You are on page 1of 11

CALBIGA WESTERN SAMAR COLLEGE

Polangi, Calbiga, Samar

Literatura 20: Panitikan ng mga


Umuunlad na Bansa
Modyul Blg. IV (FINALS)

Unang Semestre, A.T. 2020-2021

Pangalan ng Mag-aaral

JERO B. CABRAL, LPT


Dalubturo
Literatura 20: Panitikan ng mga Umuunlad na Bansa

Modyul Blg. IV

I. Mga Layunin:
a. Mas napapaunlad ang kaalaman at kasanayan sa pag-aaral ng panitikan.
b. Naipapakilala ang mga kilalang produkto ng mabubuting kaisipan ng mga
dayuhan sa pamamagitan ng kanilang panitikan.
c. Naipararating sa mga estudyanteng Pilipino ang mga mahahalagang bagay na
bunga ng kanilang kultura at kung paanong ang mga ito ay magiging kapaki-
pakinabang sa sariling bansa.

II. Panimulang Pagsusulit: (Ang panimulang pagsusulit ay nasa hiwalay na papel,


makinig sa panuto ng dalubturo tungkol dito.)

III. Introduksyon:
Sa mga nakaraang asignaturang espesyalisado ay napag-aralan na ang kahulugan
at iba’t ibang uri ng panitikan. Mistulang nalibot na natin ang Pilipinas at nalaman natin ang
kultura ng bawat lugar sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng kanilang mga akdang
pampanitikan. Mga akdang bunga ng mabuting kaisipan ng mga dakilang manunulat na sa
kasalukuyan ay pinapahalagahan natin. Sa Luzon, Visayas at Mindanao man ay marami ang
pagpipilian nating maaaring basahin sa ating buong buhay.
Iba’t ibang paksa ang tinahak ng bawat manunulat at ang bawat isa ay
sumasalamin sa kultura ng kanya-kanyang lugar. Naipapakita ang mga tradisyon at
paniniwala ng mga tao sa isang lugar. Naikukuwento ang mga pangyayaring may
kahalagahan sa kasalukuyan at sa hinaharap. Hindi lang hinuhubog ng panitikan ang ugali
ng tao. Kasama ring hinuhubog ng panitikan ang ating kultura na magiging daan tungo sa
mas mabuting kinabukasan para sa lahat ng mamayan.
Bilang isang nagpapakadalubhasa sa wika, mahalaga ring pag-aralan ang kultura.
Dahil kakambal ng wika ang kultura. Wika ang nagiging dahilan ng paglaganap ng kultura.
Sa mga nakaraang taon ay unti-unti nating kinilala ang kultura ng Pilipinas sa pamamagitan
ng mga aralin sa mga espesyalisadong mga asignatura. Ngayon nama’y kukuha tayo ng
kaalaman patungkol sa kultura ng ibang bansa. Sisimulan natin ang paglalakbay.

IV. Nilalaman:

Ang Bansang Malaysia

Ang Watawat ng Malaysia

Kabisera: Kuala Lumpur


Uri ng Gobyerno: constitutional monarchy
Mga tanim: palm, oil , cocoa, coconut, rice rubber
Industriya: tin mining and smelting, electronics, rubber
Mamamayan: malaysian
Wika: bahasa, melayu
Relihiyon: Buddhism, Christian, Hinduism

Ang Malaysia /ma·ley·sya/ (Malay: Malaysia, bigkas: /məˈleɪʒə/ o /məˈleɪziə/) ay


isang bansang binubuo ng labintatlong mga estado at tatlong teritoryong federal sa
Timog Silangang Asya na may kabuuang sukat ng lupa na 329 847 kilometro
kuwadrado. Kuala Lumpur ang kabiserang lungsod nito, samantalang ang
Putrajaya naman ang sentro ng pamahalaang federal. Ang populasyon ng bansa ay
umaabot sa mahigit 25 milyon. Ang bansa ay nahahati ng Dagat Timog Tsina sa
dalawang magkahiwalay na rehiyon.—ang Tangway ng Malaysia at ang Silangang
Malaysia. Kahangganan ng Malaysia ang mga bansang Thailand, Indonesia, Singapore.
Brunei at Pilipinas. Ang bansa ay malapit sa ekwador at nakakatamasa ng klimang
tropikal. Ang pinuno ng estado ay ang Yang di-Pertuan Agong (na kadalasang
tinutukoy bilang 'ang Hari' o 'ang Agong') at ang pamahalaan ay pinamumunuan ng
isang punong ministro. Ang pamahalaan ay kahalintulad nang bahagya o ibinatay sa
sistemang parliyamentaryo ng Westminster.

