You are on page 1of 14

BARAYTI NG WIKANG FILIPINO SA BALITA O LATHALAING PANSHOWBIZ SA

MGA PANGUNAHING PERYODIKO


Arche R. Tudtod
University of Perpetual Help System-GMA Campus, Philippines

ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang tuklasin at alamin ang kalagayang pangwika partikular na ang
pagkilala sa kung anong barayti ng wikang Filipino ang mas ginagamit ng mga manunulat sa paglikha ng balita o
lathalaing pumapaksa sa showbiz. Binuo ng dalawang bahagi ang isinagawang pag-aaral na ito tungkol sa barayti
ng wikang Filipino sa pagsulat ng balita at lathalaing panshowbiz sa mga tabloid. Ang mga peryodikong
pinaghanguan ng mga salita bilang korpus ng pag-aaral ay ang limang Tabloid: Balita, Bulgar, Pang Masa, Abante
Tonite at Pilipino Star Ngayon. Itinala at inuri ang mga leksikal na aytem ayon sa apat mula sa pitong tepolohiyang
nabuo salig sa pinagsama-samang pananaw nina Haugen (1966), Weinrich (1981), Rodman (1988), at Enriquez
(1985). Ito ang apat na patern na ginamit sa pag-aaral na ito: Hiram-Ganap (HG), Hiram-Paimbabaw (HP), Hiram-
Sanib (HSb), Hiram-Daglat (HD). Inuri ng mga mananaliksik ang mga barayti na ito sa tatlong kategorya batay sa
morpolohikal na aspeto: Purong Tagalog, Filipino-Ingles o Asimiladong Filipino at Sosyolek. Natuklasan sa
pananaliksik na ang pinakamaraming salitang naitala bilang halimbawa para sa hiram-ganap at malawak ang
paggamit ng mga manunulat at kolumnista ng balita o lathalaing panshowbiz sa Asimiladong Filipino o Filipino-
Ingles bilang barayti ng wikang Filipino na makikita at mapapansin sa mga pangunahing peryodiko.

Susing salita: Wikang Filipino, barayti at baryasyon ng wika, kuwalitatibo, Pilipinas, Asya

Introduksiyon

Ang isang makabuluhang katangian ng wika ay ang walang tigil na pagbabago


nito. Ito ay dahil sa walang humpay ang pagbabago ng kapaligiran ng wika at dahil na
rin sa malikhaing kakayahan ng isipan ng taong napapansin ang kapaligirang ito. Batay
kay Consuelo J. Paz, ang resulta nito ay ang pag-iiba ng variant o mga salitang halos
pareho ang kahulugan. Kadalasang resulta ito ng panghihiram sa ibang wika ng
salitang may katumbas sa katutubong pangwika sa Pilipinas at sa panghihiram sa
banyagang wika.

Sa pagkakalaya ng mga Pilipino sa mga nandayuhang mananakop, masasabing


hindi maipagkakaila ang naging epekto ng kanilang kultura, paniniwala at paraan ng
pag-iisip sa kanilang naging kolonya. Sa patuloy na pagsulong ng globalisasyon at
kompetisyon, nagkaroon ng adhikain ang ilang bansang naging kolonya na gamitin ang
wika ng mga mananakop upang makasabay sa umano’y global na kompetisyon at isa
na rito ang bansang Pilipinas. Kaya’t sa ganitong phenomena, hindi rin maiiwasan ang
panganganak ng iba’t ibang baryasyon ng wika dulot ng pagsasanib ng wikang
sinilangan sa ikalawang natutunang wika.

Ang mga norm ay isang panlipunang namamana’t naipapasa. Samakatuwid,


partikular na marahil sa isang indibiduwal na magtanong sa sarili kung ang mga ito ba
ay naisasangkalan sa usaping panlinggwistika. Mula sa empirikal na oryentasyon,
maliwanag na ang mga norm na napapaloob sa isang wika ay kinikilala sa larangan ng
sosyolinggwistika. Ang kalikasan ng mga batas na ito ay tinatalakay kaugnay ng
paggamit ng bawat isa ng wika sa paraang pasalita at pasulat. Batay sa paglalarawan
na isinagawa ni William Labov, na ang isang komunidad ay mayroong karaniwang
pamantayan na ginagamit upang magkaroon ng malinaw at maayos na pakikipag-
ugnayan sa isa’t isa (1996).

