You are on page 1of 6

Panimula

Kwantitatib o kwalitatib. Alin sa dalawa ang mas balido at

mapagkakatiwalaang resulta? Mas madali ba ang proseso at pamamaraan ng

pananaliksik sa kwantitatib kaysa kwalitatib? Ilan lamang ito sa mga katanungan ng

mga bagong sibol na mga mananaliksik. Kung kaya’t sa bahaging ito, isa-isahin

nating talakayin at unawain ang mga katangian at pamamaraan ng kwantitatib at

kwalitatib na pananaliksik.

Nabanggit sa aklat nina Hoy at Adams (2015), ang pagpapakahulugan nina

Proctor at Capaldi ( 2006), sa kwantitabong pananaliksik, ayon sa kanila ito ay isang

siyentipikong pagsisiyasat na kabilang ang eksperimento at sistematikong

pamamaraan na nagbibigay-diin sa pagkontrol at pagsukat sa mga hakbang ng

pagganap. Ang mga mananaliksik na gumagamit ng kwantitatib na pamamaraan ay

konsern sa pagpapaunlad at pagsusuri sa haypotesis, na bumubuo ng mga modelo

at mga teorya na nagpapaliwanag sa pag-uugali o katangian at paglalahat ng mga

natuklasan mula sa maraming sampols. Sentro ng pananaliksik na ito ang ang

pagsukat at istatistika sapagkat may malaking ugnayan ito sa pamamagitan ng

empirikal na obserbasyon at matematikal na pagpapahayag.

Samantalang binigyang kahulugan nina Hoy at Adams (2015) ang kwalitatib

na pananaliksik na nakatuon sa malalim na pag-unawa sa sosyal at pag-uugali ng

tao at ang mga dahilan sa likod ng naturang pag-uugali. Ang pamamaraan sa

pananaliksik na ito ay nakasalalay sa nailahad na mga karanasan ng mga indibidwal

na mula sa pakikipanayam, pag-oobserba at pagsusuri sa pamamagitan ng

etnograpikong pag-aanalisa sa mga gawain at pag-aaral ng kaso o “case study”.


Pagtatalakay

Mayroong pagkakaiba ang layunin ng kwalitatib at kwantitatib na pananaliksik,

dahil sa kwalitatib na pananaliksik, layunin nitong makuha ang iba’t ibang pananaw

mula sa mga kalahok sa pamamagitan ng malaliman pagsisiyasat sa mga bagay o

pangyayaring hindi pangkaraniwan o phenomena. Samantalang ang layunin ng

kwantitatib ay mailarawan at masuri ang mga ugnayan ng sanhi at bunga. Ang

katangian ng kwalitatib na pananaliksik ay subhektibo, induktibong pangangatwiran,

nagdedebelop ng teorya at ang pinagbabatayan sa pag-aanalisa ay ang mga

pananaw na nailahad ng mga kalahok at mga nababasang dokumento na natatangi

at di pangkaraniwan. Samantala ang kwantitatib na pananaliksik ay obhektibo,

deduktibong pangangatwiran, nagsusuri ng teorya at ang batayan sa pag-aanalisa

ay ang mga numero, istatistikal at paglalahat (Loukanov, 2019).

Ngayon tatalakayin natin ang limang mga tiyak na pamamaraang husay sa

kwalitatib na pananaliksik. Una ay ang phenomenology, ayon kay Engelland

(2020), ito ay pag-aaral ng karanasan. Ang paglalahad ng karanasan ay nagbibigay-

daan upang pag-uri-uriin ang mga tunay na anyo mula sa maliliit na itsura nito.

