You are on page 1of 7

ANG INTELEKTUWALISASYON NG WIKANG FILIPINO

Christian George C. Francisco

Kagawaran ng Filipino at Panitikan

ccfrancisco@mail.dasma.dlsu.edu.ph

Layunin ng papel na ito na ipakita ang proseso ng pagpaplanong pangwika, paraan ng pag-
iistandardays, pagmomodernays, mga salik sa pag-iintelektwalays ng wika gayundin ang gamit ng wikang
Filipino sa edukasyong Pilipino sa kasalukuyang panahon.

Ayon kay Constantino (1996), ang wika ang siyang pangunahing instrumento ng komunikasyong
panlipunan. Bilang instrumento, maaaring matamo sa pamamagitan nito ang mga instrumental at
sentimental na pangangailangan ng tao. Ang wika ay behikulo para makisangkot at makibahagi ang tao
sa mga gawain ng lipunan upang matamo ang mga pangangailangang ito. Samakatuwid, ang pahayag na
ito ni Constantino ay nagpapatunay lamang na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng wika sa
pang-araw-araw na buhay ng tao. Gamit ang wika, nagagawa ng tao na masatisfay ang kanyang mga
pangangailangan maging ito man ay pansosyal o pampersonal. Nagiging instrumento ang wika upang
makisangkot ang tao sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Dahil dito, mahalaga para sa isang tao na
maging maalam siya sa kanyang wikang ginagamit upang ito ay magamit niya sa paraang tiyak at
planado.

Para sa mga taong aral sa wika, hindi na bago ang katawagang pagpaplanong pangwika o
language planning. Sa larangang ito, tinatanaw ang mga maaaring pagpiliang wika mula sa isang
komunidad para gawing estandardisado. Sentro rin ng pag-aaral ng PP ang konsyus na paggamit ng isang
wika sa isang lipunan, kung saan, ito ay kinapapalooban ng pagkalap ng mga datos o informasyon upang
bumuo ng desisyon kaugnay sa kung anong wika ang pinakaangkop na gagamitin sa isang lipunan
(Eastman, 1982).

Ang PP ay binubuo rin ng dalawang mahalagang meyjor komponent. Sa komponent na ito


mahihinuha natin ang mga konkretong batayan sa maayos na pagpili ng isang wikang sasailalim sa
estandardisasyon. Una, ang patakarang dapat sundin; ikalawa, pagpili ng wika kaugnay sa
napagkasunduang patakaran. Ang una ay binubuo ng apat na mahahalagang salik. Ang mga ito ay ang
sumusunod:

PORMULASYON – Ito ang yugto ng deliberasyon at/o pagdedesisyon kaugnay sa wikang pipiliin.
Mahalagang isaalang-alang dito ang layunin ng mga gagamit nito.

KODIPIKASYON – Ito ang yugto kung saan nagkakaroon ng teknikal na preparasyon ang mga language
academies ng napagkasunduang patakaran. Mahalaga namang tingnan dito ang pananaw, paniniwala,
saloobin ng kapwa magpapatupad at tatanggap ng napagkasunduang patakaran.

1
ELABORASYON – Ito ay pinaiiral ng ahensyang pangwika na kung saan inihahanda na ang mga materyal
na kakailanganin sa pagpapalawak ng gamit ng piniling wika.

IMPLEMENTASYON – Ito naman ang yugto ng pagtanaw sa epekto ng plinanong pagbabago sa wikang
pinili.

May inilahad pa rin si Eastman (1982) kaugnay sa paraan ng pagpili ng wika. Sa katunayan, may
sampung kategorya kung saan maaaring makapamili ng isang wika na sasailalim sa estandardisasyon:

1. Indigeneous Language – Wikang sinasalita ng mga sinaunang tao na nakapanirahan sa isang lugar.

2. Lingua Franca – Wikang gamitin ng mga taong may magkaibang unang wika na may tiyak na layunin
sa paggamit.

3. Mother Tongue – Wikang naakwayr mula sa pagkabata.

4. National Language – Wikang ginagamit sa politika, sosyal at kultural na pagkakakilanlan.

5. Official language – Wikang ginagamit sa transaksyong pampamahalaan.

6. Pidgin – (Nabuo sa pamamagitan ng paghahalu-halo ng wika) Wikang kadalasang ginagamit ng mga


taong may magkaibang pinagmulang wika.

