You are on page 1of 2

Sa librong ginawa ng isang kilalang manunulat na si Bob Ong na pinamagatang Kapitan Sino,

naipapahayag ang mga seryeng kagigiliwan ng mga mambabasa. Kinapapalooban ito ng mga
pangyayaring patungkol sa komedya, pagmamahalan, at trahedya na maaring mangyari sa totoong
buhay. Makikitaan ito ng piksyon base sa mga pangyayari at eksena sa kuwentong ginawa na maiuugnay
sa totoong pangyayari sa buhay dahil ang pagiging bayani ay nasa atin kung paano kikilos ang bawat isa
sa lipunang kinagagalawan.

Sa unang bahagi ng kuwento, isinalaysay ni Bob Ong ang mga pangyayari kung paano ang kinasanayan
ng lahat ay biglang nabago. Naipakita dito na dahil sa batang palaging bumibili sa noo'y tindahan na
ngayo'y repair shop na, ipinapakita rin kung ano ang totoong katangian ng mga bata na makikita sa
normal na pamumuhay, na inilarawan bilang batang makulit, may bungisngis tawa, at kung paano
maglaro. Ipinakilala agad si Rogelio sa kuwento, isang lalaking nagkukumpuni ng mga sirang gamit tulad
ng mga appliances o ano mang may kinalaman sa kuryente at inaayos sa kanyang repairing shop.
Pinasok na rin si Bok-bok na siyang kaibigan ni Rogelio na nakapansin agad sa kapangyarihan taglay ng
kaibigan. Pinaunlakan na ni Bob Ong ang suliranin sa kuwento na maaaring masolusyunan ng bida sa
kuwento na binabanggit sa recording na pinapakinggan ng isang lalaki. Tila ba pinaparamdam na agad
sa istorya ang maaaring epekto ng sakit sa buong mundo, bagamat hindi pa nakakapasok ang virus sa
kanilang lugar, ito'y nag silbi nang paunang alarma sa mga taga Pelaez. Sa pagpapatuloy ng kuwento ay
ipinakikilala ang bawat tauhang gumaganap rito at isa na si Bok-bok, ito'y ang napakatalik na kaibigan,
isa ito sa pinaka solido dahil ito'y sumasama sa lahat ng tawanan, kahirapan, at anumang suliranin na
kahaharapin ni Rogelio. Ito ang kaibigang masasabi nating pinaka magandang natanggap sa buhay, hindi
rin maitatanggi na sa buhay ng bawat isa may kaniya kaniyang kaibigan na maihahalintulad sa ugaling
mayroon si Bok-bok na siyang sasamahan ka sa lahat ng pangyayari sa buhay natin. Sumunod na
naipinakilala ni Bob Ong si Tessa na kahit hindi nakakakita ay nakararamdam naman ng kabutihan ng
loob, ito naman ang sastre ng isusuot ni Rogelio at siya rin ang minahal nito. Nailarawan na rin ni Bob
Ong ang mga iba pang tauhan na tulad ng mga taong makikita sa mga kalye na nag uusap usap, mga
taong hindi mapakali kapag hindi nakakapag hatid ng maling impormasyon sa kanilang mga kapitbahay
at ninanais talaga nilang ibulgar ito kahit pa may matapakan silang tao. Kahit pa may masiraan silang
buhay ay ayos lang sa kanila at kahit saan man magtungo ay nariyan sila upang manghusga sa buhay ng
iba. Masusing inilahad ang lahat ng suliranin na kinaharap ni Rogelio, ipinapakita na rito kung paano niya
inililigtas ang mga tao, mga kaganapang nagkukulay sa bawat pangyayari at makikita na rin ang
pagbabago na kung saan ang isang baguhan sa pagliligtas ay nagkaroon ng kapalpakan ngunit sa
pagpapatuloy ay naging bihasa na ito sa paggamit ng kapangyarihan. Maihahalintulad ito sa buhay ng
tao na sa umpisa ay mahihirapan ka ngunit kapag ito'y nakasanayan na ay tiyak magiging madali na lang
ito.