Sapagkat ang penomenolohiya ay hindi pag-aaral sa maliliit na anyo ng itsura

manapa’y ito ay pag-aaral sa tunay na anyo ng itsura ng mga bagay. Ito rin ay isang

paglalarawan sa mga naitalang kakaiba o natatanging mga karanasang nailahad ng

isang indibidwal. Sa pag-aaral na ito gagamit ang mananaliksik ng kombinasyong

pamamaraan, tulad ng pagsasagawa ng panayam, pagbabasa ng mga dokumento,

panonood ng mga video, o kaya pagbisita sa mga lugar ng kaganapan, nang sa

gayon mas maunawaan nang lubos ang mga bagay na sinusuri. Kailangan na

nakasalig ang mananaliksik sa pananaw ng mga kalahok upang makapagbigay ng

perspektibo sa kanilang mga motibasyon. Walang tiyak na pamamaraan ang


pangangalap ng datos dito upang maiwasan ang paglilimita sa pagiging malikhain ng

isang mananaliksik. Tulad ng ibang pamamaraan sa kwalitatib na pananaliksik, hindi

ito mag-uumpisa sa isang mahusay na haypotesis. Sa penomenolohiyal na pag-

aaral madalas nagsasagawa muna nang maraming panayam, mahalaga na

nakakahanap ang mananaliksik ng mga tiyak na kalahok na malugod na pumapayag

na magpahayag ng kanilang saloobin at mga karanasan. Sa pamamagitan nito

maitatala ang mga pangyayaring hindi pangkaraniwan o phenomenon,

mailalarawan, masuri at maanalisa, makabuo ng tema upang mabigyan ito ng

malalim na pagpapakahulugan at makadebelop ng isang teorya (Connelly, 2010).

Pangalawa ay ang pag-aaral ng kaso o case study, ayon kina John Creswell

at David Creswell (2017), ito ay nakadisenyo sa pagtatanong at malalimang

pagsusuri ng mananaliksik sa isang kaso. Kinasasangkutan ito ng malalim na pag-

unawa sa pamamagitan ng iba’t ibang mapagkukunang impormasiyon. Ito ay

nagpapaliwanag, nagsisiyasat at naglalarawan ng isang kaganapan. Ang mga

estratehiya sa pagkolekta ng mga datos ay kinasasangkutan ng direktang

obserbasyon, pakikipanayam, dokumentasiyon, arkibal na pagtatala, obserbasyon

sa mga kalahok, pisikal na mga artifact at audiovisual na mga materyales. Sapagkat

layunin ng pag-aaral na ito na makapaglarawan at makapagsuri nang malaliman sa

mga karanasan ng isang tao, pamilya, grupo, komunidad o institusyon.

Pangatlo ay ang etnograpiya, maraming mga dalubhasa ang

nagpapakahulugan dito tulad na lamang ng nabanggit sa aklat ni Harrison (2018), na

sina Spradley at McCurdy (1972), ang etnograpiya ay mga gawain na naglalarawan

sa isang partikular na kultura. Dagdag paliwanag naman ni Maanen (2011), na ang

etnograpiya ay isang pag-aaral at presentasyon ng kultura na ginagamit ng mga tao

sa partikular na lugar. Sa kabuuan ipinaliwanag ni Harrison (2018), na ang


etnograpiya ay pag-aaral, paglalarawan, representasyon at pagbuo ng teorya sa

tiyak na antas ng partikular na kultura. Ito rin ay nakabase sa antropolohiya at

nakapokus sa paglalarawan at pag-unawa sa kultura ng isang partikular na pangkat

ng tao at ang sosyal na kaligiran nito. Isa rin ito sa mga kilalang pamamaraan at

pinakaangkop gamitin sa kwalitatib na pananaliksik. Sa pamamaraang ito kailangan

ng mananaliksik na tumira at makihalubilo sa target na kapaligiran ng mga

partisipante o kalahok sa pag-aaral upang maoobserbahan at lubos niyang

mauunawaan ang mga tunguhin, kultura, hamon, motibasyon at tema na

umuusbong. Kadalasan ang imersiyon ng mananaliksik ay umaabot ng taon

sapagkat kailangan niyang magkaroon ng mahabang panahon upang personal na

maranasan at magagawa ang mga kultura ng target na grupo, sa halip na aasa sa

panayam at surbey.

Hangga’t maari ang mga mananaliksik ay gagawa o makilahok sa pang-araw-

araw na pamumuhay ng mga taong inoobserbahan, mula sa mga ordinaryong mga

bagay na kanilang ginagawa tulad ng paghahanda ng pagkain at pagluluto, gayon

din sa mga seremonya at ritwal habang maingat na pinagmamasdan ang lahat ng

nakikita. Maingat na tinatala ng mga mananaliksik ang ang mga detalyadong

impormasyon mula sa pagmamasid, tinitipon ang mga dokumentong ito upang

magagamit bilang datos.

