You are on page 1of 2

Panata ng Pusong Bagong Laya

Dalawang taon, isang buwan, tatlong lingo, apat na araw, at limang oras na mula nang
ako’y iwan mo.

Kung saan-saan ako pumunta upang hanapin ang sarili ko na ibinigay ko sa’yo na nuong
nawala ka’y hindi ko na alam kung saan mahahagilap. Inakyat ko na ang Sagada, nilangoy
na ang Galera, at ngayon, sa wakas, natagpuan ko na siya. Natutuwa ako dahil mas
matatag na siyang tao ngayon kaysa nuong bago ka niya makilala.

Dalawang taon, isang buwan, tatlong lingo, apat na araw, at limang oras na mula nang ikaw
ay nagpaalam.

Kasindami ng sakit ang dami ng piraso ng puso kong nadurog. Isa-isa kong pinulot,
pinagtagpi-tagpi hanggang sa maging buo muli, at bagamat may peklat na at tahi, mas
matibay na ito ngayon kaysa nuong bago ka dumating.

Dalawang taon, isang buwan, tatlong lingo, apat na araw, at limang oras na mula nang
ako’y pakawalan mo.

Daan-daang gabi akong umiyak, halos isang dagat ng luha ang inilabas ng namumugto
kong mata. At ngayon, sa wakas, malinaw na sa’kin ang lahat. Ang galing, para akong may
bagong salamin. Yun nga siguro ang silbi ng luha ano? Ang linisin ang mata ko upang
makita ng malinaw kung bakit hindi tayo para sa isa’t isa.

Tama sila, hindi ginawa ang break-up para lang masaktan, ginawa ito upang ilayo tayo sa
maling tao na akala natin ay tama.

Kaya ko na ulit mabuhay ng wala ka.

Kaya ko nang puntahan ang lugar na dati nating kinakainan, pero hindi na dahil nami-miss
kita, masarap lang talaga ang sisig nila.

Kaya ko nang makinig ulit sa kanta natin, pero hindi na dahil nami-miss kita, magaling lang
talaga ang Up Dharma.

Kaya ko na rin sumama sa officemate ko na kamukha mo, pero hindi dahil nami-miss kita,
masarap lang talaga siyang kasama.

At hindi na ‘ko e-effort umiwas sa mga ganitong klaseng event na invited ka, kung
magkakasalubong tayo, edi magkasalubong.

Nangangako ako na simula sa araw na ‘to, hindi ko na paliliitin ang mundo ko na minsan ko
nang ipinaikot sa’yo.

Handa na rin akong lumaban at magmahal muli. Kung inaakala mong susuko ako? Na
madadala ako? Na magiging bato ako? Nagkakamali ka. Dahil pinapangako ko sa sarili ko
na hindi ako kailanman magsasawang magmahal.
Kung kinakailangan kong ibigay muli lahat, ibibigay ko, buong puso, buong sarili, buong
mundo, ibibigay ko nang paulit-ulit, ng buong-buo.

Nangangako ako na simula sa araw na ‘to, hindi na ako susuko sa paniniwalang isang araw
darating din ang tadhana ko, ang tao na dahilan kung bakit ngayon ay hindi na tayo.

At kung sakali mang malasin, muling madapa, masaktan, at mawalan. Ano man ang
mangyari, kahit ilang beses man akong mabigo, ayos lang.

Nangangako ako na simula sa araw na ‘to, kahit anong klaseng pait ang matikman ko sa
pag-ibig, hindi ako tatabang, ako’y mananatiling matamis, hindi kailanman magmamaasim.

Ito na ang aking bagong simula.

Oo, naiiyak ako, ngunit hindi na dahil sa’yo, naiiyak ako sa tuwa, sa saya, dahil ganito pala
ano? Ganito pala ang pakiramdam ng naka-move-on na.

Dalawang taon, isang buwan, tatlong lingo, apat na araw, limang oras, at sa wakas, handa
na ako, handa na ako!

At nangangako ako, sumusumpa sa kung sinuman ang nasa itaas na simula sa araw na ‘to
burado ka na sa buhay ko.

Na simula sa araw na ‘to, hindi na ako iiyak muli nang dahil sa’yo.

Na simula sa araw na ‘to, wala ka na sa sistema ko.

Na simula sa araw na ‘to, uunahin ko na ang sarili ko.

Na simula sa araw na ‘to, wala na akong pakialam sa presensya mo.

Na simula sa araw na to…

Salamat!

Sa wakas!

Malaya nang muli ang puso ko!

Malaya nang muli ang puso…

MALAYA NANG MULI ANG PUSO KO!

You might also like