You are on page 1of 10

Paggaod sa Balsa: Isang Kwalitatibong Pag-aaral

Sa Pagpapanatili ng Wikang Ata Manobo

sa Kadawyan

Danieca Earle Catalan


Sto. Tomas National High School
Davao del Norte Division
daniecaearle@gmail.com

Ralph Riel C. Tabanao


Sto. Tomas National High School
Davao del Norte Division
tabanaoralphriel@gmail.com

Joshua E. Paglinawan
Sto. Tomas National High School
Davao del Norte Division
jshpaglinawan@gmail.com
Rasyunal

Ang pagpreserba sa isang dayalekto ay mahigit pa sa pangangalaga nito upang

manatiling buhay, mapayabong ang bawat aspektong kultural dahil sa lenggwaheng

naging representasyon ng bawat-isa (Writer, 2018). Sa pananalasa ng pandemya,

nagdulot ito ng penomenang paghina ng abilidad ng mga tao sa

pakikipagkomunikasyon. Bukod pa rito, naging ugat ito ng limitadong pakikipag-

ugnayan na nag-udlot ng makabuluhang pisikal na pag-uusap (Charney, et. al, 2020;

Marler at Ditton, 2020). Ang pandemya ay nagdala ng panganib sa mga katutubong

wika ng mga etnikong pangkat sa buong mundo (Ainu, et. al, (n.d.) na iminungkahi ni

Sallabank (2010). Isang malaking hamon ang pagpreserba ng isang katutubong wika

lalong-lalo na sa panahon ng pandemya na kung saan halos ang mga nakatatandang

pinuno ng tribu ay nadapuan ng Covid-19 (Din, 2021).

Ang mga wikang katutubo ay patuloy nang ginagamit at pinapalawak sa bansa

bago pa man ang panahon ng kolonyalismo (Enriquez,2012; Reid,2009).

Pinaniniwalaan ng mga nakararami na ang kolonyalismo ang dahilan ng pagiging

sibilisado ng mga Pilipino. Subalit, bago pa niyakap ng ating mga ninuno ang

pagkaalipin mula sa mga mananakop ay mayroon nang kalinangan at sibilisado na

ang Sambayanang Pilipino (Gonzales at Cortez, 1988; Gonzales, 2017; Tan, 1993)

nagamit at pinapalawak sa bansa bago pa man ang panahon ng kolonyalismo

(Enriquez,2012; Reid,2009). Gayunpaman, ang mga katutubong wikang ito ay

nakaharap sa malaking hamon kung paano mapreserba dulot ng may mga

dominanteng wikang umiiral sa lipunan na kanilang ginagalawan (Kseroof, 2016).

Sa Pilipinas, maituturing na biyaya ng kultura at ng kasaysayan ang mga

katutubong wika. Ngunit sa pagdaan ng panahon, dahil sa kolonisasyon at


globalisasyon, unti-unting nawawala ang mga pamanang ito at napalitan ng kolonyal

na kulturang popular. Dahil dito, kakaunti na lamang ang mga gumagamit ng kanilang

wikang katutubo (Burce, 2013). Masasalamin din sa ating bansa na maraming mga

etnikong pangkat ang dumadayo at nakikipagsapalaran sa mga siyudad upang

maghanap ng trabaho at kabuhayan, na nagdala sa kanila na yakapin ang bagong

kultura (Marcelli,2017). Ito ay nagdulot ng malawakang pagbabago sa mundo. Maging

ang larangan ng komunikasyon ay wika, ang paghamon sa wika ay nangyayari.

Naging palasak ang barayti ng wika dahil sa pakikipag-ugnayan ng isang indibidwal

na may ibang wikang ginagamit (Liwanag, 2020).

Bilang pagtalima sa mandato ng National Commission for Culture and Arts

(NCAA) na mapreserba, mapayabong at mapangalagaan ang mga kultural na

pamanang sining, panitikan at higit sa lahat ang natatanging mga diyalekto na

matatagpuan sa iba’t ibang sulok ng bansa, isinabatas ang Republic Act No. 10066 o

National Cultural Heritage Act of 2009 na layon ay mapanatili at mapangalaan ang

mga katutubong wika sa bansa. Bukod pa rito, suportado rin ng Department of

Education (DepEd) ang pagprepreserba ng pamanang kultura, na nakapaloob sa

DepEd Order No. 62, S. 2011. Layunin nitong makatulong sa pagpapatibay ng mga

katutubong wika.

Matatagpuan naman sa Davao del Norte, partikular sa Sitio Talos, Barangay

San Jose, bayan ng Sto. Tomas, ang mga katutubong Ata-Manobo. Kapansin-

pansin ang kanilang katatagan at paninindigan sa kanilang kultura, lalong-lalo na sa

kanilang wikang Ata-Manobo sa kabila ng paghatak ng panahon. Subalit,

nakakamangha na sa kabila ng mga pagbabago lalo na ngayong panahon ng

pandemya, nagawa pa rin nilang ipreserba ang kanilang itinuturing na yaman, ang

kanilang wikang katutubo.


