You are on page 1of 9

Tayd is Mirakol…Tide is Perfect: Mga Konsepto sa Varayti At Baryasyon ng Wika

Bilang Repleksyon ng Bansang Matatag


ni Roberto D. Ampil, LPT., PhD.

Ang Simula… Ang (H) istorya … Ang Pundasyon

Ang wika ay kapwa itinuturing na malaking tulong sa pakikipag-ugnayan ng mga tao sa


lipunan at dahilan din ng maraming suliranin ng sangkatauhan. Anumang wika ay koleksyon ng
mga simbolo na pinamamahalaan ng iba’t ibang tuntunin at gamit sa pagpapahayag ng mensahe
sa tao. Dahil sa simboliko nitong katangian, ang wika ay hindi sapat at akmang kagamitan sa
komunikasyon: ang kahulugan ay nasa tao, at wala sa salita. Ang wika ay hindi lamang
nagagamit sa paglalarawan ng tao, mga ideya, proseso, at mga pangyayari, hinuhubog din nito
ang ating persepsyon sa iba gaya ng istado, kredibilidad, at kaasalan ukol sa paano sila
nakikipagtalastasan. Maraming pagkakaiba kung paano ang bawat indibidwal ay nagsasalita.
Ang nilalaman ng usapan ay nagkakaiba gaya rin ng layunin at istilo ng pagsasalita. Subalit,
hindi lahat ng pagkakaiba sa paggamit ng wika ay dahil sa kasarian at istado sa buhay ng
nagsasalita. Ang pilosopiya at oryentasyon sa kultura ng pangkat na kinabibilangan ay may
malaking ambag sa pagkakaroon ng varayti ng wika.

Hindi nga ba malaki ang impluwensya ng kultura sa paraan kung paano ang isang
sistemang panlinggwistika ay nalilinang at natutuhan? Ang wika ay binubuo ng mga set ng
senyales, simbolo at signal na may gramatika. Ang lahat ng wika ay may sariling unikong padron
ng organisasyon. Kung kaya, ang komunikasyon ay nagiging posible kung ang mga indibidwal
ay nagkakasalo sa isang sistema ng kaayusan o gramatika. Iminungkahi nina Benjamin Lee
Whorf at Edward Sapir na ang sistemang panlinggwistika na ating natutuhan mula sa ating
kultura ay may malinaw na impluwensiya sa kung paano ang isang tao ay nangungusap o
nagpapahayag at nagpapakahulugan sa mga bagay sa daigdig: “Language shapes perceptions of
reality”.

Ayon kay Schegloff (hango sa aklat ni Schiffrin, Handbook of Discourse Analysis,


2003),
“…the fundamental or primordial scene of social life is that of direct
interaction between members of a social species, typically ones who are physically
copresent. For humans, talking in interaction appears to be a distinctive form of
this primary constituent of social life, and ordinary conversation very likely the
basic form of organization for talk-in-interaction”.

Samakatuwid, bahagi ng sistema ng buhay ng tao sa lipunan ang pakikipagtalastasan at


ito ang batayan at primitibong pamamaraan sa paglinang, paggamit, at pagkatuto ng natural na
wika. Hindi nakapagtataka kung bakit karamihan sa mga katangian ng natural na wika ay
hinubog ayon sa lugar ng taong gumagamit nito. Mahihinuhang nagkakaiba ang gamit at
katangian ng natural na wika depende sa tao at lugar na kinabibilangan. At dahil, daynamiko ang
wika madali itong sumasabay sa pagbabago sa pamamagitan ng panghihiram sa iba pang wika.
Bunsod nito, naiimpluwensyahan nito ang nakagawian ng wikang ginagamit at minomodipika
naman upang umangkop sa sitwasyon at taong kinakausap. Dito pumapasok ang pagkakaroon ng
varayti o baryasyon ng wikang ginagamit ng tao sa isang partikular na organisasyon gaya ng
unibersidad.

