You are on page 1of 13

Kwento ng kababalaghan

BALETE DRIVE
Si Susan ay isang maganda, matalino, at matagumpay na Account Executive sa isang malaking advertising
company sa Ortigas. Bandang alas-nuwebe ng gabi, lulan ng kanyang magarang sasakyan, nagmamaneho si
Susan sa kahabaan ng Gilmore Avenue. Katatapos pa lang niyang maisara ang isang mahalaga at malaking
business deal.
Patungo si Susan sa kanilang tanggapan sa may Ortigas Avenue. Gabi na, subali’t kinakailangan niyang
bumalik sa opisina. Sa kalayuan, namataan niya ang mabigat na traffic sa intersection. Umiwas ang dalaga at
kinabig ang manibela patungong Balete Drive. Madilim ang kalsada at ang tanging liwanag ay nagmumula
lamang sa kanyang sasakyan. Ipinasya ni Susan na magmadali.
Tinawagan niya sa cellphone ang kanyang boss, “Sir, I’ll be a bit late… Yeah, heavy traffic e… Yup, I got the
contract… I’ll be there in…”
Huli na nang mapansin ni Susan ang pagtawid ng isang batang babae'ng may dalang bilao sa harap ng kanyang
sasakyan. Nabundol niya ito at tumilapon.
Huminto si Susan at lumabas ng sasakyan upang siyasatin ang bata. Hindi na kumikilos ang kawawang paslit.
Nalito si Susan, lalo pa nang makita niyang duguan ang ulo ng batang ngayo’y nakahandusay sa gilid ng daan.
Luminga-linga siya sa paligid. Napuna niyang walang tao. Samakatuwid, walang nakakita sa mga pangyayari.
Nagmadaling bumalik sa kanyang sasakyan si Susan at mabilis siyang tumakas.
Sa kanyang pag-uwi ay balisang-balisa si Susan. Kaya minabuti niyang balikan ang Balete Drive.
Maghahatinggabi na nang siya’y huminto sa pinangyarihan ng sakuna. Lumabas siya ng sasakyan at nilapitan
ang lugar na alam niyang kinalalagyan ng batang nabundol niya kanina. Nagtaka siya. Dahil malinis ang
kalsada na parang walang naganap na aksidente.
Sa pagtalikod ni Susan upang bumalik sa kanyang sasakyan ay biglang bumulaga sa kanyang harapan ang isang
babaeng nakaputi. Mahaba ang buhok nito at tila maputla ang kutis ng mukha. Napasigaw si Susan at halos
natabig ang bilaong dala-dala ng kaharap.
Nagsalita ang babeng nakaputi. Mababa at malamig ang boses nito at marahan ang pananalita.
“Ale, puto po. Pakyawin niyo na,” wika ng kaharap, “Kanina pa pong umaga kami naglalako ng anak ko.”
Kahit nagtataka si Susan sa biglaang paglitaw ng babae ay minabuti niyang kumilos nang di-kahina-hinala.
“A, e… s-s-sige. Papakyawin ko na. Oo, bibilhin ko lahat.” nalilito niyang sagot.
Nakangiting tumitig kay Susan ang babaeng nakaputi, “Maraming salamat po, ale.”
“S-S-S-Sabi mo... kasama mo ang anak mo? N-N-N-Nasaan siya?” kabadong tanong ni Susan.
“Bigla na lang pong nawala. Dito po siya nagawi kaninang alas-nuwebe.” malungkot na ungol ng babae.
Kinilabutan ang dalaga at pinagpawisan sa gitna ng kalamigan! Kailangang makaalis na siya.
“Ah… ano… sige! Ibalot mo nang lahat yung tinda mo,” balisang sinabi ni Susan habang nagmamadaling
dumukot ng pera sa kanyang bag. “Etong 500 pesos,” abot niya sa kaharap, "Keep the change." Nang maibulsa
ng babaeng nakaputi ang salapi ay dahan-dahan nitong binuksan ang takip ng dalang bilao.
Sa liwanag ng kanyang sasakyan sa gitna ng Balete Drive ay lumantad kay Susan ang kahindik-hindik na
katotohanan! At ang nakabibinging karimlan ay binasag ng isang malagim na pagtili ng dalaga!
Hindi puto…
Hindi puto ang laman ng bilao kundi…BIBINGKA!
Kwento ng katatawanan
ANG PROBINSYANO
Isang taga probinsya ang napadpad sa maynila nang siya ay gutumin.. Nang mapadaan siya sa isang kainan..
Naupo ito at tila nakikiramdam s tao sa paligid nya.. Napansin nito na may isang mayaman na tinaas ang
kamay at umorder ng isang manok.. Nang makita nito ang mayaman naisip nya.
