You are on page 1of 18

Libro hindi Bala: Pananaliksik sa Kurikulum ng mga Paaralang Lumad bilang

Modelo ng Edukasyong tungo sa Dekolonisasyon ng kamalayan Pilipino at


Pambansang Kaunlaran

Bilang bahagi ng pagtupad ng mga kahingian sa asignaturang

Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran:

Kolehiyo ng Edukasyon

Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas

Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies 1-1

Pinal na Papel

Ipinasa nina:

Antalan, Joshua C.

Papasin, Jenny V.

Pasco, Janine Angela T.

Pintor, Princess Sarah L.

Valle, Raine Krischelle O.

Ipinasa kay:

Gng. Marianne Ortiz

Pebrero 2023
Pagkilala at Pasasalamat

Hamon ang magsulat ng kritikal na papel na tumatalakay sa sistemang pang-

edukasyon ng Pilipinas katambal ang pagtatalakay ng kurikulum ng mga ipinasarang

Paaralang Lumad sa Mindanao. Kaya naman lipos ng kagalakan at pasasalamat ang aming

diwa para sa mga indibidwal at mga organisasyong naging bahagi ng pagbubuo ng papel na

ito.

Una, nais namin pasalamatan ang tagapayo ng asignaturang ito, Gng. Mariane Ortiz,

sa pagbibigay ng pagkakataong mailapit ang aming sarili sa talakayan hinggil sa paksa ng

papel at malinang ang aming kakayahan sa pakikinig, pagsusuri, at pagsusulat bilang mga

guro ng bayan sa hinaharap.

Pangalawa, lubos namin pinasasalamatan si Dr. Ramon Guillermo sa pagpapaunlak

para sa isang panayam at pagbabahagi ng mga napaka-makabuluhang pananaw hinggil sa

sistemang pang-edukasyon at produksyong pang-kaalaman sa bansa sa kabila ng

malamang na siksik niyang iskedyul.

Gayundin, taas-diwa naming pinasasalamatan ang Save Our Schools Network at

Sabokahan Unity of Lumad Women - Youth na walang pag-aatubiling ibinahagi ang kanilang

mga danas at adbokasiya na lubos na nagpayaman sa talakayan sa papel na ito.

Panghuli, lubos din kaming nagpapasalamat sa mga nauna nang mga manunulat,

akademiko, at mananaliksik na lumikha ng mga literaturang naging batis ng karunungan na

aming kinapulutan ng aral para sa papel na ito.

Dedikasyon

Aming iniaalay ang papel na ito sa lahat ng mga makabayang guro, iskolar, at

akademiko na lipos ng pag-ibig sa malaya at mapagpalayang edukasyon para sa lahat.


Layunin

Layunin ng pag-aaral na ito na obhetibong masuri ang makabayan, makamasa at

siyentipikong kurikulum ng napasarang Lumad ng Mindanao para sa edukasyong tungo

sa Pambansang Kaunlaran at intelektwalisasyon ng Wikang Filipino. Layunin din nito na

magbukas at palawakin ang diskusyon tungkol sa pakikibakang panlipunan ng mga

mamamayang Lumad ukol sa diskriminasyon sa kanila lalong-lalo na sa kakasara lamang

na paaralan nila.

Saklaw

Pangunahing iikot ang papel na ito sa kasaysayan, naging kalagayan, at bunga ng

kurikulum pang-edukasyon ng mga ipinasarang paaralang Lumad sa Mindanao. Kakabit

nito ang maikling kritika sa sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas at mga simulaing

dekolonyalista bilang kontekstong ininugan paglitaw ng mga Paaralang Lumad.

Suliranin

Mayor na usapin sa bansa ang kahinaan ng ating sistemang pang-edukasyon sa

paggampan sa papel nito sa pagkamit sa pambansang kaunlaran. Sa dagat ng

dominanteng sistemang pang-edukasyon ay umiral ang mga alternatibong paaralang

pang-komunidad sa Mindanao na naghapag ng makabagong pananaw sa larangan ng

pedagohiyang Pilipino at paglalapat nito sa kalagayan at pangangailangang panlipunan.

Subali’t naging tampulan sila ng mga sosyo-politikal na atake at kalauna’y ipinasara sa

bisa ng utos ng Kagawaran ng Edukasyon.


I. Introduksyon

Ang Mamamayang Lumad

Ang mga Lumad ay isang grupo ng katutubo sa Pilipinas na sa Katimugang bahagi

Pilipinas. Ito ay salitang Cebuano na nangangahulugang “supling ng lupain” at tumutukoy

sa mga pangkating katutubo na hindi nabibilang sa populasyong Moro sa Mindanao.

