You are on page 1of 15

MODYUL 13

Panitikan Hinggil sa Sitwasyon ng mga


Pangkat Minorya

I. MGA LAYUNIN
Sa katapusan ng 3 oras na aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:

1. Nakasusuri ng akdang pampanitikan na may kabuluhang panlipunan; at


2. Nakasusulat ng buod na mahahalagang pangyayari o kaisipan sa akdang
binasa.

II.ALAMIN MO
Tatalakayin sa araling ito ang kalagayan ng mga pangkat minorya sa
pamamagitan ng panitikan. Ang panitikan ay ang pagsulat ng tuluyan o tuwiran at patula
na nag-uugnay sa mga tao. Ang pangkat ay ang sektor ng lipunan. Katutubo
o minorities ang salitang ginagamit upang ilarawan ang mga pangkat etniko na
naninirahan sa isang rehiyon o lugar na samasama. Sila ay may koneksyong
pangkasaysayan, mga bagay na nag-uugnay at nagbubuklod sa kanila na ipinapamalas
nila sa gawi ng kanilang pamumuhay at kadalasan ay nakararanas ng diskriminasyon o
marginalisasyon.

III.TUKLASIN MO
Tila alingawngaw na bumasag sa katahimikan ng mga katutubong Pilipino ang
kaliwa’t kanang suliraning nag-udyok sa kanila upang iparinig ang kanilang tinig. Kahit
sila pa ang kaunaunahang humubog sa ating kasaysayan at kultura, mistulang kulang
pa rin iyon upang ang sitwasyon ng mga ethnic minorities ay bigyang pansin ng lipunan
at pamahalaan.

Natatanging Pagkakakilanlan
Matatagpuan ang mga katutubo sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at may
tinatayang 14 hanggang 17 milyong Indigenous People na kabilang sa 110 grupo ng
ethno-linguistic; ang mga ito ay pangunahing nakatuon sa Mindanao (61%) at Hilagang
Luzon (Cordillera Administrative Region, 33%), kasama ang ilang mga grupo sa
Visayas, ayon sa datos ng United Nations Declaration on the Rights of Indigenous
Peoples, isang organisasyong nagsusulong na itaguyod at protektahan ang mga
karapatan ng mga katutubong mamamayan.

Kabilang na ang mga Mansaka ng Compostela Valley, Mangyan ng Mindoro,


Lumad ng Mindanao, mga Aeta ng Sierra Madre, at Tau’t Bato ng Palawan sa maraming
uri ng katutubong etniko o minorya sa ating bansa sa bilang ng mga pangkat na hindi
nakakatanggap ng karampatang pagkakakilanlan. Hindi maikakaila ang ambag ng mga
katutubo sa ating kultura at tradisyon; isa na rito ang sistema ng paglikha ng mga Ifugao
sa Banaue Rice Terraces dahil sa natatanging istruktura nito, mga ipinamanang
kasuotan na sumasalamin sa sinaunang kultura, at marami pang iba. Maging sa
paglipas ng panahon ay kamanghamangha na napanatili nila ang natatanging
katutubong kultura ng sinaunang Pilipino.
Ayon sa pananaliksik ng United Nations Development Program noong Marso,
isang organisasyong sumusuporta sa kaunlaran ng bansa’t pagtupad ng Millennium
Development Goals nito, kadalasa’y mga minorya ang biktima ng diskriminasyon sa
benepisyong pampubliko dahil karamihan sa kanila’y nakatira sa malalayong lugar na
hindi gaanong abot ng kabihasnan. Kabilang sa mga problema ay kulang na suplay ng
malinis na tubig, tulong medikal gaya ng mga health centers, mga kagamitan at
pasilidad para sa edukasyon, at iba pa.
“A stronger focus on those excluded groups, and on actions to dismantle these barriers
is urgently needed to ensure sustainable human development for all,” ayon sa naturang
ulat.

Pagsubok ngayon, pagsubok pa rin bukas?


