You are on page 1of 6

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES

TITLE

Francesca Allysa Estepa


Bachelor of Arts Philippine Studies

Thesis Adviser
Joanne V. Manzano, Ph.D.
Departmento ng Filipino at Panitikang Pilipino
Kolehiyo ng Arte at Literatura
Unibersidad ng Pilipinas Diliman

Enero 2023

Tesis
INTRODUKSYON
Sa gitna ng gilingan ng palay sa Bulacan, nakatambak ang mga sako ng palay na
magmumula sa Diliman, Quezon City. “May sakahan sa QC?” ang parating tanong ng sinumang
makakakita ng mga larawan ng bukid na pinagmulan ng palay. Sino ba namang mag-aakala na sa
likod ng kabahayan sa CP Garcia at sa tabi ng mga modernong gusali ng Kolehiyo ng Agham ng
Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) ay matatagpuan ang isang malawak na bukid na may
tanim na palay? Sa harap ng pagkaduda na ito, patuloy na umiiral ang sakahan at kasalukuyang
nililinang. 

Mula sa 2022 Land Use and Development Infrastructure Plan (LUDIP) ng Unibersidad
ng Pilipinas (UP), 493 na ektarya ang sinasakupan ng buong Barangay UP Campus 1. Sa loob ng
barangay, kasama sa hurisdiksyon ng barangay ang 37 ektarya na sakahan na tinatamnan ng mga
magsasaka rito. Ito na lamang ang natitira mula sa napakalawak na taniman bago itaguyod ang
proyekto ng pambansang gobyerno sa pagtatatag ng lungsod ng Quezon. Kung anumang plano sa
lupain na ito, ang Unibersidad ng Pilipinas at ang barangay nito ang mayroong ligal na
pagdedesisyun hinggil dito. Sa kasalukuyan, isa ito sa ‘green spaces’ na inililista ng UP na
ginagamit para sa pahingahan at isa sa maaaring gamitin para sa pang-akademikong
pangangailangan.

Ngunit, hindi lamang ito isang ‘green space’ na ginagawang lunsaran ng iba’t ibang
aktibidad at pahingahan kagaya ng Sunken Garden sa UP. Masisilayan sa bukid na ito ang tanim
ng mga palay at ang iba’t ibang gulay na ginagamit sa pangkonsumo at minsa’y binebenta sa
karatig na komunidad. Ilan sa tanim ang okra, sili, talbos, at gabi. Nililinang ng komunidad ng
mga magsasaka ang lupa rito upang gamitin sa mga pananim na ito. Hindi ito kagaya ng urban
farming na iprinoproyekto ng maraming komunidad ngayong pandemya upang mabawasan ang
gastos sa pagkain, kung hindi malawak na palayan na ito sa loob ng ilang dantaon. Ito ang
inaangkin ng komunidad ng mga magsasaka rito na inaalagaan din ng kanilang mga ninuno. Para
sa kanila, ang lupa na ito, kasama ang kanilang komunidad, ay tubong Krus na Ligas (KNL).

1
Office of the Vice Chancellor for Planning and Development, University of the Philippines – Diliman Campus
Land Use and Development Infrastructure Plan 2020-2038 (Oktubre 13, 2022), 28.
Kung sinuman ang dumarayo sa sakahan sa KNL, laging handa ang komunidad ng mga
magsasaka na ipaliwanag ang kasaysayan ng kanilang bukid. Nilalabas nila ang iba’t ibang
papeles at binabalikan kung paano kinuha ng UP ang kanilang sakahan. Para sa mga magsasaka,
ang lupa ay sa KNL kung kaya’t sa kanila ang lupa. Hindi maaaring diktahan ng UP ang plano
nila sa pagtatanim at kung paano nila aayusin ang kanilang mga bahay dahil sila ang naglinang
ng lupa sa napakatagal na panahon. Mula pagkarating ng mga estudyante ng Kolehiyo ng Agham
Panlipunan at Pilosopiya sa Pook Aguinaldo upang mag-organisa noong 2021, makokoordina sa
amin ang pangunahing kampanya ng mga magsasaka para sa karapatan sa lupa.