Ayon naman kay Wardhough (1982),


“Ang panrehiyong baryasyon sa pagsasalita ng wika ay isa sa kapansin-pansing
paraan na naoobserbahang varayti ng wika. Dahil dito, sa isang lugar na ang wikang
ginagamit ay daan-daang taon na, siguradong makakakita ng pagkakaiba sa bigkas,
anyo ng salita at sintaks nito. Maaaring magkaroon pa rin ng nadadagdag na mga
salita mula sa lokal na wika o bernakular ng bawat lugar”.

Binigyang-katuturan naman ni Gleason (1979) ang baryasyon ng wika,


“…ay isang katotohanan sa lipunan na nakabuhol sa mga tradisyon ng mga tao
at sa mga salik panlipunan na nakakikilala sa iba-ibang grupong sosyal, kultural at
etniko. Bilang isang uri ng behebyor ng wika ay ang pagkakaiba ng panlipunan ng
isang uri at iba pa”.

Nabanggit naman ni Constantino (1996) sa kanyang aklat na Wika at Lipunan na:

“Ang wika ay isang panlipunang penomenon. Ibig sabihin, mahalaga ito hindi
lamang sa indibidwal kundi lalo na sa lipunang kanyang kinabibilangan…” dagdag
pa niya, “…ang wika ay maaaring tingnan bilang mahalagang kasangkapan sa pag-
unlad kapwa ng indibidwal at ng bansa at ito ang nagbibigay ng istatus at
humuhubog sa sosyalisasyon ng indibidwal”.

Samantala, ang negatibong atityud sa pagsasalita ay nagsimula sa paniniwala na ang


bernakular o diyalekto ay mababa kumpara sa istandard na bersyon ng wika. Ang katotohanan,
ang sistemang pangwika ng iba’t ibang grupo ay nagkakaiba, subalit walang sistema ang likas na
magaling kaysa sa iba. May pananaliksik na sumusuporta sa posisyon na ang varyasyon ng wika
ay isang natural na repleksyon ng kultura at pagkakaiba ng komunidad (Labov, 1972).

Kahit na may linggwistikong ekwalidad o pagkakapantay sa mga diyalekto, ang wika ng


mga mag-aaral at kaligirang kultural ay nakaiimpluwensya sa kanilang magtagumpay. Kapag
ang mga mag-aaral mula sa labas ng pangkat ay pumasok sa unibersidad, nahaharap sila sa mga
bagong kalakaran ng pagtingin sa daigdig at makabagong pamamaraan ng pagkilos. Ang
paggamit ng wika, kapwa pasalita at pasulat, ay sentral na kasangkot sa bagong kulturang ito. Sa
pag-aaral ni Heath (1983), ay ipinakita niya na ang wika at kultura ng dalawang komunidad
(rural working class communities) ay malinaw na nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng wika
at kulturang paniniwala ng komunidad at unibersidad. Upang makaagapay sa ekspektasyon ng
unibersidad, ang mga mag-aaral ay kailangang makaangkop sa mga istraktura at padron ng
paggamit ng wika na iba mula sa kanilang dati o nakagawian nang ginagamit.

Malakas ang impluwensya ng mga teoryang nagsasabi (Chouliaraki at Fairclough, 1999);


Fairclough at Wodak, 1997; Fairclough, 1995; van Dijk, 1985) na ang wika ay hindi lamang
isang inosenteng instrumento na ginagamit ng tao sa komunikasyon sapagkat ang realidad umano
ay hindi isang bagay na nariyan sa tabi at ang mga salita ay ginagamit lang para tukuyin ito. Sa
halip, ayon sa bagong pananaw, ang mga salita ay may kapangyarihang lumikha ng realidad
dahil ang wika ay binubuo (bukod sa mga salita at pangungusap) ng mga di-berbal na pahayag
katulad ng ekspresyon ng mukha, galaw ng katawan at pati na ang sistemang kultural na binubuo
ng ekonomiya, relihiyon , kasarian, kasaysayan at iba pa.