Kasama rin sa pagsubok ng mga katutubo ang paglaban nila para sa kanilang
lupaing ninuno (ancestral domains) at likas na yaman sa kamay ng mga kapitalista at
mga dayuhan. Ayon sa Human Rights Watch Organization, isang organisasyon na
naglalayong protektahan ang mga minorya, marami ang nakasaksi sa pagpatay ng mga
hinihinalang paramilitar sa mga Lumad, sinundan pa ng madugong pagtugon ng
kapulisan sa protestang ginanap ng mga katutubo sa harap ng embahada ng Amerika at
marami pang iba. Idagdag pa dito ang pahayag ng mga katutubo ukol sa pag-usbong ng
mga corporate extractive industries na pumapasok sa kanilang lupaing ninuno (na
tinatago sa tawag na development projects), tulad ng mga minahan, pagtotroso,
quarrying, proyektong pang-enerhiya, at iba pang malawakang plantasyon at proyektong
pangturismo na hindi angkop sa kanilang kultura.
Mayroong panukalang batas para sa mga minorya gaya ng Republic Act 8371 o
Indigenous People Rights Act, na naglalayong protektahan at pangalagaan ang mga
katutubo at ang pinagmumulan ng kanilang kabuhayan at National Commission on
Indigenous Peoples (NCIP) na nagraraos ng National Indigenous Peoples Conference,
isang taunang pagpupulong upang paigtingin ang pagtanggap sa mga minorities
(kaakibat nito ang kamakailan lang na paglagda sa isang kasunduan ng NCIP at
Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagsulong at
pakikiisa nila sa mga minorities at mga Indigenous Cultural Communities). Sa kabila ng
mga nasabing pamamaraan ng gobyerno, hindi pa rin maiiwasan ang katotohanan na
kulang ang mga ito upang masigurado ang epektibong tugon ng pamahalaan.
Sa patuloy na pagabante ng ating bayan sa kinabukasan, hindi dapat talikuran ang
kultura at ang mga palatandaan ng ating kasaysayan. Ang ating bayan ay hindi lamang
para sa mga taong nasa kabihasnan kundi para sa lahat, minorya man o hindi.

V.PAHALAGAHAN MO
Kaugnay ng iyong binasa sa itaas, bisitahin ang photo album na “Mga
Tula Para sa Lumad” sa Facebook Page ng “Pagsubang sa Aldaw”. Narito ang link:
https://www.facebook.com/pg/pagsubangsaadlaw/photos/?
tab=album&album_id=965429540187916.

VI.TANDAAN MO
Ang musikang makabayan ay mga awit na nagtataguyod ng malasakit sa bayan.
Sa pamamagitan nito, ipinapakilala sa mga kabataang Pilipino ang sarili nating sining at
kultura. Nagsisilbi rin itong lunsaran ng mga isyung panlipunan na kailangang maunawaan
ng mga kabataan sa ating lipunan. Ayon kay Abraham, ginagamit bilang sangkap ng
pagkakaisa nating mga Pilipino ang musika mula sa iba't ibang pangkat ng tao sa Pilipinas.
Bahagi ito ng karanasan ng ating lipi na kailangang ibahagi at hindi ikahiya.
MODYUL 14
Panitikan Hinggil sa Sitwasyon ng mga
Pangkat Minorya

I. MGA LAYUNIN
Sa katapusan ng 3 oras na aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
1.Nakasusuri ng akdang pampanitikan na may napapanahong kabuluhang
panlipunan; at
2.Nakasusulat ng borador ng akademikong papel na tumatalakay sa isyung
panlipunan.

II. ALAMIN MO
Tatalakayin sa araling ito ang kalagayan ng mga pangkat minorya sa
pamamagitan ng panitikan. Ang panitikan ay ang pagsulat ng tuluyan o tuwiran at patula
na nag-uugnay sa mga tao. Ang pangkat ay ang sektor ng lipunan. Katutubo
o minorities ang salitang ginagamit upang ilarawan ang mga pangkat etniko na
naninirahan sa isang rehiyon o lugar na samasama. Sila ay may koneksyong
pangkasaysayan, mga bagay na nag-uugnay at nagbubuklod sa kanila na ipinapamalas
nila sa gawi ng kanilang pamumuhay at kadalasan ay nakararanas ng diskriminasyon o
marginalisasyon.