Unang ginamit ang terminong “Katawhang Lumad” o mamamayang Lumad sa asembliya

ng “Lumad Mindanao People’s Federation” noong 1986 upang bigyan sila ng kolektibong

pagkakakilanlan (Alamon, 2017). Sagradong maituturing para sa mga Lumad ang

kanilang lupaing ninuno dahil ito ang pangunahin nilang pinagkukunan ng kanila

kabuhayan. Gayundin, ito ang ekonomikong base ng kanilang kultura at pampulitikang

kapangyarihan na na-oorganisa bilang mga tribu na pinamumunuan ng “datu”.

Kasaysayan ng Pagkakatatag at Pakikibaka ng mga Paaralang Lumad

Nagsimula ang mga paaralang Lumad bilang impormal na programang pang-

literasiya at numerasiya sa mga komunidad sa kabundukan sa Timog Mindanao noong

dekada ’80 sa tuwangan ng inisyatiba ng mga lokal na katutubo at grupong relihiyoso.

Ang ugat ng pagkakatatag ng mga paaralang ito ay nakasalalay sa layuning depensahan

ang lupain ninuno ng mga katutubo sa pamamagitan ng paglaban sa kamangmangan

mula sa anumang banta ng pangangamkam ng mga malaking minahan, trosohan, at iba

pang mga Multinational Corporation (C. Dalon et al, personal na panayam, Pebrero

2023). Ayon sa mga naging estudyante ng mga paaralang ito, biktima ang mga Lumad

ng panlalansi ng mga malalaking korporasyon dahil sa kasalatan sa kakayanang

magbasa ng mga kontratang inihahapag sa kanila o kaya ay magbilang ng ibinabayad sa


kanilang mga ani. Simula nang maipatayo ang mga paaralang Lumad, nakayanan nilang

salagi ang mga ganitong tipo ng panlilinlang at aktibong nakalahok sa pagsusulong ng

kanilang karapatang pantao.

Sa kasamaang palad,sa paglipas ng panahon, palagiang nabalaho ang operasyon

ng mga paaralan dahil sa militarisasyon sa komunidad ng mga Lumad (Sy, 2019). Ayon

sa Save Our Schools Network o SOS Network, to ang nagtulak sa pagkakabuo ng mga

Paaralang Bakwit ng mga Lumad simula 2017 hanggang 2020 sa Kalakhang Maynila.

Dito daan-daang mag-aaral, guro, staff, at mga magulang ang lumilipat-lipat sa iba’t ibang

lugar upang ipagpatuloy ang kanilang klase nang malayo sa banta ng militarisasyon at

kaalinsabay na palawakin ang kanilang kampanya para sa pagtigil ng lahat ng porma ng

atake sa kanilang mga paaralan. Batay sa ulat ng SOS Network, umabot ng 162 na

paaralang Lumad ang ipinasara sa pagitan ng Hulyo 2016 at Disyembre 2019 na

nakaapekto sa 4,792 na mag-aaral. Simula noong 2021, halos wala nang patuloy na

nakabukas at gumaganang paaralang Lumad (La Viña & Nolasco, 2021).

II. Diskusyon

A. Maikling Repaso ng Sistemang Pang-edukasyon sa Pilipinas

Malaki ang gampanin ng edukasyon sa pagtatayo, pagpapayabong, o pagbagsak

ng isang kaayusang panlipunan. Responsable ito sa paghubog ng kamalayan ng

mamamayang gumagampan ng kani-kaniyang araw-araw na ekonomikal, politikal, at

kultural na aktibidad na nagpapaikot sa gulong ng kasaysayan. Kung gayon, krusyal ang

pag-aayon ng oryentasyon ng edukasyon sa layuning makamit ang pambansang

kaunlaran para sa kapakinabangan ng mamamayan.


Partikular sa Pilipinas, ang ating sistemang pang-edukasyon ay hindi nakawala sa

katangian nitong kolonyal (Guillermo, personal na panayam, Pebrero 2023). Ibig sabihin,

nakahulma ito upang tugunan ang kapakinabangang panlabas o pakikipagkumpetensya

sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng pagsusuplay ng lakas-paggawa imbes

na magtatag ng sariling pambansang industriya.

Ayon kay Constantino (1982), ang paggamit sa salitang Ingles bilang wikang

panturo ay isang makapal na pader na naghiwalay sa mga Pilipino sa kanyang

kasaysayan at nang lumaon ay naghiwalay sa mga intelektwal sa masang anakpawis na

siyang dapat nilang mahigpit na katuwang sa pagpapanday ng pambansang kaunlaran.

