You are on page 1of 21

Cubangbang, Arianne

Navarro, Kenchi
Pajarillo, Camille

Ang Barayti ng Tagalog sa Binangonan, Rizal sa Facebook Group na Batang Binangonan


Kami (BBK)
Introduksyon
Kasabay ng umiiral na globalisasyong nagaganap sa mundo ngayon, ang pagpapaunlad at
pagpapalaganap ng kaalaman sa pamamagitan ng mabilis na daloy ng impormasyon gamit ang
teknolohiya. Sa paggamit ng teknolohiya ay napa-uusbong ang iba’t ibang makabagong metodo
at isa sa mga mahahalagang salik sa kaganapang ito ay ang paggamit ng wika. Malaki ang
gampanin ng wika sa plataporma ng internet sa kasalukuyan kung saan bukod sa ito ay ginagamit
sa komunikasyon, ito rin ay isang paraan upang mapagbuklod ang isang grupo at mapaunlad at
maipagmalaki nila ang kanilang identidad at kultura.
Isa sa mga nabuong grupo sa ​Facebook ay ang ​Batang Binangonan Kami o ​BBK ​kung
saan ang mga kasapi nito ay pawang mga taga-Binangonan, Rizal. Ang ilan sa mga hinihikayat
na diskurso sa grupong ito ay ang pag-aambag nila ng ilang mga salita at pagbibigay kahulugan
kung ano para sa kanila ang mga salitang iyon. Ang kanilang pag-ambag ng kahulugan sa salita
ay isa rin sa mga patunay ng pagkakakilanlan nila bilang taga-Binangonan. Ang wikang
sinasalita sa Binangonan, Rizal ay ​Tagalog ngunit sa pananaliksik na ito, nais na patingkarin ang
katangian ng barayti ng Tagalog sa Binangonan, Rizal kung saan makikita na marami sa mga
salita ng Tagalog Binangonan ang hindi ginagamit sa Tagalog Maynila kahit na malapit lamang
ito sa isa’t isa. Isa ring motibasyon ng pananaliksik na ito ay mula sa Binangonan ang isa sa mga
mananaliksik sa papel na ito na si Camille Pajarillo.

Metodolohiya
Ang gagamiting metodolohiya upang kumalap ng datos sa pananaliksik na ito ay ang
pagtatala ng iba’t ibang salita at mga kahulugan nito na naka-​post sa grupo sa ​Facebook​.
Tinignan ang napagkasunduang kahulugan ng mga salita batay sa mga komento sa mga post. Isa

1
pang metodo na ginamit sa pananaliksik ay ang paglalarawan ng katangian ng mga salitang
nakalap batay sa kanilang klasipikasyon ng bahagi ng pananalita. Bukod pa rito ay magkakaroon
ng panayam mula sa isang tagapangasiwa ng grupo ukol sa kanilang layunin sa pagtatatag ng
grupo. Kakalap din ng datos mula sa mga akdang mayroong kaugnay sa kasaysayan ng
Binangonan upang makita ang pag-uugat ng mga salitang ito sa kasaysayan ng bayang ito sa
Rizal.

Saklaw at Limitasyon
Ang pananaliksik na ito ay sumasaklaw lamang sa mga salita at kahulugang na sa grupo
ng BBK sa Facebook at susuriin lamang sa katangian ng mga ito batay sa kanilang bahagi ng
pananalita. Isa pang limitasyon ng pananaliksik na ito ay ang pagbatay lamang sa grupo sa social
media partikular sa ​Facebook ​kasama ang mga komento ng mga kasapi sa grupo at ang kalakhan
ng mga kinuhang salita ay mula sa mga pinost sa buwan ng Abril taong 2018 . Ang datos na
makukuha mula sa panayam ay mula sa iisang tagapagtatag ng grupo lamang.

Kasaysayan ng Bayan ng Binangonan


Mula sa alamat ang pinakakilalang istorya kung paano nabuo at pinangalanan ang bayan
ng Binangonan. Sa alamat, nagsasaad na may namatay na isang sa pagkalunod at muli itong
nabuhay matapos matagpuan ng mga mangingisda sa pangpang. Dito kinuha ang pangalan ng
bayan na “Binangonan” o binangunan ng patay1. Mula sa salitang “bangon” na
nangangahukugang gising o tayo. ​Minsan, sinasabi ring ang pangalan ay nangangahulugang
“unang bayang itinatag sa tabi ng lawa”2 na nakuha mula sa isang alamat tungkol sa
pagkakatatag ng mga bayan malapit sa Lawa ng Laguna. Mayroon ring mga nailathalang komiks
si Norlito Ison Cervo noong Nobyembre 11, 1964 tungkol sa kasaysayan ng Binangonan na
tumatalunton pa sa panahon ng mga Espanyol, kung saan inaangkin ang paniniwalang naglakbay
pa si dating Gobernador-Heneral Juan de Salcedo sa Taytay, Rizal kasama ang isang daang
sundalo upang makipagpulong sa Datu sa ngalan ng isang misyon. Ang misyon na ito ay para

1
Alamat na naikwento sa isang mananaliksik
2
​Mula sa post ni Emmanuel Viray tungkol sa kasaysayan ng Binangonan sa facebook group na BBK:
https://www.facebook.com/groups/bbk.batangbinangonankami/permalink/207805286470106/
2
hanapin ang gintong ginagamit ng mga katutubo na nasa Maynila, na makukuha sa Bundok ng
Makagutom na nasa bayan ng Binangonan.3
Nasa 6,634 ektarya ang kabuuang sukat ng lupa, matatagpuan sa paanan ng bulubundukin
ng Sierra Madre at baybayin ng Lawa ng Laguna, ang Binangonan ay kinapapalooban ng 23
mainland baranggay at 17 baranggay sa isla, o may kilala sa tawag na Talim Island.
Kagaya ng ibang kinahinatnan ng mga lugar sa Pilipinas matapos mapasakamay ng mga
Espanyol, inihiwalay ito at ginawang bayang nagsasarili sa pamamagitan ng pagtatayo ng
sariling parokya sa ilalim ng pamamahala ng mga Pransiskanong misyonaryo noong 1737 at
tuluyang nasakop ng mga Espanyol noong 1767. Naging opisyal na bayan noong 1900 sa ilalim
ng mga Amerikano. Sa kasalukuyan, isa itong first-class municipality na may 55,000,000
taunang kita.4 Kalimitang pinagkukunan ng kita ang pangingisda kung saan iba’t ibang klase ng
isda ang ipinagmamalaki sa Binangonan tulad ng mga kanduli, ayungin, lapu-lapu, bighead,
tilapia, bangus, at iba pa, malakas rin ang agrikulturang sekta nito ngunit sa kasalukuyan,
kakaunting lugar na lamang ang may palayan. Nasa humigit-kumulang 249,872 katao ang
populasyon na naitala noong Mayo 2010 pa.5