Probinsyano:abay ok dito sa maynila, itataas lang ang kamay at may dadating nang manok..
Kaya’t kanya itong sinubukan at nagtaas at sumigaw ng manok.. Matapos nito tinignan nya uli ang mayaman at
napansin uli nya na nagtaas ng kamay ang mayaman at humingi ng tubig.. kaya’t kanya itong ginaya at
humingi ng tubi.
Matapos ito ay ganun uli ang nangyari nagtaas uli ng kamay ang mayaman at kumuha uli ng manok na ginaya
uli ng probinsyano.. Dahil dito nakahalata ang waiter at kinausap nito ang kanyang manager.
Waiter:boss tignan nyo itong taong to napansin ko na parang ginagaya nya ang tao dun s malapit sakanya.
Parang probinsyano at wala namang pambayad ito
Amo:sige tignan lang natin siyang mabuti kng pag binali nya ang paa ng manok ganun din ang gagawin natin
sakanya.. Basta kung anong una nyang gagawin un ang gagawin natin sakanya..
Matapos nito ay pinagmasdan ng magamo ang ginagawa ng probinsyano..
Habang pinapan0od.. Nakatingin ang probinsano sa mayamang kumakain din ng manok.. Nilagyan ng
mayaman ng catsup ang manok sabay kinagat..
Probinsyano:abay mukhang masarap yun ah..
(pinanunuod parin nga manager at ng waiter ang probinsyano)
kumuha ang probinsyano ng hotsauce matapos ito ay itinaktak s pwet ng manok.. DINILAAN..

Kwento ng tauhan
ATE BELEN
SI ATE BELEN ko, idol ko 'yan. Isusubo na lamang niya ang tinapay, kapag makita ako, ibibigay pa sa akin ang
tinapay. Ang katwiran niya, di bale nang siya ang magutom, dahil kaya na niyang tiisin ang gutom, kaysa ako ang
magutom. Mahal na mahal ako ni Ate Belen kaya mahal na mahal ko rin siya. Sa nakakikilala sa amin, ang ganitong
turingan namin ay hindi siyang dapat na asahan. Sa ina lamang kasi magkapatid. O kaya, mas tumpak sabihin, kaming
apat ay sa ina lamang tunay na magkakapatid. Uther ang pangalan ng aming panganay. Kung nasaan siya ngayon ay
hindi namin alam. Basta ang sabi ni Ate Belen na sinabi raw ni Nanay, nasa poder ito ng kanyang ama. Isa raw
malaking politiko, na ayaw namang banggitin ni Nanay kung sino, ang ama ni Kuya Uther. Bago ng mga iba pa,
palagay ko'y kailangan ko munang sabihin kung sino dati si Nanay. Siya'y dating sikat na personahe ng pinilakang
tabing na nagkaroon din ng ilang pelikulang pumatok sa takilya. Pagliliwanag: sinabi ko ito hindi upang ipagmalaki ang
aking ina. Sinabi ko ito upang kahit papaano ay magkaroon siya ng larawan sa inyong imahinasyon nang sa gayo'y
makita rin ninyo sa kanya ang nakita ng kung ilang bigating lalaki na napaugnay sa buhay niya. Sa puntong ito, siguro'y
gusto n'yong malaman kung sino siya. Sa ilang detalyeng ibinigay ko, marahil, may mga hula-hula na kayo. Una,
ipagpaumanhing sa halip na libangin ay nabigyan ko pa yata kayo ng alalahanin. Ikalawa, ipagpatawad na hindi ko
talaga sasabihin. Dahil kahihiyan daw, sabi ni Ate Belen, ang maging anak ng aming ina. Mark ang pangalan ng
pangalawa. Gaya ni Kuya Uther, sa larawan ko na rin lamang nakita si Kuya Mark. Tisoy ito. Anak kay nanay ng isang
sundalong 'Merkano na may mataas na ranggo sa dating pwersa-militar ng Estados Unidos sa Clark Air Base sa
Pampanga. Noong nagsara ang Clark, isinama ng kanyang ama sa Amerika si Kuya Mark. Si Ate Belen ang pangatlo.
Sa kanyang mga singkit na mata at mala-porselanang kutis, kahit huwag nang itanong, matitiyak na intsik ang ama.
Kung sino, katulad ng ama ng aming mga kuya, ay wala ring pangalan. Hindi alam ni Ate Belen kung sino ang kanyang
ama. At siyempre, ako. Ciriaco ang aking pangalan. "Akong" sa bahay at sa mga kalarong batang kanto. Junior ako.
Ciriaco Senior, samakatwid, ang aking ama na isang tsuper ng dyipni.