Ipinakita rin kung paano nagsimula ang katawagang Kapitan Sino, ito na ang naging pangalan niya sa
larangan ng kabayanihan. Hindi natin maitatanggi na ang pag iisip ng mga Pilipino ay siyang malikhain.
Dahil sa hindi pagpapakilala ni Rogelio binansagan na lamang siya sa pangalang iyon. Hindi tanggap ni
Rogelio ang bansag na katawagan sa kaniya bilang bayani subalit sa katagalan ay kaniya rin itong
natanggap. Sa sunod-sunod na nangyayaring kababalaghan, nariyan parin ang mga tsismosa na walang
sawa sa panghuhusga sa mga tao at sa mga nangyayari sa kanilang bayan. Isiniwalat pa rito ang mga
taong may ugaling hindi nagpapatalo at nakikipagpayabangan pa sa kanilang mga kagamitan upang
maipagmalaki, ang mga ganitong klase ng tao sa kuwento ay siyang makikita rin sa totoong buhay na
nagtataglay ng sobrang kayabangan ay pinipili nalang makatapak ng katauhan ng iba kaysa
magpakumbaba sa kung anong mayroon sila. Kilalang-kilala na si Kapitan Sino sa kuwento dahil sa
paglalarawan ni Bob Ong sa kalakasan nito na kayang mag ligtas ng ibang tao ngunit sa kasamaang palad
ay ang pinakamamahal niya pang babae ang namatay at hindi man lang niya natulungan. Talaga nga
namang nakakapang sisi na nakatutulong ka sa iba ngunit kung sino pa ang malapit sa iyo ay ayon pa ang
mapapahamak at ‘di matulungan. Sa kabilang banda, ipinakita pa rin ang kalakasan ni Kapitan Sino kahit
sa emosyonal na paraan, pinakita na ang karakter ng binata ay positibo parin kahit wala na si Tessa. Ang
kasunod naman ay ang pagbibigay kay Kapitan Sino ng parangal ngunit naipakita sa mga naganap na
pagpapanggap para sa kasakiman ng mga tao sa pera, gagawa at gagawa ng paraan upang makuha lang
ang perang ninanais tulad ng nakasaad sa kuwento na nagpasabog ng bomba ngunit ang totoong bayani
parin ang nagligtas o sumagip sa nakararaming tao. Mahihinuha sa parteng ito na kahit ang kalooban mo
ay mabuti at gusto mo lamang tumulong ay may titingin at titingin parin sayo bilang masama. Narito ang
eksenang sinampal ni Aling Chammy si Rogelio dahil hindi nito nailigtas sa lung cancer na sakit ang
asawa na kung tutuusin ay wala naman siyang kinalaman at ikinulong pa ang bida kahit pa siya na ang
nag sakripisyo ng buhay.

Sa papalapit na katapusan ng kuwento, dito na inilagay ni Bob Ong ang sakit na siyang naging suliranin
ng mga taga Pelaez, ang sakit na nagpatigil sa lahat ng tao na magtrabaho dahil lubhang delikado.
Nagtulong-tulong na ang mga doctor ng iba't ibang bansa sa paghahanap ng solusyon at natagpuan nila
na ang dugo ni Rogelio ang magiging gamot sa lumalaganap na Virus. Itinuloy parin ni Bob Ong ang
imahe ni Rogelio bilang matulungin na tao at pagiging bayani nito kaya naman ay pumayag si Kapitan
Sino na kuhaan siya ng dugo para sa ikabubuti ng lahat. Sa kanyang sapilitang pag alis at kagustuhang
mahanap ang magulang nilapitan parin siya ng taong humihingi ng tulong at dahil sa kagustuhang
magamot ang ang mismong batang anak na may sakit ay sinaksak siya ng lalaki upang magamot ang
anak dahil tanging dugo ni Rogelio ang solusyon sa sakit. Hindi na naisip ang kahihinatnan ng bida basta
lamang magamot ang anak, ito na ang naging katapusan ng buhay ni Rogelio na binansagang Kapitan
Sino, isang bayaning ginawa ang lahat para sa ikabubuti ng nakararami.

Sa pagtatapos nito, na ang kabayanihan ay nasa kamay ng bawat isa, ganoon na rin ang kalakasan sa
buhay ng isang tao. Hindi dapat nakasalalay ang kalalagyan ng buhay sa isang tao. Lahat may kanya
kanyang tungkulin sa sarili, huwag umasa sa taong nagpapakabayani dahil hindi nito hawak ang mundo
at hindi nito kontrolado ang bawat pangyayari. Kaya naman ang bawat isa ay puwedeng maging bayani
sa sariling pamamaraan dahil ang pagtulong ay walang basehan malaki man o maliit, kaya't ang
kabayanihan ay nasa sa ating lahat. Nasa mamamayan ng Pelaez ang solusyon sa magiging kasaganahan
ng kanilang lugar hindi nasa isang tao lamang at ang tanging kailangan ay ang pagtutulungan at pakikiisa.

You might also like