Sa kabilang banda, ang pagpasok ng norm na ito ay dulot ng proseso ng


mabilisang pagbabago’t pag-unlad sa usapin na may kaugnayan sa wika. Ang
penomenang ito ay maiuugnay sa tinatawag nating globalisasyon. Dito ngayon
pumapasok ang papel ng pagpaplanong pangwika na isang paraan upang humanap ng
solusyon sa kinakaharap na suliraning pangwika. Halimbawa nito ang nangyari sa
wikang Hebrew ng bansang Israel, kung saan upang muling maibanyuhay ang naturang
wika’y tinuruan ang mga mamamayang Israel ng Hebrew; lumikha ng mga salita o
terminolohiya upang maging modernisado ang kanilang wika; at bumuo ng mga opisyal
na terminong magagamit ng buong bansa sa pamamagitan ng kanilang Akademiyang
Hebrew (Ignace, 1998). Ito ay isang halimbawa lamang nang pagkakaroon ng malaking
papel ng pagtatakda ng norm lalo na sa larangan ng linggwistika.

Sa kabilang banda, winika naman ni Dr. Emerlinda R. Roman, ang dating


pangulo ng U.P. Diliman noon na dapat alisin ang pag-aalinlangan tungkol sa
pagpapayabong ng wikang Filipino at umalinsunod sa itinakda ng Konstitusyon. Para
kay Jose V. Abueva, naging pangulo ng U.P. Diliman ang paglinang at pagpapalaganap
sa isang wikang pambansa ay isang makasaysayang tugon sa dayuhan at lokal na
opresyon.

Pinangatwiranan naman ni Dr. Consuelo Paz, kilalang linggwista at dekano ng


Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng U.P. Diliman ang panghihiram sa ilang
wika upang makaagapay ang Filipino sa mga pagbabagong nagaganap ngayon sa
daigdig.

Para kay Pamela C. Constantino sa kabilang dako, makakatutulong sa paglutas


ng suliraning ito ang mga kaalaman sa barayti ng wika. Para sa kaniya, may bisang
sikolohiko ang pagkakaalam ng mga barayti ng wika para sa mga tao. Makapagsisimula
ito ng pagbabago sa pagtanggap ng mga tao sa wika. Dahil dito aniya, “Magkakaroon
ng kamalayan ang mga tao na may bahagi siya o papel sa pagpapaunlad ng wikang
pambansa.”

Mahalagang bagay rin ang mga proyektong tulad ng taon-taong ginagawa ng


Filipinas Institute of Translation, ang Sawikaan: Mga Salita ng Taon. Sa gawaing ito na
idinaraos tuwing Agosto ng bawat taon mula pa noong 2004, nagtitipon-tipon ang mga
eksperto o sinumang may malaking interes sa wika upang pag-usapan ang mga
bagong salitang nadagdag sa bokabularyong Filipino. Sa nalathalang pagsasaaklat ng
mga pagtalakay sa mga bagong salita ng taon noong 2004, makikita ang mga salitang
hiniram tulad ng fashionista at text o hinango mula sa mga umiiral nang salita sa ibang
rehiyon sa Pilipinas tulad ng salbakuta na galling diumano sa Bikolnon.
Ang pagkakaroon ng baryasyon sa wika ay isang natatanging katangian na
nauugnay sa sosyo-sitwasyunal. Ito rin ang pagkakaiba-iba sa uri ng wika na ginagamit
ng mga tao sa bansa. Maaaring ang pagkakaiba-iba ay nasa bigkas, tono, uri at anyo
ng salita na ginagamit ng bawat indibiduwal na kabilang sa isang komunidad. Ayon nga
kay Clifford (1965), mayroong dalawang pangkalahatang uri ng barayti ng wika: una,
ang barayting permanente sa isang indibidwal; at ang ikalawa, ang barayting
pansamantala sapagkat ito ay nagbabago-bago batay na rin sa hinihingi ng isang
sitwasyon o maging ang anyo ng pagpapahayag.

Ang pagkakaroon ng barayti ng isang wika ay hindi maipagkakailang umuusbong


batay na rin sa pangangailangan ng isang lipunan o ng mga indibidwal na bumubuo na
rin sa isang komunidad. Partikular na matutukoy ang mga barayti na ito sa anyong
pasulat. Isang malinaw na halimbawa rito, ang ipinapakita ng mga artikulo higit na ang
mga balita at lathalaing patungkol sa showbiz.

Sa pagsulat ng showbiz hindi maipagkakailang maraming matatagpuang iba’t


ibang antas at barayti ng wika. Nariyan ang paggamit ng jargon o mga swardspeak,
sosyolek at idyolek. Ang lahat ng ito ay naaayon sa kagustuhan o istilo ng mga
manunulat.