Ang wikang sinasalita ng tao ay nagsimula milyong taon na ang nakararaan kaya higit na
matanda kung tutuusin sa cuneiforms script (3500 B.C) at hieroglyphic inscriptions (3000 B.C).
Ayon nga kay Stubbs (1980), lubhang mahirap bumuo ng isang lipunan na walang wikang
sinasalita kaya higit na angkop tawagin ang tao na Homo loquems (speaking) sa halip na Homo
sapiens (tool wear) dahil ito ang una niyang natutunan ayon sa biyolohikal na proseso.
Itinuturing na unibersal ang wikang pasalita sapagkat maraming wika sa buong mundo ang
walang sistema ng pagsulat subalit lahat ng komunidad ay may wikang sinasalita kaya hindi
nakapagtatakang higit ang panahong iginugugol sa pagsasalita nguinit hindi sa pagbasa at
pagsulat. Ang pag-aaral tungkol sa wikang sinasalita ng tao o ang pasalitang interaksyon ay
bahagi ng disiplina ng diskors.

Maituturing na luma at bago ang disiplina ng Diskors analis (Discourse analysis) (van
Dijk, 1985a) o DA sapagkat ito ay mababakas simula noong pinag-aralan ang wika, talumpating
pampubliko at literatura, dalawang libong taon na ang nakararaan. Nagsimula ito sa tradisyon ng
klasikong retorika (gitnang panahon hanggang ika-17 siglo), komparatibong linggwistika (ika-19
siglo) at pagsusuring istraktural ng wika (ika-20 siglo). Ang tradisyong ito ay ipinagpapatuloy ng
istrakturalismo at pagsusuri ng teksto (1964-1972). Nakilala ang istraktural na pagsusuri ng
naratibo (1966) at etnograpiya ng komunikasyon na dinebelop ni Dell Hymes.

Deskriptibo at istrakturalista (van Dijk: 1985a) ang unang mga pagtatangka o interes
kaugnay ng Diskors analisis (DA), malimit ay nasa pagitan ng linggwistik at antropolohiya. Ang
isinagawang mga pag-aaral ay nakatuon sa katutubo o popular na anyo o genre. Bagaman, may
ilang pagtatangka noong dekada ’60 na gamitin ang metodong semyotik at linggwistik sa pag-
aaral ng teksto at mga sitwasyong komunikatibo, higit na mahalaga ang dekada ’70 sa
kasaysayan ng Diskors analisis sapagkat sa panahong ito nagsimula na kilalanin ang DA bilang
hiwalay at bagong disiplina sa tulong ng mga inilathalang monograp at iba pang publikasyon
(gaya ng pag-aaral ni Labov tungkol sa wikang sinasalita ng mga Black English (1972); speech-
acts nina Austin at Searle, Co-operative principle ni Grice; at pagkadebelop ng textlinguistics).
Isa sa pinakamaimpluwensyang pagdulog sa pag-aaral ng pasalitang diskors ay dinebelop sa
Unibersidad ng Birmingham, na sa una ay nakatuon lamang sa istraktura ng diskors sa loob ng
klasrum (Sinclair at Coulthard 1975). Ang modelong Birmingham ay hindi lamang nag-iisa at
mapagkakatiwalaang dulog sa diskors analisis, subalit ito ang pinakasimple at
makapangyarihang modelo na may kaugnayan sa speech act.

Ang klasrum ang pinaka-akma sa pagsisimula, gaya ng natuklasan nina Sinclair at


Coulthard, ngunit hindi ito ang realidad o makatotohanang mundo ng kumbersasyon.
Samakatwid, mas higit na dapat pag-aralan ang pasalitang diskors sa labas ng klasrum.
Ang kumbersasyon sa labas ng klasrum ay nag-iiba sa digri ng istraktura, gayunpaman, ang
kumbersasyon sa unang malas ay malaya at walang istraktura ay makikitang may istraktura; ang
pagkakaiba lamang ay ang uri ng speech-act na kinakailangan upang ilarawan kung ano ang
nangyayari o nagaganap, at sa puntong ito, ang gampanin ng mga bahagi ng kilos ng isang
indibidwal, ang nakikita ng diskors analisis upang higit na mapalawak at modipikahin ang
modelo nina Sinclair at Coulthard.

