You are on page 1of 3

MAMANWA

LOKASYON
Matatagpuan ang mga Mamanwa sa kabundukan ng Agusan de Norte, Surigao del Norte,
Surigao del Sur, Panaoan Island at Southern Leyte. Kayumanggi ang kanilang mga balat,
pandak, kulot ang buhok, pango ang mga ilong at maiitim ang mga mata.
Isa ang mga Mamanwa sa pinakamatandang tribo na kasalukuyan pa ring nabubuhay sa bansang
Pilipinas. Magkapareha sila ng pisikal na katangian sa mga Negritos. Kilala rin sila bilang
Mamanwa Negritos at pinaniniwalaan na sila ay nanggaling sa angkan ng mga orihinal na
naninirahan sa Pilipinas.
PINAGMULAN NG KATAWAGANG “MAMANWA”
Nangangahulugang “First Forest Dwellers” ang salitang Mamanwa na kung saan ang ibig
sabihin ng “man” ay first at ang “banwa” naman ay forest. Ngunit sila ay mas kilala sa
katawagang “Kongking” dahil sa kanilang kulot na buhok.
DIYALEKTO
Hanggang sa kasalukuyan, ginagamit pa rin ng mga Mamanwa ang kanilang diyalekto sa
pakikipagusap sa kanilang katribo bagaman ang karamihan sa kanila ay alam na rin kung paano
makipagusap gamit ang diyalekto ng mga tao na naninirahan sa ibaba ng bundok. Napapaligiran
ang diyalektong Mamanwa ng diyalektong Surigaonon sa hilaga at silangan, halong
Surigaonon at Sebwano sa kanluran, Butuanon sa timog kanluran, at Bislig Kamayo naman sa
timog silangan.
MGA MAMANWA SA PALALIHAN, SURIGAO DEL NORTE
Nakagrupo sa dalawa ang mga Mamanwa na kasalukuyang naninirahan sa Palalihan, Surigao del
Norte: Sa itaas na bahagi makikita ang mga angkan ng orihinal na mamanwa sa Palalihan at sa
ibabang parte naman matatagpuan ang mga migranteng Mamanwa na nanggaling sa Linaguran.
Lumipat sila sa Palalihan dahil sa dalawang dahilan: (1) Nahihirapan silang dalhin ang kanilang
produkto galing sa Linaguran patungong pamilihan. (2) Presensiya ng mga NPA sa Linaguran at
maaaring mapagkamalan ng mga sundalo ang kanilang tribo na kabilang sa kanila.
Hindi naging solusyon ang paglipat nila sa Palalihan para gumaan ang kanilang pamumuhay.
Imbis na sila ay magsaka at mananim, naging tagapagkolekta at lumilikom lang sila ng mga
pananim na pwede nilang makain. Katulad ng mga Mamanwang naninirahan sa itaas na bahagi,
pinipilit nilang umangkop sa mga pagbabagong nagaganap sa kanilang pamumuhay dulot ng
pagtotroso at pagmimina ng mga malalaking kompanya sa kanilang lugar.
HANAPBUHAY NG MGA MAMANWA
Sila ay naghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga rattan at pagbebenta nito sa
pamilihan. Ngunit nang dahil sa unti-unting pagkaubos ng mga puno sa kagubatan dulot ng
pagtotroso at pagmimina, ang kanilang pinagkukunan sa kanilang produkto ay unti-unti na ring
nauubos. Kinakailangan nilang maglakbay ng dalawang oras o higit pa patungo sa sitio Igang
para kumuha ng kanilang pangangailangan para makagawa ng kanilang produkto. Matatagpuan
doon ang iba’t ibang uri ng rattan, ito ang uliti, pajiti, pijag, mangigang, kuyapi, payaan at hijud.
Noon pa man, alam na ng mga mamanwa kung paano ang magsaka. Hindi nila ito natutunan sa
mga dayuhan ni sa mga Manobo. Bagaman, ang kanilang paraan sa pagsasaka ay
nangangailangan ng kanilang paglipat-lipat sa iba’t ibang lugar upang mabuhay muli at maging
masustansya ang lupa. Natutunan lang ng mga Mamanwa na magsaka sa maputik na lupain dahil
sa mga dayuhan. Sa kasalukuyan, hindi na makikita ang mga Mamanwa na palipat-lipat dahil
okupado na halos lahat ng kanilang lupain ng mga dayuhan.
Nangongolekta ang kanilang tribo ng rattan poles, orchids, kamote, patatas, mani at pulut-
pukyutan. Gumagamit sila ng iba’t ibang bitag at paraan sa pangangaso. Tumitindi ang kanilang
pangangaso tuwing tag-ulan, ito ay mula buwan ng nobyembre hanggang abril. Sa kagubatan,
gumagawa sila ng bitag na tinatawag nilang bayatik at gahong upang makahuli sila ng mga
hayop gaya ng usa, baboy ramo, bayawak, igwana, unggoy, at malalaking ibon.
Dahil sa pagunlad ng industriya sa kanilang lugar, napilitan ang mga mamanwa na lumipat ng
matitirhan. Bagaman, patuloy pa rin nilang ginagawa ang kanilang kultura’t tradisyon. Subalit,
ilan sa mga ito ay unti-unti nang nawawala, halimbawa nito’y ang kanilang pangangaso gamit
ang pana.
PAMUMUNO
Ang pamumuno sa kanilang tribo ay nakaayon sa pinakamatannda at pinakarespetadong lalaki ng
kanilang komunidad. Ang katungkulang ito ay hindi pwedeng ipasa o manahin ng kanilang
pamilya. Ang sistemang politikal ng mga mamanwa ay nakabatay sa kanilang nakakatanda na
kung saan sila ang kumukontrol ng kanilang batas at nagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa
kanilang tribo.
PANINIWALA NG MGA MAMANWA
Ang mga mamanwa ay naniniwala rin kay Magbabaya bilang diyos na nagbibigay ng kanilang
mga pangangailangan. Nirerespeto nila ang mga bagay at lugar kagaya ng araw, buwan, mga
bituin, malalaking bato, bundok, ilog, karagatan at lawa. Lahat ng nagbibigay sa kanila ng
kaluwagan at pagkain ay pinaniniwalaan nilang kinakailangang irespeto. Naniniwala ang mga
Mamanwa sa mga espirito at hindi nakikitang mga nilalang na naninirahan at pumuprotekta sa
mga elemento ng kanilang kapaligiran. Kinakailangan nila itong irespeto dahil kapag hindi ay
bibigyan sila nito ng kaparusahan.
SOURCES

Understanding the Lumad (A closer look at a Misunderstood Culture)


Linguistic Society of the Philippines/Summer Institute of Linguistics. Mamanwa Texts. Pacific and Asian Language Databank.
1991. Peoples of the Philippines
Kulturang Karaga
Published by Department of Education, Culture and Sports Caraga
Village Institutions and Rituals of the Mamanwas and its Development Implications by Retsy T. Malong (Surigao del Sur State
University - Tandag City, Philippines)

You might also like