Ang mga nabanggit ang nagtulak sa mananaliksik upang tuklasin at alamin ang
kalagayang pangwika partikular na ang pagkilala sa kung anong barayti ng wikang
Filipino ang mas ginagamit ng mga manunulat sa paglikha ng balita o lathalaing
pumapaksa sa showbiz. Dagdag pa, nilalayon nitong tugunan ang mga sumusunod na
suliranin: Ano ang kalikasan ng wikang Filipino batay sa pamamaraan ng leksikal na
panghihiram ng salitang banyaga sa mga balita at lathalain sa mga tabloid hinggil sa
showbiz?; at Ano-ano ang umiiral na barayti ng wikang Filipino sa pagsulat ng mga
balita o lathalaing panshowbiz sa aspetong morpolohikal? Sa pagtukoy na ito’y
naniniwala ang mananaliksik na magbubukas ito ng pinto tungo sa paunang hakbang
sa pagpaplanong pangwika na hahantong sa istandardisasyon ng wikang Filipino.

Balangkas ng Pag-aaral

Ang Theory of Norms and Exploitations (TNE) naman ni Patrick Hanks ay


nagsasaad na pinapatnubayan ng mga pamantayan at mga batas ang paggamit ng
isang wika. Ilan sa mga batas na ito ay ang ipinapatupad sa paggamit ng mga salita
alinsunod sa pangangailangan ng isang komunidad. Kabilang din dito ang pamantayan
sa wikang ginagamit sa iba’t ibang anyo ng panitikan. Sa pamamagitan ng teoryang ito,
ipinapakita na ang gumagamit ng wika ay may kakayahang maging malikhain sa kung
paano niya gagamitin ang wika sa paraang pasalita at pasulat. Isinasaalang-alang din
ng TNE ang malaking bahagdan ng pagbabagong panlingguwistika tulad ng pagbabago
ng baybay batay sa makabago at kumbensyunal na alituntunin, pagbabago sa
kahulugan ng mga salita at ang pagdaragdag ng kahulugan sa mga salita.

Ang teoryang sosyolinggwistiko na batay sa pamamalagay na ang wika ay


isang panlipunang phenomenon. Nagiging makabuluhan ang anumang pahayag,
aksyon, salita ng isang indibidwal kung ito ay nakakonteksto sa loob ng lipunan at
ikinokomunika sa isang indibidwal o grupo. Dahil naman dito, nakakabuo ng iba’t ibang
konteksto ang paggamit ng wika dahil sa iba’t iba ring mga tao na may iba’t ibang
gawain, papel, interes, saloobin, pananaw ang kasangkot sa proseso ng komunikasyon.
Dito rin pumapasok ang katangian ng wika na pagiging heterogeneous o may iba’t
ibang anyo malunggwistiko, ma-okupasyonal o ma-sosyal man ang mga anyong ito.
Dagdag pa sa mga dahilan ng pagkakaiba-iba ng anyo ng wika ang lokasyong
heograpikal, pandarayuhan, sosyo-ekonomiko, politikal at edukasyonal na katangian ng
isang partikular na lugar o komunidad na gumagamit ng naturang wika (Doctor-
Dinglasan, pp. 15).

Sa teorya ng akomodasyon ni Howard Giles, nakapokus ito sa mga taong


kasangkot sa sitwasyong pangwika. Ipinapaliwanag dito na sa interaksyon ng mga tao,
nagkakaroon ng tendensya na gumaya o bumagay sa pagsasalita ng kausap para
bigyang halaga ang pakikiisa, pakikilahok, pakikipagpalagayang-loob, pakikisama o
kaya’y pagmamalaki sa pagiging kabilang sa grupo (convergence). Pero kung minsan,
pilit naming iibahin ang pagiging iba o naiiba, di-pakikiisa. O kaya’y lalong paggigiit sa
sariling kakayahan at identidad (divergence). Mahalaga ang mga teoryang ito sa pag-
aaral ng barayti ng wikang Filipino lalo na kaugnay ng atityud sa paggamit ng
inaakalang “mas mataas” na barayti kumpara sa “mas mababa” depende sa istatus ng
kanilang unang wika (Doctor-Dinglasan, pp. 16-17).