Samantala, naniniwala ang mga tagasulong ng Kritikal Diskors Analisis o KDA


(Chouliaraki at Fairclough, 1999; Fairclough at Wodak, 1997; Fairclough, 1995; van Dijk, 1985)
na ang suliraning istraktural sa ekonomiya at politika ay may kaugnayan sa usaping ideolohikal
at sosyo-kultural na masasalamin sa umiiral na pasalitang diskors sa pambansa at pribadong
domeyn.

Wikang Filipino…Wikang Opisyal…Wikang Pambansa

Sa kasalukuyan, ang wikang Filipino ay sinasalita ng humigit sa 84% ng populasyon,


kahit na ito ay nasa impormal na varayti ng pag-uusap; Ang Wikang Ingles o ang aproksimasyon
nito at ang lokal na varayting tinatawag na Filipino Ingles (Llamzon, l969) o Philippine English
(Gonzalez, 1972) ay sinasalita ng 56% ng populasyon. Batay sa sarbey ng Social Weather
Station (SWS, 1994) 74% ng populasyon ay nakauunawa ng Ingles. Ang paggamit ng Wikang
Kastila ay hindi na sinasalita maliban sa mga pamilyang may lahing Kastila o nananatiling may
kontak sa Espanya o Spain. Ang pagtuturo ng dayuhang wika ay relatibong bihira sa labas ng
embahada na pinamamahalaan naman ng mga paaralang pangwika. Iilan din ang mga wikang
(Japanese, French, Spanish, German) ang kasali sa kurikulum bilang electives sa mga
unibersidad o bilang kailanganin sa espesyalisasyon (gaya ng Mandarin para sa Chinese Area
Studies);

Ang ilan pang wika sa Pilipinas (hindi diyalekto), sa huling bilang , ay umaabot sa 120
(McFarland, 1993); kung idadagdag ang mga varayti na mutually intelligible (yaong tunay na
diyalekto), ang estima ay aabot sa 300 (Constantino, E.). May mga lokal na varayti ng bawat isa
sa l20 magkakahiwalay na wika, ang mga varayting ito ay mutually intelligible sa mga ispiker ng
isang etnikong grupong naninirahan sa kalapit na heograpikal na lokasyon. Halimbawa,
maraming varayti ng Tagalog, lalo na sa ispesipikong bayan o probinsya kung saan sinasalita ang
wika Marinduque Tagalog; Parañaque Tagalog na unti-unting nawawala bunsod ng kontak sa
Manila Tagalog; Liliw Tagalog sa lalawigan ng Laguna; Batangas Tagalog; Tayabas (ngayon ay
lalawigan ng Quezon) ang Tagalog, na may katangian naiiba sa intonasyon at morpoponemika,
Gayundin, may tinatawag na Philippine-American English na haluan na binubuo ng dalawang
varayti: isang edukadong palit-koda (educated codeswitching) na ginagamit upang magkaroon ng
magaan na ugnayan (rapport) at impormal na pag-unawa sa mga kaibigan na may kaalaman sa
Ingles at lokal na wika, lalo na ang Filipino, at iba pang varayti na pinagsisimulan ng isang
pidgin o genuine language mixture, na ginagamit ng mga yaya (caregivers) at barmaids malapit
sa mga base militar (Bautista, 1981b, 1994) at maging sa mga babaeng mag-aaral sa mga
eksklusibong unibersidad (Perez, 1993) na nagiging aktwal na pidgins. Samantala, ang
Creolisation ay nagaganap naman sa mga bilinggwal na seting (Ingles at Filipino) na makikita
lamang sa MetroManila (Gonzalez, 1989) sa verbal na repertwa ng mga Filipino na natututo ng
istandard na varayti ng Filipino at Ingles, lalo na sa mga unibersidad.