7. Regional Language – Komong wika na ginagamit ng mga taong may magkaibang wikang
pinagmulan na naninirahan sa isang partikular na lugar.

8. Second Language – Wikang natutunan bilang karagdagan sa unang wika.

9. Vernacular Language – Wika ng isang sosyal na grupo na nadomina ng ibang wika.

10. World Language – Wikang ginagamit sa malawak na saklaw ng mundo.

Alinman sa mga nailahad na ito ay maaaring mapagpilian o maging batayan tungo sa pag-iistandardays
ng wikang napagkasunduan.

Samantala, ang estandardisasyon ng wika naman o language standardization ay isang sangay ng


pagpaplanong pangwika na konsern sa kaisahan sa likod ng linggwistikong pagkakaiba-iba ng mga wika.
Ayon kay Eastman (1982) mula kay Haugen (1966), may proseso ang pag-iistandardays ng wika.

Tungo sa pag-iistandardays ng wika, mahalagang makapamili muna ng wika, makodifay ito sa


pamamagitan ng paghahanda ng teknikal na preparasyon o ng mga kagamitan (libro, ensaklopidya at iba
pang mga nasusulat na materyal). Matapos nito, kinakailangan na maging malawakan ang pagpapagamit
nito sa iba’t ibang domeyn tulad ng: simbahan, paaralan, pamahalaan, midya at iba pa . Malaki ang
papel ng domeyn sa estandardisasyon dahil ito ang susukat sa lawak ng gamit ng wika.

Sa kaso naman ng modernisasyon, binigyang paliwanag ni Eastman (1982) na ito ay ang paglago
ng popular na pagkakakilanlan ng isang estandardisadong pambansang wika mula sa mga gumagamit

2
nito. Sa kabilang banda, inilahad naman sa jornal ng Komisyon ng Wikang Filipino ang dalawang yugto
para masabing modernisado ang isang wika. Ang una ay tinawag na Popularly Modernized Language o
PML at ang pangalawa ay ang Intellectually Modernized Language o IML. Ayon dito, ang wika ay
maaaring maging moderno subalit hindi intelektuwalisado. Ang wika na ginagamit sa enterteynment ay
pwedeng tawaging moderno subalit hindi ito masasabing intelektuwalisado, gayundin naman ang
wikang ginagamit sa tabloyd ay hindi rin maaaring iklasipika na intelektuwalisado. Sa kabilang banda,
masasabi nating intellectually modernize ang isang wika kung ito ay nagagamit sa mga matataas na
karunungan gaya ng agham, teknolohiya, negosyo, kalakalan, industriya, medisina at iba pa. Tunguhin ng
dalawang yugtong ito na maintelektwalays ang wikang ginagamit ng isang partikular na lipunan.

Malaki rin ang magiging ambag ng mga larangang pangwika tungo sa pagpapalakas ng
intelektuwalisasyon. Maaaring sumailalim ang isang wika sa mga sumusunod na larangan:

Larangang pangwika na nagkokontrol (Controlling domains of language) – Ang wika at varayti ng wikang
ginagamit dito ay dinidikta kapwa pasulat at pasalita. Nangangahulugan ito ng katiyakan at wastong
gamit ng mga salita. Kadalasan itong ginagawa sa matataas na antas ng karunungan gaya ng: simabahan,
batas, midya, paaralan, pamahalaan, industriya, negosyo, komersiyo at iba pa. Dahil nga nagiging
diktador kung ano ang wikang gagamitin, nadedevelop ang isang wika tungo sa tinatatawag na
estandardisado at intelektuwalisado.

Nagkokontrol nang bahagya sa larangang pangwika (Semi-controlling domains of language) – Ang wika
at ang mga varayting ginagamit naman dito ay pasulat subalit tanging tagapakinig lamang ang mga
gumagamit nito. Di-tulad ng nauna, hindi kasinghigpit ang paggamit ng wika rito. Ipinahihintulot rin nito
ang pakikibahagi ng tao sa iba’t ibang gawain subalit hindi kinakailangan na maging dalubhasa ang is ang
tao sa paggamit ng wika. Halimbawa nito ay sa relihiyon at enterteynment.