Kasaysayan ng Batang Binangonan Kami


Pinasinayaan ni Ginoong Ferdy Villones, tubong Binangonan, ang ideya ng pagbubuo ng
Facebook group. Ayon kay Ginoong Jolan Aralar, co-administrator ng grupo, isa sa mga
nilapitan ni G. Ferdy upang buuin ang grupo, na nagnanais umanong magtatag ng komunidad sa
Facebook na purong mga taga-Binangonan ang miyembro. Nagkatotoo ang mga ideyang ito
nang magsimula ang grupo nitong nakaraang taon lamang. Mayroong mga katanungang
sasagutin ang mga nagnanais na maging miyembro upang mapatunayang sila ay mula sa
Binangonan, o may koneksyon sa Binangonan, na mismong ginawa ng mga admin nito. Noong
una, naging laman ng grupong ito ang mga pagbalik-tanaw sa mga memorya na mayroon ang
bayan, katulad na lamang ng mga lugar o mga kilalang tao sa bayan ng Binangonan. Isang

3
Facebook post ni Daniel Jay Dalog, may hawak ng naitagong komiks ni Norlito Ison Cervo
https://www.facebook.com/djtaz282000/posts/10207910125150234

 
​Philippine Statistics Authority. Philippine Standard Geographic Code (PSGC). Income Classification for Provinces, Cities and
4

Municipalities (Based on Department of Finance Department Order No.23-08 Effective July 29, 2008)

5
​Philippine Statistics Authority. Philippine Standard Geographic Code (PSGC). List of Municipalities
3
paraan ng aliw na hinahatid ng social media na Facebook ang ganitong pagbabalik-tanaw sa mga
pangyayari, lalo pa’t ang mga miyembro ay mga layo-layo na ngayon, naging isang paraan ito
upang hatakin ang mga ito sa mga pinagsaluhang alaala noong sila ay nasa Binangonan pa, o ang
mga nakasanayan nila noong kabataan pa sa bayan.
Nagsimula ang diskusyon at pag-aambag ng mga salitang sa Tagalog na sa Binangonan
lamang ginagamit nang may mag-post ng mga etimolohiya ng pangalan ng mga Barangay sa
Binangonan. Ikinatuwa ito ng mga miyembro at nasgimula na rin silang magpost ng mga
katanungan tungkol sa kahulugan ng mga salita. Para itong naging laro sa mga miyembro,
magpopost ng tanong ang isa tungkol sa kahulugan ng salita, at saka naman sasagutin ng iba
pang miyembro na nakakaalam ng kahulugan. Ang mga tanong ay kadalasang nagsisimula sa
“Taga-Binangonan ka kung alam mo ang salita _____”. Umaabot sa humigit-kumulang isang
daan ang comments sa bawat tanong. Aktibo rin ang mga miyembro ng BBK. Ayon kay G.
Jolan, naging isang malaking classroom ang BBK, ang mga posts na ito ay “educational” at
ikinatutuwa ng mga miyembro na patuloy na nag-aambag sa talasalitaan. Magandang bagay rin
na mula sa iba’t ibang sektor ang miyembro, mayroong pari, principal, mga artista, mangingisda
at maraming pang iba. Hanggang ngayon, sa oras ng pagsulat ng pananaliksik na ito, ay mayroon
pa ring mga nagpopost ng mga salita at nagbibigay kahulugan sa mga salitang taal lamang sa
Binangonan.

Kultura
Ang 224 taong gulang na simbahan ng Binangonan, Ang Parokya ni Sta. Ursula, ang
pinakapuso at kilalang muhon (landmark) ng bayan. Ang kanilang kultura ay mahigpit na
nakalubog sa kanilang relihiyosong paniniwala. Ang mga kinikilalang tradisyon at selebrasyon
ay nakaugat sa mga tradisyon ng simbahan, katulad na lamang ng pista ng Santa Ursula, kung
saan ipinagdiriwang tuwing Oktubre 21. Konektado sa pagdiriwang na ito ang prusisyon sa
baybayin ng lawa, hanggang sa mismong bayan at may basaan ng tubig. Malaki ang
pagpapahalaga ng mga tao rito sa mga santo kaya naman nagiging isang selebrasyon ang Mahal
na Araw. Ang Prusisyon tuwing Miyerkules Santo at Biyernes santo ay nilalahukan ng halos
lahat ng mga naninirahan dito, inaabangan rin ang “gewang-gewang” o paglilibing kay Hesus.

