You are on page 1of 7

Inihahandog ng the UP Repertory Company ang isang tula dulang pinamagatang

Si Juan dela Cruz sa panahon ng Pandemya

Gabi na naman.

Binuksan ni Juan dela Cruz ang TV niyang bawas na ang palabas

Hinintay ang balitang sanay magsabing malapit na ang wakas

Dahil ilang linggo na rin siyang hindi lumalabas

Para sa sinasabing virus siya ay makaiwas

Ngunit ilang Lunes na naging Martes ang nagdaan

Ang plano sa kanyang kaligtasan ay iniatang lang sa kanya ng pamahalaan

MANATILI KA SA LOOB NG BAHAY. MAGSUOT KA NG MASKARA

MAGHUGAS KANG KAMAY. MAGHINTAY KA NG AYUDA

KAMI NANG BAHALA SA PERA, UUTANG KAMI NANG MARAMI

HUWAG MONG TANONG KUNG SAAN GAGAMITIN

SUMUNOD KA NA LANG SA AMIN.

Sumunod nga sa pamahalaan si Juan Dela Cruz

At tinawanan ang mga kababayan niyang nahawa

Wala kasi kayong disiplina

Pero nagulat niya, papataas pala ang bilang ng mga nahawa

Huwag kang mag-alala, magkahalong fresh at late cases ang bilang na nakalista

Sabi ng doktora
Hanggang inalis na ang ECQ, ginawang GCQ at sa iba MCQ

Ang sabi na lang ni Juan dela Cruz

Makakabalik na ako sa trabaho, And I, thank you

Nag-abang siya ng masasakyan pero walang dumaan

Bakit walang Motor

Bawal magkadikit, baka magkahawahan

Bakit walang Jeep?

Bawal magkaharap, baka magkahawahan

Bakit Walang Bus?

Bawal magkatabi, baka magkahawahan

Nilakad ni Juan dela Cruz mula commonwealth hanggang EDSA

At swerte may dumaang truck ng gobyerno, libre ang pasada

Salamat naman, sabi niya bago sumampa

Pero bago pa maitaas ang paa, sangkaterba na ang sumabay sa kanya

Nabangga, natulak, nagitgit

Nakabig, nabalya, naipit

Kawawang Juan dela Cruz at mga kasama

Magkakatabi, Magkakaharap. Magkakadikit.

Nagdasal na lang na walang maubo, o mahatsing sa may anghit

Nakarating si Juan dela Cruz sa konstraksyong pinagtatrabahuhan

Aba ang swerte ko, wala pa ang mga kasama kong tauhan

Pero laking gulat niya nang dumating ang foreman

Sarado na ang kumpanya Juan dela Cruz, maghanap ka na ng malilipatan.

Pagod, lugmok, walang malapitan


Naghanap si Juan dela Cruz ng matatawagan

At sa isang motel na nadaanan

Kaibigang OFW, kanyang aasahan

Pare, baka meron kang sobra, baka pwedeng makahiram muna

Wala yata akong maipapahiram pare, patawad muna

Ang dalawang linggo, naging dalawang buwang paghihintay ng resulta

Kaya ang pera namin at ang pasenya, nag-uunahan kung anong matitira.

Kapit lang pare, kaya natin to,

Paalala ni Juan de Cruz

Subukan ko, Pare, kasi yung kaibigan ko sa barko, hindi na kinaya

Kahapon lang, nagpakamatay na

Naglakad na lang si Juan dela Cruz na nanlumo sa balita

Hanggang sa ilalim ng isang tulay

Naupo siya at napatambay

Hanggang may isa sa kanyang tumabi

At isa pa. At isa pa. At isa pa.

At napasigaw si Juan dela Cruz

Sosyal distancing, anu ba?!

Kaya tayo nagkakamatayan at nagkakahawa-hawa

Pasensya na, sabi ng isa. Uuwi na kasi kami sa probinsya.

Wala na kasi kaming hanapbuhay dito sa Maynila

Katulad pala ni Juan dela Cruz ang mga katabi niya

Mga kasambahay, mga barbero

Mga driver, mga tindero


Mga Filipinong nawalan ng trabaho

Huwag kayong mag-alala, may plano naman ang gobyerno

Habang may buhay may pag-asa tayo.

