You are on page 1of 6

Unang Talakay: Pag-aklas, Pagbaklas, Pagbagtas: Usapin ng Kalagayan ng Panitikan at Kritisismo sa

Panitikan

Mary Joy Sawa-an


Kagawaran ng Filipinolohiya
mjsawaan@pup.edu.ph

SLIDE 1

Kung babalikan at susuriin ang kalagayan ng panitikan lalo na sa edukasyon, mula elementarya hanggang
kolehiyo ay inaaral natin ito ngunit ano ang nilalaman ng tinatalakay ng guro? Sa elementarya, lagi’t
laging umiikot ang talakayan sa panitikan sa mga kuwento kung saan inaalam kung sino ang tauhan, saan
ang tagpuan, ano ang buod at ang pinakamahalaga ay kung ano ang aral o moral lesson sa istorya. Nasa
paraan ito ng pormalismong pagtatalakay kaya naman tinuturuan tayo nito kung paano maging mabuti,
masipag, maging mabait, maging makatao dahil nga nakaangkla ito sa moralidad – ito ang ine-establish
na kaalaman sa bawat mag-aaral. Pagdating sa hayskul, nasa ganitong set-up pa rin ang tinatalakay sa
panitikan, ang kaibahan lamang ay may mga akda nang kailangan talakayin tulad nang Ibong Adarna,
Florante at Laura, Noli Me Tangere at El Filipibusterismo at iba pang akda. Pahaging na ring natatalakay
ang kasaysayan kung saan may kaunting bahid na ng pagtatalakay sa mga isyung panlipunan ngunit hindi
pa rin nakikintal ang kritikal na pagtatalakay higit lalo sa kung paano masosolusyunan ang mga suliraning
tinatalakay. Kaya naman, higit na kinakailangan sa kolehiyo ang pagtatalakay sa panitikan na nasa kritikal
at progresibong anyo – hindi na dapat nagpapakalunod sa mga ‘aral’ ng bawat istorya na pumapaksa
lamang sa pangsariling debelopment. Higit ang nasa dapat ng mga guro at mag-aaral sa kung paano nga
ba babasahin ang panitikan? At paano nga ba nararapat na magbigay ng tugon sa binasa sa kritikal na
pamamaraan?

SLIDE 2

“How is it that oppressive ideological system are able to instill beliefs that are firmly held and widely
accepted although they are completely without foundation and often plainly at variance with the
obvious facts about the world around us?” - Noam Chomsky

Ayon nga kay Chomsky, paano nga ba tayo napapaniwala ng mga ideolohikal na sistemang ibinabandera
ng mga makapangyarihan sa lipunan kahit pa man salungat ito sa aktuwal na katotohanang
kinasasadlakan ng bawat isa sa atin? Kung pagbabasehan ang Ideological State Apparatuses (ISA) ni
Althusser, una na sa mga ito ang mga institusyong hawak ng pamahalaan, ang relihiyon o simbahan,
pamilya, media at edukasyon. Ito ang mga aparatong nagdidikta ng mga prinsipyo, pananaw at
ideolohiyang dapat paniwalaan at nararapat na sundin.

*Si George Orwell o ang Orwell na tinutukoy ni Chomsky ay isang manunulat. Isinulat niya ang mga
akdang Animal Farm at 1984 na mga tanyag na akdang tumatalakay din sa mga suliraning panlipunan.
Pinaniniwalaan ng mga iskolar na ang akdang 1984 ay ang pinagmulan ng kilalang reality TV show na
Big Brother o kung sa franchise sa bansa ay kilalang Pinoy Big Brother.
SLIDE 3

