You are on page 1of 1

“SA DAKO PAROON KUNG SAAN WALA KANA ROON”

Ni: JHOMARI N. ANTONIO

Ang sakit ay unti- unting nawawala, ang lungkot ay napapawi ng saya at ang dilim ay muling
nagbabadya. Inakay ng takip-silim na sabik sa pagbalot ng liwanag na pilit bubuhayin ng takot. Sa
mundong ang palahaw ng nalulumbay ay hindi kailan man maririnig. Hindi kailan man mapapansin.
Hindi kailan man susubukang pawiin ng ngiting hanggang ngayon ay nais masilayan mula sa iyong
mga labi.

Nais kong sabihin sa iyo na ako’y naninimdim. Naninimdim sapagkat ang karampot na
pagsintang natagpuan ay tuluyan ng nilamon ng ganid na kalungkutan. Nais kong tanggapin na ang
buhay ay isang laro lamang, isang pandarayang walang katapusan, isang sirkus na walang
patutunguhan, isang paghahangad na walang katuparan.

Bakit ka dumating? Bakit inakit ang pusong laging dala’y lungkot, takot at pangamba. Bakit inalipin
ang damdaming sana ngayon ay tahimik na nahihimlay sa saliw ng musika ng pag-iisa. Bakit pinukaw
ang kaluluwang matagal nang hindi marunong makadama ng pagtatangi sa isang katulad mong isang
panandaliang aliw lamang.

Saan ako tutungo? Nagtatanong ang isip sa mga pangyayaring kayang kaya ko sanang kontrolin at
hawakan sa aking mga kamay subalit nahulog sa iyong malambing na ngiti. Saan may lunas sa mga
pusong naninimdim at nagdurusa ng dahil sa nasayang na pag-ibig. Saan may siwang na maaari kong
silipin upang makalanghap ng sariwang hangin ng pagbangon. Saan may lugar na naroon ka?

Ito ang kinasadlakan nitong pusong tanga at umaasa. Sana’y umiwas na noon pa sa kabalintunaan ng
iyong pagtatampisaw sa batis ng aking hacienda. Hindi na sana nagising ang ulirat ng nahihimbing
kong daigdig. Hindi na sana nasaktan ng iyong pagdating at pag-alis din. Hindi na sana lumuluha…
ngayon!

Nakakatawa ang pusong pilit tinatanggihan ang pagtanggap sa isang totoong KABIGUAN. Nakakaawa
ang pusong pilit ipinaglalaban ang isang katotohanang lipos ng kasinungalingan. Nakakatawa ang
damdaming sawi sapagkat sa huli’y magigising siya sa katotohanang pinilit niyang huwag maranasan.
Subalit dahil kapalaran lamang ang magtatakda ng totoong bukas ng bawat isa, ikaw at ako ay
magiging masayang alaala na lamang ng mga makukulay na araw at sandali noong nakaraang
pagsasama. At sa paglipas ng panahon, pipilitin kong itataas ang aking mukha upang makita na sa
dako pa roon ay may nalalabi pang dahilan upang magpatuloy…

You might also like