Professional Documents
Culture Documents
Essay Writing Contest
Essay Writing Contest
Kamusta aking sinta, matagal na panahon na rin mula nang tayo ay magkausap
kaya naman minabuti kong sumulat ng isang liham upang ipabatid sa iyo na ikaw parin
ang nilalaman ng puso ko at kailanman ay hindi ito magbabago.
Napakasaya ng bawat sandali na tayo'y magkasama, kay tamis ng iyong mga ngiti
at bawat tawa mo ay musika sa aking pandinig, ang saya-saya mo noon, ang saya- saya
nating dalawa noon. Kaya lang, may nangyaring hindi inaasahan. Dumating ang mga
dayuhan na nabighani rin sa iyong kagandahan, noong una inakala kong mabuti ang
kanilang hangarin para sa iyo, pero nagkamali ako. Dahil ang mga taong iyon, walang
ibang ginawa kundi sirain at babuyin ang iyong pagkatao. Walang habas nilang
pinagpiyestahan at pinagpasapasahan ang katawan mo, nilapastangan ang
pinakamamahal ko. Nakita ko kung paano unti-unting napalitan ng lungkot at hinagpis
ang ngiti at saya sa iyong mga mata. Ang dating mga tawa mo na tila tinig ng anghel sa
aking pandinig ay naging hikbi ng isang dalagang inalipusta at siniraan ng puri. Hindi ka
lang nila sinaktan o niyurakan, inangkin pati ang Iyong kayamanan. Ni sa hinagap ay
hindi ko naisip na magagawa nila ang gayon sa iyo. Hindi ko maintindihan, maayos mo
naman silang pinakitunguhan ngunit paano nila nagawang ika’y saktan?
Galit na galit ako, hindi lang sa kanila kundi lalong lalo na sa sarili ko. Wala
akong nagawa para ipagtanggol ka. Nakikiusap ako mahal, patawarin mo ako. Pangako
mula ngayon magiging mas matapang na ako para sa iyo. Kung dumating man ang
pagkakataon na may magtangka muling manakit sa iyo, lalaban na ako! Maski magbuwis
ng buhay ay handa kong gawin maligtas ka lamang sa kamay ng mga sakim.
Hindi man naging maganda ang daloy ng iyong nakaraan, hindi iyon nabago ang
pag-ibig na nadarama ko para Sa’yo. Bagkus naging daan iyon, upang ako ay maging
matapang na sumuong sa anumang laban para lamang masiguro na hindi na kailanman
mauulit ang lahat ng mapait mong sinapit. Mahal na mahal kita at kailanman ay di iyon
magbabago, Pilipinas na aking sinta.