4
Gewang-gewang o giwang-giwang, mula sa tagalog na salitang gewang kung saan nag-iindika
ng paggalaw na maihahalintulad sa alon. Pag-ugoy o pagsuray. Ang was-was naman ay tuwing
Linggo ng Pagkabuhay, alas-kwatro ng umaga sa baranggay ng Libis, kung saan isinasabuhay
ang mga nangyari noong muling nabuhay si Hesus kalakip ang isang sayaw. Mayroon ring
Flores De Mayo, at Binalayan Festival kung saan ipinagdiriwang ang dalawang ipinagmamalaki
ng bayan: lawa at kawayan. Binangonan sa Lawa at Kawayan ang ibig sabihin ng Binalayan.6
Mayroon ring Caru-Caruhan isang linggo matapos ang Mahal na Araw. Kinabibilangan naman
ito ng maliliit na santo na pawang mga kabataan ang may pag-aari. Isa rin itong paggaya sa
prusisyon na ginagawa tuwing mahal na araw na para lamang sa mga bata ng bayan.
Sa mga pagdiriwang pa lamang, kapansin-pansin na malalim talaga ang pagpapahalaga
ng mga tao sa kanilang paniniwala. Mapapansin ito sa mga salita ng mga taga-Binangonan kung
saan nakapokus sa mga ugali, tama man o mali sa kanilang pamantayan. Halimbawa, ang mga
salitang:

Mawidwid - maarte
Bulaan - sinungaling
Langong - lango - lasing na lasing
Nakakagilawlaw - nakakakilabot
Bulagsak - gastador
Hinayupak - masama ang ugali
Antaw - lutang
Bang yangi - mayabang
Adelantado - mayabang
Magayot - makunat
Gihalhal - balahura / palamura
Pakiatarin - mahilig makialam
Kaslag - masigla
Banas - mainit o naiirita

6
Mula sa websayt ng Munisipalidad ng Binangonan
http://www.binangonan.gov.ph/about-municipality/festival-and-traditions/126-binalayan-festival.html
5
Ang mga salitang ito ay nasa kategoryang pang-uri ngunit minsan ay ginagamit rin bilang
pandiwa. Kapansin-pansin na halos lahat ng salitang ito ay napapahiwatig ng mga pangit o hindi
kaaya-ayang ugali o karakter ng mga tao.

Edukasyon
Malaki ang naging gampanin ng mga eskwelahan sa naging ugnayan at pagkakakilanlan
ng mga tao sa Binangonan. Dahil kakaunti pa lamang ang mga eskwelahan noong elementarya,
ang mga publikong paaralan ang nagsilbing unang hakbang sa sosyalisasyon. Dahil iisa lamang
ang kilalang pang-sekundaryang paaralan, ang Binangonan Catholic College, isang pribado at
katolikong paaralan, ang nakapag-anak ng daan-daang alumni na purong mga taga-Binangonan.
Ang mga paaralan ang naging daan upang magkakila-kilala ang mga tao sa Binangonan kaya
naman usong-uso rito ang mga reunion at alumni homecoming, hindi lamang sa mga nabanggit
na paaralan, kundi pati sa mga mababang paaralan ng bawat baranggay. Kapansin-pansin ang
pagkakakilanlan ng bawat isa, batay sa pagiging magkaklase, magkabarkada o magkapareha ng
paaralang pinanggalingan.
Kakikitaan rin ng tulong ang mga publikong paaralan at katolikong paaralan sa
pagkokondisyon ng mga moral at etikal na pamantayan na siyang kinalakihan ng taumbayan.
Masasalamin ito sa mga salita na nakalap ng mga mananaliksik na pawang tumatalakay sa mga
paglalarawan sa mga ugali at pagpapahalaga ng tao. Halimbawa, ang mga pang-uring
tumatalakay sa mga hindi normal na pag-uugali ng mga tao:

Samlang - salaula/bastos
Dupang - sobrang sakim
Palamara - pabaya
Adelantado - mayabang
Uris - baliw
Umit - pagkuha nang walang paalam

6
Pagkain
Nabanggit sa ibabaw ang mga pagdiriwang na ginaganap sa Binangonan, at halos lahat
ng pagdiriwang na ito ay kinapapalooban ng kainan. Madalas rin ang salo-salo sa bayan, lalo pa’t
karamihan sa mga pamilya ay nakatira sa iisang compound, village, o isang kanto. Ganito kalaki
ang mga pamilya sa Binangonan. Kakakitaan ng mataas na pagpapahalaga ang pagpapamilya ng
mga tao, nakaugat pa rin sa mga turo ng simbahan, o kaya naman ay sa mga katutubong
tradisyon. Marami ring mga paraan ng pagluluto o kataga sa pagluluto ang ginagamit sa
Binangonan. Dahil rin sa malapit ito sa lawa ng Laguna, kadalasan sa mga pagkaing niluluto ay
puro isda. Halimbawa sa mga salitang ito ay ang mga:

Mismisan - tanggalin ang tirang pagkain sa pinagkainan


Bangi - ihaw
Ibahug - isama

Kadalasan ang salitang ibahug ay ginagamit sa pagluluto at sa pagkain. Halimbawa, ibahug ang
kanin sa sabaw, ibahuig ang mga natitirang sangkap sa niluluto. Narito pa ang ilang halimbawa
ng mga salitang ginagamit ng mga taga-Binangonan:

Mga salitang may kinalaman sa isda at pangingisda:

Bayakyak - isdang maliliit


Talaisa - maliit na ayungin / karing karing
Bigatot - panghuli ng dalag

Nabanggit rin na pinagkukunan rin ng pangunahing kita ang pagsasaka sa Binangonan. Ang mga
salita na tungkol sa palay ay mas gamit sa mga magsasaka, samantalang ang mga salitang
tumutukoy sa mga pagkain o tubong halaman ay naririnig pa rin ngayon.

7
Talumpok - nakatangkas ang palay; nakatali sa kambubog
Talapok - nakakamada lang ang palay na kinarit para patuyuin bago giikin o lugasin
Balinghoy - kamoteng kahoy
Kalumpit - sampalok na payat
Maglugas - maghiwalay o tanggalin o himayin (ang busil ng mais)
Bayokbok - binusang mais na binayo at nilagyan ng asukal, mas kilala sa tawag na Binatog.

Samu’t sari rin ang sari-sari store sa bayan na ito. Buhay na buhay rin ang kanilang palengke, sa
laki nito, dalawang baranggay ang sumasakop dito. Hanggang ngayon, ang mga salitang ito ay
gamit na gamit pa rin.

