Maagang pumunta sa bukid si Mang Kanor. Aani siya ng gulay roon.
Pipitas siya ng mga talong, ampalaya, upo, okra, labanos, patola at kalabasa. Ngunit laking gulat niya. Isang pagkalaki-laking kalabasa ang kaniyang nakita. “Napakalaking kalabasa naman nito! Ngayon lamang nagkaroon ng ganitong kalabasa sa bukid ko,” bulong ni Mang Kanor sa kaniyang sarili. “Ang mabuti pa’y ipakita ko ito kay Tikang.” Dinala ni Mang Kanor ang kalabasa sa bahay. “Pagkalaki-laking kalabasa naman niyan, Kanor. Ngayon lang ako nakakita ng ganyan kalaking kalabasa,” ang sabi ni Aling Tikang. “Biyakin mo nang ating mailuto.” Kumuha ng kutsilyo si Mang Kanor. Bibiyakin na lamang niya ang kalabasa nang…. “Ingatan po ninyo ang pagbiyak. Baka po ako masaktan,” anang tinig. Lumingon sa paligid ang mag-asawa. “Wala namang tao, a. sino kaya iyong nagsalita? May kasama ka bang umuwi, Kanor?” tanong ni Aling Tikang. “Aba’y wala,” sagot ni Mang Kanor. “Sino kaya iyong nagsalita?” “Narito po ako sa loob ng kalabasa. Huwag kayong matakot. Biyakin na ninyo ang kalabasa. Mag-ingat lang kayo at baka ako masaktan.” Natakot si Aling Tikang. “Impakto! May impakto sa loob ng kalabasa, Kanor,” sabi ni Aling Tikang. Buong ingat na biniyak ni Mang Kano rang kalabasa. Bigla silang napasigaw nang lumabas ang isang maliit na babae sa loob ng kalabasa. “Ako po si Maria. Pinarusahan po ako ng hari ng lupa. Lagi ko raw pong sinisira ang mga tanim sa bukid. Kapag nagsisi raw po ako ay saka lamang niya ako ibabalik sa dati kong anyo,” sabi ni Maria. “Maaari po bang ditto muna ako tumira sa inyo? Dito ko po ibig pagsisihan ang aking mga nagawang kasalanan.” “Aba, oo, maaari,” sagot ni Mang Kanor. “Tutulungan kop o kayo sa pagtatanim. Ituring po ninyo akong anak. Ulila na po ako,” sabi ni Maria. “Bakit hindi? Wala kaming anak. Ituturing ka na naming anak mula ngayon,” sagot ni Aling Tikang. Itinuring na anak ng mag-asawa si Maria. Si Maria naman ay naging masipag. Katulong siya sa pagtatanim sa bukid. Isang araw, nagulat na lamang si Mang Kanor nang Makita niyang unti-unting lumalaki sa Maria. “Pinatawad na po ako ng hari ng lupa. Unti-unti nang nagbabalik ang dati kong anyo,” sabi ni Maria. “Salamat po. Marami pong salamat.” Ibinalita ni Mang Kanor sa asawa ang nangyari. Tuwang-tuwa si Aling Tikang. “Hindi ko na po kayo iiwan. Kayo na po ang tunay kong mga magulang mula ngayon. Higit ko po kayong mapaglilingkuran ngayon,” sabi ni Maria. Mula noon, si Maria ay naging maligaya sa piling ng kaniyang mga bagong magulang.