Kung paanong naging anak ako ng isang tsuper sa isang dating sikat na artista ay siya kong ibabahagi. Pampalubag-
loob man lamang sa paglilihim ko sa inyo ukol sa katauhan ng aking ina. TULAD nina Kuya Uther at Kuya Mark, si
Ate Belen man daw ay pinagtangkaang kunin mula kay inay ng kanyang intsik na ama. (Kailangan ko pa bang
banggitin na sa ikatlong pagkakataon ay isa uling kerida ang aking ina?) Kaya isang tanghaling nakaidlip ang upahang
bantay, maingat na tumalilis sina nanay sa apartment. Walang tiyak na patutunguhan, tuliro, basta sumakay na lamang
sila sa isa sa mga nakahintong dyip sa bahaging iyon ng Ortigas. Ang tsuper ng dyip na iyon ang nagbukas ng palad at
ng pintong mapapasukan nina Nanay at Ate Belen na noo'y sanggol pa lamang. Ang tsuper na iyon ang aking ama.
Naalala kong sinabi sa akin ni Ate Belen, sa aming dalawa, mas mapalad daw ako. Kasi ako, kilala ko ang aking ama.
Siya hindi. Mas mapalad pa nga raw ang mga tuta kaysa sa kanya. Kasi ang mga aso, ang ama ng mga tuta, ay may
panga-pangalan. Siya raw, parang biik. Pinapangalanan daw ba ang mga baboy? Sabagay, sabi niya, isang baboy ang
aming ina. Ayaw kong sumang-ayon. Ipinagdamdam ko kay Ate Belen ang sinabi niyang iyon tungkol sa aming ina.
Apat na taong gulang ako noong maglahong parang bula ang aking ama. Nasa malaking bahay na kami nang sekretuhan
ako ni Ate Belen na "ipinatumba" mismo ng aming ina ang aking ama. Kung ano ang ibig sabihin ng "ipinatumba" ay
hindi ko alam. Ang gumawa raw niyon ay mga tauhan ni Tito Boggart, ang bagong kinakasama ni Nanay. Mayaman si
Tito Boggart. Sa garahe, marami siyang sasakyang puro mga bagong modelo. Malaki ang kanyang bahay. Marami rin
siyang tauhan. Pero kahit laging masarap ang aming pagkain, kahit laging may mga bago akong laruan at kahit laging
may mga bagong damit si Ate, ayaw namin sa kanya. Kung bakit, hindi ko maipaliwanag sa panig ko. Sa panig ni Ate
Belen, iba raw ang kutob niya. Noong magpasukan, si Ate Belen, hindi si Nanay, ang nagsabing dapat akong mag-aral.
Sa aming dalawa, ako man lamang daw ang makatuntong sa eskwela, magkaroon ng karera balang araw, ay ligaya na
niya. Hindi pa 'ata natapos ni Ate Belen ang Grade I. Totoong kapos na kapos kami noon sa piling ng aking ama.
At nag-Grade I ako. Sa mga unang araw ng klase, umiiyak ay tinatawag ng mga klasmeyt ko ang kani-kanilang nanay.
Kakatwang ako, sa halip na si Inay ay si Ate Belen ang nami-miss ko. Palibhasa, wala kasi akong maapuhap na
magandang alaala na sukat ika-miss kay nanay. Dapat ko na bang ipagpalagay na ako'y lahi rin ng baboy? Gayon ang
mga biik, hindi ba, hindi nami-miss ang kanilang baboy na ina! Pero, ha-ha, sino ang mag-aakala na ang anak ng tsuper
ay genius pala? Babasahin ko na lamang ang libro, kahit huwag nang ipaliwanag ng titser, alam ko na. Sabi ng aking
guro, gifted child daw ako. Ibinalita ko ito kay inay. Wala lang sa kanya. Kay Ate Belen, ang sabi, proud na proud siya
sa akin. Gayong kaunti na lamang ay halos magkasintangkad na kami, ako'y kinarga niyang parang isang bata,
isinayaw-sayaw, habang tuwang-tuwang sinasabi na kapagma-pagmalaki ako! Kalagitnaan ng Hulyo, nagkasakit si
Nanay. Gayong napakaalinsangan kapag tanghali, tagtuyot noon, giniginaw raw. Iminungkahi ni Ate kay Tito Boggart
na dalhin namin si Inay sa ospital. Pero sabi ni Tito Boggart ay gagaling din siya. Kaya pa raw daanin sa gamot. At
totoo nga, gumaling si Inay makalipas ang ilang araw. Pero hindi naglipat linggo, nagkasakit uli. Gaya ng dati,
malubha. Tapos, may mga butlig-butlig pang tumubo sa katawan. Sa ipinayat pati, hindi na mabakas sa kanya ang isang
panahong isa siyang tinitiliang istarlet ng pinilakang tabing. Kabigha-bighani at kasamba-samba. Pinapantasya ng mga
kalalakihan. "Makinig kang mabuti," sabi sa akin ni Ate Belen isang gabing bago kami matulog. "Lumabas sa pagsusuri
na may AIDS si Nanay." Ipinaliwanag niya kung ano ang AIDS. " Higit kailanman, ngayon tayo kailangan ni Nanay.