“Ang paggamit ng dayuhang wika ay sagabal sa pagtuturo. Sa halip na

tuwirang matuto ang bata sa pamamagitan ng katutubong wika, kailangan muna

niyang matutuhan ang wikang banyaga, isaulo ang talasalitaan, mabihasa sa

tunog, indayog at banghay ng mga salita na pagkatapos ay isinasaisantabi

lamang paglabas ng paaralan” (Constantino, 1982).

Dahil Ingles ang wikang ginagamit bilang wikang panturo simula pa lamang

elementarya, walang nagiging salin ang mga kaalamang natutunan sa loob ng mga

paaralan sa wikang nauunawaan ng mas nakararami – ang wikang Filipino. Kadugtong

nito ang kabiguang linangin ang wikang Filipino bilang wikang intelektwal na lalong

binansot ng mga kolonyal na patakaran at karanasang pang-edukasyon kagaya ng CHEd

Memorandum Order Number 20 series of 2013 o CMO20 na nagtanggal sa asignaturang

Filipino at Panitikan sa kolehiyo, o kaya ang "English Only Policy" o EOP sa mga paaralan

na nagpapataw ng multa o kaya ay bawas sa marka sa mga mag-aaral na lalabag dito.


Naging dahilan ito para pumurol ang komprehensyon at hadlangan ang pag-usbong at

paghasa sa sariling talinong bayan ng mga Pilipino, dahil ang ante-manong layunin nito

ay hubugin ang mga ulirang mamamayan ng isang bansang kolonyal (Constantino,

1982).

Ibinubunyag ng anti-kolonyal na pagsususuri ang kahinaan ng sistemang pang-

edukasyon na hasain ang kritikal na kaisipan ng mga mag-aaral para sa pambansang

kaunlaran. Sa katunayan, ayon kay Zeus Salazar, maging ang mga kursong layunin

sanang unawain ang internal na kasaysayan at mga relasyong umiiral sa bansa kagaya

ng “Philippine Studies” ay nakatuon lamang sa Pilipinas bilang bahagi ng “area studies”

na pangangailangan ng mga kanluranin. Kung gayon, ang kasalukuyang sistemang

pang-edukasyon sa Pilipinas ay hindi nakatutugon sa gampanin nito sa paghulma ng

mamamayang may kamulatan at kasanayan sa pagpapanday ng pambansang

ekonomiya, pulitika, at kulturang salimbayang naglilingkod sa pagtataguyod ng

pambansang kaunlaran. Anumang pagtatangka ng gobyerno na resolbahin ang mga

suliraning pang-edukasyon ay nahahadlangan ng mabuway nitong kapasidad sa

pagsasakatuparan ng pagbabago dahil sa mahigpit nitong relasyon ng pakikipag-

negosasyon ng reporma sa mga makapangyarihang institusyon sa bansa kagaya ng

Simbahang Katoliko, dayuhang pamumuhunan, pribadong unibersidad at publikasyon

upang magbanggit ng ilan (Maca & Morris, 2015).

B. Dekolonisasyon ng Kamalayang Pilipino sa Panahon ng Neokolonyalismo

Ayon kay Constantino (1966), Dekada ‘50 nang umalingawngaw ang mga

makabayang kahilingan sa iba’t ibang sektor ng lipunan na binigyang linaw at


ipinalaganap ni dating senador Claro M. Recto. Simula noon, lumaganap nang tila apoy

sa kaparangan ang mga tangkain ng dekolonisasyon ng edukasyong Pilipino na

naglalayong hubarin ang maka-kanluraning bihis nito. Malaking hakbang ang

pagsusulong ng mga disiplinang akademiko na kagaya ng Sikolohiyang Pilipino,

Pilipinolohiya, Filipinolohiya, at Pantayong Pananaw sa pagsisikap na palayain sa

pagkakopong kolonyal ang kamalayang Pilipino.

Sa pagtatasa sa mga simulaing dekolonyalista sa larangan ng edukasyon at

produksyong pangkaalaman, marapat lamang na unawain ang sistemang panlipunan na

kinaiinugan nito. Bagama’t hindi na direktang kolonya ang Pilipinas ng ano mang bansa,

nananatili itong mahigpit na sakal-sakal ng mga kolonyal na kasunduan at patakarang

pang-ekonomiya, pampulitika, at pang-kultura na nakakaapekto sa paglikha ng mga

pambansang polisiya upang sumang-ayon ito sa ekonomiko at heopolitikal na interes ng

mga mas makapangyariahang bansa kagaya na lamang partikular ng Estados Unidos

(Remollino, 2007). Kung gayon, tumpak ang pahayag ni Dr. Ramon Guillermo sa itaas

na hindi ganap na nakawala ang sistemang pang-edukasyon ng bansa sa katangian

nitong kolonyal.