Makikita sa larawan ang magkakaibang senaryo, sa una, makikita ang loob ng mall at sa tabi nito ang
matinding trapiko. Kung pagbabasehan ang pahayag ni Chomsky, paano nga ba tayo nasasarapan sa
danas ng malling kahit alam naman nating naghihintay sa ating paglabas ang matinding trapiko? Kahit pa
nga ba sa pagsusuri ng aktwal na danas ng malling, paano nga ba tayo nasisiyahan lumibot sa loob ng
mall kahit pa nga ba wala tayong pambili? Sa ikalawang larawan naman makikita ang lalaking sarap na
sarap sa kilalang Jollibee Chicken Joy at sa tabing larawan ang dalawang bata na walang tirahan at
walang pambili marahil ng pagkain na nakahiga sa pasilyo ng kilalang fast food chain. Paano nga ba tayo
nasasarapan sa pagkain gayong may hindi kayang bumili o kahit pa nga ba makakain na nakatanghod sa
labas?

Sa mga ganitong usapin, lagi’t laging sinasabi ng marami na, hindi mo kasalanan ang kahirapan ng iba,
kasalanan nila kaya mahirap sila o ang palasak na ‘poverty is a choice’, totoong hindi mo kasalanan ang
paghihirap nila pero ang bawat isa ay may kagyat na responsibilidad upang gumawa ng mga hakbang
upang maibigay sa kanila ang karapatan sa pagkakaroon ng may tiwasay at may dignidad na
pamumuhay. Hindi tayo tinuturuan sa paaralan para lamang sa pansarili nating katagumpayan, dapat
tayong tinuturuan kung paano makapagsisilbi sa kapwa at paano sila maisasama sa tagumpay ng buhay.
SLIDE 4

Ano nga ba ang posisyon ng mambabasa sa panitikan na nakaangkla sa kritikal at progresibong


pagbabasa at pagkatha? Una, ang pagiging Readerly, kinakailangang magbasa nang magbasa ngunit
kinakailangang piliin ang binabasa sapagkat may ideyal na paghubog ang mga akdang binabasa sa
ideolohiya, pananaw ng mambabasa. Gasgas na marahil na halimbawa ang pagbabasa ng mga istorya sa
Wattpad o kaya naman mga pocketbooks kung saan tumitimo sa mambabasa ang ideyal na perspektiba
sa usapin nang malabnaw na pagmamahalan. Hindi rin natatapos sa pagbabasa, kinakailangan nang
pagtatransporma ng mga binasa sa aktuwal bilang tugon sa kritisismong ipinahayag sa akda, kalimitan,
isa ang pagsulat o ang pagiging Writerly upang magkaroon ng produksyon ng kaalaman. Sa parehong
posisyon, binabaklas ng mambabasa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kritikal na suri – una, ang awtor –
sino ang may-akda? Ano ang posisyon o ‘hugot’ ng may-akda sa pagsusulat? Sa anong panahon niya ito
isinulat?; ikalawa, ang mismong akda – ano ang perspektiba o pananaw ng akda hinggil sa panlipunang
isyu, nakaangkla ba sa historikal na danas ng bansa, nasa anyong (post)modernidad ba?; at huli, ang
mismong panahon ng produksyon sa akda.

SLIDE 5

“Wala nang manunulat sa itaas ng ivory na tore.”

“When he claims to be solitary, the artist lulls himself in a perhaps fruitful illusion, but the privilege he
grants himself is not real. When he thinks he is expressing himself spontaneously, creating an original
work, he is answering other past or present, actual or potential, creators.”

Claude Levi-Strauss

Tulad nga nang sinabi ni Levi-Strauss, hindi na kinakailangan ngayon ng mga manunulat na higit ang
layunin na maipunyagi ang kanyang sarili. Kinakailangan ng mga manunulat na lumilikha upang
paibabawin ang suliranin ng kanyang lipunan. Ang layuning ito ang manghihikayat sa mga mambabasa
na magtransporma at lumikha upang payamanin ang produksyon ng kaalaman sa anyo ng panitikan.