Ipakita natin, iparamdam natin, na mahalaga siya sa atin. Mahal natin si Inay, di ba?" Hinihingi ng sitwasyon, mas
dapat akong sumang-ayon kaysa sumalungat. Tumango ako. Pero hindi gaya ni Ate Belen, hindi kaiyak-iyak sa akin na
malamang may AIDS si Nanay. Naging matapang na siguro ako gaya ng gustong mangyari sa akin ni Tito Boggart.
Pero siyempre, nandoon pa rin ang pag-aalala. Pasusuhing biik pa lamang kami ni Ate Belen. Mamamatay kami kung
mamamatay ang aming ina. Ang sitwasyong ito ay nakapagtataka yatang hindi nakaapekto kay Tito Boggart. Dahil
hindi naman niya tunay na asawa si Inay, inasahan naming palalayasin kami sa malaking bahay. Pero hindi iyon
nangyari. Mahal ba niya talaga si Nanay? Kung pagbabasehan ang ikinikilos niyang tila nasisiyahan pa sa pagkakasakit
ni Nanay, malabong mag-conclude ng gano'n. Ang kutob ko ay siya rin kayang kutob ni Ate Belen? Grade I pa lamang
ako pero bahagi siguro ng aking pagiging gifted child na maunawaan na ang aming sitwasyon kahit ako'y nasa
napakamurang gulang pa lamang. Maganda at makinis si Ate Belen. Batam-bata at fresh. Sa isang gaya ni Tito Boggart
na nabubuhay sa mga negosyong ilegal, hindi malayong tama ang kutob ko! Nitong mga huling araw ay nakita ko nga
kay Ate Belen ang pagiging tunay na anak. Personal nitong inalagaan si Inay. Maging ang pagluluto ay hindi niya
ipinabahala sa mga kasambahay. Unti-unti, naka-recover ang aming ina. Bumalik ang dati niyang lusog. Agosto.
Nakatutulig ang katahimikang nadatnan ko sa bahay isang tanghaling kanselado ang klase dahil may bagyo. Sa salas,
wala maski isang tao. Wala si Ate Belen, wala si Nanay, wala ang mga kasambahay, wala rin si Tito Boggart. Nasa taas
kaya sila lahat? Dalawang palapag ang malaking bahay ni Tito Boggart. Sa kuwarto, wala rin si Ate Belen.
Magkakuwarto kami. Sa double deck, sa taas siya, sa baba ako. Sa kwarto nina Inay, nandon si Inay, mahimbing na
natutulog. Sa kuwarto ng mga kasambahay, tulog din sila. Bakit sila tulog? Nasaan si Ate Belen at si Tito Boggart?Sa
isang kuwarto, nagkabuhay ang kutob ko. Naroroon, pwersahang sinisipingan ni Tito Boggart si Ate Belen. Umiiyak,
nagmamakaawa ang ate ko! Diyos ko, ano ang gagawin ko? Maingat, mabilis akong bumalik sa silid nina Nanay. Sa isa
sa mga drawer doon, nakita ko minsan ang nakatagong mga baril. Kinuha ko ang isa. Ang sumunod na mga eksena ay
tila sa isang pelikulang aksyon. Bagamat magkakasya na ako sa kaunting awang ng pinto, sadyang pinagplanuhan ng
hayok na patulugin ang lahat kaya kampanteng kahit ito'y nakabukas, tinadyakan ko pa rin ang pinto. Antimanong
naagaw ko ang atensiyon ni Tito Boggart. Nakita ko ang matinding takot na bumadha sa mukha niya nang makitang
nakatutok sa kanya ang baril na hawak ko. "Aba't loko ang isang 'to, a!" Sinlakas ng kulog ang sigaw ni Tito Boggart.
"Bitiwan mo 'yan! Maiputok mo 'yan!" Noong tumayo ito at sugurin ako'y inasinta ko. Sa unang putok, buwal si Tito
Boggart. Pero buhay pa, nagmura. Isa pang putok, nagmumura pa rin. Isa pa uling putok, tumahimik na. Tili ni Inay ang
sunod na pumuno sa silid. "Bakit mo binaril ang asawa ko!?" Nilampasan ako, nilapitan niya ang nakahandusay na si
Tito Boggart. Paluhod, niyakap niya ang "asawa". Maya-maya, pinulsuhan. Umiling. Saka nagmura. "'Tang ina mo!