Kasaysayan
Nagkaroon na ng patunay ng pagkakaroon ng mga pamayanan sa Malaysia.
Humihigit-kumulang ang simula ng kasaysayan ng Malaysia ay 40,000 taon makalipas.
Pinaniniwalaang ang mga unang tumira sa tangway ay mga Negrito. Nakisalamuha
ang mga taga-Malaysia sa mga taga-India at Tsina, na patuloy na nagpalaganap sa kani-
kanilang kultura. Lumaganap ang Islam sa Malaysia sa pagdating ng mga Arabong
mangangalakal na tumulong sa bahaginan ng kultura. Nakalaya ang Malaysia mula sa
Britanya noong 1957, at tuluyang lumabas ang Singapura mula sa sakop ng Kalipunan
noong 1965.

Pinanggalingan ng Salita
Ang pangalang "Malaysia" ay ginamit noong 1963 nang ang Kalipunan ng Malaya,
Singapura, Hilagang Borneo at Sarawak ay bumuo ng isang pederasyong may 14 na
estado. Subalit bago mabuo ang pederasyon, ang pangalang ito ay madalang na ginamit
upang tukuyin ang mga pook sa Timog Silangang Asya. Isang mapa ang inilathala
noong 1914 sa Chicago na may nakatalang salitang Malaysia ang nagsasabi sa ilang mga
teritoryo sa loob ng Arkipelago ng Malay. Minsan rin naisip ng Pilipinas na gamitin ng
kanilang bansa ang pangalang "Malaysia", subalit ginamit na ito ng Malaysia noong
1963 bago man gawan ito ng hakbang Pilipinas. Ang iba pang pangalang naisip noong
1963 ay ang Langkasuka, na hango sa dating kaharian na sa hilagaang bahagi ng
Tangway ng Malay noong unang sanglibong taon.

Paghahating Pampolitika
Ang Malaysia ay binubuo ng 13 bansa (negeri) (Johor, Kedah, Kelantan, Melaka,
Negeri Sembilan, Pahang, Penang, Perak, Perlis, Sarawak, Sabah, at Terengganu), at 3
teritoryong pederal (Kuala Lumpur, Labuan, at Putrajaya).

Demograpiya
Ang populasyon ng Malaysia ay binubuo ng maraming lahi, na ang lahing Malay at
iba pang katutubo (bumiputra) sa Sabah at Sarawak ang bumubuo ng may 65% ng
buong populasyon. Nakabatay sa Saligang Batas na ang mga Malay ay mga Muslim na
nakasayanan sa kaugalian at kulturang Malay. Kaya ang isang Muslim ng kahit anong
lahi na nakasanayan sa kaugalian at kalinangang Malay ay maituturing na isang Malay at
may pantay-pantay na karapatan pagdating sa karapatang Malay na nakabatay sa
saligang batas. Mga pangkat na katutubo ngunit hindi Malay ay bumubuo ng mahigit sa
kalahati ng populasyon ng Sarawak (30% ay mga Iban), at nasa 60% ng populasyon ng
Sabah (18% ang mga Kadazan-Dusun, at 17% naman ang mga Bajau). Mayroon ding
iba pang grupong katutubo sa kanlurang bahagi ng bansa, na ang tawag sa kanila ay
"Orang Asli". Ang mga Tsino ay nasa 26% ng populasyon, samantalang ang mga
Indiyan ay nasa 8%. Ang karamihan sa mga Indio ay Tamil.

