makamit

nila ang kalayaan at karapatan na kanilang inaasam. “Ito ang naging simbolo ng kanilang

paglaban sa lipunang nais silangburahin, ang lipunang naging mapanghusga sa kanilang

pagkatao” (Santos, 2007).


Pabor kami sa paglaladlad ng gay lingo sa kultura at wikang filipino, sapagkat ito ay

parte na ng ating lipunan. “Kahit ang mga tunay na lalaki at babae ay gumagamit narin ng

gay lingo nang hindi namamalayan” (Alba, 2006). Makikita dito ang pagkakaisa ng mga tao

sa bawat pagbigkas ng mga makukulay na mga letra at salita na tuluyang lumalago sa

paglipas ng panahon. Aming mapatutunayan na ang aming pinanigan sa pamamagitan ng

pananaliksik na aming masusing inaral.

Ang pagtuto ng wika ay isang proseso, habang tumatagal mas lumalalim ang ating

kaalaman sa isang bagay kung ito'y ating naririnig araw-araw. Maituturing lamang na buhay

ang isang wika kung may gumagamit pa rin nito sa kaniyang pakikihalubilo sa ibang tao.

“Naaangkop ang pahayag na ito sa "gay lingo" na patuloy na umuusbong sa pamamagitan

ng pagkatuto sa ating mga kaibigan at sa ibang tao” (Savillo, 2020). “Gaya ng nabanggit

ang “gay lingo” ay buhay at patuloy na nagbabago katulad ng isang natural na wika, at

dahil sa paggamit nito sa iba’t-ibang kaparaanan ay pati ang mga hindi homosexual ay

marunong umintindi at kaya na ring gumamit nito” (Sugguitan, 2005). Narito pa ang ilang

patunay kung bakit masasabing buhay ang gay lingo

Ang pakikipag-usap sa ibang tao ay bagay na hindi maiiwasan ng nakararami. Tayo

ay nakapagbabahagi ng bagong chismis, kwento, at bagong kaalaman na nakatutulong sa

ating kapwa at pati na rin sa ating sarili. Sa ganitong paraan, lumalawak at yumayabong ang

saklaw ng "gay lingo" unti-unti sa ating bansa. Ayon kay Papua et., al. (2021), malaki ang

impluwensya ng mga "beki" sa millenial sa paggamit ng "gay lingo" bilang kanilang

kaparaanan sa pakikipagsalamuha araw-araw. Ito raw ay dahil karamihan sa mga beki ay


estudyante o nasa paaralan, kung kaya't ang paglawak ng nasabing wika ay tuloy-tuloy.

Dagdag pa rito, halos kababaihan ang nakakahango sa ganitong salita.

“Sinasabing mas gusto ng kababaihan na kaibiganin ang mga beki dahil sila ay

nakakaginhawa kasama at madaling lapitan” (Russell, 2016).

Posibleng matawag na "jargon" ang "gay lingo" sa kadahilanan na may mga salitang

hindi pamilyar sa nakararami. Ngunit, gaya ng nabanggit, parami nang parami ang taong

gumagamit ng "gay lingo" sa bawat araw na lumilipas. Ilan sa mga halimbawa nito ang

salitang "awra" na nangangahulugang makaakit ng pansin. Isa pang halimbawa ang "charot"

na nangangahulugang biro lamang. Kung iyong mapapansin, ang mga salitang nabanggit ay

hindi lingid sa ating isipan, marahil ito ay dahil sa impluwensya ng pag-uusap at ng media

(Capacillio, 2018).

Isa ang media sa mga nagpapanatiling buhay ang gay lingo sapagkat habang

tuloy-tuloy ang pag-unlad ng teknolohiya ay siya ring pag-unlad ng gay lingo. Base sa

pag-aaral ni Santos (2007), ang showbiz slang ay isang uri ng gay lingo na nangingibabaw

dahil sa impluwensya ng iba’t-ibang anyo ng media gaya ng telebisyon, pahayagan, at radyo.

Sinasabi rin ni Alba na ang kauna-unahang gay show sa telebisyon ay ang “Out” ng GMA-7

Network (Alba, 2006). Dito rin unang lumabas ang gay lingo noong taong 2004 at “purita” o

mahirap ang isa sa mga salitang pinasikat nito. Sumibol rin ang mga talk shows gaya ng “Da

Who” ng Startalk sa nasabi ring Network. Dagdag pa rito, ang isang episode na ipinalabas sa

telebisyon noong Oktubre 6, 2017 ng Bubble Gang na may pamagat na “Gay Lingo

Interpreter” kung saan naipakita ang halimbawa ng pagsasalita ng isang beki at ilan sa mga

nabanggit na salitang beki ay ang mga sumusunod: “jombag” na ang ibig sabihin ay bugbog o

ginugulpi, “keri” na ang ibig sabihin ay kaya, at “imbyerna” na ang ibig sabihin ay inis. Hindi
rin maikakaila ang paglabas ng gay lingo sa radyong Filipino. Madalas ito ginagamit ng mga