Wala kang utang na loob, napatay mo si Boggart!" Noon ko lamang ganap na natanggap, baboy nga ang aming ina!
Kulang pa ba sa kanya ang naratnang kahubdan ni Ate Belen, wala halos malay, duguan ang puting kubre-kama, upang
ang hilaw na asawa pa ang kampihan? "Wala kang kwentang ina! E, ginagahasa niya ang ate ko, e!" "Inakit lamang siya
ng malandi mong ate!" Tumayo, humakbang palapit sa akin si Nanay. Nag-aapoy ang poot sa kanyang mga mata.
Itinutok ko sa kanya ang baril. Isa. Dalawa. Tatlo. Hindi ko kayang kalabitin. Inagaw nito sa akin ang baril. Tumalsik
ako sa lakas ng kanyang sampal. "Mga walang hiya kayo! Papatayin ko rin kayo!" Itinutok niya ang baril kay Ate
Belen. Pumutok. Pero hindi tinamaan si Ate. Sinugod ni Ate si Inay. Sumugod din ako. Nag-agawan kami sa baril.
Bang! Bang! Duguang bumagsak malapit kay Tito Boggart si Inay. Niyakap ako ni Ate Belen. Mahigpit. Matagal.
Nanginginig siya nang sabihing ligtas na raw kami. Kinahapunan, isa sa ulo ng mga balita sa telebisyon ang kamatayan
ni Inay. Pero iba ang istorya: Matapos barilin ang kanyang live-in partner, nagbaril din ng sarili ang isang dating sikat
na artista. Pambababae ng kinakasama ang anggulong nasisilip ng pulisya kaya niya iyon nagawa. Natulig ako sa
kataimtiman ng tahimik na pagluha ni Ate noong ibalik sa bahay ang mga bangkay. Nang maipuwesto, inakay ako niya
palapit sa mga iyon. "Humingi ka sa kanila ng tawad!" Matigas ako. "Ayoko, ate!" Inulit niya. "Ate, please… hindi ko
maatim." Saglit na nagdigma ang aming mga titig. "Inay, Tito Boggart, patawad po! May you rest in peace!" Dalawang
patak ng ligaw na luha ang sumungaw sa aking mga mata. Kasabay niyon ang pagkislap ng liwanag mula sa camera ng
isa sa mga naroong reporter. Kinabukasan, iyon ding balitang iyon ang laman ng mga peryodiko. Sa kalakip na larawan,
nandoon kami ni Ate Belen. Tila mga basang sisiw, lumuluhang nakatanghod sa aming mga namayapa. Pagkatapos ng
libing, sabi ni Ate Belen, ay uuwi raw kami sa probinsiya. Sa bayan nina Inay, sa Naguilian, La Union. Inulit niya,
ligtas na raw kami!
Kwento ng katatakutan
ANG KUTSERO

Si Mang Turing ay kutsero sa isang liblib na baryo sa Quezon. Isang araw ay naging labis na abala siya dahil sa dami
ng inihatid ng kanyang karitela. Sobrang layo ng huli niyang pasahero at maghahatinggabi na nang sinimulang niyang
umuwi. Mabuti na lamang ay bilog ang buwan at walang kaula-ulap ang kalangitan kaya hindi siya nahirapang makita
ang daan. Bagama’t pagod na pagod na siya at ang kanyang kabayo ay natutuwa si Mang Turing dahil malaki ang
kanyang kinita nung araw na iyon. Matapos tumawid sa isang makitid na tulay ay naaninag niya sa gilid ng daan ang
isang itim na hayop na tila kakaiba ang pagkakatayo. Lalo pa siyang nagulat nang pahintuin ng nasabing hayop ang
karitela. Nakita ni Mang Turing na ang hayop ay isang itim na aso at ito ay nakatayo na animo ay tao! Sa labis na
pagkabigla ay hindi nakapagsalita ang kutsero. Parang tao namang umakyat ang aso sa karitela at naupo sa likuran ni
Mang Turing. “Mamang Kutsero, pakihatid nga po ako sa sementeryo,” wika ng aso. Hindi makapaniwala si Mang
Turing at kahit labis ang pagkatulala ay nakuha niyang ihatid sa sementeryo ang kakaibang pasahero. “Dito na lang po,
Mamang Kutsero,” sabi ng asong itim. At bago pa ito bumaba, “Eto po ang bayad ko.” Wala pa sa wastong pag-iisip na
sinundan ng tingin ng kutsero ang asong bumaba hanggang sa ito ay maglaho na sa kanyang paningin. Nakatigil pa rin
ang karitela sa harapan ng sementeryo nang mahimasmasan ang kutsero. “Nakakakilabot!!! Aso?!?! Nagsasalita?!?!”
tanong ni Mang Turing sa sarili. Nilingon siya ng kanyang kabayo. “Hoy, Turing, kanina pa ako kinikilabutan, ha? Pag
hindi pa tayo umalis dito, sisipain na kita diyan!” sagot ng kabayo.