Di-nagkokontrol na mga larangan ng wika (Non-controlling domains of language) – Ang wikang gamit
dito ay pasalita lamang na kadalasang makikita sa tahanan at lingua franca ng isang bansa.

Gayumpaman, ang salitang intelektuwalisasyon ay nagdudulot pa rin ng pagkalito mula sa iba’t


ibang taong sangkot sa paggamit ng wika. Sa paliwanag ni Sibayan (1999), ang wika ay intelektuwalisado
kung ito ay nasusulat. Hindi sapat ang pasalitang paraan para masabing intelektuwalisado ang isang
wika. Kinakailangang ang wika ay nakapagpapalimbag ng iba’t ibang balon ng karunungan (libro,
ensaklopidya at iba pa) na magagamit ng tao tungo sa paglago ng kanyang kaalaman. Sa kaso ng Filipino,
ani Sibayan, ang pag-iintelektwalays dito ay nararapat ifokus sa mga lawak na kumokontrol na wika o
controlling domains of language, mga lawak na ayon sa kanya ay nagdidikta ng wikang inaasam at
pinapaboran ng mga taong gumagamit ng wikang iyan. Halimbawa nito ay ang gamit ng wika sa
mahahalagang larangan tulad sa edukasyon, pamahalaan, batas, hukuman, agham at teknolohiya,
negosyo, pangkalakalan, industriya, mga propesyon na may bahaging larangan (sub domains) tulad ng
medisina at abogasya, masmidya at literatura.

3
Sa paliwanag naman nina Espiritu at Catacataca (2005), nakaankla sa pagpaplanong pangwika
ang salitang intelektuwalisasyon. Ito ay pumapaloob sa apat na dimensyon: seleksyon,
estandardisasyon, diseminasyon at kultibasyon. Sa kultibasyon papasok ang konsepto ng
intelektuwalisasyon. Ani Neustupny (1970), ang kultibasyon ay isang proseso na nagmumula sa
kodifikasyon ng wika tungo sa kultibasyon at elaborasyon nito. Sa kabuuan, nangangahulugan lamang na
ang tanging layunin ng intelektuwalisasyon ay upang magampanan ng wika ang kanyang mga tungkulin
sa mga gumagamit nito.

Samantala, inilahad ni Acuna (1994) na ang mga pambansang wika sa buong mundo ay maaaring
iuri sa tatlo: Intellectualized languages of wider communication; confined, independent and
intellectualized national languages; and developing national languages. Ang unang uri ay tumutukoy sa
popular na mga internasyunal na wika gaya ng: Ingles, Pranses, Aleman at Espanyol. Ang mga wikang ito
ay ginagamit bilang mga kontroling na domeyn sa paggawa (work) at iba pa. Samantala, ang ikalawang
uri naman ay tumutukoy sa mga intelektuwalisadong wika na saklaw lamang ang bansang
pinaggagamitan nito. Ang wikang ito ay sapat na upang magamit sa lahat ng domeyn ng isang bansa.
Halimbawa ng mga bansang ito ay ang Korea at Japan. At ang panghuling uri naman ay tumutukoy sa
mga bansang nasa proseso pa lamang ang intelektuwalisasyon ng wika gaya ng Indonesia, Malaysia at
Pilipinas. Sa mga bansa kasing ito ay patuloy pa rin ang pagdevelop sa tinawag ni Sibayan na idyomang
pedagojikal.

Ngayon, ano naman ang hinaharap ng wikang Filipino kaugnay sa isyu ng estandardisasyon at
intelektuwalisasyon? Ang tanong na ito ay nagdulot ng mga kalituhan sa maraming Pilipino, kahit mga
dalubwika ay patuloy na nagdedebate kung estandardisado o intelektuwalisado ba ang Filipino.
Kadalasang sagot na maririnig sa kanila ay ganito: Ang Filipino ay patuloy pa sa pagdevelop tungo sa
estandardisasyon at intelektuwalisasyon nito. Ang pahayag na ito ay totoo. Sapagkat ayon na rin sa
Konstitusyon sa ilalim ng Artikulo XIV ng Seksyon 6:

“Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin
at pagyamanin pa batay sa iba pang mga wika sa Pilipinas.”