Maging ang ilang mga simulaing dekolonyalista ng mga independiyenteng

akademiko ay hindi ligtas sa tendensiyang sumakay sa kanluraning diskurso ng

dekolonisasyon na nagpapalabnaw sa dimensyon nitong mapanghamon at mapag-

tunggali at nahuhulog sa lantay na natibismo na nakakapaypay sa usapin ng makitid na

nasyunalismo (Guillermo, 2023). May tendensiya ang ilan sa mga ito na ipaubaya sa mga

ekonomista (na maka-kanluran din) ang pag-kritika sa usapin hinggil sa ekonomiya na

siyang base ng anumang lipunan, at tignan na hiwalay na usapin dito ang produksyong
pangkaalaman bilang isang aspeto ng kultura. Sa bahagi ng pambansang gobyerno, sa

kabila ng mga aspirasyon ng Saligang Batas ng Pilipinas, hindi nasasalamin ng mga

polisiya sa wikang panturo sa mga paaralan o mga patakaran sa paglinang ng kurikulum

na nakatuon sa kasaysayan at sibika.

Ang natibismo at makitid na nasyunalismo ay pawang kumunoy na humihigop sa

diskursong dekolonisasyon ng kamalayang Pilipino sa lantay na simbolismo dahil sa

tagibang na pagpapahalaga nito sa kultura relatibo sa usaping ekonomiko. Dahil dito,

hindi nito ganap na nasususuri, anupakaya’t mabigyang lunas ang kahinaan ng kolonyal

na edukasyon. Habang partikular na pinag-uusapan ang usapin ng nasyunalidad,

nananatiling umiikot sa malabnaw na pagbibigay-kahulugan sa “Pilipinong

pagkakakilanlan” na nakasalalay sa usapin ng relasyon sa pamilya, kultural na

komunidad, pulitikang pangrehiyon, o kaya’y pagiging mas nakabababang bansa

kumpara sa mga dayuhan. Sa gitna ng lahat ng ito, ang linya ng ano mang kolektibong

sibika o etnikong pagkakakilanlan bilang “mamamayang Filipino” ay nananatiling

malabnaw (Maca & Morris, 2015).

Ang edukasyon ay hindi maaaring ihiwalay sa lipunan. At hindi ito maaaring

ihiwalay sa tiyak na kalagayan ng isang bansa sa isang tiyak na panahon (Constantino,

1982). Kung gayon, upang maging ganap ang dekolonisasyon ng edukasyon,

kinakailangang kumawala sa lantay na natibismo at sentrismo sa kultura lamang ang

makabayang simulain ng mga iskolar at akademikong Pilipino. Kaalinsabay nito ay ang

paglalantad at aktibong pagtunggali sa makitid na nasyunalismong mahigpit na

nakasalalay sa pahintulot ng mga pribado at makapangyarihang institusyong

representasyon lamang ng interes ng iilan sa bansa.


K. Ang Makabayan, makamasa at siyentipikong edukasyon ng mga paaralang

Lumad

Isa sa mga karapatan ng mga kabataan ang magkaroon ng maayos na sistema

ng edukasyon. Ito ay kabilang sa institusyong panlipunan na layuning hubugin ang

kamalayan ng bawat isa tungo sa pagkakaroon ng abilidad nilang matuto at malinang

ang kakayahan. Gayunpaman, mahalaga na sa daloy ng kanilang pag-aaral, ay may

kalayaan at abot-kamay anuman ang kanilang kinagisnan o kulturang nakasanayan,

nang sa gayon mabigyang halaga ang mga estratehiya o mga sistemang pagpapatupad

na mas higit na makakatulong sa kanilang pagkatuto at pagtataguyod ng kapakanan ng

bawat indibidwal

Dahil sa makabagong panahon na kung saan ang lahat ay bunga ng modernisayon,

dagdag pa rito ang ideya ng globalisasyon na impluwensiya ng mga maunlad na bansa

sa Pilipinas ay naapektuhan ang sistema ng edukasyon na ayon sa pagsasaliksik,

makikita ang paglago bunga ng makabagong kaparaanan sa larangan ng pagkatuto

(Gupta, 2017). Ngunit, isa sa mga napinsala ang mga kababayan nating Lumad sapagkat

