You are on page 1of 3

Federalismo – Sistema Tungo sa Matuwid na Pagbabago

Posisyong Papel ni: Judy Mae J. Malibong

Ang unitaryong estado ay umiiral nang halos 500 taon sa Pilipinas at iba’t ibang hakbang
ang naisagawa upang madesentralisa ang labis na sentralisadong estadong unitaryo tulad ng
Batas sa Karta ng Baryo ng 1960 o Batas Republika 2370 at ang Batas sa Desentralisasyon ng
1967 o Batas Republika 5185 (Teehankee, 2017). Ayon kay Brillantes et al. (2002), labis ang
konsentrasyon ng kapangyarihang pampolitika at administratibo sa Maynila, na malaking
hadlang sa pagkakaloob ng ganap na suporta at mga serbisyo at pagtugon sa mga
pangangailangan ng mga mamamayan sa pinakamalalayong sulok ng bansa. Gayundin,
mayroong isang di-makatarungang paglalaan ng mga pondo sa iba't ibang mga rehiyon dahil ito
ay pangunahing ibinibigay o ipinagkaloob sa Metro Manila (Abad, 2018).
Noong March 02, 2016 iminungkahi ni Pangulong Duterte ang kaniyang panukala para
sa pagbabago ng ating bansa: ang federalismo. Ayon sa DILG, ang pagpapatupad ng federalismo
sa bansa ay magdudulot ng mas epektibong pamamahala sa kadahilanang ang pamahalaan ay
mas mailalapit sa mga mamamayan. Dagdag pa rito ay mas madali ang pagpapatupad ng mga
programa sapagkat hindi na kailangang magpaaproba pa sa pambasang pamahalaan at bababa
rin ang antas ng kahirapan sa bansa dahil mas maraming pondo ang mapupunta sa
pamahalaang panrehiyon. Ayon pa sa Minority Floor Leader na si Danilo Suarez, ang paglipat sa
federalismo ay nagbibigay-daan para sa isang pantay at malawak na pag-unlad sa bansa sa
pamamagitan ng pagbabahagi ng kapangyarihan - pampulitika at pang-ekonomiya.
Ayon sa isang eksperto ng Federalismo na si Prof. Jan Erk, may tatlong pangako ang
Federalismo. Una ay ang bawat mamamayan ay makatatanggap ng mas mahusay na
demokrasya dahil mas nabibigyan ng tinig at kapangyarihan ang mga lokal na komunidad at
mas naisusulong ang tinatawag na demokratikong pananagutan kung saan ang ordinaryong
mamamayan, mga partidong politikal at iba pang personalidad ng demokrasya ay
nakakapagbigay ng reaksyon, karangalan o maging parusa sa mga opisyal na namumuno sa
pagpapatupad ng pampublikong patakaran. Bukod pa rito, ang mahusay at epektibong
pamamahala ay maitataguyod. Ayon sa United Nations, ang mahusay na pamamahala ay may
walong natatanging katangian. Una na rito ay ang participatory o nagbibigay ng oportunidad sa
lahat upang makalahok sa pagdedesisyon. Ikalawa ay ang consensus oriented o isang proseso
ng paggawa ng desisyon kung saan ang isang grupo ay bumubuo at sumasang-ayon sa isang
desisyon para sa interes ng lahat ng miyembro nito. Ikatatlo ay ang accountable o ang
pagbibigay ng sapat na katwiran sa mga aksyon o desisyon. Ikaapat ay ang transparent o ang
obligasyon ng mga namumuno na ibahagi sa mga nauukulan ang mga aksyon at desisyon ng
mga ito. Ikalima ay ang responsive o pagbibigay ng madalian at epektibong aksyon. Ikaanim ay
ang effective and efficient o ang mabisa at mahusay na pamamalakad. Ikapito ay ang equitable
o ang makatarungan at walang kinikilingang pamumuno. At ang ikawalo ay ang inclusive o ang
sistema ng pamamahala na may kakayahang tumugon ng mga pampublikong serbisyo at
sinisigurong lahat ay kasali at walang anumang bahid ng diskriminasyon. Ang ikatlong pangako
ay ang pamamahala ng mga katangian ng iba’t ibang kultura at ang mga pagkakaiba at mga
relasyon sa pagitan ng mga ito. Ang Pilipinas ay binubuo ng 7,107 na isla at ito ay may iba’t
ibang kultura, pananalita o dialekto. Dahil may iba’t ibang estado o rehiyon sa federalismo na
kung saan ang mga lugar na may pagkakatulad sa kultura at pananalita ay maaaring maging
isang estado o rehiyon, mas mapapahusay ang pamamahala dahil mas mabibigyan ang ganitong
pamayanan ng awtonomiya para pamahalaan ang kanilang sariling gawain.
Upang magtagumpay ang federalismo, kailangan natin ng isang malakihang
pakikipagkasundo, isang kalipunan ng mga repormang pampolitika, panghalalan, at pang-
administrasyon na nagpapatibay sa bawat isa. Hindi lamang sa pamahalaan nakasalalay at
nakabatay ang patutunguhan o ikauunlad ng isang bansa kung di sa mga mamamayang
nakapaloob dito. Ang federalismo ay isang sistema na nangangailangan ng mahaba-habang
panahon para sa proseso. Walang pagbabago ang hindi nagsisimula sa mahirap na pakikibaka sa
kasalukuyan.
Source:
Teehankee, J. (2017). Debate on Federal Philippines: A Citizen's Handbook. Retrieved March 2,
2019 from http://ateneo.edu/aps/asog/debate-on-federal-philippines-filipino

Pia, R. (2016). Duterte's pitch for federalism: Centralized system holds back PH. Retrieved March
2, 2019 from https://www.rappler.com/nation/politics/elections/2016/124423-duterte-
federalism-central-system-holding-regions-back

N.A. (2018) DILG welcomes Senate's openness to federalism. Retrieved March 2, 2019 from
https://www.dilg.gov.ph/news/DILG-welcomes-Senates-openness-to-federalism/NC-
2018-1265

San Carlos, S. (N.D.). Philippine Unitary System: A Review. Retrieved March 2, 2019 from
https://www.academia.edu/30227901/Philippine_Unitary_System_A_Review

Cervantes, F. (2018). Federalism 101: Things we need to know. Retrieved March 2, 2019 from
http://www.pna.gov.ph/articles/1027202

You might also like