Samantala, sa teoryang interference phenomenon and Interlanguage ay


nakapokus naman ito sa mga wikang kasangkot. Magandang halimbawa ng
interference ang pagbuo ng mga barayti ng wikang Filipino. Ang impluwensya ng
unang wika, halimbawa ang Cebuano ay kapansin-pansin kapag nagsasalita ng
Filipino. Isang katangian, halimbawa ng Cebuano-Filipino ang di-paggamit ng
reduplikasyon (Hal: Doon ako magturo sa Palawan). Isa pang halimbawa ang paggamit
ng panlaping mag- kahit sa dapat gamitan ng um- na panlapi sa Cebuano. Kaya, sa
pagpi-Filipino ng isang Cebuano, nagiging “Huwag kang mag-ihi dito” sa halip na
“Huwag kang umihi rito.” Ang Interlanguage naman ang tinatawag na “mental
grammar” na nabubuo ng tao sa pagdating ng panahon sa proseso ng pagkatuto niya
ng pangalawang wika. Dito, binabago ng tagapagsalita ang grammar sa pamamagitan
ng pagdaragdag, pagbabawas, at pagbabago ng mga alituntunin. Halimbawa nito ang
salitang malling na ginagamit na mula sa salitang mall sa Ingles. Impluwensyang Ingles
ito sa Filipino na sa dalas na ng paggamit at popularidad ng salita ay nadagdagan ito ng
gamit (nominalisasyon at verbalisasyon).
Pigura 1
Paradigma ng Pag-aaral

Makikita sa dayagram ang daloy ng pag-aaral na ito, bibigyang-pansin ng


mananaliksik ang pagsusuri sa limang tabloid na pinili na nagtataglay ng balita at
lathalaing pangshowbiz na nasusulat sa Tagalog. Susuriin ang mga nakalap na korpus
o salita batay sa kalikasan ng wikang Filipino sa usaping leksikal na panghihiram sa
mga salitang banyaga at barayti ng Wikang Filipino sa morpolohikal na aspeto. Ang
pagsusuring ito ay gagabayan ng mga teoryang ginamit sa pag-aaral na ito na
kinabibilangan ng mga sumusunod: theory of norms and exploitations, teoryang
sosyolinggwistiko, teorya ng akomodasyon at teoryang interference phenomenon and
interlanguage. Mula sa magiging bunga ng pananaliksik na ito ay makakabuo ng isang
mungkahing panuntunan sa pagsulat ng balita o lathalaing panshowbiz.

Layunin ng Pag-Aaral
Nilalayon ng pananaliksik na ito na matuklasan ang kalikasan ng wikang Filipino
batay sa pamamaraan ng leksikal na panghihiram ng salitang banyaga sa mga balita at
lathalain sa mga tabloid hinggil sa showbiz. Gayundin, upang matukoy ang umiiral na
barayti ng wikang Filipino sa pagsulat ng mga balita o lathalaing panshowbiz sa
aspetong morpolohikal.

Metodolohiya
Binubuo ng dalawang bahagi ang pagsasagawa sa pag-aaral na ito tungkol sa
barayti ng wikang Filipino sa pagsulat ng balita at lathalaing panshowbiz sa mga tabloid.
Sa panimula ng pag-aaral, sinang-ayunan ng mga mananaliksik ang mga peryodikong
paghahanguan ng mga salita bilang korpus ng pag-aaral. Limang Tabloid: Balita,
Bulgar, Pang Masa, Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon. Pinili ang mga tabloid batay
sa kalawakan ng sirkulasyon sa ginawang sarbey ng infoasaid.org noong taong 2016.
Upang makita ang iba’t ibang barayti ng wikang Filipino, isang linggong isyu ng pang-
araw-araw na peryodiko ang iminungkahing paghahanguan ng mga datos. Kaya’t
hinango ang mga salita mula sa mga pahina na pumapaksa tungkol sa balita at
lathalaing panshowbiz sa bawat peryodiko mula Pebrero 24 hanggang Marso 2, 2017.

Pinangkat at binilang ang mga nahangong salita batay sa barayti ng wikang


Filipino. Sinimulang suriin ang mga salitang hiram upang makapaghanda ng isang
instrumento sa pag-aaral.

Ginamit sa pag-aaral na ito ang mga modelong ginamit nina Hockett (1956), sa
kanyang pagsusuri sa mga pagbabagong nagaganap sa mga magkakaugnay na wika,
ang tinawag niyang ‘phylogenetic change’; ang kina Weinrich (1964) at Beardsome
(1982) sa kanilang pagtalakay at pagsusuri sa mga panghihiram ng mga dayuhang
wika.

Naging malaking tulong din sa pagsusuri ang Gabay sa Ortograpiyang Filipino ng


Komisyon ng Wikang Filipino tungkol sa leksikal na panghihiram na kalikasan ng
Wikang Filipino. Sunod na hakbang na ginawa ng mananaliksik ay ang pagpapangkat-
pangkat at pag-uuri-uri ng mga korpus batay sa kinabibilangan nitong barayti ng wikang
Filipino.