Paktura - listahan ng mga bibilhin


Tatasahan - kukuha ng hiwa sa ibabaw ng pakwan para malaman kung mapula
Mamamaraka - mamamalengke

Mayroon ring iba’t ibang salita na tumutukoy sa estado ng sinaing o nilulutong bigas.

Bantilaw - hilaw na sinaing


Alibutdan - kulang sa tubig na kanin
Sumubo - kumukulo o maluluto na (ang kanin)
Lingging - luto na kanin
Angi - nasunog na sinaing

Kung susuriin pa ang kabuuang datos na nakalap ng mga mananaliksik, pawang mga
salita ay naglalarawan o nagbibigay manipesto sa mga ugali ng tao, sa mga kilos at aksyon ng
mga ito, at mga paraan ng pagluluto, o tawag sa mga produkto at pagkain. Ang katotohanan,
wala pa ito sa kalahati ng lawak ng bokabularyo ng mga taga-Binangonan. Ngunit ang mga
naging suri ay nagpapatunay na ang mga salitang ito ay nagiging salamin ng kanilang kinagisnan
at binuong kultura. Ang mga salitang nakapaloob rito ay hindi na rin gaano nagagamit, bagkus

8
naririnig na lamang, samantalang ang iba ay patuloy pa ring ginagamit hindi lamang ng mga
matatanda, kundi pati ng mga bata. Patunay rin na naipapasa ang kultura sa pamamagitan ng mga
salita.

Datos at Pagsusuri
Bukod sa pagtalakay ng kultura at kasaysayan ng Binangonan, ang mga salitang nakalap
mula sa grupo sa Facebook ay sinuri batay sa kanilang katangian sa hanay ng kinabibilangang
bahagi ng pananalita - pang-uri, pangngalan, pandiwa, pang-abay at mga ekspresyon.
Pang-uri
Ang unang susuriing bahagi ng pananalita para sa pagtukoy ng katangian ng barayti ng
Tagalog Binangonan sa Facebook ay ang pang-uri. Ang isa sa mga nasuring katangian ng mga
pang-uri sa kanilang dayalekto ay ang pagkakaroon nito ng parsyal at buong reduplikasyon kung
saan ang bahagi ng pantig ng salita o buong salita ay umuulit upang magpahiwatig ng
pagpapataas ng antas nito kahalintulad ng sa Filipino. Ilan sa mga halimbawa nito ay sa mga
salitang: “nanggigipalpal” na ang ibigsabihin ay “sobrang dumi” at ang “langong-lango” na ang
ibigsabihin naman ay “lasing na lasing”. Isa pang mahalagang katangiang nasuri mula sa mga
salitang pang-uri sa grupo ay ang pagdaragdag ng panlaping “bang” sa isang pangngalan upang
magpahayag din ng antas ng pang-uri. Ibigsabihin ang magiging anyo nito ay “bang +
pangngalan o pang-uri” na isang komong katangian sa Tagalog Binangonan. Ang halimbawa
nito sa grupo ay ang salitang “bang yangi” (mayabang) ngunit mayroon ding isang salitang
nakalap na kakikitaan ng katangiang ito ngunit nagpapahayag ng estado ng isang pangngalan:
“bangkiki” (nakatambak). Kakikitaan ang kalakhan ng mga nakalap na salita ng diin sa mga
katinig at pagbanggit ng mga salita sa matigas na paraan. Mayroon ding mga salitang nakuha na
kahalintulad din ng mga salita sa Filipino at pagpapakahulugan nito tulad ng “hinayupak”
(masama ang ugali) at “banas” na ang ibigsabihin ay “mainit” o kapag ginagamit bilang isang
pandiwa ay nangangahulugang “naiirita.”
Mapapansin din na ang mga pang-uri sa barayting ito ay gumagamit ng unlaping “ma-”
sa kanilang mga pang-uri tulad ng “malangutngut” (malutong), “mayabu” (malambot),
“magayot” (makunat) at “mawidwid” (maarte). Kung papansinin din, karamihan ng mga salitang

9
nakalap ay mayroong kaugnayan sa paglalarawan ng ugali. Ngunit, sa kanilang barayti,
kakikitaan din na mayroong katumbas na iisang salita lamang ang mga katangiang nais na
ilarawan. Tulad na lamang ng salitang “waso” (wala sa ayos ang gawa), “probetso” (mayroong
pakinabang), “matsura” (hindi na manganganak) at “pakiatarin” (mahilig makialam). Mayroon
ding sariling mga salitang matatagpuan sa barayting ito na hindi tunay na malapit ang baybay sa
mga katumbas na salita sa Filipino tulad ng “walandyo” (pambihira), “uuris” (baliw), “bulaan”
(sinungaling), “bulagsak” (gastador), “maliwag” (mabagal kumilos), “antaw” (lutang),
“palamara” (pabaya), “adelantado” (mayabang), “buladas” (mambobola), “gihalhal” (balahura)
at “kaslag” (masigla).
Sa mga pang-uri rin ng barayting ito makikita na ilan sa mga pantig ng mga salitang
katumbas ng mga ito sa Filipino ay magkahalintulad tulad ng mga salitang “mawidwid”
(maarte), “nakakagilawlaw” (nakakakilabot), “mayabu” (malambot) , “magayot” (makunat) at
“pisngot” (pango) na halos malapit ang mga nilalamang ponema sa isa’t isa. Ang pang-uri rin
nila ay maaaring magamit sa magkakaibang konteksto tulad ng ilang pang-uri sa Filipino tulad
ng salitang “tigib” (punung-puno) na maaaraming magamit sa konteksto ng pag-ibig o damdamin
na mayroong pagpapahiwatig ng pagkakaroon ng umaapaw na damdamin o di kaya ay
pagpapahiwatig na puno na ang bangka o sapat na ang mga nakasakay rito. Masasabi na
mayroong mga katangiang matatagpuan sa mga pang-uri sa barayting ito na kahalintulad ng mga
pang-uri sa Filipino ngunit mayroon ding nagtatangi sa mga pang-uri ng barayting ito na
maaaring makita sa mismong mga leksikon o panlapi sa dayalekto.
Pangngalan
Ang sumunod na susuriin sa papel na ito ay ukol sa mga pangngalan sa barayti ng
Tagalog Binangonan. Makikita na ang mga nakalap na salita ay halos mayroong kaugnayan sa
kanilang mga pamumuhay tulad ng pangingisda o pagtatanim. Ngunit nabanggit sa isang
komento ng isang kasapi nito na ang ilan sa mga salita ay maaaring hindi na nagagamit tulad ng
mga salitang mayroong kaugnayan sa pagtatanim dahil ang mga ito ay hindi na taniman o
palayan bagkus ay pinagtayuan na ng mga bahay. Ang ilan sa mga pangngalang mayroong
kaugnayan sa pagtatanim at mga prutas, gulay o hayop ay “luwangan” (bukid, pilapil, palayan),
“sabukot” (ibon), “kalumpit” (sampalok na payat), “talumpok” (nakatangkas ang palay),