Pananampalataya
Islam ang opisyal na relihiyon ng Malaysia bagaman ang bansa ay may maraming
relihiyon. Ayon sa Population and Housing Census ng taong 2000, humigit-kumulang
na 60.4 porsyento ng populasyon ay sinasampalatayanan ang relihiyong Islam;
Budismo na may 19.2 porsyento; Kristiyanismo na may 9.1 porsyento; Hinduismo na
6.3 percent; at tradisyonal na relihiyong Tsino (2.6%). Ang nalalabing 2 porsyento ay
naitala sa ibang pananampalataya, kasama na ang Animismo at Sikhismo.
Ang Saligang Batas ng Malaysia ay tumitiyak ng kalayaan sa pananampalataya,
ngunit ito ay hinihigpitan sa kasalukuyan. Lahat ng etnikong Malay ay Muslim ayon na
rin sa Saligang Batas ng Malaysia. Idagdag pa ang lahat ng mga hindi Muslim na nag-
asawa sa isang Muslim ay kailangang itakwil ang kanilang kinaaanibang relihiyon at
lumipat sa relihiyong Islam. Kapag ang isang tao ay naging Muslim, hindi na siya
puwedeng itakwil ang relihiyong Islam at lumipat sa ibang pananampalataya. Samantala
ang mga hindi Muslim ay nakakaranas ng pagbabawal sa ibang gawain tulad ng pagtayo
ng gusaling panrelihiyon at pagdaos ng kaganapang panrelihiyon sa ibang bahagi ng
bansa. Ang mga Muslim ay inoobligahang sundin ang mga pasya ng hukumang Sharia
pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang relihiyon. Ang sakop ng
hukumang Sharia ay umaaplika lamang sa mga Muslim ukol sa bagay na may kinalaman
sa pananampalataya at mga tungkulin bilang isang Muslim, kasama ang pag-aasawa,
pamana, pagtalikod sa pananampalataya at iba pa. Hindi saklaw ng hukumang Sharia
ang kasong kriminal.

Ang Panitikan ng Malaysia


Sinasabing nagsimula ang modernong panitikang Malay sa mga hikayat, isang
akdang romantiko sa tuluyan. Isa sa mga pangunahing impluwensiya sa pag-unlad ng
modernong kathang Malay ang mga panulat ni Abdullah bin Abdul Kadir Munshi
(1797-1856). Sa kanyang paglalakbay sa arkipelagong Malay, itinala niya ang kanyang
mga personal na obserbasyon at kritisismo ukol sa tradisyonal at kontemporaryong
lipunang Malay. Ang pinagsamang indibidwalismo at realismo sa panulat ni Abdullah ay
bago sa mundo ng panitikang Malay. Bago noon, tanging ukol sa mga
makababalaghang prinsipe’t prinsesa sa mga makalangit na kaharian ang mga
namayaning katha. Noong mga 1920-1930, unang nalathala ang mga nobela’t maikling
kuwento. Sa simula, walang layuning pamapanitikan ang mga ito, maliban sa layuning
didaktibo o pagkintal ng mabubuting aral. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang
Pandaigdig, umiral ang isang bagong pagmumulat pampanitikan. Mula sa Unibersidad
ng Malaya, nabuo ang samahang Asas ’50 na nagpasigla sa klimang pampanitikan at
nagbigay-daan sa diskurso at eksperimentasyong pampanitikan. Naging islogan ng
Asas ’50 ang “Sining para sa Lipunan.” Bagaman patuloy na sumulat ang mga
manunulat ukol sa mga suliranin ng lipunan, hindi nila tinalikuran ang pansining na
aspektong pagsusulat. Ang Kuala Lumpur ang naging sentro ng modernong panitikang
Malay noong dekada ‘60. Hindi nalalayo sa ating Carlos Palanca Award for
Literature, nagbigay-daan ang Dewan Bahasa Dan Pustaka sa panghihikayat na
malimbag at mabigyan ng parangal ang mga kathang batikang manunulat. Ilan sa mga
makabagong manunulat na namumukod-tangi sina Shahnon Ahmad at si Anwar
Ridhwan. Mababanaag sa mga nobela ni Ahmad ang kuwento ng buhay ng mga
magsasaka mula sa isang nagkakaunawaang pananaw at sa paraan ngpagsasalaysay sa
masidhi at makapangyarihan. Sa mga maikling katha ni Ridhwan, mabisa niyang
nagamit ang pamamaraang eksperimental at makabago upang umayon sa karanasang
Malay.
Ang Bansang Cambodia

