Tuldok
Asin
Maituturing kong obra maestra ang awiting “Tuldok” ng Asin sapagkat sa unang
beses mo pa lamang itong mapapakinggan ay agad na mananatili ito sa iyo habang buhay.
Dinadala ka nito sa isang pribadong lugar at inilalayo ka sa mga nakapaligid sa iyo tanging
ikaw, ang obra maestra at ang misteryo sa loob nito ang naroroon at hindi mo
maipaliwanag kung paano ito nangyari. Parang sumisiksik na ito sa iyong isipan at
magmumuni-muni ka na sa tunay na kahulugan o mensahe ng awiting ito. Napakapayak at
simple ng pagkakabuo ng awiting ito ngunit kung nanamnamin mo ang bawat liriko ay may
kakaiba sa mga ito mayroon pa itong mas malalim na itinuturo saating buhay sa tingin ko
ay sapat na ang mga katangiang aking nabanggit para ito’y mapabilang sa obra maestra.
Sa aking pananaw katulad ng pagpapahalagang binanggit ng nagpresenta,
magagawa ko ring pahalagahan ang awiting ito kung ibabahagi ko sa aking mga magiging
mag-aaral. Matapos iparinig sa kanila ang awitin ay ibabahagi ko sa kanila ang tunay na
mensahe o aral ng awiting ito. Maaring kung mailahad ko sa kanila ang aral nito ay
isasabuhay nila kung ano talaga ang nais nitong iparating sa mga tagapakinig. Para kasi sa
akin ang awiting ito ay nagpapakita ng pag-asa, pagpapakumbaba, at pagkakapantay-
pantay. Pag-asa dahil tila sinasabi ng awiting ito na kung ano pa man ang iyong
pinagdaraanan ay dapat hindi mo ito hahayaang tibagin ka bagkus labanan mo ito dahil ito
ay tuldok lang. Pagpapakumbaba naman sapagkat maaring na sayo na ang lahat ng
karangyaan, kayamanan o kahit ano pa mang material na pangangailangan ang mayroon ka
pero hindi ito ang mahalaga dahil sabi nga sa kanta iyan ay tuldok lang. At panghuli ay ang
pagkakapantay-pantay, maaring minsan mo ng naisip na ikaw ay nasa ilalim lamang ng
mga makapangyarihan at wala kang halaga sa kung sino man pero kung iyong iisipin ay
lahat ng mayroon dito sa mundo ay tuldok lang kaya huwag mong hahayaang maliitin ka ng
iba sapagkat katulad mo, at katulad nating lahat tayo ay tuldok lang.
Sa akin pong pansariling pananaw ang ang ginawang presentasyon ni Jonnie
Ballaran ay isa sa mga pinakasimple ngunit isa rin sa mga pinakatumimo sa aking
presentasyon bilang tagapakinig. Para sa akin ay sapat lahat ng inilahad niyang datos sa
mga mang-aawit at sa mismong awit para masabing ito ay isang obra maestra. Marahil ang
pinakasekreto kung bakit isa ito sa mga pinakanatandaan kong presentasyon ay dahil sa
wala ng paligoy-ligoy pang siyang ginawa bagkus tinamaan o ipinaliwanag niya na ka agad
ang mensahe ng awitin. Ang ginamit niya ring estratihiya sa paglalahad ng lahat ng nais
niyang ibahagi ay napakasimple na sa tingin ko ay umangkop doon sa kabuoang tema ng
awit. Ang pagpapaliwanag niya sa mensahe ng kanta at kung paano niya ito inilapat sa
reyalidad ay naging kalakasan ng kanyang presentasyon sapagkat mas naging malinaw sa
pag-unawa ng mga tagapakinig ang mensahe ng awit. Ang paghihimay-himay sa bawat
liriko ng kanta ay mas lalong naging epektibo para alamin ang bawat simbolismo na
ginamit at ang interpretasyon nito kaya naman sa kabuoan ay mas madali itong
naunawaan. Ang mga ibinigay niya ring sitwasyon at halimbawa para patibayin pa lalo ang
pinakamensahe ng awit ay tumulong para magkaroon ng reyalisasyon ang mga tagapakinig
tungkol sa kanilang mga pananaw sa buhay.
Kung ako naman ang mabibigyan ng pagkakataong ipresenta ito ay hindi na ako
magaatubili pang humingi ng pahintulot sa unang nagpresenta na gayahin na lamang ang
kanyang ginawang estratehiya sapagkat para sa akin ay sapat na ang lahat ng iyon para
maihatid ko rin ang mensahe ng awitin. Dadagdagan ko na lamng ng kakaiba para mayroon
din namang pagkakakilanlan ang aking presentasyon, mas pipiliin kong gamitin bilang
halimbawa ang sarili kong mga karanasan para ihalintulad ito sa sitwasyon ng katulad ng
nais iparating ng awitin sa tingin ko kasi ay sa ganitong pamamaraan ay mas magiging
malapit ito sa puso ng mga tagapakinig sapagkat alam nilang napagdaanan at nalampasan
ko na ang mga ibinigay kong halimbawa kaya naman maiisip nila na kung maharap din sila
sa ganitong kalagayan ay alam na nila kung paano ito masusulosyunan at iisipin nila na
kayang kaya rin nila ito.