Bagamat may mga pag-aaral na ukol sa pagpapanatili ng mga wikang katutubo

subalit wala pang pag-aaral hinggil sa tribung Ata-Manobo sa tribal na komunidad ng

Talos, sa bayan ng Sto. Tomas. Ang aming pananaliksik ay nakatuon kung ano ang

mga hamon sa pagpapatibay ng mga Ata-Manobo ng kanilang wikang katutubo sa

panahon ng pandemya.

Mga Layunin ng Pag-aaral

Layunin ng penomenolohikal na pag-aaral na ito na malaman at maunawaan

ang mga naging dulot ng pandemya sa pagpapanatili ng katutubong wika ng mga Ata-

Manobo, sa Sitio ng Talos, Barangay San Jose, bayan ng Sto. Tomas, lalawigan ng

Davao del Norte.

Sa puntong ito ng pananaliksik, ninais naming malaman ang mga hamon at

kung paano nalampasan ang mga mababanggit na hamon ng mga pinuno ng tribung

Ata-Manobo ukol sa pagpapanatili ng kanilang wikang katutubo. Gayundin, ang

mapagtagumpayang mailahad ang kanilang kabuoang pananaw ukol sa nabanggit na

paksa. Nilalayon namin na sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, ang wikang

katutubong Ata-Manobo ay patuloy na mapanatili sa panahon ng pandemya at hindi

kailanman maibabaon sa limot.

Mga Tiyak na Layunin

1. Ano ang naidulot ng pandemya sa pagpapanatili ng katutubong wika ng

mga Ata-Manobo?

2. Ano ang mga naging hamon sa pagpapanatili ng katutubong wika sa

panahon ng pandemya?

3. Paano nalampasan ng mga Ata-Manobo ang mga hamon sa pagpapanatili

ng kanilang wikang katutubo sa panahon ng pandemya?


4. Bilang isa sa mga pinuno ng tribal community ano ang pananaw mo na

maaaring maibahagi sa iyong mga katribu?

Metodolohiya

Ginamit sa pananaliksik na ito ang kwalitatibong disenyo at penomenolohikal

na dulog sa pagsusuri. Ang kwalitatibong pananaliksik ay ayon sa paglalarawan ng

mga obserbasyon. Ito ay kinapapalooban ng pag-unawa sa katangian ng isang

indibidwal o pangkat sa isang panlipunang suliranin. Ito ay kinabibilangan din ng

proseso ng pagtatanong at proseso sa paglilikom ng mga datos sa konteksto ng mga

partisipante (Creswell, 2014).

Bilang karagdagan, ang kwalitatibong pananaliksik ayon kay Creswell

(2007), ay pangunahing disenyo na sumusubok at gumagalugad ng makabuluhang

impormasyon. Ito ay ginagamit upang makakuha ng pag-unawa sa mga

pinagbabatayang dahilan, opinyon, at mga motibasyon. Nagbibigay ito ng mga

pananaw sa problema o nakatutulong upang bumuo ng mga ideya o teorya para sa

potensyal na pananaliksik.

Ginamit ang disenyong ito upang lubos na maunawaan at magkaroon ng

malalim na pagsusuri sa mga karanasan, mga estratehiya sa pagharap sa mga hamon

at perspektibong pananaw ng mga partisipante.

Ang penomenolohikal na dulog sa kwalitatibong pananaliksik naman ay ang

paglalarawan sa totoo at napapanahong karanasan ng bawat indibidwal. Binibigyang-

tuon dito ang mga karaniwang karanasang kinasasangkutan ng mga partisipante na

nais mabatid ng mananaliksik (Creswell, 2013).

Sa pahayag naman ni Baraceros (2016), ang dulog-penomenolohikal ay

naglalarawan kung paano hinaharap ng isang indibidwal ang iba’t ibang karanasan at
kung paano siya tumugon dito. Maging ang paraan ng pamamahala niya sa sarili ay

kaakibat din sa pagsusuring ito.

Sa pamamagitan ng dulog na ito ng pananaliksik, nababatid ng mananaliksik

ang mga karanasan, hinaing at nararamdaman sa tunay na buhay ng indibidwal na

kalagayan ng mga partisipante sa pag-aaral. Magkakaroon din ng mabuting ugnayan

ang mananaliksik at mga kalahok na higit na mahalaga sa pamamaraang ito

(Creswell, 2013).