SLIDE 6

Kaya naman, mainam ang pagsibol ng mga akdang naihahanay sa tinatawag na Resistance Literature, sa
pagpapakahulugan, ito ay ang mga akda na naglalarawan sa malikhaing pamamaraan ng katotohanang
mga isyung panlipunan sa paraang napapanatili ang kritikal na pang-unawa ng mga mambabasa. Hindi
ito katulad ng mga babasahing nagpapakita lamang ng ideyal na buhay o ideyal na pagmamahalan,
nagpapakita ito ng katotohanan sa paraang nakawiwili at hindi masalimuot ngunit kung uunawain ay
may malalalim na pinanggagalingan.

SLIDE 7
Ano naman ang papel natin bilang kritiko sa mga ganitong babasahin? Una, kinakailangan ang pag-
uugnay ng akda sa sarili nitong nais sabihin – kinakailangang kilalanin ng mambabasa ang ninanais ilahad
ng may-akda. Ikalawa, maiugnay ang ninanais iparating ng akda sa labas o sa danas ng mga mambabasa.
Mahalaga na pag-uugnay nito sapagkat dito nagsisimula ang pagtatransporma.

PAG-AKLAS

Ang paghahanap ng kontraryong bagay at karanasang makakapagpaliyab sa mambabasa-mamamayan


na lumaban sa abang politikal na designasyon at kinalalagyan, na mayroon siyang ahensiya at
maaaring makapagbuo ng kolektibo ng kahalintulad na lagay na makakatapat sa elaborasyon at
rebersal ng hegemoniya ng sistema.

PAGBAKLAS

Ang pagkilos tungo sa pagbuyangyang sa panitikan at maging sa kasaysayan at lipunan, bilang


panlipunang konstruksiyon, at sa proseso ng paghihimay ng mga bahaging bumubuo ng estruktura ng
kapangyarihan ay nagpapakitang hubad ang marahas na kapangyarihan, nakakapagmapa ng mga
paraan ng pagbalikwas sa kapangyarihan.

PAGBAGTAS

Paghahanap ng alternatibo at kaibang daang maaaring tahakin tungo sa pagbuo ng rebolusyunaryong


pananaw, ang pananaw na makakapag-interrogate at sa proseso at makakapagbalikwas sa
namamayaning kaayusan.

Kaya naman mahalaga ang tatlong panuntunan ng kritisismong pampanitikan, una ang pag-aklas,
kinakailangan ng mga akda ng mga mambabasa na makakapagpaliyab sa kanilang pagnanasa na
magkaroon ng pagbabago sa pamamagitan nang paglaban sa hegemoniyang ng sistema. Tumutukoy ang
hegemoniya sa kapangyarihan na nangingibabaw sa lipunan na kalimitan ay kontrolado ng estado at ng
mga burukrata-komprador at oligarko. Ikalawa, ang pagbaklas na nangangahulugang, pagwasak o
pagsira na tumutunghay naman sa pagkilos upang balikwasin ang kapangyarihan. Magiging daan ang
panitikan sa pagkakaroon ng progresibong pagkilos upang matamo ang pagwasak sa hegemoniya sa
lipunan. At ang huli, ang pagbagtas na nangangahulugang pagpapatuloy sa nasimulan sa pamamagitan
ng paghahanap ng alternatibo upang maipagpatuloy ang pagkakaroon ng rebolusyunaryong pananaw
upang tuluyang mawaksi ang namamayaning kaayusan – ang pinaniniwalaang katotohanan sa panahon
ng normalidad (hal. poverty is a choice, ang NPA ay terorista, kaya maraming mahirap dahil marami ang
tamad).
Ang dagli o flash fiction na nasa itaas ay isang halimbawa ng Resistance Literature. Kung mapapansin
naging malikhain at kawili-wili sa mambabasa ang pagwasak ng may-akda na si Eros Atalia (isang
propesor at manunulat mula sa UST) sa pormalismong pamamaraan ng pagtatalakay sa mga paaralan ng
panitikan na nakatali sa pag-alam sa ‘aral’ ng bawat kuwento.

You might also like