III. TUKLASIN MO
Ang Lumbay ng mga Lumad
Tila hindi na matapos ang mga bali-balita ukol sa ligalig na nararanasan
ng mga lumad. Palagian na ang mga ulat ukol sa pagpatay sa mga lider ng mga lumad;
pagsasara ng mga paaralang lumad; ang malawakang pagbakwit ng mga pamayanan at
ang panggigipit sa mga lugar na pinagbakwitan ng mga ito. Kahit ganito ang bali-balita,
hindi maitatatwa na marami pa rin ang hindi nakakakilala sa mga lumad. Kahit ang mga
batayang teksbuk sa kasaysayan, bibihira ang nagbabanggit sa kasaysayan ng mga
lumad bilang pambansang minorya sa iba’t ibang panahon.
Ang mga lumad ang mga katutubong pangkat etniko ng Mindanao. Kasama dito
ang mga grupo ng Atta, Bagobo, Banwaon, B’laan, Bukidnon, Dibabawon, Higaonon,
Mamanwa, Mandaya, Manguwangan, Manobo, Mansaka, Subanen, Tagakaolo,
Tasaday, Tboli, Teduray, at Ubo. Bagaman isang exonym (katawagang pampangalan
na nagmula sa labas) ang katagang Lumad, naging malawakan ang paggamit nito sa
mahabang panahon ng pagkilala sa kalagayan ng mga katutubo ng Mindanao.
Kapanabay din nito ang pagkilala sa partikularidad ng kanilang katangiang iba sa
kalagayan ng mga Moro gaya ng mga Tausug, Sama, Yakan, Maranao, Maguindanao,
Subanen at Badjau – na kalimitang siyang unang naiisip kapag taga-Mindanao ang
binabanggit.
Dahil maraming dayong grupong Kristiyano gaya ng mga Sugbuhanon,
Hiligaynon, Waray, Tagalog, Ilocano at iba pang mula sa Visayas at Luzon ang tumuring
din sa Mindanao bilang kanilang tahanan, lalong napunta sa gilid ang pag-iral ng mga
lumad bilang katutubo ng Mindanao.
Sinasabing maraming pangangamkam ng lupa at pagpapaalis sa mga katutubo ang
nagaganap dahil maraming proyekto gaya ng pagmimina, pagtotroso at iba pang
kaugnay na pagkuha ng mga likas yaman sa mga lupang ninuno. Hindi lamang ito
isinasakatuparan ng mga malalaking korporasyong nakabase sa Pilipinas, ang ilan sa
mga interes sa pagmimina ang nagmula pa sa ibang bayan gaya ng Australia, Tsina, at
Amerika.
Kaugnay din nito, maraming mga paaralang katutubo ang pinasarhan, kahit na
iyong may pagkilala hindi lamang sa mga sangay pang edukasyon ng pamahalaan kundi
sa pandaigdigang inisyatibo ng edukasyon ng mga katutubo. Pinaghihinalaan daw na
nagkakanlong ng mga rebelde ang mga katutubo, kundi man kasama sila mismo sa mga
rebeldeng kumakalaban sa pamahalaan. Kaugnay nito, pinaghihinalaan din ang mga
paaralang katutubo bilang mga institusyong nagsasanay para daw labanan ang
pamahalaan.
Dito nag-ugat ang ilang mga sigalot na nagdulot ng pagkamatay ng mga
katutubo, na nakakuha ng atensyon sa mga taga-Maynila na naglunsad ng kampanya
upang tigilan ang tinawag nilang lumad killings. Ilang mga lumad at mga tagasuporta nila
ang namatay sanhi ng armadong tunggaliang dulot ng sigalot sa mga lupaing ninuno.
Nagbalik ang mga lumad ng Mindanao ngayong taon upang muling igiit ang
kanilang mga hinaing sa pamahalaan. Kaiba noong nakaraang taon, higit na maraming
grupo ang kasama ng mga lumad. Ilang mga grupong Moro ang sumama sa lakbyan
upang makiisa sa mga lumad at ipahayag na magkatuwang sila sa pagpukaw ng
atensyon sa kalagayan ng mga katutubo sa Mindanao. Mayroon ding mga Aeta na
nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas, at mga Mangyan ng Mindoro na
