You are on page 1of 2

Pananaliksik gamit ang wikang Filipino, isinulong

December 1, 2015, 1:58p.m. – UPANG tumaas ang tingin ng mga mag-aaral sa


wikang pambansa, dapat gamitin ang Filipino sa pananaliksik-panlipunan, ayon sa mga
guro sa isang talakayan sa Pamantasang De La Salle noong ika-27 ng Nobyembre.
Ani Prop. Crizel Sicat-de Laza ng UST, dapat ituro bilang “core course” sa senior high
school ang pananaliksik sa Filipino. Sa ganitong paraan, kukunin ng mga mag-aaral
ang asignaturang FIlipino anuman ang “academic strand” na kanilang piliin.
Suhestiyon niya, mapapairal ang maka-Filipinong pananaliksik sa pagpili ng mga paksa
sa konteksto ng kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa. “Dapat may
kabuluhan at mapanghamon ang kanilang mga paksang sasaliksikin,” dagdag niya.
“Ang pananaliksik ay para sa kapuwa at sa lipunan at hindi pansarili lamang.”
Naniniwala siyang may pulitika sa likod ng pagpili ng wika sa pananaliksik, na siya
umanong ugat ng mababang pagtingin ng mga mag-aaral sa Filipino. “Sa pamamagitan
ng pagpili ng wika sa pananaliksik, maiuugnay ang personal na aspirasiyon [ng mga
mag-aaral] para bayan,” ani de Laza. 
Mahalaga rin aniyang talakayin sa loob ng silid-aralan ang mga responsibilidad ng
mananaliksik, kung saan tampok ang mga suliranin tulad ng plagiarism.
Ipinahayag ni de Laza ang kaniyang pagnanais na baguhin ang paraan ng pananaliksik
sa bansa, na kalimitan ay hindi nailalathala.
Aniya, anim na teksto lamang ang tatalakayin sa mga klase ng Grade 11, ayon sa
curriculum guide ng Kagawaran ng Edukasiyon. “Limitado lamang ang mga tekstong
tatalakayin kung kaya’t dapat na magmula ang mga ito sa iba’t ibang disiplina,”
mungkahi ni de Laza.
Mahalaga rin aniya na mahusay ang rubric na gagamitin ng mga guro sa pagmamarka,
sapagkat sa bagong performance-based assessment ng K to 12, ang mga mag-aaral
ang “bida” at magsisilbing gabay lamang ang mga guro.
Isa ang “inquiry approach” sa mga gagamiting proseso sa bagong kurikulum na
nakabatay sa interes ng mag-aaral. Binanggit ni De Laza na unti-unting humihinto sa
pagiging mausisa ang isang bata habang tumatanda bunga ng edukasiyon.
“Ang mga bata sa kolehiyo ay hindi na madalas sinasaliksik ang kanilang kaalaman
kung kaya’t [mas lalo] silang dapat bigyan ng pagkakataong magtanong,” aniya.
Alinlangan sa ‘Asean integration’
Samantala, nagbabala si Prop. David Michael San Juan ng De La Salle sa paparating
na “ASEAN integration” o ang pagsasama sa isang komunidad ng mga ekonomiya sa
Timog-Silangang Asya.
Maaaring magdulot ng problema sa Pilipinas ang pagsapi nito sa “ASEAN Economic
Community” o AEC. Mas mataas pa sa mga kalakal na iniluluwas ang mga “import” dito
sa Pilipinas, saad niya. “Pinapalala nito ang dependensiya ng mahihirap na bansa sa
mga mauunlad na bansa.” 
Ipinaliwanag niya ang mga klase ng pamahalaan sa Timog-Silangang Asya at
inihambing ang mga magkakalapit na bansa. “Ang Pilipinas ay may ‘family dynasty.’
Ang anak ng dating presidente ay nagiging presidente. Hindi totoong demokrasya ang
nanaig sa bansa natin,” ani San Juan. 
Ihinambing din ni San Juan ang kapitalismo sa sosyalismo at ang masasamang dulot
ng mga sistemang ito. “Mas mataas pa ang bawi sa gastos ng mga materyales ng mga
produktong ibinebenta kaysa sa sweldo ng mga manggagawa na nagtatrabaho,” ayon
kay San Juan. Bernadette A. Pamintuan at Gabriel Agcaoili

You might also like