Bilang mga mananaliksik, ginamit naming ang kombinasyong kwalitatibo at

penomenolohikal na pag-aaral upang makakuha ng mas makabuluhan at tamang pag-

unawa sa karanasan at pananaw ng mga partisipante sa paggaod sa kanilang wikang

katutubo na sa panahon ng pandemya. Tiniyak din namin bilang mananaliksik na

nailahad ng aming mga partisipante ang mas malalim na pagpapahayag ng kanilang

mga saloobin at karanasan patungkol sa paksa ng pananaliksik.

Sa proseso ng pangangalap at paglikom ng mga kasagutan sa mga inilaang

tanong, kami ay dadaan muna sa mga hakbang ng pangangalap ng datos. Sa pag-

aaral na ito magiging gabay ang limang hakbang na iminungkahi ni Creswell (2012);

humingi ng pahintulot sa pagsasagawa ng pag-aaral, pagpili ng mga partisipante na

mayroong magkakatulad na mga karanasan sa penomenang pinag-uusapan,

pangangalap ng datos mula sa mga mapagkukunan, pagtala ng mga datos, at

pangangalap ng datos sa isang sensitibong pamamaraan.

Sa aming pagsisimula, kami ay hihingi muna ng pahintulot sa National

Commission for Indigenous People (NCIP) upang maisaalang-alang ang etika ng

aming gagawing pangangalap ng datos. Samantala, ang pitong datu ng Ata-Manobo

na naninirahan sa Sitio Talos, Barangay San Jose, Sto. Tomas, Davao del Norte ang

aming mga magiging partisipante sapagkat sila ay may sapat na kaalaman at


kabatiran para malikom ang sapat at nararapat na impormasyon na bubuo sa layunin

ng aming pananaliksik.

Upang matugunan ang kredibilidad sa kwalitatibong pananaliksik na ito, ang

pagtitiwala sa kawastuhan ng pag-aaral ay aming pinahalagahan. Para kina Lincoln

at Guba (1985) na binanggit ni Shenton (2004), ang pagtitiwala sa kawastuhan ay

kinabibilangan ng apat na krayterya na nangangailangang pagtuonan ng atensyon;

halaga sa katotohanan (para sa kredibilidad), pagiging akma (para sa transperalidad

o paglilipat) hindi pagbabago (para sa pagkamaaasahan) at neutralidad (para sa

pagpapatunay).

Para matugunan ang isyu ukol sa kredibilidad, gagamit kami ng ilang mga

pamamaraan tulad ng trayanggulasyon, paulit-ulit na pagtatanong, at member

checking.

Ang trayanggulasyon ay maaaring sumangkot ng maramihang pagkukunan ng

mga datos at mga pamamaraan, mga komento at kakayahan ng mga tagapag-analisa

at gumamit ng iba’t ibang mga teorya para sa balidasyon at beripikasyon sa mga

natuklasan (Creswell, 2013). Sa pananaliksik na ito, may mga partisipante kaming

mula sa pinalalim na panayam (In-Depth Interview) at pangkatang talakayan (Focus

Group Discussion) at ang mga nakuhang datos ay dadaan sa trayanggulasyon bilang

suporta sa pananaliksik na ito.

Titiyakin din namin na maisasagawa ang member checking matapos makolekta

ang mga datos sapagkat ayon kay Lincoln at Guba (1985), ang member checking ay

isang pamamaraan upang masigurado ang kredibilidad ng pananaliksik.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Ang mga katutubong wika ay karapat-dapat na mapanatili. Kaya sa kabila ng

banta ng pandemya ibayong pagpupursige ng Tribung Ata-Manobo ang ginawa,


upang mapanatili pa rin ang kanilang katutubong wika sa mga puso ng mga katutubo.

Dahil dito, ang pananaliksik na ito ay mahalaga para mabatid ang mga karanasan ng

mga Ata-Manobo sa pagpapanatili ng kanilang wikang katutubo sa panahon ng krisis

at sa mga sumusunod na indibidwal.

Sa komunidad ng Indigenous People, mahalaga ang pag-aaral na ito upang

mamulat sila sa mga karanasan at hamon sa pagpapanatili ng katutubong Wikang

Ata-Manobo. Bilang isang kasapi ng IP community, tungkulin nilang maging maalam

ukol sa mga pangyayaring nagaganap sa kanilang mga lipunan. Maaari rin itong

maging batayan upang sila ay makakuha ng mga ideya at konsepto hinggil sa

pagpapanatili ng kanilang mga katutubong wika sa gitna ng pandemya.

Sa Kagawaran ng Edukasyon, ang pag-aaral na ito ay magsisilbing ugat

upang makapagsagawa ng angkop at wastong mga pang-akademikong aktibidad na

magpapanatili ng mga katutubong wika at mapaigting pa ang pagtuturo ng MTB-MLE,

kontekstuwalisasyon at lokalisasyon na pagkatuto. Maaaring makahikayat ang

pananaliksik na ito na sa halip na gawing pamantayan ang wikang Ingles at wikang

Filipino sa mga mataas na pampublikong paaralan ng Sangay ng Davao del Norte ay

pagsisikapan nilang tanggapin ang paggamit ng mga wikang katutubo upang lubos na

mapanatili ang kahalagahan nito.