Kwento ng sikolohiko
ANG MATSING AT ANG PAGONG
Sina Pagong at Matsing ay matalik na magkaibigan. Mabait at matulungin si Pagong, subalit si Matsing ay tuso at
palabiro. Isang araw sila ay binigyan ni Aling Muning ng isang supot ng pansit. "Halika Matsing, kainin natin ang
pansit" nag-aayang sabi ni Pagong "Naku baka panis na yan"sabi ni Matsing "Ang nabuti pa, hayaan mo muna akong
kumain n'yan para masiguro natin na walang lason ang pagkain" dagdag pa nito. "Hindi naman amoy panis Matsing
at saka Hindi naman magbibigay ng panis na pagkain si Aling Muning" sabi ni Pagong "Kahit na, ako muna ang
kakain" pagmamatigas ni Matsing. Walang nagawa ang kawawang Pagong kundi pagbigyan ang makulit na kaibigan.
Naubos ni Matsing ang pansit at walang natira para kay Pagong. "Pasensya ka na kaibigan, napasarap ang kain ko ng
pansit kaya wala ng natira. Sa susunod ka na lang kumain" paliwanag ng tusong matsing. Dahil sa likas na mabait at
pasensyoso si Pagong, Hindi na siya nakipagtalo sa kaibigan. Sa kanilang paglilibot sa kagubatan, nakakita si Pagong
ng isang puno ng saging. "Matsing! Matsing! tignan mo ang puno ng saging na ito. Maganda ang pagkakatubo. Gusto
ko itong itanim sa aking bakuran para pag nagkabunga ay makakain natin ito" masayang sabi ni Pagong "Gusto ko
rin ng saging na 'yan Pagong, ibigay mo na lang sa akin"sabi ni Matsing "Pasensya ka na, gusto ko rin kasi nito.Kung
gusto mo hatiin na lang natin." "Hahatiin? O sige pero sa akin ang itaas na bahagi. Ung parte na may mga dahon ha?"
nakangising sabi ni Matsing "Ha? sa akin ang ibabang bahagi?tanong ni Pagong "Oo, wala akong panahon para
magpatubo pa ng dahon ng saging kaya sa akin na lang ang itaas na parte"sabi ni Matsing Umuwing malungkot si
Pagong dala ang kalahating bahagi ng saging na may ugat. Samantalang si Matsing ay masayang umuwi dala ang
madahon na bahagi ng puno. Inalagaan ni Pagong ang kanyang halaman. Araw-araw dinidiligan niya ito at nilalagyan
ng pataba ang lupa. Ganoon din ang ginawa ni Matsing. Subalit makalipas ang isang linggo, nalanta ang tanim na
saging ni Matsing. Si Pagong naman ay natuwa nang makita ang umuusbong na dahon sa puno ng saging. Lalo nitong
inalaagaan ang tanim hanggang sa mamunga ito nang hitik na hitik. Nainggit si Matsing nang makita ang bunga ng
saging sa halaman ni Pagong. "Aba, nagkabunga ang tanim mo. Paano nangyari iyon? Ang aking tanim ay nalanta at
natuyo"sabi ni Matsing "Inalagaan ko kasi ito ng mabuti. Sabi ni Mang Islaw Kalabaw, malaki ang pag-asang tutubo
ang bahagi ng halaman na pinutol kung ito ay may ugat" paliwanag ni Pagong "hmp kaya pala nalanta ang aking
tanim"nanggigil na sambit ni Matsing "Mukhang hinog na ang mga bunga nito. Halika, kunin natin" anyaya nito

"Gusto ko sana kaya lang masyadong mataas ang mga bunga. Hindi ko kayang akyatin."sabi ni Pagong "Kung gusto
mo, ako na lang ang aakyat, ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga bunga. Basta't bigyan mo lang ako ng konti para sa
aking meryenda" sabi ni Matsing Pumayag si Pagong sa alok ni Matsing. Subalit nang makarating na si Matsing sa
taas ng puno. Kinain niya lahat ng bunga ng puno. Wala itong itinira para kay Pagong. "Akin na lahat ito Pagong.