10
“talapok” (nakakamada ang palay na kinarit bago lugasin o giikin), “balinghoy” (kamoteng
kahoy), “bayokbok” (binusang mais na binayo at nilagyan ng asukal) at “bu-ik” (biik o anak ng
baboy) na halos ay kahalintulad lamang ng nilalamang mga ponema. Ang ilan pang mga salitang
nakalap ay mayroon ding kaugnayan sa pangingisda na kung papansinin ay maaaring mayroong
kaugnayan sa heograpikal na lokasyon ng Binangonan, Rizal na pinalilibutan ng katawang tubig
na Laguna de Bay. Ang mga salitang mayroong kaugnayan sa pangingisda ay “bayakyak”
(isdang maliliit), “talaisa” (maliit na ayungin) at “bigatot” (panghuli ng dalag). Mayroon ding
mga pangngalan sa barayting ito na natatangi sa kanilang dayalekto kung saan naipapaloob sa
iisang salita lamang ang nais na bigyang kahulugan. Tulad ng mga salitang mayroong tiyak na
kagamitan: “almirol” (nilalagay sa mga damit sa pagpaplantsa), “bentusa” (kagamitang
pang-alis ng lamig sa katawan), “paktura” (listahan ng mga bibilhin), at “kruseta” (kahoy na
nakakros sa paa ng upuan upang para di ngumiwi o gumalaw). Mayroon ding salitang ganito ang
katangian na tumutukoy naman sa isang tiyak na bahagi ng mukha o katawan tulad ng
“balingusaw” (tungki ng ilong; bahagi ng ilong sa pagitan ng dalawang mata) at “tutsang”
(matigas na buhok). Isa ring katangian ng pangngalan sa barayting ito ay ang pagkakaroon ng
isang salita ng maaaring dalawang kahulugan tulad ng sa Filipino. Isang halimbawa nito ay ang
“palanta” na maaaring magpakahulugan sa “pabrika” o “lugar na nakabuyangyang”. Mapapansin
din na ang salitang “palanta” ay malapit sa “planta” na maaaring i-ugnay sa “pabrika” na
maaaring maging isang dahilan sa kahulugan nito. Mayroon ding mga pangngalan sa barayting
ito kung saan malapit ito sa mga salitang ginagamit sa Filipino na mayroong magkahalintulad na
kahulugan tulad ng “lunggati” (pagdurusa) at “tipanan” (tagpuan). Mayroong mga salitang
malayo naman sa katumbas nitong salita sa Filipino tulad ng “boka-boka” o “burador” na
mayroong kahulugang “saranggola” na malayo sa pagpapakahulugan ng “burador” sa Filipino na
katumbas ng “draft” sa wikang Ingles “sabukay” (headband) at “tampulan” (paksa o
pinag-uusapan). Isa ring obserbasyon sa pangngalan sa barayting ito ang mga kahalintulad na
salitang ginagamit din sa Filipino tulad ng “sibul” (simula), at “pamuhatan” (pinagmulan). At
ang kanilang barayti, tulad ng katangian ng wikang Filipino at iba pang wika sa Pilipinas ay
mayroong tiyak na iba’t ibang salitang mayroong kaugnayan sa palay, bigas o kanin na isang

11
pangangailangan sa mga Pilipino. Ang mga salitang ito ay “bantilaw” (hilaw na sinaing), “angi”
(nasunog na sinaing), “lingging” (luto na kanin) at “alibutdan” (kulang sa tubig na kanin).
Ang mga pangngalan sa barayting Tagalog Binangonan ay mayroong katangian na kaiba
sa iba pang barayti ng Tagalog tulad na lamang ng pagkakaroon nito ng mga salitang sarili at
ilang pagkakahalintulad sa wikang Filipino na kaugnay rin sa uri ng pamumuhay nila at
heograpikal na lokasyon.
Pandiwa
Ang sumunod na susuriin sa papel na ito ay ang mga pandiwa. Mapapansin na ang
pandiwa sa Tagalog Binangonan ay gumagamit din ng unlaping “mag-” tulad ng sa salitang
“magkawkaw” (maligo) at “maglugas” (maghiwalay o tanggalin o himayin). Gumagamit din ang
mga pandiwa ng unlaping “i-” tulad ng sa salitang “ibahug” (isama) at “na-” at “ma-” ay
ginagamit din sa mga pandiwa tulad ng sa “nasawata” (napuksa), “nabuntal” (nasampal),
“natutuknap” (naaalsa o natatanggal ang kapit), “nagiginda” (nababanda o napupunta) at
“malagutok” (mabatukan). Ginagamit din ang mga hulaping “-in” sa salitang “limiin” (ayusin)
“kawasain” (asikasuhin), “darandanin” (pilit hilahin o batakin o kaladkarin), “sampirungin”
(masampal) at “-han” o “-an” sa “apurahan” (nagmamadali), “mismisan” (tanggalin ang tirang
pagkain sa pinagkainan) at “tatasahan” (kukuha ng hiwa sa ibabaw ng pakwan para malaman
kung mapula). Kakikitaan din ang nahuling halimbawa ng katangian ng mga salita sa barayting
ito na maglarawan sa isang tiyak na kilos na mayroong kaugnayan sa isang tiyak na kaganapan.
Isang suri pa rito ay iba ang kahulugan ng pandiwang ito sa wikang Filipino ngunit mapapansin
na magkaparehas na mayroong kaugnayan sa pagpuputol tulad ng “tasahan” sa Filipino na
“putulin ang ibabaw na bahagi ng isang lapis”. Isa pang obserbasyon sa isang salitang nabanggit
na “sampirungin” ay ang taliwas na gamit sa pagpapahayag ng hulaping “-in” na mayroong
intensyong sadyain sa Filipino, sa kahulugan ng salita na “masampal” na nagpapahiwatig ng
kawalan ng intensyong magawa ang kilos. Ginagamit din ang unlaping “pa-” tulad ng sa salitang
“pauma” (pahalik) na mayroong kahalintulad na gamit sa Filipino.
Isa pang katangian ng mga pandiwa sa barayting ito ang paggamit din sa gitlaping “-um-”
tulad ng sa mga salitang “sumubo” (kumukulo o maluluto na ang kanin) na mayroong kaugnayan
pa rin sa kanin na pangunahing pagkain ng mga Pilipino at sa prosesong kaugnay nito na