sumama sa Lakbayan ng mga Katutubo.
Mahabang panahon nang hindi pinahahalagahan ng mga namamahala ang kalagayan
ng mga katutubo. Higit na nakakabahala, mahabang panahon nang itinuturing na
mababa ang kalagayan ng mga kalinangang katutubo kung ihahambing sa ibang mga
Pilipinong nasakop ng mga dayuhan. Sa katunayan, sa unang gawa pa lamang ng
pagbubuo ng kolonyal na pamahalaang Espanyol, marami nang katawagan ang
nasambit upang maipakitang mabangis, marahas, magulo, mababa ang kalagayan ng
mga katutubo. Sa mga planes de almas (literal na kahulugan mula sa Espanyol na mga
mapa ng kaluluwa), ihinihiwalay ang mga katutubo sa iba pang mga indios naturales na
mga grupong Kristiyano. Itinuring silang mga Cimarron, Salvajes, Malhechores, Infieles
(wild, savage, evil doers, infidels) upang ihayag ang pagkakaiba nila sa mga
‘napapapayapang’ mga katutubong indio.
Sa panahon ng mga Amerikano, nagpatuloy ang ganitong paglibak at pag-aaglahi sa
kalagayan ng mga katutubo. Ayon sa Cooper Act of 1902, kailangang magkaroon muna
ng pambansang Census na isasakatuparan upang malaman ang bilang ng mga Pilipino,
at kung iiral ang kapayapaan at pagtanggap sa pamamahalang Amerikano na bibigyan
ng sertipiko ng Pangulo ng Amerika dalawang taon matapos ang paglalathala ng
Census, doon lamang magkakaroon ng halalan sa Pambansang Asembleya na
magsasanay sa mga mamamayan upang makapamuno ng sarili. Nalathala ang Census
noong 1905 matapos itong maisakatuparan noong 1903, kaya ang Asembleya ng 1907
ang naging unang makabuluhang pagbubuo ng hakbang sa pansariling pamununo sa
ilalim ng mga Amerikano.
Subalit hindi kasama ang mga katutubo sa inisyatibo ng pansariling pamumuno. Sa
katunayan, hindi binigyan ng karapatang mahalal o maghalal ang mga katutubo at
nilimita lamang ito sa mga ‘sibilisadong grupo’ sang-ayon sa Census ng 1903.
Ipinagpatuloy at namana ng mga Amerikano ang patakaran ng diskriminasyong
sinimulan ng mga Espanyol. Ang mga kinilala lamang nitong ‘sibilisado’ – ang mga
grupong Kristiyanong taga-patag gaya ng mga Bicol, Cagayan, Ilocano, Pampanga,
Pangasinan, Tagalog, Visayan, at Zambalan ang may karapatang mahalal at maghalal
para sa bubuuing pamahalaang kolonyal na kasangkot ang mga Pilipino. Walang
kinilalang karapatan ang mga katutubo dahil binanggit na kasama sila sa mga grupong
tinaguriang ‘wild’ o mababangis. Ayon sa Census ng 1903, the wild peoples of the
Philippines may be divided into four classes: Those who were essentially savage and
nomadic in their habits, such as the headhunters of Luzon and certain of the Moros;
those who are peaceful and sedentary, such as many of the Igorots; those who are
peaceful, nomadic, and timid, such as the Negritos, the Mangyans of Mindoro, and the
pagans of Mindanao, who, on the appearance of strangers, flee to the fastnesses of the
forests and jungles, and cannot be approached; and finally, those who compose the
outlaw elements from the Christian towns, and are known as the monteses, remontados,
vagos, nomadas, pulijanes (sic), and babylanes (sic) … (Census 1905)
Hindi lamang iniugnay ang pagiging sibilisado sa mga Kristiyanong taga-patag,
naging malalim ang implikasyon ng klasipikasyon ng mga katutubo bilang mga
‘mababangis’ at ‘magugulo’ dahil pinatatag nito ang diskriminasyon sa pagtingin ng mga
