You are on page 1of 1

Inang Wika

ni Amado Hernandez

Ako’y ikakasal, sa aming tahana’y masayang-masaya: may piging, tugtugan, awitan,


sayawan.

Ang aking magiging kabiyak ng buhay ay isang binatang puti, binatang sibol sa
kanluran: maganda’t makisig, marunong, mayaman tila pulot-gata sa bibig ng isang
mundong kaibigan.

Sa tanging sasakyan, nang kami’y lumulan, may natanaw ako sa tapat ng bahay na
isang matandang babaing luhaan, waring tinatawag ang aking pangalan tila
humihingi ng kaunting pagdamay; subalit sa gitna ng kaligayahan, siya ay hindi ko
binati man lamang, siya ay hindi ko pinansin man lamang, habang ang sasakyan ay
nagtutumulin hanggang sa simbahan.

Maligaya kaming nagsiluhod kapwa sa harap ng Birhen, sa gintong dambana;


pagkasaya-saya’t ang mga kampana ay di-magkamayaw sa pagbabalita ng aming
kasalan na pangmaharlika; ngunit ang larawan ng kaawa-awang matanda’y hindi ko
matanggal sa diwa, mandi’y malikmata; ang nag-uunahang luha ng kandila ay tila
kanya ring tumutulong luha; gayon man sa piling ng kahanga-hangang kaisang-
puso ko’y niwalang-bahala, sa gitna ng tuwa’y nilimot kong pilit ang gayong hiwaga
gaya ng liwanag ng buwang palaba na di masisira sa bahid ng ulap sa gabing
payapa.

Natapos ang kasal, batian, kamayan, ngiting matatamis, birong maaanghang at


saboy ng bigas sa ami’y salubong pagbaba sa altar… ngunit sino yaong aking
natatanaw, matandang babaing nalugmok na bigla’t nawalan ng malay at lingid sa
taong hindi magkamayaw. Ah! Siya rin yaong kangina’y hindi ko pinansin man
lamang.

Nang saklolohan ko’t patakbong lapitan, nang kandungin ko na sa aking kandungan,


ngumiting magiliw sa hapis ng kanyang pag-aagaw-buhay at saka nagwikang tigib-
kapaitan: “Anak ko, bunso ko…salamat…paalam… Ako ang ina mong sawing
kapalaran!”

At ang kulang-palad ay napalungayngay. Sa bisig ko na rin namatay… namatay!

Noon ko natanong ang ina kong mahal, ang Inang wika kong sa aki’y nagbigay ng
lahat ng dangal, ang wikang tagalong na naiwang limot nang ako’y matanghal, at
itinakwil ko sa pagtatagumpay, ay isang babaing nabuhay sa dusa’t sa lungkot
namatay, nang ako’y pakasal sa Wikang Dayuhan.

You might also like