Ang wika sa mga unibersidad ay Filipino (madaling matutuhan kung ang isa ay
katutubong nagsasalita ng Tagalog) at Ingles, ang huli ay dahil sa ginagamit sa pagtuturo sa
paaralan. May mga pagpapatunay na may mga pamilya sa kalunsuran (urban) gaya ng Metro
Manila na ang mga anak ay lumaking bilinggwal sa Ingles at sa unang wika (Gonzalez, 1989),
resulta ng kodang ginagamit ng mga magulang sa pakikipag-usap sa mga anak habang ito ay
papalaki (Ingles) at ang dominanteng wika ay ang wika ng yaya o caregiver, na kadalasan ay
nagsasalita ng hindi istandard na anyo ng Ingles (Bautista, 1981b).

Ang Social Networks…Salalayan ng Wastong Pakikitungo

Ang pag-unawa sa wika ng lipunan ay nangangahulugan na kailangang maunawaan ang


social networks kung saan ang wika ay nakapaloob. Maisasagawa ito sa macro-level ng isang
bansa o lungsod, gayundin sa interpersonal na lebel ng isang komunidad gaya ng mga
unibersidad.

Sa kasalukuyan, ang sosyal network na nilikha ng Internet sa pamamagitan ng chat


rooms, MySpace groups, at organisasyon. Binigyang-katuturan ni Milroy (1980) ang sosyal
network bilang:

“The informal social relationships contracted by an individual. Since all speakers everywhere
contract informal social relationships, the network concept is in principle capable of universal
application and so is less ethnocentric than, for example, notions of class or caste.”

Pagkakaiba ayon sa kaurian o antas

Ang Sosyolinggwistika ay kaiba sa diyalektolodyi ay pinangunahan sa pamamagitan ng


pag-aaral ng varyasyon ng wika sa urban. Samantala, ang diyalektolodyi ay sa pag-aaral ng
heograpikong distribusyon ng varyasyon ng wika, nakapokus ang sosyolinggwistika sa
pinagmumulan ng varyasyon sa loob ng kaurian o antas. Ang kaurian at okupasyon ay ilan sa
pinakamahalagang linggwistikong panandang nakikita sa lipunan. Isa sa punadamental na
natuklasan ng sosyolinggwistika, na mahirap baliin ay ang kaurian at varayti ng wika ay
magkaugnay. Ang mga miyembro ng kaurian ay di gaanong nagsasalita ng istandard na wika,
samantala ang mga nasa ilalim, gitna, at gitnang-taas ng antas ay nagsasalita malapit sa
istandard. Gayunpaman, ang mga nasa itaas na antas, kahit na iyong na sa gitnang-itaas, ay di-
gaanong nagsasalita ng istandard na wika. Ito ay sa dahilang hindi lamang antas, kundi maging
ang aspirasyon ng mga nasa antas ay mahalaga.

Aspirasyon ng Antas o Uri

Ang pag-aaral gaya ng kay William Labov noong 1960s, ay nagpapakita na ang
aspirasyong sosyal ay nakaiimpluwensya sa padron ng pagsasalita. Ito ay totoo rin sa aspirasyon
ng antas. Upang mapabilang sa isang uri o antas ng lipunan (karaniwan mga nasa itaas at
gitnang-itaas na antas) ay ibinabagay ang kanilang pagsasalita sa mga taong nasa paligid.
Bagaman, hindi katutubong ispiker ay higit nilang itinatama ang pagsasalita at sa huli nga ay
higit pa silang nagsasalita ng istandard na wika kumpara sa mga taong ginagaya nila.