Gutom na gutom na ako. Kulang pa ito para sa akin. Hahaha!" tuwang-tuwang sabi ni Matsing Nanatili sa itaas ng
puno si Matsing at nakatulog sa sobrang kabusugan. Galit na galit si Pagong sa ginawa ni Matsing. Habang natutulog
ito, naglagay siya ng mga tinik sa ilalim ng puno. Nang magising si Matsing ay nakita niya ang mga tinik kaya't
humingi ito ng tulong kay Pagong. "Pagong, tulungan mo ako! Alisin mo ang mga tinik na ito. Malapit ng dumilim at
mukhang uulan ng malakas"pagmamakaawa ni Matsing "Ayoko! Napakasalbahe mo. Lagi mo na lang akong
iniisahan! Aalis muna ako. mukhang malakas ang ulan. Sa bahay ni Aling Muning muna ako habang umuulan." sabi ni
Pagong sabay alis papunta sa bahay ni Aling Muning Makalipas ang ilang sandali, nagsimulang bumuhos ang malakas
na ulan. Walang nagawa si Matsing kundi bumaba sa puno ng saging. "Arrrraayyy! Aaaarayy! natutusok ako sa mga
tinik Arrrrrrrrruuyyyyyy!!!!" daing ng tusong matsing "Humanda ka bukas Pagong. Gaganti ako sa ginawa mo sa
akin"bulong nito sa sarili Kinabukasan, kahit mahapdi pa rin ang mga sugat ni Matsing, ay hinanap niya si Pagong.
Nakita niya itong naglalakad sa may kakahuyan. "Hoy Pagong humanda ka ngayon!" galit na sabi ni Matsing sabay
huli sa pagong. "Anong gagawin mo sa akin?" takot na tanong ni Pagong "Tatadtarin kita ng pinong pino"sabi ni
Matsing Nag-isip ng paraan si Pagong para maisahan ang tusong matsing. "Oo sige tadtarin mo ako ng pinong-pino at
pagjputol putullin nang sa gayon ako ay dadami at susugurin ka namin ng mga parte ng katawan kong pinutol mo
hahaha"sabi ni Pagong Nag-isip ng malalin si Matsing "Haha, susunugin na lang kita hanggang sa maging abo ka" sabi
ni Matsing "Hindi ka ba nag-iisip Matsing? Hindi kami tinatablan ng apoy! Nakikita mo ba ang makapal at matibay
kong bahay? Kahit ang pinakamatinding apoy ay walang panama dito" pagyayabang ni Pagong Nag-isip na naman ng
malalim si Matsing. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa dalampasigan. "Tignan natin kung saan ang tapang mo.
Itatapon kita dito sa dalampasigan hanggang sa malunod ka! Hahaha!" sabi ni Matsing Lihim na natuwa si Pagong.
Nagpanggap itong takot sa dalampasigan. "Naku huwag mo akong itatapon sa dalampasigan. Takot ako sa tubig at
Hindi ako marunong lumangoy. Parang awa mo na..." pagmamakaawa ni Pagong Tuwang-tuwa si Matsing sa
pagaakalang magagantihan na niya si Pagong. Todo lakas niya itong itinapon sa dalampasigan. Nagulat ito nang
makitang marunong lumangoy si Pagong. Ang bilis-bilis ng pagkilos ni Pagong sa tubig. Kung mabagal ito sa lupa, ay
parang ang gaan ng katawan nito sa tubig.
"Hahaha. Naisahan din kita Matsing. Hindi mo ba alam na gustong-gusto ko ang lumagoy sa dalampasigan at
magbabad sa tubig? Salamat kaibigan!!! natutuwang sabi ni Pagong
Malungkot na umuwi si Matsing. Naisip niya na napakasakit pala na maisahan ng isang kaibigan. Naramdaman niya
kung paano masaktan kapag naloloko ng isang kaibigan.
Mula noon nagbago na si Matsing. Hindi na sila muling nagkita ni Pagong.