Nakapokus ang pagsusuri sa lebel na ito sa mga patern ng leksikal na


panghihiram ng Filipino sa larangan ng showbiz. Itinala at inuri ang mga leksikal na
aytem ayon sa apat mula sa pitong tepolohiyang nabuo salig sa pinagsama-samang
pananaw nina Haugen (1966), Weinrich (1981), Rodman (1988), at Enriquez (1985). Ito
ang apat na patern na ginamit sa pag-aaral na ito: Hiram-Ganap (HG), Hiram-
Paimbabaw (HP), Hiram-Sanib (HSb), Hiram-Daglat (HD).

Sumunod na proseso sa pagsusuri ay ang pagkakategorya ng mga leksikon sa


iba’t ibang barayti ng Wikang Filipino. Inuri ng mananaliksik ang mga barayti na ito sa
tatlong kategorya batay sa morpolohikal na aspeto: Purong Tagalog, Filipino-Ingles o
Asimiladong Filipino at Sosyolek.

Resulta at Pagtalakay

Leksikal na Panghihiram

Nakalalamang ang paggamit ng Hiram-Ganap ng mga manunulat at kolumnista


ng mga pangunahing peryodiko sa pagsulat ng balita o lathalaing panshowbiz.
Sapagkat, ito ang pinakamainam na paraan upang hindi na mahirapan pang humanap
ng panumbas mula sa katutubong wika ng mga salitang banyaga. Buhat sa mga
leksikon na naitala ng mga mananaliksik, mahihinuha na nagaganap ang tuwirang
panghihiram ng mga salita batay sa mga sumusunod na salik:
a. Ganap na hinihiram ang salita kapag wala itong anumang panumbas sa wikang
Filipino at pinapanatili ang paraan ng pagbaybay dito.

Halimbawa:
animated movie buffet decorum bouquet
acid reflux debut condominium red carpet
billboard pilot episode hunk Xerox copy
blockbuster curriculum upper box
broadsheet designer variety show
album disc jockey visual effect
bold films exfoliant guru

b. Hinihiram ng ganap ang mga salitang pantangi, teknikal, at pang-agham. Pinapanatili


rin ang sistema ng pagbaybay rito.

Halimbawa:
Academy Awards Film Festival Instagram
Alzheimer’s Disease Call Center Agent Hollywood
American Idol Christmas gynecologist
American Eagle Outfitters Chemistry health center
Botox Celebrity Bluff Martial Law
Asian Tour Consular Diplomatic Affairs
Facebook Dolby Theater
Best Actor Best Actress

Ang naunang dalawang salik ay ganap na hinihiram sapagkat kung tatangkain na


ito’y tumbasan ng isang manunulat sa wikang Filipino hindi malabong maganap na
magkaroon ng kalituhan. At ito’y hahantong sa hindi pagkaunawa sa mensaheng nais
ipahiwatig ng isang kolumnista ng showbiz.

c. Kapag ang isang salita ay kabilang sa direktang sinabi ng kinapanayam ng


manunulat o sa madaling salita ‘direct quotation.’

Halimbawa:
“Siguro, naging interesting sa viewers ‘yung pagiging love team namin ni DJ kahit very
opposite kami pagdating sa pananamit, pananalita, pagkilos and personality,” ani
Kathryn.

Sa puntong ito, ang mga salitang interesting, viewers, love team, very opposite at
personality ay ganap na hiniram dahil kabilang ito sa winika ni Kathryn Bernardo sa
isang panayam. Mapapansing hindi ito tinangkang baguhin o palitan ng manunulat. Sa
kadahilanang, iniiwasan ng mga manunulat na baguhin ang mga eksaktong salitang
ginamit ng taong kanilang nakapanayam sa loob ng isang pangungusap upang hindi
mawala ang orihinal na kahulugan ng kanilang mga pahayag.
d. Batay sa preperensiya ng isang manunulat o kolumnista sa pagsulat ng balita o
lathalaing panshowbiz.

Halimbawa:
Marami sa mainstays ng isang musical variety show ng isang top TV network ang hindi
pabor sa sobrang exposure sa kanilang show ng isang young actress/singer. Weekly na
lang ay napakarami nitong production number. Basta may “achievement” ito sa career
ay hina-highlight sa show.