Kodang Panlipunan ng Wika (Social Code of Language)

Si Basil Bernstein, isang kilalang British sosyo-linggwista, ay lumikha sa kanyang aklat


na “Elaborated and restricted codes: their social origins and some consequences” ng isang
sistemang kodang sosyal na ginamit niya sa pagkaklasipika ng iba’t ibang padron ng pagsasalita
ng magkakaibang antas panlipunan. Ayon sa kanya ang bawat miyembro ng gitnang uri ay may
sistema sa pag-oorganisa ng kanilang pagsasalita na pundamental na magkaiba sa ginagagamit
ng mga nasa working class.

Restriktong Koda (Restricted Code)

Sa teorya ni Basil Bernsteins, ang restriktidong koda ay halimbawa ng padron ng


pagsasalita na ginagamit ng working-class. Ipinahayag niya na ang ganitong tipo ng koda ay
nagpapahintulot ng mahigpit na pagkakabigkis ng mga pangkat na kumikilos ayon sa kanilang
kasarian at edad. Ang pangkat na ito ay gumagamit din ng wika upang mapag-isa o mapagsama-
sama ang mga kasapi o miyembro ng pangkat na hindi na kailangang maging eksplisit pa sa
kahulugan, kung saan nagkakasalo sila ng karanasan at ang kanilang komon na pag-unawa ay
naglalapit sa kanila bagay na hindi makikita sa iba pang pangkat sosyal. Ipinakilala niya ang
pagkakaiba ng dalawang tipo ng wika, ang “pampubliko” at “pormal’ na sa kalaunan ay
napalitan ng restricted code at elaborated code. Ayon sa kanya:

“In the case of a restricted code the speech is played out against a back-cloth of
assumptions common to the speakers, against a set of shared interests and
identifications, in short against a cultural identity which reduces the need for the
speakers to elaborate verbally their intent and make it explicit.” (Bernstein, 1964,
p.58)

Elaborated Code
Pinag-aralan din ni Basil Bernstein ang elaborated code at ipinaliwanag niyang na ang
ganitong tipo ng padron ng pagsasalita na ginagamit ng mga nasa gitna at itaas na uri ay sa
dahilang gustong nilang makakuha ng edukasyon at pagsulong sa kanilang larangan. Ang
pagkakabigkis sa pangkat na ito ay hindi gaanong nakikita at nakukuha lamang ang identidad ng
mga tao ayon sa indibidwal na disposisyon at pagkatao. Walang nakikitang pagkakahati ng
gawain ayon sa kasarian o edad at karaniwan.

Covert prestige
Karaniwan nang itinuturing na ang di-istandard na wika ay hindi prestihiyosong wika.
Bagaman, sa ilang pangkat, gaya ng tradisyunal na working class, ang istandard na wika ay
itinuturing na hindi katanggap-tanggap sa maraming konteksto. Ito ay sa dahilang ang diyalekto
ng mga working class ay higit na makapangyarihang pananda ng pangkat, ang paggamit ng di-
istandard na varayti ay nagpapahayag ng karangalan at pagkakaisa ng pangkat. May pagkakaiba
sa gamit ng wika sa isang restawran sa pagpunta sa bangko o pakikipagkwentuhan sa kapitbahay.

Pagkakaiba ayon sa Edad

Ang isa sa halimbawa ng pagkakaiba ng wika ayon sa edad ng pangkat ay makikita sa


mga kabataan. Nagkakaiba ang paraan ng pananamit mula sa nakagawiang pamantayan gaya rin
ng pagkakaroon nila ng sariling wika. Ang dahilan ay ang mga sumusunod: (1) upang higit na
mapaunlad ang sariling kultural na identidad (2) upang matukoy ang bawat isa, (3) upang
ihiwalay ang sarili sa iba, at (4) upang maipahayag ang pagkatakot at admirasyon mula sa labas
ng daigdig. Kung gayon, malaki ang papel na ginagampanan ng wika sa sosyalisasyon ng mga
tao sa lipunan. Ganito ang pahayag ni Sapir:

“Language is a great force of socialization, probably the greatest that


exists. By this meant not merely the obvious fact that significant social
intercourse is hardly possible without language but that the mere fact of a
common speech serves as a peculiarly potent symbol of the social solidarity of
those who speak the language. The psychological significance of this goes far
beyond the association of particular languages with nationalities, political
entities, or smaller local groups…”

Sa kabilang ng katotohanan na ang wika ay gumaganap na sosyalisasyon at pwersang ng


nagsusulong ng pagkakaisa, at ito rin ang pinakamalakas na itinuturing na salik sa pagdebelop ng
isang indibidwal. Ang pundamental na tinig, ponetikong pardon, ang bilis at madulas na
pagbigkas, ang haba at pagbubuo ng mga pangungusap at ang lawak ng bokabularyo, ang
iskolastikong pagkakagamit ng mga salita, ang kahandaan ng mga salita upang tumugon sa
pangangailangan ng lipunan, particular sa kaakmaan ng isang wika sa gawi ng taong kinakausap
– ang lahat ng ito ay kompleks na palatandaan ng peronalidad.

Ipinahayag naman ni Voloshinov (1973):

“…it cannot be, not even at the level of the individual linguistic sign:
“Wherever a sign is present, idealogy is present too”.

Masasabi kung gayun na sa konteksto na ang isang indibidwal ay gumagamit ng wika gay
a rin ng signal, upang lumikha – ng kultural na identidad.

Samantala, ang mga tao ay pinapangkat ayon sa institusyon, gaya ng ahensya ng


gobyerno, unibersidad at ng mga panlipunang aktor sa interaksyon na kabilang sa isang pangkat.
Malinaw na makikilala ang mga padron kung paano makikilala ang mga ito sa pamamagitan ng
kani-kanilang wika. Binigyang-halimbawa ni William (1992) ang paniniwala ni Labov sa sosyo-
sikolohikal na konsepto ng panlipunang uri “…the manner in which differences exist between
objective groups rather than on the nature of the power relations that exist between them”

Isa pang aspekto ng pagsasalita at kumbersasyon ay ang kahalagahan sa gampanin ng


dibersidad. Ipinahayag ni Thompson (2003) na ang ekwalidad at katarungang panlipunan ay
dumedepende sa pagkilala na ang tao ay nabubuhay sa isang dibersidad na lipunan, at ang
dibersidad na ito ay hindi nakikitang isang problema bagkus ay nakatutulong.

Binigyang-pansin naman nina Scollon at Scollon (2001) ang gampanin ng pinagkaisahang


asampsyon sa pagpapalinaw ng daloy ng komunikasyon:

“It shoud be clear that communication works better the more participants
share assumptions and knowledge about the world. Where two people have very
similar histories, backgrounds, and experiences, their communication works fairly
easily because the inferences each makes about what the other means will be based
on common experience and knowledge. Two people from the same village and the
same family are likely to make fewer mistakes in drawing inferences about what the
other means than two people from different cities on different sides of the earth.”

Ang kapangyarihan ng pagsasalita ay makikita sa panlipunang pagkakaiba –


halimbawa, pagkakaiba ng antas sa lipunan. Gaya ng sinabi ni Guirdham (1999):

“Systemic studies show that middle-class speakers tend to talk more, use
more varied vocabulary, and more varied grammatical constructions than do
working-class speakers. There is evidence that class differences in communication
also exist on the non-verbal level – appearing already in pre-school age children;
middle-class children are less affected than working-class children by whether an
instruction is spoken in a positive, neutral or negative tone of voice. “

Malaking kultura at maliit na kultura ay kadalasang nagtatagpo. Ang malakihang kultural


na paniniwala ng mag-aaral ay nakaiimpluwensya at kadalasang naglilimita sa wika ng maliit na
kultura ng mga klase sa unibersidad (Yang 1992).