ang kanilang kasanayan sa mahabang panahon ay nakabatay sa kung ano ang kanilang

kaugalian at kultura lalong lalo na ang wikang kanilang kinagisnan. Kasama rito, ang

kanilang heograpikal na lokasyon na malayo sa siyudad pati na rin ang kakulangan sa

transportasyon na maaaring makaapekto sa pagtamasa ng kanilang edukasyon. Marami

sa kanila ang nakakaranas ng diskriminasyon, hindi lamang mula sa kanilang guro o

kamag-aral kundi pati na rin ang kurikulum na ipinatupad ng kongreso para sa

pambansang karapatan ng mga kabataan. Ito ay lumalabas na salungat sa kanilang

paglinang sa sarili o potensiyal, dahil hindi naaayon o sumasalamin ang kanilang


historikal at kultural na konteksto sa kaparaanan ng mga pagtuturo ng sistema sa

kasalukuyan. Para sa kanila, ito ay isang malaking hamon sa pakikipagsapalaran sa

modernisasyong panahon pagdating sa usaping paggamit ng hindi nila wika o “Mother

Tongue” na karaniwang ginagamit sa bawat subject ng paaralan. (La Viña & Nolasco,

2021).

Samakatuwid, ito ay nagpapatunay na ang mga lumad ay may karapatang

makatugon sa edukasyong inilunsad ng lipunan. Labag sa kanilang karapatan na

makaramdam ng diskriminasyon dahil sa sosyo-kultural na konstektong kanilang pinag

ugatan. Ang pagkokonsidera natin sa kanila bilang kasapi ng lipunan at pagsuporta ay

isang responsibilidad sa pagiging makatao at makabansa. Ayon sa United Nations

Declaration on the Rights of Indigenous peoples, Article 13, (2007), ang mga katutubo ay

may karapatan na buhayin, gamitin, paunlarin at ipadala sa mga susunod na henerasyon

ang kanilang mga kasaysayan, wika, tradisyon sa bibig, pilosopiya, sistema ng pagsulat

at panitikan, at italaga at panatilihin ang kanilang sariling mga pangalan para sa mga

komunidad, lugar at tao.

Ang pagpapatayo ng paaralang Lumad ay may layuning matugunan ang mga

pangangailangan kultural, mailarawan ang paninindigan sa kanilang pinagmulan, at

maikatawan ang mga pananaw at ekspresyon ng mga Lumad. Ito ay may adbokasiyang

mas maging abot-kamay ng mga kasapi nito ang edukasyon (La Viña & Nolasco, 2021).

Una, ang adhikaing makita ang pagiging makabayan na kung saan saklaw nito ang

pagkakaroong ng paggalang at malasakit sa kanilang komunidad at pagsasabuhay ng

kanilang kultura. Makamasa, layunin nitong maisakop hindi lamang ang mga Lumad o

Moro kundi ang mga kabataang mababa ang kakayahang makamit ang edukasyon at
mabigyang halaga rin ang mga naninirahan sa kabundukan na buksan ang kanilang

kasanayan. Sumunod ang siyentipiko, kung saan ang pagtuturo at pagkatuto ay

nakabatay sa tunay na kalagayan ng lipunan. Ang tatlong esensiyal na sangkap na ito

ang huhulma sa isang kurikulum na nakasalig sa tiyak na kalagayan at pangangailangan

nito. Sa patuloy na pag-uusisa, ang MMS na kurikulum ay nagpapatunay na ang mga

sistema ng kaalaman ng mga Lumad at ang agham ay maaaring magkakasamang umiral

sapagkat ang pagiging katutubo ay hindi lamang mauugnay sa pagiging primitibo o

sinaunang tao; gayundin, ang pagiging siyentipiko ay hindi pagiging moderno (Calsado,

2021). Ayon kay Monfred, ang kanilang kurikulum ay gumagalaw sa dalawang core

subjects, ito ay ang Humanities/Social Studies (Values, Filipino, Music and Arts, English)

at Agriculture Applied Science (Science, Health, Math, TLE at P.E). Ang kanilang IP

Components ay umiikot sa Agriculture, Health at Academics.