Nangangahulugan lamang ito na ang Filipino ay kailangang umasa sa mga intelektuwalisadong wika
hindi lamang sa mga wika sa Pilipinas. Isang magandang halimbawa na nito ay ang wikang Ingles. Ang
Ingles man ay umasa rin sa mga intelektuwalisadong wika tulad ng Griyego, Latin at Pranses. Sa kabilang
banda, tinukoy sa jornal ng KWF ang mga kadahilanan kung bakit kailangan ng Filipino na umasa sa
Ingles. Narito ang mga kadahilanan:

1. Halos lahat ng nakasulat na bersyon ng makabagong Filipino kabilang na iyong sa mga paaralan ay
puno ng hiram na salita sa Ingles, may mga binaybay ng tulad ng sa mga orihinal at karamihan naman ay
isina-Filipino ang pagbabaybay.

2. Malinaw na ipinakikita sa mga pag-aaral tungkol sa mga intelektuwalisadong varayti ng sinasalitang


Filipino ng mga mag-aaral sa anim na pamantasan sa Metro Manila (UP, DLSU, Araneta U, PNU, PUP at
PLM) na kayang talakayin ng mga mag-aaral ang kanilang mga takdang aralin sa matematika, biyolohiya
at iba pa sa pamamagitan ng maramihang panghihiram sa Ingles.

4
Sa madaling salita, para masabing intelektuwalisado ang wikang Filipino, kinakailangan na
magamit ito sa pagtuturo sa mga Pilipino sa halos lahat ng larangan o antas.

Kung kaya, ani Espiritu at Catacataca (2005) mula kay Sibayan (1988), para maisakatuparan ito,
pangunahing pangangailangan sa intelektuwalisasyon ang manunulat sa kurikulum at mga teks b u k at
isang idyomang pedagojikal sa Filipino. Ang idyomang pedagojikal ay ang kabuuan ng mga ginradong
teksto, mga sanggunian, patnubay at iba pang mga kagamitang panturo na magagamit mula sa u n an g
baytang sa elementarya hanggang antas tersyarya isinulat ng mga ekspertong manunulat ng mga
teksbuk at kagamitang pangkurikulum at mga iskolar at mga eksperto sa pamamaraan ng pagtuturo .
Kung babalikan natin ang unang pahayag ni Sibayan, ang wika ay kailangang NASUSULAT para masabing
intelektuwalisado ito.

Gayumpaman, may apat na katangian ang isang intelektuwalisadong wika. Una, aktibo, marami at
malawak ang gumagamit ng wika partikular na ang pasulat na anyo kaysa pasalita. Pangalawa, ang wika
ay estandardisado. Ibig sabihin, walang kalituhan kaugnay sa palabaybayan nito, nararapat na ito ay
kodipikado sa mga diksyonaryo at iba pang referensiya. Pangatlo, ang wika ay nararapat na may
kakayahan na maisalin sa iba pang intelektuwalisadong wika. At panghuli, ang wika ay nararapat na
maunlad at tanggap sa iba’t ibang rejister na ang ibig sabihin ay nagagamit ito sa iba’t ibang laran gan
o bahaging-larangan. Mahalaga ito sa konsepto ng intelektuwalisasyon dahil tumutukoy ito sa lawak ng
gamit ng wika.

Samantala, iminungkahi naman ni Sibayan ang mga tiyak na referensiya upang masubok kung
intelektuwalisado ba talaga ang wikang Filipino.

Nagagamit ba ang Filipino bilang pangunahing wika ng instruksyon mula sa kindergarten


hanggang level pampamantasan?

Ang Filipino ba ay ang pangunahing wika sa trabaho kung saan Ingles ang kasalukuyang gamit?

Ang Filipino ba ay ang nais at mithiing wika ng mga Pilipino upang magamit sa kanilang sosyo-
ekonomiko at intelektwal na pag-unlad?