taga-patag sa ibang mga katutubong grupo. Kasama ang lahat ng mga katutubo sa mga
hindi tumatanggap ng sibilisasyong Amerikano at mga tumututol dito.
Napatining ang mababang pagtingin sa mga lumad at iba pang katutubo dahil sa mga
patakarang kolonyal. Walang pagkilala sa karapatan at kakanyahan ng mga katutubo na
pamahalaan ang kanilang sarili kaya ang itinuring ng Census na mga ‘sibilisado’ lamang
ang binigyan ng karapatan sa pamamahala. Mananatili ang ganitong ugnayang
mayorya-minorya bilang isang kolonyal na proyekto hanggang sa panahong magiging
isang Republika ang Pilipinas.
Kung tutuusin, lahat naman ng mga mamamayan sa Pilipinas ay katutubong
Pilipino, subalit dahil sa mga patakarang kolonyal, nagkaroon ng paghahati ang lipunan
at naging mababa ang pagtingin sa mga katutubo. Ang kawalan ng kaunlaran, ang
pagiging iba ng kalinangan, wika, gawi, paniniwala – ang kalimitang binabanggit bilang
batayan kung bakit iba ang mga katutubo sa nakararaming mga Pilipino. Ang
minoritisasyon o ang proseso ng pagiging minorya sa sariling bayan ang makikitang
bunga ng ganitong pagtingin.
Iba’t ibang pamahalaan ang nagdaan, ilang mga patakaran din ang
naisakatuparan upang ‘maging sibilisado’ ang mga katutubo sa pananaw ng estado at
mga kolonyal na pamumuno. Ang pwersahang paglipat ng relihiyon, pagtanggap sa
Kristiyanong kalinangan, ang pagiging ‘makabago’ tulad ng mga nakatanggap ng
pananakop – mga patakarang pawang naglalayon ng asimilasyon at integrasyon ng mga
katutubo sa kultura ng nakakarami – ang mga isinulong na patakaran sa mga katutubo.
Subalit ang asimilasyon at integrasyon ng mga katutubo ang siyang magiging ugat ng
suliranin sa pagbura ng kultura ng mga katutubo. Kung magiging katulad na ng iba pang
mga taga-patag na Kristiyano ang mga katutubo sanhi ng ‘pag-unlad’ o ‘development’ na
ipinapahayag ng mga nasa pamahalaan, ano na ang mangyayari sa katutubong kultura,
paniniwala, kalinangan, wika, at pamamaraan ng pamumuhay ng mga lumad, ng mga
Moro, ng mga taga-Kordilyera at ng mga Mangyan? Ano ang pag-unlad kung mabubura
naman ang kanilang lipunan dahil lalamunin lamang ito ng mga kalinangang kanluranin?
Maraming insidente ng karahasan na ang nararanasan ng mga lumad. Pinipilit silang
magbakwit sa kanilang sariling pamayanan. Pinapasarhan ang kanilang mga paaralan.
Ginagawang minahan ang kanilang lupang ninuno. Nagiging lugar ng digmaan at
militarisasyon ang kanilang mga bayan. Nang idulog ng mga lumad ang kanilang
kalagayan sa pamamagitan ng lakbayan, sinalubong ang paglalakbay ng mga lumad sa
Kamaynilaan kamakailan ng karahasan ng sandatahang lakas at pulisya. Muli, napuna
ang kalagayan ng naratibo ng mga katutubo sa pambansang naratibo. Karahasan ang
nagiging tugon sa mga hiling ng mga lumad na kilalanin ang karapatan bilang
pambansang minorya. Muli, lumabas na naman ang naratibong ‘marahas’, ‘mabangis’,
‘salvaje’ at ‘cimarron’ ang mga katutubong nagpoprotesta kaya kailangang tapatan sila
ng kapangyarihan ng estado upang maging ‘payapa’ at ‘sibilisado’ ang kanilang pag-iral.
Marami pang mapait na pamana ang ating kasaysayan na kailangan nating kaharapin
upang makilala kung sino talaga ang ‘sibilisado’ at ‘mabangis’ sa ating lipunan.