Ang mga nakasalungguhit na mga salita sa itaas ay ganap na hiniram at ginamit


ng isang manunulat ng showbiz sa kanyang artikulo. Bagama’t karamihan sa mga salita
rito ay may katumbas sa wikang Filipino, hindi ito ginamit ng manunulat. Sa halip,
pinanatili ang mga salitang iyon sa kadahilanang mas napapadali nito ang paglalahad
ng mensahe at higit sa lahat napapaikli ang espasyo ng artikulo sa isang pahayagan.
Ang tepolohiyang Hiram-Paimbabaw ay kilala rin sa katawagang Hiram Di-Ganap.
Buhat dito, mawiwikang ito’y isang uri ng panghihiram ng salita kung saan ang
ponolohikal na aspeto o ang paraan ng pagbigkas ay nananatili samantalang nababago
naman ang morpolohikal nitong aspeto. Mula sa mga leksikon na nakalap at naitala sa
Ikalawang Matrix, mapapansing karamihan sa mga salitang ito ay sumusunod sa
tuntuning pangwika na kung ano ang bigkas, iyon rin ang baybay. Nagaganap ang
Hiram-Paimbabaw batay sa sumusunod:

a. Pagbabaybay batay sa katutubong sistema sa pagbubuo ng mga salita o mas kilala


sa sistemang ABAKADA.

Halimbawa ng mga salita:


bokabularyo - mula sa salitang vocabulary
distribusyon - mula sa salitang distribution
edukasyon - mula sa salitang education
anibersaryo - mula sa salitang anniversary
espekulasyon - mula sa salitang speculation
bakasyon - mula sa saltang vacation
ambisyon - mula sa salitang ambition
atensyon - mula sa salitang attention
kontrobersiyal - mula sa salitang controversial
kampanya - mula sa salitang campaign
intriga - mula sa salitang intrigue
komiks - mula sa salitang comics
karakter - mula sa salitang character

b. Panghihiram alinsunod sa tuntuning kung ano ang bigkas, siya ang baybay.

Halimbawa ng mga salita:


interbyu - mula sa interview
karir - mula sa career
isyu - mula sa issue
komedi - mula sa comedy
kaswal - mula sa casual
aktor - mula sa actor
aktres - mula sa actress
dayalog - mula sa dialogue
ekstra - mula sa extra
espesyal - mula sa special
inlab - mula sa in love
isnab - mula sa snob
ilusyon - mula sa illusion
holdap - mula sa hold up
komersiyal - mula sa commercial
kompows - mula sa compose
denay - mula sa denie
lider - mula sa leader
selebreyt - mula sa celebrate
kyut - mula sa cute
sey - mula sa say
seksi - mula sa sexy
prodyus - mula sa produce
produser - mula sa producer
pipol - mula sa people
relaks - mula sa relax
tradisyunal - mula sa traditional
tayming - mula sa timing

Kung susuriin ang mga leksikon na ito sa ilalim ng naturang tuntunin,


mahihinuhang karamihan sa mga salita ay sadyang ginagamit na o kabilang na ito sa
talasalitaan ng wikang Filipino. Samantalang, ilan naman sa mga salita ay nakalilikha
ng pagkalito sa karamihan tulad ng kompows, sey, denay, selebreyt, prodyus, tayming,
isnab, pipol at iba pa. Bagama’t mapapadali nito ang pag-unawa sa salita, wala pa ito
sa hinagap ng karamihan sapagkat hindi pa ito napagkasunduan na ito ang magiging
panumbas sa mga hiram na salita.

c. Panghihiram na may pagbabago at pagadaragdag ng mga ponema.

Halimbawa ng mga salita:


aktibo - buhat sa active
artista - buhat sa artist
eksena - buhat sa scene
ere - buhat sa air (live broadcast)
diperensiya - buhat sa difference
direkta - buhat sa direct
kritiko - buhat sa critic
kultura - buhat sa culture
komento - buhat sa comment
kuwalipikado - buhat sa qualified
porsiyento - buhat sa percent
pamilya - buhat sa family
pruweba - buhat sa proof
serye - buhat sa series
responsibilidad - buhat sa responsibility
resulta - buhat sa result
respeto - buhat sa respect
rason - buhat sa reason

Ngunit, kapansin-pansin din naman ang hindi pagiging konsistent ng mga


manunulat sa paggamit ng mga salita partikular na ang panghihiram sa mga salitang
banyaga. Halimbawa, may mga manunulat na gumagamit ng baybay sa salitang
produce na ‘produs’ at ang iba naman ay ‘prodyus’. Gayundin naman sa ‘produser’ at
‘prodyuser’ para sa salitang producer. Ang ganitong isyung pangwika ay maaaring
magbunga ng kalituhan sa mga mambabasa kung ano ba ang nararapat at angkop na
salin para sa dalawang nabanggit na salitang banyaga.

