Ang babasahin ay umiikot lamang sa ginagampanang papel ng mall sa
pagpapalaganap at pagpapatibay sa kultura at sining na sariling atin. Inilarawan ang mall hindi lamang bilang isang istrukturang pasyalan na nagbibigay aliw sa mga mamamayan kundi bilang isang lugar kung saan ang iba’t-ibang kultura ay nagkakahalubilo at bilang isang importanteng bahagi/element upang mapagyabong pa mismo ng mga Pilipino ang mga lokal na artists kasama ang kanilang mga obra maestro. Dito nagsimula ang pagbubukas ng isang gallery row sa megamall na pinangunahan nina Rey Contreras at Tala Isla-Contreras. Ito ang naging pokus ng pag- aaral ni Rolando Tolentino hinggil sa sining at kultura na mayroon isang mall. Bilang ang mga Pilipino ay naturingang mahilig mamasyal, naisipan ni Contreras na magtayo ng gallery row upang mas mapadaling iendorso ang talento ng mga lokal na artist tungo sa mas accessible at pagkakaroon ng mas malawak na exposure para sa kanilang mga likha. Ayon kay Tolentino, mayroong dalawang uri ng sining bilang commodity culture. Una ay ang mga aktuwal na produktong ibinebenta tulad ng artworks,concerts at iba pa. Ang pangalawa ay tumutukoy sa pagbebenta ng hindi aktuwal na produkto upang makatulong sa pagpapakilala ng brand o produkto o tinatawag na soft-selling.Dagdag pa ni Tolentino, malaking bahagi ang ginagampanan ng mall lalo na sa urban development. Ang mall din ang nagsisilbing supplier ng kontemporaneong kultura kung saan ang dibersidad ng mga kultura at sining ay nagkakatipon-tipon at nagkakasalamuha. Kung kaya’t tinagurian ito ni Tolentino bilang bagong sentro ng kultura. Panghuli, tinalakay ni Tolentino ang gallery row bilang isang kulturang popular kung saan naglalaman ito ng limang katangian: a.) Ang kulturang popular ay ginawa para sa kita; b.) ang kulturang popular ay transgresibo sa mga kategorya; c.) ang kulturang popular ay ipinapalaganap sa pamamagitan ng teknolohiya; d.) ang kulturang popular ay pumapailanlang sa nosyon ng sado-masokismo at; e.) ang kulturang popular ay nanggagaling sa pangunahin o sentro. Hindi maitatangggi ang pagmamahal ng awtor sa bayan kasama na lamang ang kultura at sining na nakapaloob dito. Kung nanaisin ng sambayanang Pilipino ay kaya nating iangat at mas pagtibayin ang kultura at sining ng bansa ngunit ang isa sa mga balakid ay ang westernized ng ating bansa o ang pagiging makakanluraning pag-iisip, kilos at gawa.