You are on page 1of 3

"Edukasyon sa Panahon ng Pandemiya"

ni: Elisa C. Fuentes

“Kanya-kanyang diskarte, kanya-kanyang adjust. Depende kung anong available


na paraan. Pero ang bottomline, patuloy ang pag-aaral ng mga bata.”, isa sa mga
nasambit na mga kataga ng kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, Sec. Leonor Briones
noong July 15, 2020 sa kanyang panayam. Nais niyang iparating sa mamamayang
Pilipino na walang makakapigil sa edukasyon ng kabataang Pilipino kahit na nasa ilalim
pa ng matinding pandemya.

New Normal o Bagong Normal na paraan ng pagkatuto, epektibo nga ba?

Ito na ba ang kalutasan sa suliraning dropouts sa paaralan at hindi na makaririnig


si teacher ng katagang “What have you done”? Sana nga naman.

Samu’t saring batikos ang naiparating sa tanggapan ng DepEd simula noong


inaanunsiyo ni Kalihim Briones na balik-eskwela talaga sa kabila ng pandemiya.

Hindi paman namayagpag si COVID 19 ay maraming kabataan na talaga ang


tinatamad nang mag-aral. May iilan naman na nahinto dahil sa kahirapan at pinili na
lang magtrabaho para may makain. Ang iba naman ay naging biktima ng karahasan na
dulot ng ipinagbabawal na droga kaya nawalan ng pag-asa na makabalik-eskwela.
Dumating naman itong si DOTA na sinundan ni Mobile Legend at iba pang online games
na siyang nagpapaadik sa mga kabataan na siyang dahilan ng kawalan ng ganang
magaral. May ilan naman na naging biktima ng karahasan at nahihiya nang bumalik pa
sa eskwela.

Isa ito sa problemang kinakaharap ng Departamento ng Edukasyon ng ating


bansa bago pa nagkaroon ng pandemiya. Kahit buwis buhay nang nag home visitation si
Teacher, kahit na inilaan na ang oras na mag teacherstudent counselling, parent-teacher
conference na may kasama pang magdamagang call and text, sa halip na magwawasto
at magtatala ng mga gawain o outputs ng mga mag-aaral ay hindi pa rin naging epektibo
ang mga estratehiyang ito ng mga guro.

Habang parami nang parami ang inilunsad na estratehiya ng DepEd ay dumarami


naman ang mga out-of-school youth. Ang iba ay mag-eenrol lang tapos hindi na
papasok, si teacher tuloy ang may kasalanan at tatanungin pa ng prinsipal na “What
have you done?”
Ang pandemya na ba ang makatutulong upang makabalik-eskwela ang mga out of
school youth dahil sa panibagong paraan ng pagkatutong inilunsad ng DepEd? Hindi na
kasi kailangang pumunta pa sa paaralan. Puwede pang mamili ang mga mag-aaral kung
ano ang pinakahiyang na paraan ng kanilang pag-aaral upang matuto. Maaring mag
Modular, Digital Offline, Online, Radio-based Instruction, o di kaya’y Television-based
Instruction.

Ang kailangan lang dito ay ang matiyagang mga magulang na siyang pupunta sa
paaralan upang kukuha ng modyul at magsusumite nito, gagabay ng kani-kanilang mga
anak sa pakikinig sa radyo, panonood sa telebisyon, at pag-aaral gamit ang internet.

Sana naman ay patuloy pa ring naniniwala ang kabataan na ang edukasyon pa rin
ang susi ng tagumpay sa buhay dahil kung mananatili lamang sa sitwasyon ngayon
walang uusbong na pagbabago sa sarili, sa pamilya, at sa bansa.
Nahinto man sa pag-aaral ang ilan, maraming paraan upang ipagpatuloy ang
nasimulang pag-aaral at higit sa lahat may mga ahensya na ng gobyerno na nagbibigay
ng pagkakataon na makapag-aral ulit.

Nabanggit na ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal noon pa man na


ang edukasyon lamang ang tanging sandata upang matamasa ang kasaganaan sa buhay.
Hindi ka matatapakan at yuyurakan ng iba dahil alam mo sa sarili mo na may pinag-
aralan ka at ginagamit mo ito sa tama.

Isa ka ba sa kabataan na nawalan ng pag-asa na makapag-aral ulit? Hindi pa huli


ang lahat. Magsikap ka at may tutulong sayo upang matupad mo ang iyong mga
pangarap sa buhay. Bangon kabataan, bangon para sa kinabukasan ng ating bayan!

Isa ka ba sa mga magulang na naghahangad na mabigyan ng magandang


kinabukasan ang anak? Huwag kang mapapagod sa paglalaan ng panahong matutukan
ang anak at bigyan ng gabay sa pag-aaral.
Ikaw ang magbibigay ng lakas sa panahon ng kanilang kahinaan.

Isa ka ba sa mga gurong nagnanais na magtagumpay sa buhay ang lahat ng kabataan?


Ipagpatuloy ang pagbahagi ng iyong mga kaalaman. Nakakapagod man minsan subalit
nakatutuwa namang pagmasdan kung walang kabataang napag-iiwanan.

Ika nga, pandemiya lang yan, patuloy pa rin kaming magsusunog ng kilay upang
makamit ang aming mga pangarap sa buhay!

Sagutin ang sumusunod: 1whole/ a4


1. Ano ang ibig ipahiwatig ng teksto? Ilahad

2. Bakit mahalagang ipangpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng hamon ng pandemya gamit


ang iba’t ibang modality? Ipaliwanag?

3. Magbigay ng tatlong (3) pahayag mula sa tekstong binasa na naghahayag ng


panghihikayat.

You might also like