Ang Watawat ng Bansang Cambodia

Ang Kaharian ng Cambodia (Kamboyano: ព្រះរាជាណាចព្ររម្ពុជា;


transliterasyon: Preăh Réachéanachâkr Kâmpŭchea) ay isang bansa sa Timog-
Silangang Asya na may populasyong mahigit-kumulang 15 milyon. Phnom Penh ang
kabisera nito. Ang Cambodia ay kahalili na estado ng noo'y isang makapangyarihang
kaharian ng Hindu at Buddhist Khmer na namuno sa halos kabuuan ng tangos ng
Indochina mula ika-11 at ika-14 na siglo.
Kadalasang tinatawag na "Cambodian" o "Khmer" ang mamamayan ng Cambodia
na tumutukoy sa sinaunang grupo ng mga Khmer. Theravada Buddhist na may
impluwensiya ng Khmer ang karamihan sa mga Cambodian ngunit ang bansang ito ay
mayroon ding mangilan-ngilang Muslim, Kristyano at mga tribo naman sa
bulubunduking kagubatan sa hilagang bahagi ng bansa.
Ang bansa ay pinapagitnaan ng Thailand sa kanluran at hilagang-kanluran, Laos sa
hilagang-silangan, at ng Vietnam sa silangan at timog-silangan. Nakaharap sa Golpo ng
Thailand ang katimugang bahagi nito. Dinodomina ng Ilog Mekong (kolokyal Khmer:
Tonle Thom o "the great river"; tonle = ilog, thom = malaki) at ang Tonlé Sap
("the fresh water river"; "ang tubig-tabang na ilog") ang geograpiya ng Cambodia. Ang
Tonlé Sap ang isa sa pangunahing pinagmumulan ng kalakal ng isda. Ang pagiging
mababa sa heograpiya ay nangangahulugan na malaking bahagi ng bansa ay nakaupo
malapit sa "below sea level", at ang pangunahing pinanggagalingan ng tubig mula sa ilog
ng Mekong ay dumadaloy pabalik sa katabing Ilog ng Sap tuwing tag-ulan.
Turismo at pananahi ang pangunahing industriya dito. Noong 2006, nalagpasan ng
mga namumuhunang dayuhan ang 1.7 milyon na marka. Noong 2005, nadiskubre ang
deposito ng langis at natural na gas sa mga baybayin malapit sa palugit ng Thailand, at
kapag nasimulan ang pagmina nito sa taong 2009 o 2010, ang kikitain sa pagmina nito
ay siguradong may malaki at taos na epekto sa kinabukasan na ekonomiya ng bansa.

Etimolohiya
Ang Cambodia ay tradisyonal na transliterasyon sa Ingles mula sa Pranses na
Cambodge, habang direktang transliterasyon naman ang Kampuchea ng mga
mapagmahal sa wikang Khmer. Ang Khmer Kampuchea ay mula sa sinaunang
kaharian ng Khmer na Kambuja (Kambujadesa). Sinaunang Sanskrit ang pangalang
Kambuja o Kamboja ng mga Kambojas, isang unang tribo sa Hilagang India na
ipinangalan sa nakatuklas nito na si Kambu Svayambhuva, na pinaniniwalaang may
lahing Cambyses.
Sa opisyal na Khmer Mul script, ang pangalan ng bansa, Preahreachanachâk
Kampuchea, na ang ibig sabihin ay "Kaharian ng Cambodia". Kung susuriin ang
salitang ito, kalakip dito ang: Preah- ("banal"); -reach- ("hari, royal", mula sa Sanskrit);
-ana- (mula sa Pāli āṇā, "kawani, lakas, kapangyarihan", mula din sa Sanskrit ājñā,
ganoon din ang ibig sabihin) -châk (mula sa Sanskrit cakra, na ang ibig sabihin ay
"gulong", isang simbulo ng kapangyarihan at pamumuno).
Ang pormal namang pangalang ginagamit sa mga okasyon tulad ng mga pananalita
sa politika at mga programang pamamahayag ay Prâteh Kampuchea, na literal na
nangangahulugang "ang Bansa ng Cambodia". Prâteh ang pormal na salita na ang
ibig sabihin ay "bansa".
Ang kolokyal na pangalan ng salitang pangkaraniwang ginagamit ng mga Khmer ay
Srok Khmae, na ang ibig sabihin ay "ang Lupain ng mga Khmer". Ang Srok ay
isang Mon-Khmer na salita na halos katumbas din ng prâteh, ngunit ito ay hindi
pormal. Isinusulat na may "r" sa dulo ng salitang Khmer ngunit ang huling "r" ponema
ay nawawala sa karamihan ng kanilang mga katutubong wika noong ika-19 na siglo at
ito ay hindi na binibigkas sa kontemporaryong pananalita.
Simula ng kanilang kalayaan, ang opisyal na pangalan ng Cambodia ay binago ng
makailang beses at lalo na sa kapanahunan ng kaguluhan, giyera at papalit-palit na
gobyerno.
 Kaharian ng Cambodia / Royaume du Cambodge sa ilalim ng pamamahala ng
monarkiya mula 1953 hanggang 1970;
 Republika ng Khmer / République Khmère (isang literal na pagkasalin ng
Republika ng Pranses) sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno ni Lon Nol mula
1970 hanggang 1975;
 Demokratikong Kampuchea / Kampuchea démocratique sa ilalim ng
komunistang pamamahala ng Khmer Rouge mula 1975 hanggang 1979;
 Republika ng Mamamayang Kampuchea / République populaire du Kampuchea
sa ilalim ng pamamahala ng tulungang gobyerno ng Vietnam at Cambodia mula
1979 hanggang 1989;
 Estado ng Cambodia / État du Cambodge (isang nutral na pangalan, habang
dinidinig ang usapan kung ibabalik sa monarkiya) sa ilalim ng pamamahala ng
Mga Nagkakaisang Bansa mula 1989 hanggang 1993;
 Kaharian ng Cambodia / Royaume du Cambodge ginamit muli sa pagbalik ng
monarkiya noong 1994.