Ang isa sa madalas na gamiting istilo ng mga manunulat at kolumnista sa


pagsulat ng showbiz ay ang hiram-sanib. Kung saan, kapansin-pansin ang pagsasama
ng mga banyagang morpema at katutubong morpema sa isang salita lamang.
Nagaganap ang ganitong uri ng tepolohiya sa pamamagitan ng paglalagay ng mga
panlapi sa mga salitang banyaga na pinapanatili ang orihinal na baybay ng mga
salitang hiram.
Halimbawa nito ang mga sumusunod na salita:
• i-check
• ini-schedule
• mag-apply
• ma-accommodate
• ka-publicized
• ka-love team
• nag-front act
• na-realize
• makiki-fiesta
• pang-Cannes
• interviewhan
• maishowing

Mapapansin din na sa paglalapi at pag-uulit ng mga salitang hiram, idinurugtong


ang tunog KP sa unlapi. Kahalintulad din ito sa sistema ng pagbabaybay kapag nasa
aspektong kontemplatibo (panghinaharap) ang isang salita.

Halimbawa nito ang mga sumusunod na salita:


• nadi-discuss
• magco-complain
• nag-e-effort
• mag-o-open
• nagpo-post
• nag-wo-workshop
• naggi-guest
• pangba-basted
• pagli-link
• ia-announce

Nagaganap din ang Hiram-Sanib kapag ginigitlingan ang mga pangngalang


pantangi at salitang hiram kapag inuunlapian. Halimbawa ng mga salita ang
sumusunod:
• pang-Cannes
• taga-Starstruck
• taga-American Idol
• mag-Best Supporting Actress
• ala-People Power Revolution
• mag-Best Picture

Hindi mawawala ang paglikha ng sariling istilo sa pagbuo ng salita sa


pamamagitan ng hiram-sanib higit na sa pag-uulit ng mga banyagang salita. Tulad ng:

• fresh-fresh-an
• nag-a-action-action
• nail-link

Mapapansin sa ikaapat na tepolohiya ng leksikal na panghihiram na kakaunti


lamang ang bilang ng salitang naitala. Ito ay sa kadahilanang bihira lamang gamitin ang
Hiram-Daglat ng mga manunulat at kolumnista ng showbiz. Karaniwan ang ganitong
anyo ng leksikal na panghihiram ay kadalasang binibigyang katuturan bilang pag-
iimbento o paglikha ng mga salita sa pamamagitan ng pagpapaikli sa mga ito sa
paraang pasalita o pa-iskrip. Halimbawa ng mga salita:

 Indie film/movie - independent film/movie


 Noontime show - Afternoon Time Show
 Presscon - Press Conference
 Resto - Restaurant
 Senti song - Sentimental Song
 Showbiz - Show-business
 Teledrama - Television Drama
 Telefantasya - Television Fantasy
 Teleserye - Television Series
 cooking demo - cooking demonstration
 music fest - music festival
 Produ - Production
 Infotainment - Information
 Entertainment
 Tech buzz - Technology Buzz
 Congrats - Congratulations
 Fantaserye - Fantasy Series
 lip synch - lip synchronization
 Televiewer - Television Viewer
 Vidcaps - Video Captions
 V-day Dinner - Valentine’s Day Dinner
 Preggy - Pregnant
 Telegenic - Television Photogenic

Narito naman ang mga salitang kabilang sa pa-iskrip na paraan ng pagdadaglat.


Karaniwan itong mapapansin sa paggamit lamang ng mga letra o titik bilang kinatawan
ng kabuuang salita.
Halimbawa:
• CR - Comfort Room
• TFC - The Filipino Channel
• PA - Personal Assistant
• LQ - Love Quarrel
• MU - Mutual Understanding
• Ex-BF - Ex-Boyfriend
• GF - Girlfriend
• TF - Talent Fee
• TV - Television
• R&B - Rock & Ballad

Morpolohikal na Aspekto

Sa aspetong leksikon o morpolohikal, lumalabas na higit na nakalalamang ang


paggamit ng Asimiladong Filipino o Filipino-Ingles bilang barayti ng wikang Filipino na
makikitang ginagamit ng mga manunulat at kolumnistang panshowbiz. Ang barayti na
ito ng wika ay bunga ng panghihiram ng ganap sa isang salitang banyaga at nilalapatan
ng pangkatutubong sistema ng pagbaybay o dili naman kaya paglalapi at pinapanatili
ang orihinal na baybay ng salitang hiram. Halimbawa nito ang mga salitang tropeo,
titulo, umapir, turista, pinag-effort-an, at marami pang iba. Habang pumapangalawa
naman ang Purong Tagalog o ang sariling bokabularyo ng wikang Filipino halimbawa
nito ang tumbok, milagro, mahalukay, mabusalan at marami pang iba. At kakaunti
naman ang mga halimbawa ng salitang naitala sa Sosyolek o ang tinatawag na
lenggwahe ng isang pangkat tulad ng tsika, tsalap-tsalap, umariba, waley, wankatitat at
iba pa.