Ani Sibayan, mahirap makamit ito subalit ito ang mga katangian ng isang intelektuwalisadong
wika na maaring magamit bilang kontroling na domeyn ng isang bansa. Sa kasalukuyan, ang Filipino ay
kinakaharap ang napakaraming problema, kung kaya, hindi maiiwasang maging mabagal ang tinatahak
nitong landas tungo sa intelektuwalisasyon. Ilan sa mga problema ay ang mga sumusunod:

1. Kulang ang “political will” sa pag-iintelektwalays nito.

2. Kulang ang suportang ibinibigay ng mga nasa industriya, komersyo, negosyo at iba pa. Ingles pa rin
ang ginagamit sa mga larangang ito bilang pangunahing midyum ng komunikasyon.

3. Kulang sa pondo mula sa pamahalaan kaugnay sa pagpapalawak ng gamit ng Filipino sa iba’t ibang
ahensiya nito gayundin ang mga sapat na treyning.

5
4. Mismong ang akademiya ay may kakulangan tungo sa intelektuwalisasyon ng Filipino. Ito ay sa
apektong pagdevelop ng mga libro na naka-Filipino.

5. Dagdag pa ang mismong Pangulo ng bansa na nagnanais na ibalik ang Ingles bilang pangunahing
midyum ng pagtuturo. Mula ito sa kanyang EO 210 na pagpapalakas sa gamit ng Ingles.

Ang mga ito ay repleksiyon ng realidad na kasalukuyang kinakaharap ng wikang Filipino. Isang
nakakalungkot na pangyayari dahil hindi masalamin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang
pambansang wika na siyang makapagbubuklod at magbibigkis sa isang kulturang maka-Pilipino na
kakikitaan sana ng ating identidad.

Isang hamon sa kasalukuyan sa mga Pilipino partikular na sa mga akademisyan kung paano ba
maiintelektwalays ang wikang Filipino? May iminungkahi kaugnay rito si Sibayan.

• Kinakailangan ng mga tagatangkilik at tagapagpaunlad nito.


• Kinakailangan ng mga praktisyuner at employer na naniniwala sa epektibong gamit ng
Filipino sa anyong pasulat hindi lamang sa pagtuturo gayundin sa pagkatuto.
• Hindi lamang sa mga disiplinang teknikal gamitin ang Filipino, bagkus, magamit ito sa iba
pang disiplina.
• Kinakailangan ng mga pablisher na handang maglathala ng mga publikasyon sa Filipino.
• Kinakailangan din ng mga taong handang ponduhan ang programang pang -
intelektuwalisasyon.
• Ang Filipino ay kailangang tanggap ng nakararaming bilang ng mga Pilipino lalo na sa
erya ng kontroling na domeyn ng wika.
• Pagkamahinahon ay higit na kailangan din. Ang Filipino ang hindi magiging ganap na
intelektuwalisado sa madaling panahon.
• Huwag magturo ng Filipino kung walang libro o materyal na nakasulat sa Filipino.

Ang mga mungkahing ito na inilahad ni Sibayan ay ang mga maaaring mapagnilayan ng bawat
Pilipino habang patuloy na dinidivelop ang wikang Filipino. Magsilbi sana ito gabay nating lahat tungo sa
mabilis at malawakang estandardisasyon at intelektuwalisasyon ng ating wika – ang wikang magsisilbing
tagapagbuklod sa lahat ng mamamayan ng bansang ito tungo sa iisang mithiin makabansa.

6
MGA REFERENS

A. Mga Buk

Acuna, J. et.al. (1994). The language issue in education. Manila & QC: Congress of the Philippines.

Atienza, M at Constantino, P. (1996). Mga piling diskurso sa wika at lipunan.QC: UP press.

Catacataca P. at Espiritu C. (2005). Wikang Filipino: kasaysayan at pag-unlad. Manila: Rex bookstore.

Eastman, C. (1982). Language planning: an introduction.San Francisco, USA:Chandler and sharp


publishers,inc.

Sibayan, B. (1999). The intellectualization of Filipino. Manila: LSP-DLSU-M.

B. Jornal

__________. (1998). Ang KWF at intelektuwalisasyon ng Filipino. Manila: KWF.

C. Internet Link

http://www.geocities.com/CollegePArk/Field/4620/fil_met.html.

You might also like