Sa pamamagitan ng pagtuturo ng MMS na kurikulum na nagbibigay-priyoridad sa

literacy at nakasentro sa pag-aaral sa paligid ng kanilang materyal na realidad, ang mga

katutubong komunidad tulad ng Lumad ay lumilikha ng mga kinakailangang kasangkapan

upang labanan ang panghihimasok sa kanilang mga lupang ninuno, para pahalagahan

ang kanilang katutubong sistema ng kaalaman, at paunlarin ang kanilang ahensya. Sa

patuloy na pag-aaral sa kanilang komunidad, hindi lamang ito patungkol sa ninanais na

pag-unlad kundi mapanatili ang kanilang karapatan sa lupa, pamumuhay, paniniwala,

kasanayan, wika at karapatan nilang mag-aral.


D. Ang Kurikulum na MMS para sa pambansang kaunlaran

Ang Istruktural na diskriminasyon ay isang konsepto na ma-oobserba sa panitikan

mula sa agham panlipunan, diskurso sa karapatang pantao at gawaing pang-

internasyonal na pag-unlad. Ito ay na nauugnay sa pagkilala ng sistematikong hindi

pagkakapantay-pantay at rasismo (Alamon, 2017). Maging sa sistema ng edukasyon ay

talamak ang isyu na ito, tulad na lamang ng pagpapasara ng Lumadnong paaralan sa

kadahilanang inakusahan ang kanilang paraan ng pagtuturo sa mga katutubong bata ng

mga makakaliwang ideolohiya, kasama ang iba pang mga paglabag sa mga

kinakailangan sa kurikulum ng DepEd at iba pang mga pamamaraan (Palo, 2019).

Ang Unibersidad ng Pilipinas Diliman ay isa sa tatlong kampus ng UP ay tinanggap

ang mga paaralang bakwit ng Lumad. Ang mga paaralang bakwit na ito ay nagsisilbing

alternatibong sentro ng pag-aaral ng mga batang Lumad, na ang mga komunidad ay

nabiktima ng agresyon sa pag-unlad at kawalan ng karapatan sa kanilang mga lupaing

ninuno sa Mindanao. Sa kanilang mainit na pagtanggap, ay inilunsad ang curriculum na

MMS ang (Makabayan, Makamasa at Siyentipiko). Na mayroong misyon na tanggapin at

bigyan sila ng karapatan sa edukasyon na nakaangkala sa pangangailangan ng

komunidad at pagkamamamayan na hinihikayat ang akademikong diskurso sa kani-

kanilang sariling wika (Torres, 2019). Sa kabilang banda kung mauugnay natin ang MMS

sa inaasam na kaunlaran ay tiyak na abot-kamay ang layuning ito. Ang pambansang

kaunlaran ay tumutukoy sa kakayahan ng isang bansa na masuportahan ang lahat ng

pangangailanagan ng tao tulad ng karapatan sa edukasyon, kalusugan at iba pang

aspeto o institusyon sa lipunan na kung saan tulad ng mga Lumad ay malaya dapat silang

ipahayag ang sarili at pangalagaan ang lupaing ipinamana sa kanila ng mga ninuno. Isa
sa mga paraan upang makamit ang kaunlaran ay ang makilala ang pangunahing halaga

ng bawat tao o Human Rights (Kirchmier, 2006).

Sa kanilang kurriculum, ang edukasyong pang-ekonomiyang Lumad ay nakatali sa

agrikultura. Ang pagiging produktibo, bilang isang konseptong pang-ekonomiya, ay

itinanim din sa mga mag-aaral ang estratehiya sa agrikultura. Ayon kay Paolo Freire na

itunuro ang praxis bilang teorya at aksyong panlipunan, sinabi niya na ang edukasyong

lumad ay nakabatay sa mga praktikal na kasanayan na magagamit ng mga tao upang

mapabuti ang kanilang komunidad, at sa gayon maisakatuparan ang isang tunay na

mapagpalayang edukasyon. Tulad na lamang ng karapatan nila sa lupa at

pagpapahalaga sa kanilang kapaligiran ay may malaking ambag sa sektor ng agrikultura

ng ating bansa sa paglago at pagpapanatili ng inaasahang pag-usbong at maayos na

kapaligiran.

