Professional Documents
Culture Documents
Tsismis dito, tsismis doon. Maaaring narinig sa kaibigan, kakilala, o taong walang
kahit anong kaugnayan. Maraming umaalingawngaw ukol sa kultura at pananalita naming
mga Batangueñ at maaaring hindi na kayo interesado rito. Ngunit, talaga bang ayaw
niyong marinig ang aming mga kwento, nakaraan, sikreto, biro, at yaong katotohanan
ukol sa aming kultura? Kung nais niyong magpatuloy sa sanaysay na ito, tayo muna’t
magbalik sa pinagmulan ng lahat.
Bukod pa sa mga nasabi, ang mga Batangueño rin, mula pa noong unang panahon,
ay magalang sa kanilang mga magulang. Naipapakita nila ang kanilang pagbibigay-
galang sa tuwing sila ay nagmamano, sumusunod sa mga utos at payo, at nagbibigay ng
kanilang mga kinikita sa kanilang mga magulang. Isang kaugalian sa kultura ng Batangan
ay ang tinatawag na “Matanda sa Dugo,” kung saan ang tao ay nagbibigay ng respeto
hindi dahil sa edad, kundi sa pagkakasunod-sunod ng kamag-anak. Halimbawa nito ay
kung papaano tinatawag ko ang aking pinsan na isang taon lamang ang pagitan ng aming
pagkapanganak, ng “tita or tiya,” imbis na “ate,” at ganoon na rin lamang ang pagtawag
ng aking kapatid na kaniyang kasing-edad, sapagkat siya ay batang anak ng isa naming
lola. Itong bahagi ng kultura ng mga Batangueño ay kalimitang nagdudulot ng pagkalito
sa mga taong galing sa ibang probinsya, sapagkat hindi nila nakasanayan ang ganitong
kaugalian.
Sa kabilang banda, kilala na rin lamang ang mga Batangueño sa kanilang pagiging
malikhain at mapamaraan, kung kaya’t marami silang naipagmamalaki na produkto. Ang
pinakakilala sa mga ito ay ang balisong na kung tawagin ay fan knife o butterfly knife sa
ingles. Ang industriyang ito ay naging sobrang sikat hanggang sa naging alamat na ng
lungsod na ang bawat Batangueño ay laging may dalang balisong, saan man siya
magpunta. Ito na rin lamang ang dahilan kung bakit naging babala na sa mga Pilipino na
huwag makipag-away sa isang Batangueño. Bagama’t karaniwan na ang mga prutas sa
Batangas tulad ng pinya, mayroon pa ring sariling industriya ang pagproseso at paggamit
ng dahon nito. Sa munisipalidad ng Taal, pinoproseso ang dahon ng pinya sa isang uri
ng tela na tinatawag na gusi. Ito ay patuloy na ipinoproseso hanggang sa maging Barong
Tagalog, ang pambansang kasuotan ng lalaki sa Pilipinas. Sa katunayan, yaong mga
Barong Tagalog na ginamit ng mga puno ng estado noong 1995 APEC Summit ay
nanggaling sa Batangas, samantalang kilala rin na nagmamay-ari si Princess Diana ng
bupanda o scarf na gawa sa gusi. Maliban pa rito, kilala rin ang Batangas sa kanilang
Kapeng Barako. Ang Batangas ay isang probinsiya na mayaman sa agrikultura, kung
kaya’t sagana rin ito sa plantasyon ng kape, lalo na sa bayan ng Lipa. Ang Barako ay
isang salitang tagalog na nangangahulugang matipuno o matapang na lalaki, kung kaya’t
ito ang ipinangalan sa kapeng Barako na kilala sa kaniyang matapang na lasa at amoy.