Maabot nito ang tugatog ng kampanya noong nagpadala ng UP ng cease and desist order
noong ika-8 ng Setyembre, 2021 na binibigyan ang mga magsasaka ng 60 araw para itigil ang
pagsasaka at paalisin sa kanilang erya. Sa pangangalampag, nagkaroon ng diyologo noong
Oktubre kasama ang president ng UP noon na si Danilo L. Concepcion kasama si UPD
Chancellor Fidel Nemenzo at ang mga kinatawan ng Barangay UP Campus at Barangay Krus na
Ligas. Sa pag-iikot ni Pres. Concepcion kasama ang mga magsasaka na ipinaliliwanag ang
kasaysayan nila sa bukid at ang ligal na prosesong pinagdaanan nila sa Department of Agrarian
Reform, sinabihan silang hindi na maaaring gamitin sa pagsasaka ang lupa. Mula ito sa
pangangatwiran na wala na sa wastong kalagayan ang lupa para sa palay at ang lupa ay sa UP.
Dahil sa tuloy-tuloy na pagkilos ng mga magsasaka at pagsanib ng kilusang estudyante sa
kanilang pakikibaka, nabasura ang cease and desist order na ito at tumuloy sa mga susunod na
bahagi ng kampanya. Patuloy ang mga magsasaka ng Krus na Ligas sa kanilang pagbubungkal at
paggiit ng kanilang karapatan sa paninirahan at pagsasaka.

PAGLALAHAD NG SULIRANIN
Sa espasyo na tinatamnan ng magsasaka ng Krus na Ligas, matatagpuan ang umiiral na
kontradiksyon hinggil sa naratibo ng kasaysayan at pagmamay-ari ng lupa. Dominante sa mga
nakalathalang teksto ukol sa lupang tinatamnan bilang bahagi lamang ng pag-unlad ng lungsod
ng Quezon o ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nawawala sa ganitong naratibo ang
panlipunang aspeto ng lupa at makasaysayang tungkulin ng mga magsasaka sa paglinang ng
sakahan ng Krus na Ligas. Dahil dito, tumitindi ang tunggalian sa pagmamay-ari ng lupa. Nais
ng pananaliksik na ito na buuin ang pagsasakasaysayan ng mga magsasaka ng Krus na Ligas sa
kanilang lupang sinasaka.

Higit sa paglalatag ng kasaysayan ng sakahan mula sa punto de bista ng mga magsasaka ng


Krus na Ligas, nais din sagutin ng pananaliksik ang sumusunod na katanungan:
 Paano pinapakitunguhan ng Unibersidad ng Pilipinas ang kasalukuyang tunggalian sa
pagmamay-ari ng lupa sa Barangay Krus na Ligas?
 Paano tinutugunan ng lokal na pamahalaan at pambansang pamahalaan ang tunggalian sa
lupang tinatamnan ng mga magsasaka ng Krus na Ligas?
 Paano naapektuhan ng pakikibaka ng kilusang pesante sa kasaysayan ng Pilipinas ang
kasaysayan ng mga magsasaka sa Krus na Ligas?