Ayon kay Ramon Guillermo (2023), ang pagpapahalaga sa kultura at kaalaman ang

pangunahing layunin ng lumadnong komunidad. Naniniwala siya na anuman ang

proyektong pang-edukasyon ay may pundamental na pangangailangan at ito ay ang

pagkakaisa at pagkakaintindihan sa madaling salita ang kahalagahan ng komunikasyon

bilang wika, panlipunang kondisyon na nakikita sa araw-araw na produksiyon. Ang

kagandahan sa sistema na kanilang isinasabuhay ay ang hindi pagiging indibidwalistiko

ng bawat kasapi nito, bagkus, sa daloy ng kanilang pagkatuto at mga naitabing aral sa

pakikisabak sa edukasyon ay dinadala o inuuwi nila sa kanilang komunidad at dito pa

lang ay makikita na ang pagkakaisa na may mithiing mapaunlad ang kanilang

pamayanan. Isa sa mga susi ng pag-unlad ng bansa ay katulad sa kaugalian ng Lumad,

ito ay ang oryentasyon sa edukasyon sa pagtanaw ng responsibilidad na magsilbi sa


sariling pamayanan na may malalim na pag-unawa sa sariling bayan at ang kagustuhan

na mabigyang importansiya ang pagtugon sa mga pangangailangan sa sistema ng

edukasyon at ibang pang sektor ng lipunan na tungkulin ng gobyerno na gampanan. Higit

sa lahat, ang matinding impluwensya sa pagpapahalaga ng wika at kultura.

III. Konklusyon

Ang edukasyon ay isang makapangyarihang instrumento tungo sa pambansang

kaunlaran. Malaki ang epekto nito sa pagyabong, o di kaya’y, pagbagsak ng isang bansa.

Kaya nararapat lamang na makatamasa ng mataas na kalidad ng edukasyon ang isang

nasyon na epektibong sumasagot sa mga pangangailangan ng mga mamamayang

naninirahan dito. Importanteng nakasentro ang kurikulum ng edukasyon sa sariling

kultura, tradisyon, uri ng pamumuhay, at lenggwahe ng bansa upang masigurado ang

epektibong pagpapalaganap ng mga kaalaman na nagmumulat sa kaisipan at

nagpapayabong ng pagmamahal sa sariling bansa ng isang indibidwal.

Dahil dito, masasabi na tunay na mahina ang sistema ng edukasyon na mayroon

ngayon ang Pilipinas sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay hindi na nawala ang

kolonyal na katangian nito. Nakasentro ang kurikulum ng edukasyon ng bansang Pilipinas

sa pagpapagalingan sa pagturan ng wikang Ingles at pagbabase sa mga kanluraning

kurikulum na hindi pinagsisilbihan ang intelektwal na pangangailangan ng mga Pilipino.

Sa kabilang banda, isang kalakasan ng kurikulum ng Lumadnong paaralan ang

pagbibigay halaga sa kultura, tradisyon, pamumuhay, at lenggwahe na taglay ng kanilang

komunidad.
Bilang konklusyon, masasabi na magiging epektibo ang paggamit ng Makabayan,

makamasa, at siyentipikong kurikulum ng mga Lumadnong paaralan bilang modelo ng

nasyonal na kurikulum at instrumento tungo sa dekolonisasyon ng edukasyon sa bansa

at sa pagkamit ng pambansang kaunlaran. Ang kurikulum na ito ay naglalaman ng layunin

na palawakin ang kaalaman ng mga estudyante ukol sa iba’t ibang bagay kagaya ng

kasanayan sa praktikal na gawain na tunay na magagamit ng mga Pilipino sa araw-araw

na proseso ng kanilang pamumuhay. Isa pa rito ay ang katangian ng kurikulum na ito na

pagtibayin ang sariling identidad at pagkakakilanlan ng kanilang pangkat, na lubos na

kinakailangan ngayon ng bansa sapagkat ito ay makakatulong na iwaksi ang kolonyal na

mentalidad na patuloy pa ring namamayani sa lipunan, lalo na sa sektor ng edukasyon

sa bansa.

Panghuli, itinuturo sa mga Lumadnong paaralan ang kahalagahan ng pagkakaisa,

kooperasyon, at pagkakaintindihan gamit ang sariling wika na tiyak na magpapatibay ng

komunikasyon at pagkakaunawaan ng mga miyembro ng lipunan. Ang kurikulum na ito

ay naghahapag ng alternatibo at makabagong pananaw at pamamaraan sa edukasyon.

Ito ay pagiging lapat sa konkretong kalagayan at pangangailangan ng lipunan. Kung

magkakaroon ng malikhain at masaklaw na implementasyon ang Makabayan,

makamasa, at siyentipikong kurikulum ng mga Lumadnong paaralan bilang modelo ng

epektibong sistema ng edukasyon, tiyak na uunlad ang kalidad ng edukasyon ng

Pilipinas, na magdadala sa bansa ng pambansang kaunlaran.