Basahin pa ang karagdagang babasahin na ito. Narito ang link:


https://www.pinoyweekly.org/2017/09/lakbayan2017/.

IV. TANDAAN MO
Sa patuloy na pag-usbong ng ating bayan sa kasalukuyan at pag-
abante para sa kinabukasan, hindi dapat talikuran ang kultura at ang mga palatandaan
ng ating kasaysayan. Ang ating bayan ay hindi lamang para sa mga taong nasa
kabihasnan kundi para sa lahat, minorya man o hindi.
MODYUL 15
Panitikan Hinggil sa Migrasyon
____________________________________________________________________________

I. MGA LAYUNIN
Sa katapusan ng 3 oras na aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
1.Nakasusulat ng buod sa mahahalagang pangyayari at/o kaisipan mula sa akdang
binasa.
2.Nakasusulat ng reaksyong papel tungkol sa kabuluhang panlipunan ng isang akda

II. ALAMIN MO
Sa paksang ito, magkakaroon kayo ng kamalayan hinggil sa isyung kinakaharap
ng bansa tungkol sa migrasyon sa pamamagitan ng isang akdang pampanitikan.

III. TUKLASIN MO

Mary Jane
Ni Lee Harvey David

Sumasagupa sa malaking alon ang payak mong bangka.


Milya pa ang layo bago matunton ang lupa.
Sasabayan ng pagbagsak ng luhang mas maalat pa sa dagat.
Pilit isinasalba ang buhay at mata’y maimulat.

Mabilis ang pagsagwan sabay sa alon ng mapanghusgang unos.


Lalaban, susugod, pananglaw sa karagata’y hindi mauubos.
Saan ipaglalaban ang puso mong busilak
Kung kaliwa’t kanan ang hampas, tusok, at tulak?

Sa alin mang paraan ang buhay mo’y matapos.


Kasaysayan mo’y patuloy na aagos.
Sa kagulumihanan dulot ng mabatong tuwid na daan.
Mabagal. Masakit. Pilit humihinga sa kabila ng kapabayaan.

Mary Jane, kamusta ka na?


Ang iyong mga anak ay nakakain na.
Habang ang iyong ina ay nagdurusa.
Sa bawat tibok ng iyong puso ay akin ding pangamba.
Biktima ka nga ba ng mapanlinlang na daigdig
O gobyernong sa huli lang kung ang puso’y pumintig?

Dinig sa ibayo ang panaghoy ng isang matatag na ina.


Nauulinigan ang unti-unting pagtikom ng kanyang hininga.
Parang isang umaga na may pulang araw,
Kailanman sa silangan ay hindi na muling lilitaw.

Gaano kahirap harapin ang kamatayan


Lalo’t pa-usbong ng supling ay ‘di na masisilayan?
Mary Jane, sa muling pagtatagpo ng ating mga mata,
Sana’y wala ng luha akong makikita.

Damhin ang lunggati na maiwaksi ang pait at pighati.


Sana’y hirap sa pagsalubong sa malakas na daluyong ay mapawi.
Sa iyong huling sagwan, magiging tanda sana
ng tuluyang pagkabunyag ng kaaliwaswasan.

At ang iyong bangka…


dalhin ka nawa sa inaasam na laya.
Doon sa pampang kung saan
ang iyong mga anak ay hinihintay ka na.

VI. TANDAAN MO
Karamihan sa mga Pilipino ay nangingibang bayan sa kadahilanang nais nilang mas
mapabuti ang kanilang pamumuhay. Sa kasamaang palaad, hindi pa rin nawawala ang
pang-aabuso, ang paglabag sa karapatang pantao sa ilan sa mga kababayan nating
migrante. Ang inosenteng pagkatao ay hindi na nagagawang ipaglaban dahil mas naririnig
ang tinig ng mga makapangyarihang tao kaysa ordinaryong mamamayan. Mas
dumadagungdong ang ingay ng mapanghusgang lipunan kaysa katarungan. Sapat nga ba
ang aksyon ng ating pamahalaan upang ipagtanggol ang ating mga kababayang migrante
sa ganitong sitwasyon? Nais kong iwan sainyo ang kasagutan. Nais kong hindi lamang sa
akin magmula ang kaisipang nais kong ikintal sa inyong isipan mula sa akdang nabasa

SANGGUNIAN
https://www.bulatlat.com/2015/05/19/mary-jane/
MODYUL 16
Panitikan Hinggil sa Migrasyon
____________________________________________________

I. MGA LAYUNIN
Sa katapusan ng 3 oras na aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
1.Nakasusulat ng reaksyong papel tungkol sa kabuluhang panlipunan ng isang akda
2. Nakasusulat ng reaksyong papel kaugnay ng paksang tinatalakay.

II. ALAMIN MO
Sa araling ito, ipagpapatuloy natin ang paksa na tumatalakay sa migrasyon sa
pamamagitan pa rin ng isang akdang pampanitikan. Magkakaroon kayo ng mas malawak na
kabatiran hinggil sa mga isyung kinakaharap ng ating mga kababayang migrante.