12
pagsasaing ngunit mayroong pag-iiba sa kahulugan nito sa Filipino. At isa pang halimbawa sa
paggamit ng gitlaping “-um-” ay sa salitang “tumatalilis” (umalis nang walang paalam). Isa muli
itong pagpapaloob ng isang tiyak na kaganapan sa iisang salita lamang na maaring walang
katumbas sa wikang Filipino. At isa pang halimbawa nito ay ang “kumakalabusaw” (tumatalsik o
nagtatampisaw). Ang mga pandiwa rin ay kakikitaan ng parsyal o buong reduplikasyon tulad ng
sa salitang “wari-wari” na mayroong pagpapakahulugang “mag-isip” at “mamamaraka”
(mamamalengke).
Mayroong mga salitang natatangi lamang sa kanila at malayo ang katumbas na salita sa
Filipino tulad ng “umit” (pagkuha nang walang paalam), “babag” (suntukan), “bangi” (ihaw),
“galtang” (hila o pang-isahang anyo ng susunod na salita), “galbot” (agaw o pangmaramihang
anyo ng salitang “galtang”), “maalwan” (maginhawaan), “haplit” (hataw), “mustra” (ipakita
kung paano) at “kurta” (alog). Nasuri na mayroon ding mga salita sa barayting ito na ginagamit
din sa wikang Filipino tulad ng “papanaog” (bababa), “nasawata” (napuksa) at “galugad”
(hinanap). Kakikitaan din ang mga pandiwa ng mga salitang maaaring mula sa wikang Kastila
tulad ng “rebuelta” (gantihan) at “vuelta” sa wikang Kastila na nangangahulugang “bumalik” at
“miron” (manuod o mga usyoso) at “mirar” sa wikang Kastila na ang ibigsabihin ay “tignan”.
Makikita na ang mga kahulugan sa Tagalog Binangonan ay malapit sa kahulugan ng mga
salitang kaugnay sa wikang Kastila. Isa pang obserbasyon sa pandiwa ng barayting ito ang
paggamit ng “isang o ang pinaikling anyo nito na “san” at pagkakabit nito sa isa pang salita tulad
ng sa “isang bakol” at “sandamukal” na magkaparehas na nangangahulugan sa kilos na
“nakasimangot.”
Masasabi na ang pandiwa ng barayting ito ay kakikitaan ng pagkuha o kaugnayan mula
sa ibang wika tulad ng Kastila, pagkakaroon ng mga natatanging salita at pagkakahalintulad din
sa paggamit ng mga panlapi sa Filipino at mismong ilang mga leksikon sa Filipino. Ngunit, sa
isang halimbawa ay napatunayan na hindi magkahalintulad ang paggamit ng panlaping “-in” sa
intensyong ipinapahiwatig ng salita. Sa kabila nito, makikita na ang mga salita sa barayting ito
ay nagpapahiwatig pa rin ng kahalintulad ng paggamit ng ilang mga panlapi upang magpahayag
ng aspekto ng mga pandiwa.

13
Pang-abay
Ang mga pang-abay na nakalap sa grupo sa Facebook ay tatlo lamang at ito ay ang mga
salitang “husto” (tama), “pahapay-hapay” (pagewang-gewang) at “habi” (tabi). Makikita sa
tatlong halimbawa na ito na magkahalintulad lamang ang salitang ginagamit sa pagpapahayag ng
pagsang-ayon sa Filipino at Tagalog Binangonan. Isa pang obserbasyon ay ang pagkakaroon din
ng reduplikasyon sa pang-abay na ipinapakita ng “pahapay-hapay” kung saan iniulit ang
salitang-ugat at mapapansin na ang “habi” at “tabi” ay iisang ponema lamang ang pinagkaiba.
Bagama’t kaunti lamang ang nakalap na mga pang-abay sa papel na ito, tinatangka pa rin
nitong magbigay ng ilang katangian ng mga pang-abay at magpahapyaw sa mga katangiang ito
na makatutulong sa paglalarawan sa barayting ito. Kakikitaan din ang mga pang-abay sa
barayting ito ng ilang mga natatanging salita tulad ng “hapay” at “habi.”

Mga Ekspresyon
Ilan sa mga nabanggit na tanyag na ekspresyon sa barayting ito ay ang dalawang salitang
nakalap mula sa grupo sa Facebook na “hane” at “padodits”. Ang unang ekspresyon ay maaaring
magpahayag ng panlalambing o na ang kausap ay iyong kaibigan o kakilala at ang pangalawang
ekspresyon naman ay mayroong pagpapakahulugan ng “kunwaring ayaw pero gusto” na
masasabing isang natatanging katangian mula sa barayting ito na nakapagpapatingkad pa lalo ng
Tagalog sa Binangonan at kulturang kaugnay nito.

