You are on page 1of 3

ESTEPA, Francesca Allysa Fil 115

2018-03671 Takdang Aralin #1

W - Wastong ipalagay na ang wika ay hindi nakukulong sa espasyong walang laman o tila
walang nakakapag-impluwensya sa kanya. Ayon kay Bell (2014), ang wika ay may katangiang
nagtataglay ng ideolohiya. Hindi binabasa o sinasalita ang wika na walang bagaheng dala hinggil
sa mga lugar, grupo ng tao, panahon, kasarian, uri, at iba pang panlipunang aspeto. Ang mga
panlipunang aspeto na ito ay napapasailalim sa mga kontradiksyon, kung kaya’t pati ang wika ay
nagiging daluyan ng mga tunggaliang ito. Sa gayon, may kapangyarihan na dala ang wika lalo
laging mayroong primaryang aspekto ang mga kontradiksyon na umuusbong bilang primarya o
naghahari sa isang takdang panahon (Mao, 1937). May pinaglilingkurang kapangyarihan kapag
dominante pa ring pinaniniwalaan na may mas ‘mababang’ wika dahil lamang sa pagkakaiba
nito sa istandard o pagkakaroon ng punto (accent). May nakikinabang kung pinapalabnaw ang
mga kahulugan at paggamit ng ibang wika lalo na kung may kahalagahan ito sa isang grupo o
lipunan. Sa ganitong kaayusan ng mundo, na may tunggalian at mga naghahari sa ibang tao, ang
wika ay nagiging ideolohiya rin.

I - Inklusibo rin ang pagtingin at pagkilala sa wika na mayroong barayti. Ididiin ni Dr. Enriquez
(2016) ang pagkapantay-pantay ng lahat ng barayti lalo na kung ang pagkakaiba na ito ay
nagmumula sa mga internal na salik at eksternal na impluwensya. Sa dami ng wika ng isang
bansa, kagaya ng Pilipinas na mayroong 183 na wikang sinasalita, hindi maipagkakaila na
magkakaroon ng partikularidad hinggil sa mga komunidad na nagsasalita nito. Bilang behikulo
ng pagpapatuloy ng kultura (Enriquez, 2016), dala-dala ng mga wikang ito ang pamumuhay,
paniniwala, at mga pagpapahalaga ng isang lipunan kung kaya’t wastong tingnan ang barayti
bilang pagpapaunlad sa ating mga wika at mismong kultura. Lalo ngayon na mainit na usapin
ang pagpapaunlad ng wikang pambansa, o paghahanap ng mismong pambansang kultura,
mahalagang dalhin ang katangian ng pagiging inklusibo. Dito lamang natitiyak na sumasang-
ayon ang wikang pambansa, na isang mahalagang pantukoy ng pagkakakilanlan ng isang grupo
ng tao, sa interes ng mayorya ng isang bansa.

K - Kolektibong napapaunlad ang wika, kung kaya’t umuusbong ang iba’t ibang barayti nito.
Mula kay Bell (2014), pinapatampok ang katangian ng wika bilang diyalogo – o pagsasanib-
puwersa ng mga nagsasalita o nagsasalita at tagapakinig nito upang buuin o paunlarin ang wika.
Dala-dala ng mga indibidwal na ito, na napapasok sa isang panlipunang grupo, ang kanilang
sariling kultura at mga kahalagahan na mabitbit sa wikang ginagamit nila. Mapapansin ito lalo sa
teorya ng akomodasyon ni Giles kung saan nagkakaroon ng linguistic convergence at divergence
batay sa pakikiisa o pag-iiba sa ibang tao (Constantino 2012). Dahil laging ginagamit ang wika
sa arawan na ugnayan ng mga tao, lalo nating kinikilala na dadagdag lamang ang barayti nito
kung saan parating magbabago ang wika. Sa ganang iyon, makapangyarihan ang wika kung
gagamitin ito upang palakasin ang kolektibong pagkilos ng mamamayan para sa kanilang mga
hangarin. Lalo kung kinikilala natin na may-nananaig na panlipunang puwersa sa lipunan,
ipinapahiwatig ng katangian ng wika na kolektibo ang tiyak na pagkakaroon ng panlipunang
pagbabago upang mag-iba ang kapangyarihang nananaig ngayon.

A - Ayon kay Alonzo (2012), dahil sa pagkakaroon ng barayti ng wika, marami rin ang maaaring
gawing pananaliksik hinggil dito. Ang baryasyon ay maaaring permanente, kagaya ng sariling
gamit na bokabularyo dahil sa pinagmulan at sa lugar at panahon na pinanggalian, o
pansamantala kagaya ng panlipunang papel na ginagampanan sa isang partikular na sitwasyon.
Sa patuloy na pagdaloy ng panahon at dami ng mga rehiyon sa bansa, halos marami ang
maaaring aralin upang mapayaman ang balon ng sanggunian hinggil sa iba’t ibang wika ng
Pilipinas. Pinamtapok din ni Bell (2015) ang iba’t ibang aspeto ng sociolinguistics, kung saan
napapapabilang ang barayti ng wika. Kung aaralin ang barayti ng wika, maaaring tingnan ito sa
lapit ng pagkakaiba, ugnayang panlipunan, at pagwiwika. Nauugnay ko ito sa Araling Pilipino
kung saan nagbibigay-pokus ito sa interdisiplinaryong lapit sa pag-aaral ng lipunan o wika dahil
sa pagkilala na maraming panlipunang puwersa ang nakakaapekto sa pamamaraan ng ating
pamamahayag.
MGA SANGGUNIAN

Alonzo, R. I. (2012). Baryasyon at varayti ng wika. Nasa J. M. Peregrino, P. C. Constantino, N.


S. Ocampo, & J. D. Petras (Mga Pat.), Salindáw: Varayti at baryasyon ng Filipino (mp.
40-58). UPD Sentro ng Wikang Filipino.

Bell, A. (2014). What are sociolinguistics?” The guidebook to sociolinguistics (mp. 1-18). Wiley
Blackwell.

Constantino, P. C. (2012). Varayti at baryasyon ng wika: Historya, teorya, at praktika. Nasa J. M.


Peregrino, P. C. Constantino, N. S. Ocampo, & J. D. Petras (Mga Pat.), Salindáw:
Varayti at baryasyon ng Filipino (mp. 10-17). UPD Sentro ng Wikang Filipino.

Mao, T. (1937, August). On Contradiction. Selected Works of Mao Tse-Tung.


https://www.marxists.org/reference/archive/mao/selected-works/volume-1/
mswv1_17.htm

TVUP (2016, Nobyembre 8). Ang pambansang wika mula sa multilinggwal na perspektiba ni
Dr.
Althea Enriquez [Video file]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=OsucgIjt
Tms&t=475s&pbjreload=101.

You might also like