DJ gaya Nina Chris Tsuper at Nicolliala upang mas tangkilin ang kanilang programa dahil sa

makulay at mapaglarong mga salita ng gay lingo. “Nagbigay ito ng daan at pag-asa sa mga

beki na maipahayag ang kanilang mga sarili sa pagpapatuloy ng pagtangkilik ng gay lingo

sa iba pang anyo ng media, gaya ng mga social media applications, blogs, at iba pang mga

website” (Barrameda, et. al., 2010).

Ayon sa survey na ginawa ng Statista noong 2018, ang mga Pilipino ay naglalaan ng 4.9 na

oras sa panonood lamang ng telebisyon, 3.7 na oras naman sa paggamit ng internet, at 2.5 na

oras naman sa pakikinig ng radyo kada araw. At sa parehong taon, 95 porsyento ng mga

Pilipino ang gumagamit ng telebisyon, at mayroong 59 porsyento naman ang gumagamit ng

radyo. Kung kaya’t malinaw na makikita na buhay ang gay lingo pagdating sa kahit anong

anyo ng media

Ayon kay Miko Santos (2007), “Ang gay lingo ang naging sandata nila upang

makamit nila ang kalayaan at karapatan na kanilang inaasam”. Kadalasang nangyayari ang

salitang diskriminasyon na siyang nagbibigay layong burahin ang LGBTQIA+ sa

kinabibilangang Lipunan. Ang gay lingo ay naging simbolo upang ipaglaban ang kanilang

karapatan bilang tao na hindi nagkaroon ng pagkakataong makaranas ng kalayaan mula sa

mapanghusgang masa.

Binuo ang Gay lingo upang magkaroon ng sariling wika ang LGBTQIA+ bilang

katumbas ng pagbubukod ng lipunang ginagalawan, isang sosyolek na layuning iungkat ang

kultura at lipunan ng mga bakla sa kanilang pananalita. Ito ay nagsimula bilang lihim na wika

upang magkaroon ng sariling paraan ng Komunikasyon, ngunit habang tumatagal, dahil narin
sa kuryosidad at pagiging mausyoso ng mga tao, nasabik sila upang matutunan ang

kahulugan, paggamit, at pagbuo ng mga salitang gay lingo. Bunga ng pagiging buhay ng

wikang gay lingo sa lipunan sa kasalukuyan kung saan ginagamit na ang Wika sa iba’t ibang

larangan na layuning magbigay aliw sa madla.

Malugod naman itong tinanggap ng LGBTQIA+ sa iba’t ibang kadahilanan. Sa Blog

ni Mark Anthony Legaspi, nagkaroon ng porum upang magkaroon ng oportunidad ang mga

kasaping miyembro ng naturang lipunan na ipahayag ang kahalagahan ng wikang kanilang

ginagamit. Ayon sa isang tagapagsalita mula sa LGBTQIA+, Ito ay para sa nararamdaman ng

mga taga LGBTQIA+ community para lang maramdaman nilang sila ay tanggap sa lipunan at

sa paraang ito nila naipapakita ang tunay na nararamdaman nila.

Masasaksihan natin ang mabilis na pagpapalawak ng Gay Lingo sa paglipas ng

panahon. Madalas nating marinig ngayon ang tinatawag na "secret language" ng mga bakla o

homosexual na sinasabing nagpapasaya at nagpapatawa sa radyo at telebisyon. Ginagamit din

ito sa ibang mga peryodiko para sa parehong dahilan. Ang Gay Lingo ay hindi na lamang

sinasalita ng mga bakla sa kasalukuyan, ito ay dahil maging kababaihan, mga bata, at iba

pang mga lalaki ay natututong magsalitang kakaibang wikang ito. Maaari nating sabihin na

ang mga pag-unlad na ito ay magkakaroon ng impluwensya sa ating kultura at lipunan. Kaya

naman mahalaga ang pag-unawa sa kasaysayan at pag-unlad ng wika. Tinukoy ng mga

linggwistikang pidgin bilang isang uri ng wikang naitatag dahil ang ilang grupo ng mga tao

ay may pagnanais na makipag-usap gamit ang wikang sila lamang ang nakakaalam (Lim,

2009). Naglalaman din ito ng mga tuntuning panggramatika o balarilang dapat sundin. Bilang

resulta, ang Gay Lingo ay itinuturing na isang pre-pidgin dahil hindi ito sumusunod sa
anumang pamantayan. “Walang sinuman ang maaaring magmungkahi na ang gramatika o

pagbigkas ng mga salita ng isang tao sa homosekswal na wika ay mali” (Santos, 2007).