Sabi nga:
Tuso man ang matsing, naiisahan din
Kwento ng madulang pangyayari
ANG ALAMAT NG SUMPA
Ito ang maikling buod ng sumpa kung saan nagsimula ang lahat. Ang sumpa na sumira sa balanse at daloy ng ating
panahon. Kung kaya naging tulog kahit ang gising. At iilan na lamang ang panakanakang bumabangon. Naging lalong
mabisa ang sumpa sa paglipas ng panahon. Kung kaya iilan na lamang ang nakakaalam na noon, ang gising ay gising
at ang tulog ay tulog. Marami ngayon ang tulog. Kaya nakapanlalamang ang mga nagtutulug-tulugan. Silang mga
nakipagsabwatan sa tagapangalaga sa mga lihim ng sumpa. Dahil sa sitwasyong ito, tayo ay iniluwal sa mundo ng mga
tulog. Kaya walang ibang itinuro sa atin kundi ang pumikit. Kaya iyon din ang aking natutunan. Ito ang dahilan kung
bakit dalawang dekada akong tulog. Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa atin ngayon ay tulog pa rin. Isang
mahabang kwento kung paano nawalan ng bisa ang sumpa sa akin. Kung paano ko nalaman ang kaibhan ng tulog sa
gising. Kung paano ko napagtantong marami sa atin ang nahihimbing hanggang ngayon sa ilalim ng sumpa. Nagising
ako sa gitna ng bangungot. Malagim na bangungot. Bangungot na nagtutulak sa karamihan sa henerasyong ito na
mangibang-bayan. Bangungot na pumaparalisa sa kilos ng ibang namulat na ang mata subalit natatakot pa rin sa
sumpa kaya ayaw bumangon. Subalit may ibang gising na gising na at tiniklop na ang kanilang mga higaan. Silang mga
namulat sa kahungkagan at kabulaanan ng sumpa. Silang mga nakaaalam na ang sumpa ay walang bisa sa mga taong
tunay na gising. Silang mga walang mukha at pangalan na nanggigising sa mga tulog. Silang mga umalohokan na
nagdadala ng mensahe ng katubusan mula sa sumpa. Silang mga nakauunawa na tanging mga gising ang nakakakita
ng mga pangitain. Silang may apoy sa dibdib. Silang gumagalaw sa ilalim ng lupa kasama ang nakakubling dragon.
Silang gumagapang sa ibabaw ng lupa at nakikipagpatintero sa mga buwitre. Ngayong ako ay gising na, maglalakbay
ako sa panahon. Dahil katulad ng ibang gising at kumikilos, nais kong maibalik ang balanse at daloy ng panahon sa
nararapat nitong pag-inog. Iyong panahong ang gising ay gising at ang tulog ay pisikal na pagpikit ng mata lamang.
Iyong panahong ang mga pangitain ay hindi ang pambubulahaw ng mga bulaang propeta at sugo. Sa panahon natin
ngayon, hindi sapat na mamulat dapat bumangon. Hindi sapat na bumangon dapat kumilos. Hindi sapat na kumilos
dapat magmulat. Hindi sapat na kumilos at magmulat. Dapat kumilos at magmulat nang puspusan.
Kwento ng katutubong kulay
TATA SELO
Ang kwentong Tata Selo ay patungkol sa isang matanda na hinangad lamang na makapagsaka sa kanilang lupa na
naibenta dahil sa nagkasakit ang kanyang asawa. Nais ni Tata Selo na mapabalik ang lupa nila sa kanila pero dahil sa
kawalan ng pera hindi na ito napabalik sa kanila kaya nakiusap na lang sya kay Kabesa Tano na sya na lang ang
magsaka sa kanyang lupa. Hanggang isang araw na habang nagsasaka si Tata Selo kinausap sya ni Kabesa Tano na
umalis na sa sinasaka nyang lupa dahil may iba ng magsasaka noon. Nakiusap si Tata Selo ngunit hindi sya
pinakinggan ni Kabesa Tano kaya nagawang tagain ni Tata Selo si Kabesa Tano na syang ikinamatay nito. Kaya
nakulong si Tata Selo. Nagsimula ang kwento sa Istaked na kung saan pinagkakaguluhan ng mga tao si Tata Selo sa
kadahilanang napatay nito ang Kabesang Tano na nagmamay-ari ng lupang sinasakahan ni Tata Selo, na ayon sa
kanya ay pag-aari niya noon subalit naisanla niya at naembargo. Nataga at napatay ni Tata Selo ang Kabesa sa
kadahilanang pinaalis ito sa kanyang lupang sinasakahan subalit tumanggi at pinagpilitan ni Tata Selo na malakas pa
siya at kaya pa niyang magsaka, subalit tinungkod ito ng tinungkod ng Kabesa sa noo paliwanag ni Tata Selo sa
binatang anak ng pinakamayamang propitaryo, sa Alkalde at maging sa Hepe na nagmalupit sa kanya sa loob ng
istaked na pawang mga kilala ng Kabesa. Nang makalawang araw, dumalaw ang anak niyang si Saling na dati'y
nakatira at nanilbihan sa Kabesa, subalit umuwi ito sa kadahilanang nagkasakit ito makalawang araw bago ang
insindente, Nakakahabag si Tata Selo nang maisipan nalang nitong pauwiin si Saling sa kadahilang wala na silang
magagawa, pinatawag si Saling nang Alkalde sa kaniyang tanggapan at pinuntahan niya iyon at hindi nakinig sa ama
nito, dumating muli ang bata na dumalaw sa kanya at inutusan upang pumunta sa tanggapan ng alkalde subalit hindi
ito papasukin pahayag ng bata, Hindi ito inalintana ni Tata Selo at sinabi nalang nito na "inagaw sa kanya ang lahat".

You might also like