Konklusyon
Maraming pinapatunayan ang papel na ito sa pagpapaunlad ng wika partikular sa barayti
at baryasyon nito. Isa na sa mga ito ay ang pagwasak sa nosyon na ang ​Facebook ​ay maaaring
maging dahilan upang humina ang pagtangkilik natin sa sariling wika. Ang ​Facebook ay
maaring tawaging impormal na plataporma ng pagpapahayag sapagkat hindi ito disensyo upang
pormal na ihain sa pang-akademikong kasanayan. Karamihan sa mga nilalaman nito ay walang
sinusundang istandard sa wika pagdating sa pagbibigay komento sa mga post o kahit ang
paglalagay ng post sa kanya-kanya nating ​timeline. ​Ngunit pinatunayan ng papel na ito na ang
Facebook ​ay maaring maging instrumento upang alamin ang kaluluwa ng isang lugar. Ang

14
grupong ​Batang Binangonan Kami ay nagbibigay daan upang pagkumpulin ang iba’t ibang
termino sa Binangonan Rizal na kung hindi naiiba, ay hindi pa sinasalita sa iba’t ibang lugar sa
katagalugan partikular sa karatig siyudad nito.
Dagdag pa dito, nagbibigay ideya ang grupong BBK sa ​Facebook ​na ang pagpapayaman
ng wika ay hindi limitado sa gulang, sa narating ng bawat kasapi nito o sa daluyong ng
teknolohiya. Ginamit ng grupong ito ang inobasyon upang pagyamanin ang wika at hindi upang
yumakap ng iba pang termino mula sa dayuhang wika. Maaaring babad ang mga gumagamit nito
sa iba’t ibang dayuhang wika ngunit nananatiling pamilyar sa kanila ang termino na ipinanganak
sa sarili nilang bayan.
Higit pa dito ay ang pagkilala sa mga salita na may kontekstong pangkasaysayan na hindi
lamang sumasalamin sa pinagmulan nitong lugar kung hindi pati na rin sa kulturang nakapaloob
dito. Sa bawat ​domain ng mga salitang ito ay may kaakibat na kasanayang panlipunan, mental at
emosyonal na pagbabahagi ng bawat kasapi, kultural at tradisyonal na pag-uugat at makathaing
pagsasa-konteksto ng bawat kahulugan.
Sa patuloy na paglunsad ng grupong ito, tumataas din ang posibilidad na mapreserba ang
kanilang kultura sa pamamagitan ng wika. Ang matibay na pagkilala nila sa wika ang
magbibigay daan upang sino man ang nakakalaam nito ay magkaroon ng motibasyon upang
gayahin o kung hindi man ay magkaroon ng kahawig na konsepto nito. Naniniwala ang mga
mananaliksik na hindi hadlang ang geografikal na aspeto, daluyong ng globalisasyon at tagal ng
panahon upang ang wika ay hindi mapagunlad o mapagyaman. Ang kolektibong pagkilos ay
sapat na upang makamit natin ang aspirasyong buhayin ang wika ano man ang kondisyon ng
lipunan.

Rekomendasyon
Ang maiigting na pagsuri sa mga salita ng grupong ito sa ​Facebook ​ay nakapokus lamang
sa minoryang pangkat. Hanggang isang daang salita lamang ang nakalap na salita ng mga
mananaliksik, magmula sa unang post ng grupo hanggang Abril 2018 kaya naman magiging
maigi kung ang kabuuang mga post ang kukuhanin at pag-aaralan. Mas maigi siguro kung
lalabas sa lente ng social media at aaralin talaga ang kabuuang bokabularyo ng Binangonan.

15
Glosaryo
Talaan ng mga salita sa FB Group (BBK) ng mga Taga-Binangonan, Rizal
1. Adelantado - mayabang
2. Alibutdan - kulang sa tubig na kanin
3. Almirol - nilalagay sa mga damit at pagplantsa
4. Angi - nasunog na sinaing
5. Antaw - lutang
6. Apurahan - nagmamadali
7. Babag- suntukan
8. Balinghoy - kamoteng kahoy
9. Balingusaw - tungki ng ilong; bahagi ng ilong sa pagitan ng dalawang mata
10. Banas - mainit o naiirita
11. Bang yangi - mayabang
12. Bangi - ihaw
13. Bangkiki - nakatambak
14. Bantilaw - hilaw na sinaing
15. Bayakyak - isdang maliliit
16. Bayokbok - binusang mais na binayo at nilagyan ng asukal (Boy Vital)
17. Bentusa - kagamitang pang-alis ng lamig sa katawan
18. Bigatot - panghuli ng dalag
19. Boka-boka, burador - saranggola
20. Bu-ik - anak ng baboy / biik
21. Bulaan - sinungaling
22. Buladas - mambobola
23. Bulagsak - gastador
24. Darandanin - pilit hilahin o batakin / kaladkarin
25. Dupang - sobrang sakim
26. Galbot - agaw/ pang-maramihan na Galbang
27. Galtang - hila/ pang-isahan

16
28. Galugad - hinanap
29. Gihalhal - balauhar / palamura (ginagamit sa mainland ng mga matatanda, sa upland mas
komong ginagamit - Abner S. Rivera)
30. Habi - tabi
31. Hane
32. Haplit - hataw
33. Hinayupak - masama ugali
34. Husto - tama
35. Ibahug - isama
36. Isang bakol - nakasimangot
37. Kalumpit - sampalok na payat
38. Kaslag - masigla
39. Kawasain - asikasuhin (bisita)
40. Kruseta - kahoy na nakakros sa paa ng upuan para di ngumiwi o gumalaw (Boy Vital)
41. Kumakalabusaw - tumatalsik o nagtatampisaw
42. Kurta - alog
43. Langong lango - lasing na lasing
44. Limiin - ayusin
45. Lingging - luto na kanin
46. Lunggati - pagdurusa
47. Luwangan - palayan, bukid, pilapil
48. Maalwan - maginhawaan
49. Magayot - makunat
50. Magkawkaw - maligo
51. Maglugas - maghiwalay o tanggalin o himayin (ang busil ng mais)
52. Malagutok - mabatukan
53. Malangutngut - malutong
54. Maliwag - mabagal kumilos
55. Mamamaraka - mamamalengke