Sabihin mo yan sa kanya

At tinuro ng isa, ang isa pa nilang kasama

Naghihingalo, hindi makahinga

Isa na namang Filipino ang namatay

Sa paghihintay

At muling makikiramay

Si Juan dela Cruz

Nilakad muli ni Juan dela Cruz mula EDSA pabalik sa Commonwealth

Ang nasabi na lang niya, pagdating sa asawa

Ang mahalaga, buo ang pamilya

Dahil Filipino, alam niyang siya ay maparaan

Di’ba may internet, pwede tayo doon magtinda,

Hoy hindi ko ilalako ang anak ko, sabi ng kanyang asawa

Atsaka mayroon kabang business permit?

May pangalan na ba ang iyong negosyo?

Ikaw ba ay nakapagparehistro?

Bweno, ano ang ititinda mo,

at narito ang tax na babayaran mo?

Paano na lang tayo? Lapit kaya tayo kay TUlfo?

Gaga, kaalyado yun ng pangulo, kung hindi ka viral, hindi ka makakapagreklamo


E di sa mga kapuso

Gaga, walang kinikilingan yun, walang pinoprotektahan, paano yun papanig sa’yo

E di sa mga kapamilya

Gaga Sarado. Nagsara.

At doon napaisip si Juan dela Cruz

Buo pa nga ba ang pamilya

Ilang milyon na ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya

Nagpapasara pa ng kumpanya ang iniidolo niya.

Kaya’t kumapit si Juan dela Cruz sa patalim

Kinuha ang kutsilyo, at hiniwa ang isdang hinuli sa ilog na malalim

Niluto at sa bisikleta, kanya itong nilako

Tinapa! Daing! Bili na kayo!

Pero dahil inabot ng gabi sa pagtitinda

Hoy curfew na, halika dito, huli ka!

Ano po bang kaso ko, at ano ang aking parusa

Lumabag kasa Bayanihan We heal Aswang law (Awoooo)

At para sa iyong parusa, depende yan kung gaano ka ka-close sa pangulo

Pwedeng

A. Excuse dahil sa awa at Compassion.

B. Excuse dahil Honest Mistake

C. Excuse dahil mananita lang naman

O sige na kumontak ka na sa Malacanang para ikaw na ay mahatulan

Pero wala po akong kilala doon, wala po akong matatawagan


Ay pwes, ito ang iyong parusa, ilabas ang roleta!

Ipaparada sa kalsada

Magbabasketball ng walang bola

Ikukulong sa kulungan ng aso

Maliligo sa kanal

Bubugbugin at palalabasing tumalon sa bubong kaya nawalan ng buhay

Or Babarilin at tataniman ng recycled na pistol para kunwari ay nanlaban

Paikutin mo na!

Doon napansin ni Juan dela Cruz,

Hindi na sa sakit namamatay ang kanyang mga kababayan

Kaya’t siya ay nanindigan, sasama siya na mga magrereklamo

Atsaan ka naman sasama? Kaninong bilang ka mapapabilang?

Sa Marikina 10

Sa Cebu 8

Sa Piston 8

Bahala na! basta kailangan matigil na ang inyong incompetensya

Ah ganon ha! Isa kang palang terorista!

Lagdaan na ang Anti Terror Bill!

At doon namulat nang tuluyan si Juan dela Cruz

Hindi na Covid 19 ang nagpapahirap sa lagay ng mga Filipino

Kundi ang pamahalaang walang malinaw na plano


Na ang pinakaagarang solusyon na binabato

Ay ang ikulong ang mga magrereklamo

Panahon na para magsalita ang mga hindi pa naaapektuhan

Panahon na para may kilingan ang mga mayroon pang kakayanan

Dahil ang pagpapatahimik sa isa ay pananakot sa lahat

Pero ang pagkakaisa ng lahat ay magpapatahimik sa makapangyarihang isa.

#JunkTerrorBill

#JunkTerrorBillNow

Written by Abet Cruz

You might also like