You are on page 1of 1

Sa ating tagapagdaloy ng palatuntunan, aming kapitapitagang direktor Ginang.

Elizabeth R. Camara, ang ating punong tagapamahala ng Senior High School Ginoong Jerome
Villanueva, ang ating koordineytor ng ating buwan ng wika Ginoong Chriatian Bragas, mga
kapwa ko guro, mga bisita, at mga minamahal naming mga mag-aaral, isang napakagandang
hapon.
"Filipino: Wika ng Saliksik" ito ang tema para sa ating buwan ng wika. Ang tema ay
kumikilala sa wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang
karunungan at kaunlaran. Sa pamamagitan ng tema, layon ng Komisyon ng Wikang Filipino
na palaganapin ang wikang Filipino sa iba't ibang larang ng karunungan.
Huwag lamamng nating itali sa paimbabaw na pagpapahayag ng pagmamahal sa wika
ang ating pagdiriwang. Bagkus gamitin natin ang wikang Filipino bilang wika ng karunungan.
Kailangang-kailangan natin ito lalo na sa panahon ng paghahanap sa katuturan ng
paglaganap ng fake news. Kailangan ang kasanayan sa pananaliksik para makapag-desisyon
ang taumbayan, lalo ang mga kabataan kung totoo o hindi ang mga balita at mismong
saliksik na nababasa nila, mula sa mga aklat hanggang sa social media.
Sa larangan ng politikal na aspeto kung ang wika ng batas ay hindi naiintindihan ng
bayan, mananatiling nasa kamay ng elite ang batas at batasan. Kung gagamitin lang natin ang
Filipino para ipagparangalan ang sarili nating kultura at pagkakakilanlan, hungkag ito at
walang silbi sa gitna ng hikahos.
Dito papasok ang saliksik. Kailangan magamit ang wikang Filipino sa pagtimbang sa
mga katotohanan at sa pagdudukal ng mga bagong karunungan. Mabubulok ang wika kung
hindi ito maglalaman ng karunungan na magagamit ng bayan. At magkakalaman lamang ang
wika kung gagamitin ito sa saliksik sa iba’t ibang larang.
Sa huli, dapat din nating ipaalala na hindi uunlad ang Filipino kung hindi sabay na
uunlad ang iba pa nating mga wika. Kailangan na nating tanggapin ang malaon nang
katotohanan na multi-lingual ang karakter ng lipunang Filipino. Kaya tantanan na ang away
laban sa Filipino sa diyalekto at Filipino sa Ingles.
Ang totoo, kung HINDI natin maiaangat ang mismong Filipino bilang wika ng
karunungan at saliksik, paano natin magagawang wika ng karunungan at saliksik ang
Cebuano, Ilocano, Waray, Pangasinan, o Kapampangan?
Yakapin ang iba pa nating mga wika at tiyakin na yayabong ito kasabay ng pambansang
wika. Ang saliksik sa Filipino ay dapat hindi lamang masentro sa mga itinuturing nating
“pambansa” kundi sa mismong mga lokal na dalumat, kultura, at wika ng komunidad dahil
hindi mabubuo ang bansa kung wala ang ating maliliit na mga pamayanan.
Hindi lamang ito panahon ng mga palabas, kundi panahon ng pag-iisip at paglilimi.
Namnamin natin ang mensahe ng dating pangulong Benigno Aquino III "Learn English and
connect to the world; Learn Filipino well and connect to your country; Retain your mother
tongue to connect to your heritage." Mabuhay tayong lahat, mabuhay ang ating mga
diyalekto, at mabuhay ang wikang Filipino bilang wika ng Pananaliksik.

You might also like