Pang-apat ay saligan na teorya o grounded theory, ayon kina John Creswell

at David Creswell (2017), ang saligan na teorya ay isang disenyo mula sa

sosyolohiya kung saan ang mananaliskik ay aabot sa isang pangkalahatang

paglalahat, abstrak na teorya ng isang proseso, pakikipag-ugnayang nakabatay sa

pananaw ng mga kalahok. – kinasasangkutan ito ng malalim na pag-unawa sa

pamamagitan ng iba’t ibang mapagkukunang impormasiyon. Maaaring ito ay


nagpapaliwanag, eksploratori o naglalarawan ng isang kaganapan. Ang mga

estratehiya sa pagkolekta ng mga datos ay kinasasangkutan ng direktang

obserbasyon, pakikipanayam, dokumentasiyon, arkibal na pagtatala, obserbasyon

sa mga kalahok, pisikal na mga artifact at audiovisual na mga materyales.

Panglima ay naratib o salaysay ng mga pagsasama ng diskurso, minsan ito ay

tinatawag na pasalaysay na pagsisiyasat. ito ay isang salaysay na naglalarawan ng

isang pagkasunod-sunod ng mga pangyayari o kwento. Karaniwan sa mga tao ang

pag-alala sa mga bagay mula sa pagkasunod-sunod ng mga kaganapan. Maaari

itong gumamit ng pamamaraang pagsisiyasat tulad ng sumusunod: Habang

nakikipanayam sa isang tao kaugnay sa mahalagang impormasyon, hahayaan

siyang maglahad ng mga kaganapan o kwento mula sa kanyang nakikita at

karanasan. Pagkatapos ng panayam, suriin ang mga kwento o salaysay na nakuha

sa pamamagitan ng paggamit ng bahagi ng kuwento tulad ng isang iskrinsa pelikula;

kilalanin ang senaryo, tagpo, suliranin at resolusyon. Mula sa pagsusuri nababawas

ang mga hindi kailangang impormasyon at binibigyan-diin ang mga salaysay na

sasagot sa “ano ang punto ng kuwentong ito? At paano ito umaangkop sa konteksto

ng pananaliksik (Squire, et al. 2014).

Konklusiyon

Batid natin na mahalaga ang pagkakaroon ng pananaliksik sapagkat malaki

ang naitutulong nito sa pagpapagaan ng ating gawain araw-araw, pagpapalawak ng

mga kaalaman, pagtuklas ng mga gamot sa malubhang karamdaman at marami

pang iba. Kaya’t siguraduhin na ang gagawing pananaliksik ay may malaking

kaugnayan sa pagpapaunlad ng sangkatauhan at pakikinabanagn ng karamihan.

Magiging tapat sa lahat ng proseso, pagsusuri, pag-analisa at paggawa ng teorya,

upang magiging balido at makatotohanan ang mabubuong resulta.


SANGGUNIAN

Connelly, Lynne M. What is Phenomenology. Medsurg Nursing 19.2, 2010.


Creswell, John W and David Creswell. Research Design: Qualitative, Quantitative,
and Mixed Method Appraoches, Edition 5. SAGE Publications, 2017.
Engelland, Chad. PHENOMENOLOGY. Cambridge Massachusetts: The MIT Press,
2020.
Harrison, Anthony Kwame. Ethnography Understanding Qualitative Research. New
York: Oxford University Press, 2018.
Hoy, Wayne K and Curt M Adams. Quantitative Research in Education: A Primer.
Megan Tschannen-Moran, 2015.
Loukanov, Stiliyan. Quantitative vs. Qualitative Goals. 29 December 2019.
<https://stiliyanloukanov.medium.com/quantitative-vs-qualitative-goals-
e0969cedb1d1>.
Squire, Corinne et al. What is Narrative Reasearch? Bloomsbury Publishing, 2014.
<www.bloomsburycollections.com>.

You might also like