Matapos talakayin ang aspektong kultural ng Batangas, halina’t magpatuloy tayo sa
aspektong lingguwistiko ng lalawigang ito! “Anla naman! Ano ga naman are?,”’Kainaman
na! Nagdamusak na eh!” Dahil sa kakaibang dayalekto o pananalita ng mga Batangueño
na mayroong malakas na tuldik o punto, madali silang mahanap sa isang grupo ng mga
tao kapag sila ay nagsalita. Ngunit, dahil rin dito, karaniwang napag-aakalaang galit ang
mga Batangueño habang sila ay nagsasalita. Bagaman kayang intindihin ng mga
gumagamit ng ibang dayalekto tulad ng mula sa Maynila at Tayabas, ayon sa Komisyon
sa Wikang Filipino, ang talasalitaan o bokabularyo ng dayalekto ng mga Batangueño ay
mas maiuugnay sa makalumang Tagalog. Bihirang gumamit ng Taglish ang mga laking
Batangueño kumpara sa nakasanayan sa Maynila. Samantala, kilala ang mga
Batangueño sa pagdagdag ng “eh,” “ga” o “ala eh” sa kanilang mga pangungusap, bilang
paraan ng pagbibigay-diin sa kanilang mga sinasabi. Sila rin ay nagamit ng passive past
tense imbis na present progressive. Halimbawa nito ay ang pagsabi ng “nakain,” imbis
na “kumakain,” at “natawag,” imbis na “tumatawag.” Ang ganitong pananalita ay maaaring
magdulot ng katuwa-tuwang hindi pagkakaintindihan, sapagkat katulad ng nabanggit,
iintindihin ito ng mga taga-Maynila bilang passive past tense. Isang halimbawa ay kapag
may nagtanong ng “Nasaan si Juan?” at mayroong sumagot ng “Nakain ng isda,” maaari
itong ipakahulugan ng ibang tao na kinain si Juan ng isang isda. (At gaano naman kaya
kalaki yaong isda para ito ay magiging totoo?) Iba pang nakasanayan ng mga
Batangueño sa kanilang pananalita ay ang kung paano ang mga pandiwang nagtatapos
sa “–an” ay nagiging “–si”, lalo na kapag ito ay pautos na sinabi (Aba’y, buksan mo!
nagiging Aba’y buksi!), samantalang, sila rin ay naglalagay ng “pagka-“ sa harapan ng
mga salita (pagkaganda!, pagkabait!) Mapapansin din ang naiiba sa pagkakapantig ng
ibang mga salita ng mga Batangueño, tulad na lamang ng (tan-‘a-wan) imbis na (ta-‘na-
wan), at “matam-is” imbis na diretsong “matamis.” Maliban pa rito, kalimitan din nilang
ginagamit ang ire o are at rine o dine sa kanilang pananalita. At mapapansin mo nga
naman ang malawak na bokabularyo ng dayalekto ng mga Batangueño sa kung papaano
mayroong maraming salin sa salitang “slip” sa Ingles o pagkadapa, batay sa kung paano
nahulog yaong tao. Maaaring siya ay “nadulas” lamang, “natingkuro” o nawalan ng
balanse, o “nagsungaba” na nangangahulugang siya ay nadapa nang una ang mukha.
Patungkol naman sa kung papaano nagiging magalang ang mga Batangueño maging
sa kanilang pananalita, maaari silang gumamit ng mga panghalip na pangalawa o
pangatlong panauhan, imbis na pang-una, at ang lahat ng ito ay plural o pangmaramihan
sa paggamit. Halimbawa nito ay ang pagsabi ng Sino sila? at hindi Sino iyan? pati na rin
Kumusta na po kayo? o Kumusta na po sila? imbis na simpleng Kumusta na po? na
karaniwang paraan ng pagsabi ng mga taga-Maynila. Nais ko ring bigyang pansin ang
paggamit ng “po” at “opo,” “ho” at “oho,” bilang paraan ng pagbibigay-galang. Patungo
naman sa mga salitang maaaring Batangueño lamang ang nakaiintindi, kasama rito ay
ang “damusak” (kalat), “imis” (linis), “liban” (pagtawid ng tulay/kalsada), “alwan” (gaan –
sa buhay), “tabingi” (tagilid), “hagalpak” (mas malakas na tawa), “patikar” (mabilis na
takbo), “awas” (apaw), “babag” (away), “lusaw” (tunaw), “panghi” (palot), at “hipan”
(hingahan).
Sanggunian:
Ladaran, J. A. (2020). ANG MGA BATANGUENO. Retrieved January 21, 2021 from
https://www.academia.edu/35448089/ANG_MGA_BATANGUENO
Meer, L. B. (2018). Social Culture of the People of Batangas Province by Leon Bibiano
Meer, 1916. Retrieved January 21, 2021 from
https://www.batangashistory.date/2019/06/social-culture-of-the-people-of-
batangas-province-by-leon-bibiano-meer-1916.html?m=1