IV. Rekomendasyon

Mula sa mga kaalamang natuklasan sa papel na ito, ang mga mananaliksik ay


inirerekomenda ang mga sumusunod;
1. Para sa mga gurong Filipino, maging aktibo sa pagtutulak ng dekolonisasyon ng
edukasyon upang makapagtatag ng matibay na pundasyon ng komunikasyon na
makakatulong sa pagpapaunlad ng diskusyon sa loob ng isang silid-aralan.
2. Para sa mga estudyante sa Filipino, palalimin ang kaalaman tungkol sa kultura,
tradisyon, pamumuhay, at wika ng Pilipino na makakapag pagsiklab ng kanilang
nasyonalismo sa kanilang bansa sinilangan, kagaya ng pagmamahal at
pagpapahalaga ng mga Lumad sa kanilang lupang ninuno.
3. Para sa mga paaralang sa Pilipinas, isulong ang paggamit ng wikang Filipino sa mga
transaksyunal na gawain sa loob ng institusyon upang mahasa ang mga estudyante
na makipagtalastasan gamit ang wikang Filipino.
4. Para sa Kagawaran ng Edukasyon, simulan ang komprehensibong reporma sa
kurikulum at sistema ng edukasyon sa Pilipinas na nakabatay sa masusing pag-aaral
sa kongkretong kalagayan at pangangailangan ng bansa.
5. Para sa mga iskolar o akademiko, pagsumikapang gamitin ang wikang Filipino sa mga
pananaliksik upang unti-unti tapyasin ang katangian nitong eksklusibo at maging
kauna-unawa ang mga ito sa normal na mamamayan.
Ang Ang layunin ng mga nakahain na rekomendasyon na ito ay makakatulong sa
pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Makakatulong din ito upang
maisakatuparan ang dekolonisasyon ng edukasyon at ang intelektwisasyon ng kaisipan
ng mga estudyante sa bansa. Ito ay nakasentro sa paggamit ng kurikulum ng mga
Lumadnong paaralan bilang epektibong modelo ng mahusay na instrumento ng
pagkatuto ng mga kabataan sa Pilipinas.
Sanggunian

● Alamon, P. "Wars of Extinction: Discrimination & Struggle in Mindanao" 2017.


● Australian Human Rights Commissions. “ UN Declaration on the Rights of Indigenous
Peoples,(September 2007) https://humanrights.gov.au/our-work/un-declaration-rights-
indigenous-peoples-1#:~:text=Article%2013-
,1.,for%20communities%2C%20places%2nd%20persons
● Caladeña, V. "Lumad Bakwit School: What and How is the Curriculum?" 2021.
https://vivcela-tumblr-com.translate.goog/post/646439197849337856/lumad-bakwit-scool-
ano-at-paano-ang-kurikulum?_x_tr_sl=tl&_x_tr_tl=en&_x_tr_hl=en&_x_tr_pto=sc
● Calsado, C. "Decolonizing STEM Curriculum: Citizen Science and the Lumad STEM
Curriculum”, Volume 23, number 1, Science Under Occupation, (April 2020)
https://magazine.scienceforthepeople.org/vol23-1/decolonizing-stem-curriculum-citizen-
science-and-the-lumad-stem-curriculum/
● Constantino, R. Miseducation of the Filipino (1st Ed.). Malaya Books. 1966.
● Constantino, R. Miseducation of the Filipino (2nd Ed.). Malaya Books. 1986.
● Gupta, P. "Impact of Globalization" Ed Tech Review. com (April 2016).
https://www.edtechreview.in/news/globalization-in-education/
● La Viña, T., Nolasco, M. "Mga Paaralang 'Lumad' at ang karapatan sa Edukasyon"
Philippine Daily Inquirer, (June 2021) https://tonylavina.com/2021/06/17/mga-paaralang-
lumad-at-ang-karapatan-sa-
edukasyon/#:~:text=Naging%20mahalagang%20katuwang%20ng%20pamahalaan,daan%20
sa%20karapatan%20sa%20edukasyon
● Maca, M. & Morris, P. (2015). Education, National Identity and State Formation in the
Modern Philippines. In E.Vickers & K. Kumar (Eds.) Constructing Modern Asian Citizenship,
Routledge; London. 2015.
● Remollino, A.M. 2007. Philippine Education in the Neocolonial Period. In B. Lumbera et. al.
(Eds.), Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines (pp. 9-17).
IBON Foundation, Inc. 2007
● Sy, J.M. (2020). Teaching “Pangiya Ki!”: The Lumad School as a Struggle for Land, Life, and
Liberation. In Towards a Peoples’ Alternative Regionalism: Cases of Alternative Practices in
the Philippines (pp.107-124). University of the Philippines Center for Integrative and
Development Studies.

You might also like