Samakatuwid, ipinapakita lamang nito na lumulutang ang impluwensiya ng


banyagang wika sa pagsulat ng mga balita o lathalaing panshowbiz ng mga manunulat
at kolumnista nito. Marahil, epekto rin ito ng tinatawag nating bilinggwalismo o paggamit
ng dalawang wika maaaring ito ay Ingles at Filipino.
Kongklusyon
Ang barayti ng wikang Filipino na ginagamit ay nagtataglay ng mga sumusunod
na katangian: (1) may panghihiram sa Ingles na hiniram ang buong salita; (2)
panghihiram sa paraang may anyo ng kulturang Filipino sapagkat ginamit ang
katutubong sistema sa pagbubuo ng mga salita; (3) paghahalo (Code-mixing) ng mga
salitang Ingles sa konstruksyong Filipino sa isang likas na paraan at pagpapalit-koda
(code-switching) ng konstruksyon ng mga pahayag sa wikang Filipino at wikang Ingles;
(4) paglilikha ng mga bagong salita batay sa pangkat na kinabibilangan; at (5) pagiging
matapat sa paghahanap ng mga katumbas na salita sa wikang Filipino.

Ang pinakamaraming salitang naitala bilang halimbawa ay para sa hiram-ganap.


Naisasakatuparan ang paraan na ito ng leksikal na panghihiram batay sa sumusunod:
ganap na hinihiram ang salita kapag wala itong anumang panumbas sa wikang Filipino
at pinapanatili ang paraan ng pagbaybay dito; hinihiram ng ganap ang mga salitang
pantangi, teknikal, at pang-agham. Pinapanatili rin ang sistema ng pagbaybay rito;
kapag ang isang salita ay kabilang sa direktang sinabi ng kinapanayam ng manunulat o
sa madaling salita ‘direct quotation.’; at batay sa preperensiya ng isang manunulat o
kolumnista sa pagsulat ng balita o lathalaing panshowbiz.

Malawak ang paggamit ng mga manunulat at kolumnista ng balita o lathalaing


panshowbiz sa Asimiladong Filipino o Filipino-Ingles bilang barayti ng wikang Filipino na
makikita at mapapansin sa mga pangunahing peryodiko. Nananaig ang sariling
preperensiya ng mga manunulat at kolumnista sa leksikal na panghihiram ng mga
salitang banyaga. Kung kaya’t kahit na may malinaw na pamantayan at tuntunin para
rito ay bihira na nila itong masunod.

Sanggunian
Alonzo, R. I. (1996). Ang pagsasalin sa agham panlipunan: Isang pagsusuri. Nasa
Daluyan. V11-45-74.
Batoon, P. J. Q. (Marso 1999). Isang mungkahing gabay sa istilo ng pamamahayag.
Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Lungsod Quezon.
Constantino, P. C. et al. (1985). Wika, linggwistika at bilinggwalismo sa Pilipinas.
Manila: Rex Book Store.
Hudson, R.A. (1993). Sociolinguistics. Cambridge University Press.
http://nlp.fi.muni.cz/projects/cpa/
Littlejohn, S.W. (1992). Theories of human communication. 4th Edition. Belmont,
California: Wadsworth Publishing Company.
Mercado, T. P. (Oktubre 1992). Ang preperensiya sa pagbabaybay ng mga salitang
hiram sa mga pangunahing peryodiko: Tungo sa istandardisasyon at kodipikasyon
ng Filipino. Unibersidad ng Pilipinas Diliman, Lungsod Quezon.
Nilsen, D. N.L., Nilsen, A.P. (1977). Language play: An intro to linguistics. Newsburry
House Publishers/Rowley, Massachusettes p. 1.
Paz, J. (Agosto 20, 1998). The national lingua franca for people Empowerment. Nasa
The Philippine Star.
Semorlan, T. P. et al. (2009). Retorika: Masining na pagpapahayag. Lungsod ng
Quezon: Rex Bookstore.
Tiamson-Rubin, L. G. et al. (1983). Sining ng malikhaing pagsulat at pananaliksik.
Lungsod ng Quezon: Rex Book Store.

You might also like