You are on page 1of 2

APOY

Apoy na tutupok sa iyong pagal na katawang lupang pilit babangon sa pagkasubasob sa


tigang na disyerto ng kahapon. Oo kahapon! Ginambala ng malakas na ihip ng malabagyong
hangin ang walang katapusang kapatagan ng ilang. Umindayog ang mahaharot na alikabok na
nakalutang sa iyong balintataw. Naalimpungatan ang mga tila baga’y nangahihimbing na rolyo
ng tuyong sanga at baging na pinagbuhol-buhol ng panahon. Panahong siya’y iyong kaulayaw.
Panahong siya’y iyong kapiling. Panahong dili iba’t nasayang. Panahong ikaw at siya’y
nagdiriwang sa musikang nilikha ng mga halamang ano’t kay tutulis ng tinik na tatarak sa puso?
Oh ang puso! Puso mong kahapo’y kay ligaya – tila walang hanggang kaluwalhatian lamang ang
nag-aalab. Ano’t ngayo’y balot ng pagdadalamhating hindi kayang ipaliwanag kahit sumugod pa
ang pinakamatatalinong pantas? Ano’t ngayo’y tumatangis na tila ba hindi na mapapatahan ng
sanlaksang kaligayahang kailan pa nga ba dadatal? Pagdatal – ng ngiti, ng bagong pag-asa, ng
bagong pagibig, ng bagong ligaya! Hindi iba’t iyong hinintay mula pa noon subalit tila naglahong
usok ng nagbabagang batis na unti-unting naiiga sa init ng araw. At ang musikang nagpalundag
sa iyong nalulumbay na damdamin ay bakit unti-unting napalitan ng ugong ng kung anong
tampalasan? Dagundong na gigimbal sa iyong mundong akala mo’y tahimik nang iinog sa
kanyang pagsinta. Ragasa ng kung anong estrangherong ligaw at pilit na bubuwagin ang
kapayapaang malaon mo nang inangkin at pinagyaman. Yaman! Wala kang ibang kayamanan
kundi tanging ang kanyang pagibig. Pag-ibig na masaganang namumunga sa gitna ng ilang.
Subalit kapagdaka’y lumitaw ang haring araw mula sa kung saan at walang patumanggang
sinunog ang iyong mayayabong na sanga. Nagliwanag ang kapaligiran dulot ng ningas ng apoy
na nilikha ng katampalasanang sino ang may gawa? At patuloy ngang nagningas ang apoy. Apoy
na tuluyang nagpabagsak sa iyong nauupos na kaluluwa. Apoy na walang humpay na tutupukin
ang pagmamahal na sana’y para sa kanya. Ngunit ano nga ba ang mas mainam? Ang manatiling
nagmamahal sa isang nilalang na hindi ka kailanman kayang mahalin o ang hayaang matupok na
lamang ng nagngangalit na apoy ang damdaming nasayang. Damdaming inialay ng lubos subalit
tinanggihan. Damdaming patuloy na ipagtatabuyan hanggang sa kasukdulan ng iyong mga
bangungot; hanggang sa huling patak ng butil ng pawis mula sa napapaso mong katawan. Pawis
nga ba o luha? Luha sa iyong mga matang bakit hindi sumuko sa kabila ng kataksilang
nasaksihan? Luha sa iyong mga matang bakit hindi mapakiusapang huwag na lamang sanang
sumilay? At ang natutustang pagsuyo ay bakit hindi mamatay-matay kahit pa ilang ulit kang
ipagtulakan! Patuloy na nagningas ang apoy. Ngunit ikaw ay tulala sa kawalan. Kahalintulad ay
batang paslit na iniwan ng kanyang Inang. Ano’t kapagdaka’y aatungal na katulad ng sa tigre at
lulupagi sa tuyot na lupang kukulay sa iyong sunog na katawan. Kaawa-awa. Ngunit mas kaawa-
awang siyang naging duwag sa tawag ng puso. Mas kaawa-awa siyang hindi naramdaman kung
gaano kasarap magmahal ang isang katulad mong salat man sa ambon ng kanyang pagsinta ay
hitik naman sa dakilang pagibig mula sa kaibuturan ng iyong pusong pinagtibay ng panahon. Oo,
marahil siya nga’y hindi ang para sa iyo. Ngunit sino? Sinong makapaguusal? Sinong
makahuhula sa ibinubulong ng mga puso ng mga sawing tulad mo o tulad nya? Bubunghalit ng
isang bagong umaga ang kapalaran. Sosorpresahin ang nangahihimlay na dili iba’t ikaw.
Babagsak ang malakas na ulan mula sa kalangitan upang diligan ang naghihingalong disyerto ng
iyong buhay. Kalangitang sino nga ba ang nakakaalam? Subalit ikaw ay tulala sa kawalan.
Gimbal sa nasaksihan. Patda sa kinatatayuan. Tangan ang tanging sandatang ni minsan ay hindi
binitawan –pagibig. Hangga’t maalam kang umibig, patuloy ang buhay. At mula sa kapurit na
dagitab sa dako pa roon ay patuloy na magniningas ang apoy ng pagasa. At sa araw ng
pagdating niyaong sa iyo’y itinakda, ikaw ay magiging maligaya. Bubukal ang mga batis sa lahat
ng sulok ng ilang at pagdaka’y lilikha ng karagatan ng matamis na pag-irog. Tutubo ang mga
halaman, bulaklak at punong magbibigay buhay sa istoryang ano’t bakit ngayon lang
nasumpungan? Ano pa’t ikaw ay magiging masaya –at hindi na muling malulumbay pa.

You might also like