Sa mga Lokal na Pamahalaan, ang pananaliksik na ito ay magtutulak na

bigyan ng sapat na atensiyon ang mga wikang katutubo at maprotektahan ito sa kabila

ng krisis. Gamit din ang pananaliksik na ito, mabibigyan ng halaga ang mga

katutubong wika sa gitna ng pandemya at maaaring mapanatili at maprotektahan ang

kaayusan at estruktura ng mga katutubong wika.


Sa mga mananaliksik, ang pag-aaral na ito ay magsisilbing patnubay at

batayan sa mga gagawin pang susunod na mga pag-aaral ukol sa wikang katutubong

Ata-Manobo.

Inaasahang Bunga

Ang siyam na pahinang konseptong papel na ito ay masusing tutugon sa paksa

ng aming pag-aaral. Maglalahad ng mga konkretong kasagutan batay sa nakalap na

mga karanasan ng mga datu ng Ata-Manobo sa pagpapanatili ng kanilang wikang

katutubo sa matagal ng panahon lalong-lalo sa gitna ng pandemya. Kabilang na ang

bibliografi, appendix at iba pang anotasyon ginamit sa pagbuo ng pag-aaral na

Paggaod sa Balsa: Isang Kwalitatibong Pag-aaral sa Pagpapanatili ng Katutubong

Wika sa Kadawyan.

Sanggunian

Baraceros, E.L. (2016). “Practical Research 1”. Rex Bookstore.


Burce, J. (2013, Enero 22). Wika sa Pagdaan ng Panahon. Nasyonalistik Pinoy.
https://nasyonalistikpinoy. wordpress.com/2013/01/22/wika ng panahon/

Charney, e. a., & Marler, Ditton. (2020). Communication amidst Pandemic. Retrieved
from https://www.researchgate.net/figure/_fig2_345461771
Creswell, J.W. (2012). Qualitative inquiry and research design choosing among for
approaches (3rd ed P472). SAGE Publications, Inc.
Creswell, J.W. (2007). Qualitative inquiry and research design choosing among five
approaches (2nd ed). CA: Sage.

Creswell, J.W. (2013). Qualitative inquiry and research design choosing among for
approaches (3rd ed). SAGE Publications.

Creswell, J.W. (2013). Research Design: Qualitative, Quantitative, and Mixed


Methods Approaches. 3rd Ed. SAGE Publications.

Creswell, J.W. (2014). Research design qualitative, quantitative, and mixed


methods approaches (2nd ed). CA: Sage.
Enriquez, Maria Althea T. 201 2. Philippine English and Taglish from a Language
Contact Perspective. PhD Dissertation. National University of Singapore
Gonzales, Hernando V. and J. R. Cortes. 1988. The Philippines. In G. T. Kurian, ed.
World Education Encyclopedia. NY: Facts on File Publications. 992–1004

Kseroof. (2016). Opportunities and Challenges in Preserving Languages. Sail


Magazine.
Liwanag. (2020). Opportunities and Challenges in Preserving Languages. Sail
Magazine.
Lincoln, Y.S. & Guba, E. G. (1985). Naturalistic inquiry. Sage Publications. Retrieved
from http://ussagepub.com/en-us/nam/naturalistic-inquiry/book842
Marcelli. (2017). Opportunities and Challenges in Preserving Languages. Sail
Magazine.
McLaughlin, M. (1990). The rand change agent study revisited: Macro perspectives
and micro realities. Educational Researcher (December), 11–16.

Reid, Lawrence A. 2009. Who are the indigenous? Origins and transformations. The
Cordillera Review: Journal of Philippine Culture and Society 1(1): 2–25.
Republic Act No.10066 National Cultural Heritage Act of 2009. (n.d.). Official Gazette.
Retrieved from https://mirror.officialgazette.gov.ph/2010/03/26/republic-act-no-
10066
Sallabank, J. (2010). Language endangerment: Problems and solutions. eSharp,
Special Issue: Communicating Change: Representing Self and Community in a
Technological World, 50–87.
Shenton (2004). Strategies for ensuring trustworthiness in qualitative research
projects. Division Information and Communication Studies.
Tan, Susan Villanueva. 1993. The Education of Chinese in the Philippines and
Koreans in Japan. Unpublished MA thesis. The University of Hong Kong.
Writer. (2018). Language Preservation and Publishing. Retrieved from
https://www.researchgate.net/publication/287202702_Language_Preservation
_and_Publishing

You might also like