III. TUKLASIN MO
Maleta, Kahon, at Karatula
Ni Ronalyn V. Olea

Amoy-bagong-bago ang maletang pinili


Bughaw ang kulay, may dilaw na palamuti
Pinaganda ang kalooban ng telang pula
Tinahi ang bawat sulok ng sinulid na puti

Inilagay nang maayos ang mga kagamitan


Pati mga ala-ala ng pamilya’t kaibigan
Bumukal ang luha, tumulo sa maleta
Agad pinahiran, nangibabaw ang pasya

Tatlumpu’t limang kilo, pinagpilitang magkasya


Upang habulin ang pangarap,umahon sa hirap
Walo ang gulong , pinabilis ang paghila
Sa pagragasa ng tunog, laman ay binulabog

Pagpasok sa paliparan, maleta ay pinabuksan


Isa-isang sinuri , lahat ay binusisi
Ng bantay seguridad para sa kaligtasan
Lahat ay kinalkal ng walang pakundangan

Walang nagawa kundi ang ayusin


Mga kagamitan, muling sininsin
Gutay-gutay na balot muling binilot
Kasama ang inis at pagkayamot
Maleta ay tinimbang sa gomang umuusad
Nanginginig, gumagalaw ang etikitang taglay
Tila lumalaban sa lungkot at lumbay
Dulot ng malayong pagkakawalay

Sa loob ng paliparan may malaking larawan


Ng isang nilalang na nakangisi’t nagbubunyi
Tila nanghihikayat upang magmadali
“Lungkot ay pawiin , dolyar ay hakutin !”

Mga kababayan, kaniyang pinagbibilinan,


“Male-maletang salapi inyong iuwi
Pambayad utang sa mga dayuhan
Upang tayo ay makautang na muli.”

Mga maletang tinatakan ng Bagong Bayani


Saan mang bahagi ng daigdig, handang mag-alay
Ng angking talino at lakas pag-gawa
Papasanin ang mabigat, upang pamilya’y maiangat

Anim na buwan ang dumaan, bumalik sa paliparan


Labis na nagtataka ang mga kapamilya
Namumugto ang mga mata,
Nangangatal ang mga panga

Sa babaan ng mga bagahe,


Lumabas ang malaking kahon
Selyado ang lahat ng gilid
Bawat kanto ay nakapinid
Itsura niya hindi na nila nakita
Tanging pangalan ang pinagkakilanlan
Saad sa sulat ng kumpanya, nagpatiwakal siya
Kinatawan ng embahada di man lang nagpakita

Inilagay ang kahon sa inarkilang sasakyan


Palahaw at iyak ang nagsasalimbayan
Nakikipag-agawan sa ingay ng mga salimpapaw
Habang nagpipiyesta ang mga peryodista

Sa di kalayua’y patuloy sa pagdagsa


Ang maraming maletang puno ng pag-asa
Hinahabol ang tagumpay na hindi maibigay
Ng abang lipunang pinaghahatian ng iilan

Tumakbo ang sasakyan , palabas ng paliparan


Mga nagmamalasakit , nagtirik ng kandila
Bilang parangal at pagdakila
Dala ang karatulang , sigaw ay hustisya!

VI. TANDAAN MO
Ang ating mga kababayang migrante ay ang ating mga makabagong bayani. Sila
ay naglilingkod at nagpapamalas ng galing sa ibang bayan upang abutin ang mga
pangarap na kanilang pinanghahawakang maisasakatuparan. Hindi madali ang
pagpapasyang mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay. Sila ay walang
kasiguraduhan sa mundong bubungad sakanila ngunit buong tapang nila itong
haharapin para sa pamilya.
Napakahirap ng pinagdadaanan ng ating mga bagong bayani, nawa’y magsilbi
itong kamulatan upang mas pahalagahan ang kanilang paghihirap sa ibang bansa.
Napakahirap na mawalay sa pamilya at mas mahirap na ang sasalubong sakanila ay
hindi ang mainit na yakap kundi ang malamig na bangkay ng kanilang mahal sa buhay
na minsang nangarap at nagpakahirap sa ibang bansa upang maibigay ang magandang
buhay para sa pamilya.Kaya’t kinakailangang mas paigtingin ng gobyerno ang mga
batas na magtatanggol sa karapatang pantao ng ating mga kababayang migrante.

SANGGUNIAN
https://www.bulatlat.com/2007/09/29/maleta-kahon-at-karatula/

You might also like