“Ang gay lingo ay may positibong kontribusyon sa wikang Filipino. Nagdaragdag ito ng

kulay, saya, at gana sa ating lipunan, ngunit dapat din tayong maging matalino at maingat sa

kung paano natin ginagamit ang rehistrong ito dahil ang lahat ng labis ay masama.

Nakakaaliw na gamitin ang alinman sa pasalita o pasulat.” (Legaspi, 2018)

Sa gayon, masasabing sa kasalukuyan ang gay lingo, isang wikain ng mga

homosekswal ay tinatanggap na ng lipunan ang malawakang paggamit nito hindi lamang sa

pakikipag usap sa kaibigan o kakilala, kundi pati narin sa mga telebisyon at radyo. Dahil dito,

unti unti nang nabibigyan ng pagkakakilanlan ang mga homosekswal o bakla sa lipunang

ating ginagalawan.

Mahihinuha naman mula sa mga datos at mga impormasyon na kung gaano kami

kapabor dito. Hindi maitatanggi na parte na ito ng lipunan sapagkat maraming tao ang

nasisiyahan tuwing naririnig at nababasa ito dahil na rin sa malikhaing paggamit ng mga

salitang ito sa pagpapasaya ng mga tao. Halimbawa ng sitwasyong ito ay ang mga pelikula na

karaniwang ginaganapan ni Vice Ganda, at ang ilang palabas ng GMA at ABS-CBN

Networks na maraming taong sumusubaybay. Sa kadahilanang likas sa mga Pilipino ang

panonood ng telebisyon bilang ating pampalipas oras. Dagdag pa rito, ang sosyal na

interaksyon sa ating kapwa, pamilya, at mga kaibigan ang nagpapanatiling buhay rito. Ngunit

sa kabila nito, mayroon pa ring mga iilang Pilipino na hindi na kayang sumabay sa uso. At

kahit maraming tumatangkilik ng wikang ito, huwag parin nating kalimutan ang ating

Pambansang Wika na Filipino.


Mga Sanggunian:

Alba, R. A. (2006). In focus: The Filipino gay speak (the Filipino gay lingo). Retrieved
from
http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/the-filipino-gayspeak-filipino-gay-lingo/
Barrameda, P. E., Ajero, C. L., Belulia, L. F., Bernanrdo, M. J., Dayag, D. D., Diaz,
A. N. … Mondejar, P. L. (2010). LanGAYge: Isang masusing pag-aaral sa
pagyabongnggaylingo. Retrieved from
https://www.scribd.com/doc/29233061/LanGAYge
Capacillio, J. (2018, May 4). 10 Gay Slang Terms And What They Mean.
SPOT.PH. Retrievedfrom
https://www.spot.ph/newsfeatures/humor/73595/10-beki-slang-terms-a1894-20180504-lfrm
GMA Network. (2017, Oktubre 6). Bubble Gang: Gay lingo interpreter [Video]. YouTube.
https://www.youtube.com/watch?v=Bnkl_kZ_-iU
Papua, A. J., Estigoy, M. A., & Vargas, D. (2021, March 1). USAGE OF
GAYLINGOAMONGMILLENIALS AS A WAY OF COMMUNICATING. Retrieved
from
https://papers.ssrn.com/sol3/papers.cfm?abstract_id=3794691
Russell, E. (2016, February 4). The Science Behind Why So Many Women Want To
BefriendGay Men. The Conversation. Retrieved from
https://theconversation.com/the-science-behind-why-so-many-women-want-to-befriend-g
ay- men-51965
Santos, M. (2007). Chiswisang baklush en leksh edades de empormusyones.
RetrievedDecember 22, 2009,from
http://www.pinoyblogsphere.com/2007110/16/chiswisangbaklush-e
n-leksh-edades-de impormasyones
Savillo, L. (2020, February 14). What Is Beki?: A Guide To the Cool Slang Created
ByGayFilipinos. Retrieved from
https://www.vice.com/en/article/939qxv/gay-filipino-beki-language-slang
Statista Research Department (2021, Hunyo 21). Philippines: Channels for media usage.
Statista. Retrieved November 8, 2021, from
https://www.statista.com/statistics/1097594/philippines-channels-media-monthly-usage/.
Statista Research Department (2021, Hunyo 21). Philippines: Frequency of media usage
inaday. Statista. Retrieved November 8, 2021, from:
https://www.statista.com/statistics/1097671/philippines-average-time-spent-media-usage-
by- channel/#statisticContainer.
Suguitan, C. G. B. (2005). A semantic look at feminine sex and gender terms in
Philippinegaylingo. Retrieved from
https://openresearch
repository.anu.edu.au/bitstream/1885/8681/1/Suguitan_ASemantcLook2005.pdf

You might also like