Politika
Ang politika ng Cambodia ay pormal na naganap ayon sa konstitusyon ng
bansa noong 1993, sa balangkas na parlyamento, representante ng
demokratikong kaharian. Ang Punong ministro ng Cambodia ang pinuno ng
gobyerno, at ang pinagsanib na "multi-party system" ay pinamumunuan ng hari
bilang pinuno ng estado. Ang Punong Ministro ay iniluluklok ng Hari sa
pamamagitan ng payo at pagsang-ayon ng Pambansang Lupon (National
Assembly); ang Punong Ministro at ang kanyang piling mga ministro ang
nagpapatupad ng kapangyarihan sa gobyerno. Ang kapangyarihan ng Sangay ng
Panghukuman ay ipinagkakaloob sa "executive" at sa dalawang grupo ng
parlyamento, ang Pambansang Lupon ng Cambodia (National Assembly
of Cambodia) at ang Senado.
Noong 14 Oktubre 2004, si Haring Norodom Sihamoni ay napili ng
espesyal na Konseho ng 9 katao para sa trono, kasama sa proseso ay ang
mabilisang pagpapatupad pagkatapos ng surpresang pagbaba sa pwesto ni Haring
Norodom Sihanouk (Ama ni Haring Sihamoni) isang linggo ang nakakalipas. Ang
pagkapili kay Haring Sihamoni ay sinuportahan ni Punong ministro Hun Sen at
ng Tagapagsalita ng Pambansang Lupon na si Prinsipe Norodom Ranariddh
(kapatid ni Haring Sihamoni), na parehong miyembro ng konseho sa trono. Siya ay
kinoronahan sa Phnom Penh noong ika-29 ng Oktubre. Ang monarkiya ay maka-
simbulo lamang at hindi nakikihati sa pampolitika na kapangyarihan. Isang batikang
mananayaw si Haring Norodom Sihamoni, nag-aral siya ng sayaw na ballet sa
Ruso at wala pa siyang asawa hanggang ngayon. Magaling din siya sa wikang Czech
dahil matagal siyang tumira sa Republika ng Czech (kilala sa tawag na
Czechoslovakia).
Ayon sa mga balita ng BBC, talamak ang kurupsiyon ng mga politiko sa
Cambodia, kasama dito umano ay ang mga tulong pinansiyal mula sa iba't-ibang
pandaigdigang bansa lalo na sa Estados Unidos kung saan ang pera ay inililipat sa
mga pansarili o personal na mga "accounts". Kurupsiyon din ang dahilan ng
pagkakaroon ng malaking agwad sa mga kinikita o sweldo ng mga mamamayan
nito.