17
56. Matsura - di na manganganak (Abner S. Rivera)
57. Mawidwid - maarte
58. Mayabu - malambot
59. Miron - manuod/ mga usyoso
60. Mismisan - tanggalin ang tirang pagkain sa pinagkainan
61. Mustra - ipakita kung paano
62. Nabuntal - nasampal
63. Nagiginda - nababanda/ napupunta
64. Nakakagilawgaw - nakakakilabot
65. Nanggigipalpal - sobrang dumi
66. Nasawata - napuksa
67. Natutuknap - naaalsa/ natatanggal ang kapit
68. Padodits - kunwaring ayaw pero gusto
69. Pahapay hapay - paika ika/ gewang gewang
70. Pakiatarin - mahilig makialam
71. Paktura - listahan ng mga bibilhin
72. Palamara - pabaya
73. Palanta - pabrika o lugar na nakabuyang yang
74. Pamuhatan - pinagmulan
75. Papanaog - bababa
76. Pauma - pahalik
77. Pisngot - pango
78. Probetso - may pakinabang (Abner S. Rivera)
79. Rebuelta - gantihan
80. Sabukay - headband
81. Sabukot - ibon
82. Samlang - salaula/ bastos
83. Sampirungin - masampal
84. Sandamukal - nakasimangot

18
85. Sibul - simula
86. Sumubo - kumukulo o maluluto na (ang kanin)
87. Talaisa - maliit na ayungin / karing karing
88. Talapok - nakakamada lang ang palay na kinarit para patuyuin bago giikin o lugasin
(Abner S. Rivera)
89. Talumpok - nakatangkas ang palay; nakatali sa kambubog (Abner S. Rivera)
*makalumang salitang may kaugnayan sa palayan o pagtatanim
90. Tampulan - paksa o pinag-uusapan
91. Tatasahan - kukuha ng hiwa sa ibabaw ng pakwan para malaman kung mapula (Boy
Vital)
92. Tigib - punung-puno (ang bangka o ang damdamin)
93. Tipanan - tagpuan
94. Tumatalilis - umalis nang walang paalam
95. Tutsang - matigas na buhok
96. Umit - pagkuha nang walang paalam
97. Uuris - baliw
98. Walandyo - pambihira
99. Wari wari - magisip
100. Waso - wala sa ayos ang gawa

19
Transkrip ng Interbyu kay Jolan Aralar, co-administrator ng grupo:

1. Bakit ginawa ang BBK? Sino ang mga nasa likod nito at ano ang naging ideya para sa
facebook group na ito?
2. Lahat ba ng miyembro ay mula sa Binangonan? Paano ito nasasala?
3. Paano umusbong ang pag-post ng mga salitang sa Binangonan lang? Hinikayat ba ito ng
admin o pagkukusa ng mga miyembro? Ano ang naging feedback nito.

Ang BBK ay sinimulan ni Admin Ferdy Villones on January 16. Nag-pm [Personal Message/
Private Message] siya sa akin 2 weeks after asking if pwede akong Admin. Initially, ayoko kase
I am a very busy person...pero sabi nya ako daw makakatulong dun sa group. Dahil siya ang
nagpasimula, tinanong ko siya bakit. Sabi niya kasi yung Binangonan and More (BAM)
[Facebook group ng Binangonan Community para mag-buy and sell ng iba’t ibang bagay] ay di
naman lahat taga-Binangonan at minsan may mga posts na hindi na maka-identify yung iba. Nag
palitan kami ng kuro-kuro kung ano ang nabi-visualize namin sa group na ito. I sort of like the
idea of having a pure Binangonan page and I said yes, I will join you as an administrator. He has
some moderators na that time na di ko kilala, isa lang yung kakilala ko or dalawa yata. So siya
admin at ako. In time, I added some prominent ones spread throughout Binangonan- the likes of
former Councilor Loloy Reyes, Ms. Heidi (na ngayon ay promoted na as admin) ate Her
Gonzaga (a very legit writer and preserver ng Kulturang Binangonan) Kagawad Nai delos
Santos, Kagawad-elect Tjay Bernardo, Chito Paner (the very famous photographer) and many
others. This is in addition sa grupo ni admin Ferdy.

2. Ang intensyon ay ang members ay taga-Binangonan, natira sa Binangonan, may konek sa


Binangonan. We have screening questions like ano ang iyong tunay na pangalan, saan ka
nakatira sitio at barangay. We check mutual friends, we check the apelyido because there are
apelyidos na likas n Binangonan. Pero nung kasagsagan ng paglakai ng kasapian, nahirapan kami
mag screen kase.. minu minuto me 100 o 300 na requests na mag member so we resorted, that
time, to approve all, ng sakit kase sa ulo. Kaya din nag dagdag ng moderators na ipinagsabi ko

20
naman kay admin Ferdy.

3. Ang una talagang naging trending ay maga tao at lugar at pangyayari sa Binangonan of
yesteryears. However, bigla na lang lumabas ang mga likas na Tagalog Binangonan at ito ay
naging patok sa mga members. Educational daw, nakakatuwa, may mga salitang naririnig dati
pero di nila alam.. Malaking bagay yung post dati ni Richard Lozada tungkol sa etymology ng
mga barangay at kung ano ano pa. Isa ito sa lalong nagpasidhi ng damdamin ng mga miyembro
na mag-ambag ng mga salita. Napakalaking bagay ng diversity ng membership: may Pari, may
DepEd Superintendent, Prinsipal, mga artists, mangingisda, mga pulitiko, at halos lahat ng
sektor. Napakalaking classroom ng BBK na naging lugar upang magkumustahan, matuto mag
kakilakilala, mag-re-connect sa isa't-isa, makatagpo ng kamag-anak at marami pang
magagandang nangyari,

21

You might also like