Tayo po ay manalangin, Amang makapangyarihan sa lahat, lumikha
ng sanlibutan, pinagmulan ng lahat ng pagmamahal, karunungan at kabutihan. Kami po ay napuspos ng galak, taos-pusong lumalapit at nananalangin sa ikatatagumpay ng araw na ito upang kilalanin ang bunga ng pagsusumikap ng bawat mag-aaral ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Meycauayan. Pinupuri ka namin Ama sa iyong walang hanggang pag-ibig na ipinagkakaloob sa amin. Kami ay humihingi ng patuloy na kapatawaran sa aming mga pagkakasala, sa isip, sa salita at sa aming mga nagawa laban sa aming kapwa na labag sa inyong kalooban. Salamat sa bawat buhay ng mga mag-aaral na ngayon ay hahakbang sa panibagong antas ng kanilang pag-aaral. Patuloy naming panalangin o Diyos ang Inyong patuloy na paggabay sa kanila na naayon sa Iyong kalooban. Makita nawa nila ang daan patungo sa layunin ng kanilang buhay. Pagkalooban Nyo nawa sila ng Bunga ng Espiritu – ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kagandahang loob, kabutihan, pananampalataya, kaamuan at pagpipigil sa sarili. Nawa ang kanilang mga natutuhan ay maging kapakipakinabang sa kanilang sarili, sa kapwa at maging sa bayan. Nawa ang iyong salita ang kanilang maging kalakasan sa panahong sila ay pinanghihinaan ng loob sa pagharap sa mga hamon ng buhay Dinadakila ka namin O Diyos sa pagtulong sa kanilang mga magulang gayundin sa mga taong nag-abot ng pagkalinga at pagmamahal sa bawat mag-aaral. Dalangin namin ang Iyong patuloy na pagpapala at pagkakaloob ng kalakasan sa kanila upang patuloy na gabayan at bigyang suporta maging emosyonal man o pinansyal na pangangailangan ng bawat mag-aaral. Lubos ang aming papuri at pasasalamat sa pagkalinga sa bawat guro, sa pagbibigay ng pag-asa sa kabila ng pandemyang nararanasan. Salamat dahil ikaw Panginoon ay nanatiling patnubay na hubugin ang mga mag- aaral. Salamat o Diyos sa patuloy na pagbibigay ng bukas na kaisipan sa mga guro upang unawain at mahalin ang mga mag-aaral upang mapunan ang anomang pagkukulang sa kabila ng hirap na pinagdadaanan. Itinataas namin Panginoon ang kaligtasan ng bawat guro. Sila nawa ay magpatuloy sa paghubog at patuloy na magmalasakit sa mga mag-aaral. Ama, aming ipinagpapasalamat at ipinagkakatiwala sa Iyo ang lahat ng namumuno sa paaralang ito na patuloy na gumagabay at nagbibigay direksyon sa paaralan na nagsilbing kanlungan ng mga mag-aaral kahit pa ito ay nasa birtwal na espasyo sa makabagong hamon ng edukasyon sa bagong kadawyan. Patuloy Nyo po silang samahan upang maging maligaya at tapat na maglilingkod para sa kapakanan ng mga mag-aaral pati na sa bayan. Ang lahat ng ito ay aming itinataas at inilalapit sa matamis na pangalan ni Hesus, na aming dakilang tagapagligtas. Amen.