Varayti ng Wika sa Midya…Larawan ng Kulturang Matatag

Malaki ang gampanin ng midya sa paghubog ng kaisipan, gawi at pagkatao. Maging ang
mga salitang naririnig ay mabilis na naasimila at nagagamit sa buhay. Narinig mo na ba ang
salitang “dabarkads” na nakilala sa programang Eat Bulaga? Ang komersyal ng Tide kung saan
ininterbyu ang iba’t ibang misis sa bansa, may isa d’un ang nagsabing “Tide is Mirakol” na
gumulantang sa mga manonood partikular sa mga kabataan. Nasundan pa ito ng Talk and Text,
Dove, Rejoice at iba pa. Mabili ang mga artistang may punto gaya ni Keanna Reeves, hindi man
makapagsalita ng deretsong Ingles ay natutuwa naman tayo sa punto ng kanyang Tagalog. Si
Rufa Mae Quinto ay gayundin sa mga pelikulang Booba at Super B ay kakikitaan ng wikang
kakaiba o natatangi sa kanya. Ang ganitong senaryo ay nagpapatunay na sa pagkakaiba ay may
pagkakaisa…na sa pagkakaiba ay makikilala mo nang higit ang sarili…na sa pagkakaiba ng wika
ay may patutunguhan bilang refleksyon ng dibersidad ng kultura. Sa ganito ring kalagayan ay
nagagawang unawain ng bawat isa ang kaibhan ng tao, dahil dito malaya silang
nakikipagpalagayan, nakikipamuhay at nakikipagtalastasan.

Ang Wakas…Ang Simula

Ang pagkakatulad sa impluwensya ng pagkakaroon ng iba’t ibang wika sa isang bansa ay


ang resulta ng kolonyalismo. Sa mga komunidad na laganap ang multilinggwalismo, ang wika
ay mga panlipunang antas batay sa konteksto ng politika, ekonomiko at panlipunang kalagayan
ng mga katutubong nagsasalita ng mga ito.

Sa lahat ng lipunan, may mga tao na nagsasalita ng higit sa isang wika. Ang
multilinggwalismo ay resulta ng pandaigdig na karanasan ng pagtatagpo at pagtira ng mga
mamamayan ng iba’t ibang etnikong kalagayan. Sa mga modernong nasyon, ang pagkakaroon ng
higit sa isang wika ay nagdudulot lamang ng sigalot sa pang-ekonomiya, pampulitikal, at
panlipunang aspeto. Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng pagkatao ng isang mamamayan.
Hindi man matapos ang isyu sa pagkakaroon ng higit sa isang wika sa Pilipinas, ano mang wika
ang matutunan, salitain o ipahayag, maging ano man ang bigkas nito, maiba man ang istraktura,
nais o pinag-aaralan ng bawat isa ay nakapagdadagdag sa langkapan at pagkakaiba sa lipunan.
Ang wika bilang identidad ay tumatawid sa kalikasan ng sabjektiviti sa kasalukuyang panahon.
Ang identidad sa panahong post-modern ay mailalarawan bilang isang multiple, dynamik, at
konfliktwal, hindi nakabatay sa permanenteng pagkakaunawa kundi sa mga pagpapasya na
ginagawa ng indibidwal sa magkakaibang pagkakataon o kalagayan. Ang wika, kahit na
nakaugat sa personal at panlipunang kasaysayan, ay nagpapahintulot sa higit na fleksibiliti kaysa
lahi at etnisidad, na ang tao ay may malay o walang malay na makapagpapahayag ng dalawang
identidad sa pamamagitan ng pagpili ng linggwistikong gagamitin kahit na sa isang pangungusap
(halimbawa sa pamamagitan ng palit-koda). Sa pamamagitan ng pagpili sa wika at diyalekto,
nagagawa ng isang tao na bumuo at muling bumuo ng kanyang identidad o pagkatao. Kung nuon
ay nahihiya tayong magsalita dahil sa punto at sa pagkakaiba ng ating wika, ngayon may
pagmamalaki tayong haharap sa telebisyon at magsasabing “Tide is Mirakol”, “Tide
is Perfect”….

You might also like