Mga Rehiyon at Lalawigan


Nahahati sa 20 lalawigan (khett) at 4 na munisipalidad (krong) ang
Cambodia. Nahahati pa ito sa distrito (srok), kumunyon (sangkat), malalaking
distrito (khan), at pulo (koh).
Ang Phnom Penh ang may pinakamalaking papulasyon na may kulang-
kulang sa 2 milyon sa kabuuhang 15 milyong populasyon ng bansa. Ang
bulubunduking probinsiya ng Mondulkiri sa Hilagang-Silangan sa palugit ng
Vietnam ang pinakamalapad ngunit pinakakaunti ang populasyon.

Lalawigan
Munisipalidad (Krong) Pulo (Koh)
(Khett)
Phnom Penh Banteay Meanchey Koh Kong
Sihanoukville (Kampong
Battambang Koh Polaway
Som)
Pailin Kampong Cham Koh Rong
Kampong Koh Rong
Kep
Chhnang Samlon
Kampong Speu Koh Sess
Kampong Thom Koh Tang
Kampot Koh Thass
Kandal Koh Thonsáy
Koh Kong Koh Traolach
Kratié Koh Treas
Mondulkiri
Oddar Meancheay
Pursat
Preah Vihear
Prey Veng
Ratanakiri
Siem Reap
Stung Treng
Svay Rieng

Heograpiya
Ang Cambodia ay may lapad na 181,040 kilometro kuwadrado (69,900
milya kuwadrado), kaparte nito ang 800 kilometro (500 milya) na border sa may
Thailand sa Hilaga-Kanluran, 541 kilometro (336 milya) na border sa may Laos sa
Hilaga-Silangan, at ang 1,228 kilometrong (763 milya) border sa may Vietnam sa
Silangan at Timog-Silangan. Ito ay may 443 kilometrong (275 milya) baybayin sa
Golpo ng Thailand.
Ang temperatura ay mula 10°–38 °C (50°–100 °F) ang Cambodia ay
nakakaranas ng mga "tropical monsoon". Ang Timog-Kanlurang monsoon ay
umiihip papasok at nagdudulot ng hangin na may kasamang tubig ulan mula sa
Golpo ng Thailand at Dagat India mula Mayo hanggang Oktubre, ang bansa ay
nakakaranas ng pinakamalakas na ulan sa buwan ng Setyembre at Oktubre. Ang
Hilaga-Silangang monsoon ang nagdudulot ng tag-init na panahon mula
Nobyembre hanggang Marso na may pinaka-tuyot na panahon sa buwan ng Enero
at Pebrero.

Transportasyon
Dahilan sa sunod-sunod na digmaang sibil hanggang katapusan ng dekada
90, ang transportasyon ay higit na naapektuhan kahit na patuloy ang pagtanggap
nito ng pondo at mga kagamitan sa pagpapa-unlad ng mga daanang pang-
transportasyon mula sa gobyerno ng Rusya. Ang Cambodia ay mayroong
dalawang linya ng riles ng tren na may lawig na 612 kilometro (380 milya). Ang
linya ng riles ng tren ay nagsisimula sa kabisera nito hanggang sa Sihanoukville,
Kampong Saom sa may timog bahagi ng bansa na malapit sa dagat, at meron ding
mula Phnom Penh papuntang Sisophon (kadalasan ang biyahe ng tren dito ay
hanggang Battambang lamang). Sa ngayon, iisang pampasaherong tren lang ang
bumabyahe tuwing linggo mula Phnom Penh hanggang Battambang at pabalik.
Ang nagsanga-sanga at dugtong-dugtong na mga ilog at lawa ng Cambodia
ay isa ring importanteng bahagi sa makasaysayang kalakal ng bansa, kasama dito
ang ilog ng Mekong at Tonle Sap. Ang Cambodia ay may dalawang malalaking
daungan ng barko, isa sa Phnom Penh at isa sa Sihanoukville at merong ding lima
pang di-kalakihan. Ang Phnom Penh na matatagpuan sa kung saan ang ilog ng
Bassac, Mekong at Tonle Sap ay nagtatagpo ay ang kaisa-isang ilog na pwedeng
daungan ng may bigat na 8,000 toneladang barko kapag tag-ulan at mga 5,000
toneladang barko naman kapag tag-tuyot.
Kasabay ng unti-unting pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay ang pagdami
ng mga sasakyang panlupa lalong-lalo na ang mga motorsiklo ngunit mas marami
pa rin ang gumagamit ng bisikleta. Karaniwan na sa mga papaunlad pa lang na
bansa, nakikitaan din ang Cambodia ng pag-dami ng mga aksidenteng pangtrapiko.
Ang bansa ay mayroon labing-anim na paliparan: Phnom Penh
International Airport sa Phnom Penh bilang pinakamalaki at ang pangunahing
paliparan ng Cambodia. Pumapangalawa dito ang Siem Reap-Angkor
International Airport na nagsisilbing internasyonal na paliparan. Mayroon ding
di-kalakihang mga paliparan sa Sihanoukville, Ratanakiri, Battambang, Stung Treng,
Koh Kong, Kampot, Kampong Thom, Kampong Chhnang, Pursat, Kratié, Pailin,
Svay Rieng, Preah Vihear at Mondulkiri.