KAHALAGAHAN NG PANANALIKSIK
Ang pananaliksik na ito ang magiging unang pagbubuo ng karanasan ng mga magsasaka
ng Krus na Ligas hinggil sa pakikibaka nila para sa karapatan sa pagsasaka mula sa kanilang
punto de bista. Mahalaga ang pag-aaral na ito sa pagpapalalim ng praktika ng pasalaysay na
kasaysayan sa disiplina ng Kasaysayan upang gamitin sa pagpapalakas ng mga karanasan ng
isang komunidad na naitatago sa opisyal na naratibo ng mga malalaking institusyon.
Makabuluhan din ang pagtitilad ng kasaysayan ng pakikibaka ng mga magsasaka ng Krus na
Ligas sa pagpapalawak ng lokal na kasaysayan sa Pilipinas.
Makabuluhan din ang pananaliksik na ito para sa partikular na mga sektor o institusyon:
1. Magsasaka ng Krus na Ligas. Pangunahing isinagawa ang pananaliksik na ito upang
maging isang dokumento na makakaambag sa pagpapatibay ng kanilang naratibo ng
pag-iral sa sakahan sa mahabang panahon. Pinapalakas ng pagsasadokumento at
pagtatasa ang kilusang magsasaka na maaaring makaambag sa kanilang kampanya
para maresolba ang tunggalian sa lupa. Magsisilbi rin itong dokumentasyon ng
kanilang mahalagang kontribusyon sa komunidad ng Barangay Krus na Ligas at
Barangay UP Campus sa patuloy na paglinang at pangangalaga ng lupa upang maging
produktibo.
2. Maralitang komunidad ng UP. Tatalakayin sa pananaliksik na ito ang kasalukuyang
Land Use Development and Infrastructure Plan ng UP Diliman at ang mga polisiyang
pabahay ng UP Diliman Office of Community Relations (OCR). Makabuluhan ang
pagsusuri nito sapagkat makikita ang plano (o kawalan ng plano) sa mga susunod na
taon sa mga espasyo na tinitirhan ng mga maralitang komunidad. Makakapagbigay-
linaw ito sa mga patakaran para sa maralitang komunidad na maaari rin nilang suriin
at punahin upang magiit ang demokratikong karapatan sa pabahay.
3. Mga organisasyong masa. Maaaring maging gabay ang pananaliksik na ito sa mga
organisasyong masa na nais magsagawa ng gawaing pangkomunidad para sa metodo
ng pagsasagawa ng panlipunang pag-aaral at makauring pagsusuri. Kinakailangan ang
masaklaw na pag-aaral ng kasaysayan ng isang komunidad at ng mga umiiral na
relasyon dito upang makabuo ng mga taktika sa kampanya na nakaayon sa partikular
na sitwasyon ng isang komunidad.
4. Quezon City Local Government Unit. Makabuluhan ang pag-aaral na ito para sa lokal
na pamahalaan ng lungsod ng Quezon dahil sa malawak na diskusyon hinggil sa mga
komunidad na bahagi ng lungsod. Dahil din sa kasalukuyang proyekto ng LGU para
sa urban farming, mapapalaman ng pananaliksik ang mga partikular na
pangangailangan ng mga komunidad na sangkot. Makakatulong din ang pananaliksik
sa mas masaklaw na lokal na kasaysayan ng lungsod ng Quezon at mapatampok ang
tungkulin ng mga komunidad sa pagpapabuhay ng siyudad.
5. Unibersidad ng Pilipinas. Nilalayon ng pag-aaral na ito na makabuo ng pagsusuma
ng sigalot para sa lupa kung saan nagsasaka ang mga magsasaka ng Krus na Ligas.
Magiging makabuluhan ang pag-aaral para sa Unibersidad upang maresolba ang
matagal nang tunggalian sa pagitan ng Barangay UP Campus at Barangay Krus na
Ligas at sa pagbubuo ng komprehensibo at makataong plano para sa mga magsasaka
rito.

LAYUNIN NG PANANALIKSIK
Nilalayon ng pag-aaral na ito na makabuo ng komprehensibong pagtatala ng
pagsasakasaysayan ng mga magsasaka ng Krus na Ligas hinggil sa kanilang lupang sinasaka.
Nais kong magamit ang dokumento na ito upang makatulong sa paggiit ng mga magsasaka ang
kanilang karapatan sa lupa – sa pamamaraan man ng ligal na pakikibaka o sa mas malawak na
kilusang masa. Naririto ang partikular na layunin na nais masapol ng pananaliksik:
1. Maaral at mabuo ang buod ng paggamit ng UP ng lupa sa pamamagitan ng pag-aaral
ng mga opisyal na dokumento at batas kaugnay nito.
2. Masuri ang programa ng UP para sa lupa nito (vis a vis) sa pangkabuuang programa
ng pambansang gobyerno para sa agrikultural na lupa.
3. Mabuo ang kronolohiya ng pakikibakang magsasaka ng mga magsasaka ng Krus na
Ligas.
4. Maipatampok ang karapatan sa pagsasaka at pabahay ng mga magsasaka sa
pagdokumento ng kanilang mga plano

POKUS AT LIMITASYON
Nagbibigay-pokus ang pananaliksik sa karanasan ng mga magsasaka ng Krus na Ligas,
partikular ang mga magsasaka mula sa organisasyon ng Nagkakaisang Magsasaka ng Krus na
Ligas para sa Agrikulturang Lungsod. Kasama sa mga makukunan ng panayam ay ang mga
kapamilya nilang tumira lamang sa erya ng sakahan sa Krus na Ligas. Makakapagbahagi ang
mga magsasaka ng kanilang kasaysayan ngunit didiinan lamang mula sa pagtatag ng Unibersidad
ng Pilipinas sa Diliman dahil na rin sa kakulangan ng sanggunian hinggil sa panahon ng Kastila.
Ang pag-aaralan ding nakalathalang dokumento ay malilimitahan sa mga opisyal na dokumento
o libro na kinomisyon ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon at Unibersidad ng Pilipinas
at mga batas mula sa pambansa at lokal na pamahalaan.

You might also like