You are on page 1of 1

Ang Kahalagahan ng Wika

Ang wika ay sadyang napakahalaga. Ito ang nagbubuklod sa bawat tao hindi lamang dito
sa ating bansa kundi pati na rin sa buong mundo. Sinasabing ang wika ay kaluluwa ng isang
bansa dahil ito ay sumasalamin sa ating pagkakakilanlan. Ito ay sagisag ng ating bansa at sa
pamamagitan nito ay nagkakaroon ng unawaan ang bawat tao.

Isa sa mga kahalagahan ng wika ay ginagamit natin ito sa pakikipagtalastasan. Sa tulong


ng ating wika ay naipapahayag natin ang ating mga saloobin at kung ano man ang nasa ating
mga isipan. Dahil dito, nalalaman natin ang mga hinaing ng bawat isa o kung ano man ang gusto
nilang ipahiwatig. Nagkakaintindihan tayo at nagkakaunawaan sa paggamit ng ating sariling
wika. Sa pamamagitan ng wika ay nagkakaunawaan tayong lahat at nagiging madali ang
komunikasyon at maituturing na isa sa pinakamabisang kasangkapan sa ating buhay. Ang wika,
pasalita man o pasulat ay magiging sandata natin sa ating pakikipaglaban sa buhay. May
kakayahan itong gawing maunlad ang isang bansa sa gitna ng ating nararanasan sa ngayon. Ito ay
nagbibigay daan sa pagkakaisa ng mga mamamayan at nagbibigay tulong sa pag-unlad sa ano
mang aspeto ng ating bansa. Hindi lalago ang isang bansa kung ang mga tao ay hindi nagkakaisa
o nagkakaintindihan. Hindi lang ginagamit ang wika sa pakikipag-usap sa ibang tao kundi
ginagamit din ito upang makipagkaibigan. Sa tulong ng wika ay nakikipagtalakayan tayo sa
ibang tao at tumutulong na mapanatili ang ating pagiging konektado sa isa’t-isa.

Kung wala ang wika, paano tayo magkakaintindihan at paano natin mapapabilis ang
paglaganap ng kaunlaran pati na rin ang pagiging malapit natin sa isa’t-isa? Sa bawat tanong na
ito ay hindi sapat lamang ang mga senyas, simbolo at mga kulay para malaman ang kasagutan ng
mga ito. Sa madaling salita, kailangan natin ang wika sa ating buhay. Ito ang isa sa
pinakamagandang regalo ng ating Diyos sa ating lahat. Malaki ang nagagawa ng wika sa
pagkakaroon ng magandang unawaan, ugnayan at mabuting pagsasamahan.

You might also like