Panitikan ng Cambodia
Ang panitikan ng Cambodia o Khmer ay mayroong lumang pinagmulan.
Katulad ng mga pambansang panitikan sa Timog-silangang Asya, may dalawang
natatanging aspeto o antas ang tradisyunal korpus nito:

 Ang panitikang sinulat, na karamihan ay nakatakda lamang sa mga korteng


panghari o monesteryong Budista.
 Ang panitikang pasalita, na nakabatay sa mga lokal na alamat. Mabigat itong
naimpluwensiyahan ng Budismo, ang namamayaning relihiyon, gayon din
ang mga epikong Ramayana at Mahabharata ng Hindu.
JATAKA: Ito’y isang halimbawa ng panitikan ng Cambodia. Itinatalakay rito ang
buhay ng kanilang sinasamba na si Buddha bago siya mamatay. Karaniwang
itinatampok sa mga kabataan.

CODES OF CONDUCT: Ito ay isinagawa ng mga monghe upang ipahayag ang


mga pagtuturo nila sa Cambodia. Ito ay isang uri rin ng panitikan nila.
REAMKER. Ang Reamker ay ang pinaka-kilala na epiko sa bansang Cambodia.
Ipinapakita nito ang pagkakaroon ng tiwala, pagmamahal at katapatan ng kababayan ng
Cambodia.

V. Mga Gawain:
Panuto: Ibigay ang iyong paliwanag sa mga sumusunod na pahayag at katanungan.
Ilagay ang iyong sagot sa hiwalay na papel (yellow paper). Kunan ng litrato ang iyong
papel na naglalaman ng iyong mga sagot at i-send ito sa aking facebook/messenger
account: Jero Basada Cabral.

1. Ilahad ang pagkakapareho at pagkakaiba ng Shintoism at Kristiyanismo.


2. Magsaliksik patungkol sa naging buhay ng mga samurai. Ilahad ang kanilang mga
katangian at prinsipyo sa buhay.
3. Ano sa tingin mo ang pinakamahalagang ambag ng bansang Hapon sa
pandaigdigang kaunlaran sa kasalukuyan?
4. Sang-ayon ka bang magkaroon ng opisyal na relihiyon o pananampalataya ang
Pilipinas na kagaya ng Malaysia? Anu-ano ang mga positibo at negatibong epekto
nito kung sakaling ito ay maipatupad?
5. Ano ang magandang dulot ng pagkakaroon ng mga award giving bodies sa larangan
ng panitikan kagaya ng Carlos Palanca Award for Literature at Dewan Bahasa
Dan Pustaka sa mga manunulat?
6. Ano ang may pinakamabigat na impluwensya sa panitikan ng Cambodia?

VI. Pangwakas na Pagsusulit: (Ang pangwakas na pagsusulit ay nasa hiwalay na papel,


makinig sa panuto ng iyong dalubturo tungkol dito.)
VII. Mga Sanggunian:

Internet:
https://asiagroupfour.weebly.com/laos-malaysia-at-myanmar.html

https://brainly.ph/question/200533

https://singzonsantosblog.wordpress.com/2018/01/21/mga-
panitikan-sa-bansang-asya-%E2%9C%A8/

https://tl.wikipedia.org/wiki/Malaysia

https://www.wikiwand.com/tl/Cambodia

You might also like