You are on page 1of 2

Huwag ipasok kung hindi kaya, babe

ni Rhein

Ready ka na ba? Ready na ba iyan? Kung hindi, huwag muna nating ipasok babe. Tiyakin muna nating
praktisado na’t matigas bago ipasok.

Ano bang tinutukoy na huwag munang ipasok? Ito ang matabang mahabang bagay na dapat ay
mayroon ang lahat ng mga mamamayang pilipino. Matabang mahabang edukasyon— na ngayon ay
mahaba na lamang dahil mukhang ipinagkakait ang taba ng kaalaman sa mga mahihirap.

Nito lamang ika-8 ng Hunyo, mariin nanamang itinanggi ng Kalihim ng Edukasyon na si Leonor
Briones ang mga pahayag na hindi pa handa ang bansa natin para sa blended learning method. Bagama’t
ang mga nagpahayag na ng kanilang agam at alinlangan ay ang presidente at bise president na mismo,
patuloy pa rin sa panukalang ito ang kalihim.

Kalakip ng nakatakdang pagbubukas ng klase sa ika-24 ng Agosto ang pangamba ng mga ilan sa
mga kaguruan. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, malalayo sa pagdakma ng mga mahihirap na
mag-aaral ang edukasyong may kalidad. Dagdag pa nila’y ito lamang ay palusot upang maantala ang
paggawa ng mga ligtas na paaralan at pagresolba sa hinaharap na krisis ng edukasyon sa bansa.

Sa panahong ito, hindi natin mapagkakailang hindi lahat ay may kakayahang magpakabit ng wi-fi
at bumili ng mga kinakailangang gadyet kagaya ng laptop o computer. Bago pa man ang pandemyang ito,
suliranin na ito ng iilan sa mga mag-aaral na kinakailangan pang magtungo sa mga computer shops
upang makapagsumite lamang ng takdang-aralin. Nakakalungkot na hindi man lang kinilala ang
problemang ito bago panukalain ang naturang sistema ng pagkatuto.

Siguro, ang sisi ay sa mga kaguruan at magulang pa rin kung pumalpak. Paano? At sa kabila ng
kumakaliwa’t kanan na pagkokondena, nagtataingang kawali pa rin ang ating kumare sa boses ng mga
nababalisang guro at magulang. Sa huli, kung hindi nakarating sa paparoonan ang eroplano, isisisi pa rin
sa piloto na sumusunod lamang sa ibinalangkas na coordinates ng hepe nating sismars. Syempre, ano pa
nga ba’t magtatago lamang si sismars sa likod ng piloto kahit klaro naman kung sino dapat ang sisihin.

Hindi ba’t mas mainam kung sa panahon ng peligrong ito ay magpokus na lamang muna tayo sa
paghahanap ng paraan kung paano maisasagawa ang mass testing? Huwag nating ipilit ang hindi pa
kaya, hangga’t wala pang mass testing o vaccine, huwag muna natin sanang ituloy ang kahit anong uri ng
pag-aaral. Maaring sa kagustuhan ng magulang na hindi mahuli ang anak sa pag-aaral, ilagay pa nila ang
sariling buhay sa peligro para lamang makapagpakabit ng wi-fi at makabili ng gadyet para sa anak. Hindi
lang iyon, marami ang hindi na alam kung saan pa kukuha ng pera para sa araw-araw; ganoon na nga
ang sitwasyon, maghahanap pa sila ng paraan upang maisingit ang pagpapaload para sa data ng anak.
Hindi lahat ay privileged at hindi malayong maraming maaaring maiwan.
Okey, kung nais talagang ituloy, handa ba ang lahat? Maari naman sana mars kung makakapag-
install tayo ng wi-fi sa lahat ng mga barangay na may mga mag-aaral at kung makakapagbigay tayo ng
libreng laptop, hindi ba? Bukod dito, hindi lamang ang mga mag-aaral ang may problema kundi ang ilan
din sa mga kaguruan. Hindi naman lahat ng mga guro ay may sapat na kaalaman sa blended learning
system na ito o may sapat na resources para rito. Wala naman din sa orihinal na job description ng mga
guro ang online class, kaya’t dapat ay matulungan din sila kung paano ang tamang transisyon. Marami
nang problema ang Pilipinas at hindi dapat dumadagdag sa mga ito ang edukasyon. Kung patuloy nating
lalabanan ang apoy gamit ang apoy din, paniguradong sunog ang lahat.

Babe, huwag dapat tayong pahalata na para sa mga mayayaman lamang ang edukasyon.
Nakikita sa mga desisyon ng nakatataas na may espesyal na pagkiling sa mga may asul na Santos, Lim, at
Escoda sa kanilang mga pitaka. Gawin nating Juan for all, all for Juan, hindi lamang si John na may brand
new iPhone 11 ang Pilipino kundi pati si Juan na naghahangad ng kompletong set ng libro. Sinasabi ko
naman, huwag muna nating ipasok kung hindi pa handa ang kalahatan.

You might also like