You are on page 1of 2

Ika-tatlong Linggo ng Adbiyento

Mt 11:2-11
Sa pag pasok ng bagong administrasyon sa pangunguna ni pangulong Duterte hangad
niya ang malawakang pagbabago sa gobyerno. Dahilan upang ang maraming tao ay
magalak sa hangaring ito. Tunay ngang kapag mayroong pagbabago tungo sa
pagunlad at kabutihan ay nagdudulot ng kagalakan sa puso ng bawat isa.

Sa Ika’tlong linggo ng adbiyento, na tinatawag din na Gaudete Sunday, ang ating


pagdiriwang ay may elemento ng saya o galak. Ito ay bunsod ng pananabik o
paghihintay sa pagdating ng ating Panginoon sa darating na kapaskuhan. Subalit
paano inilalarawan ng ating ebanghelyo ngayon ang galak at saya na dulot ng
pagdating ng Panginoon?

Ang ating ebanghelyo ngayon ay hango kay San Mateo. Dito matatagpuan ang isang
bahagi ng storya ni Juan Bautista. Sa storya ng pagliligtas ng Diyos sa tao si Juan
Bautista ay nagkaroon ng mahalagang bahagi sa pamamagitan ng paghahanda ng
daraanan ni Hesus; “Magsisi kayo’t talikdan ang inyong mga kasalanan.” Sa kanyang
pagnanais na ihanda ang kalooban ng bawat isa at sa kanyang pagpapahayag ng
katotohanan, siya’y ibinilango. Sa bilanguan nabalitaan nya ang tungkol sa mga gawa
ni Kristo kung kaya upang makasiguro nagsugo siya ng kanyang mga alagad upang
itanong: “Ikaw na ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?” Tanda ba ito ng
pagaalinlangan? O Panghihina ng loob? Ang PAG-AALINLANGAN ay isang bagay
na nakahahadlang upang makita ang kapangyarihan ng Diyos. Ito rin ang isang
dahilan upang mawalan ng galak o saya ang isang tao.

Hindi direktang sinagot ni Hesus ang tanong ng mga alagad ni Juan, hindi siya
nangako na si Juan ay makakalabas ng bilanguan o lulupigin ang mga kaaway na
naging dahilan ng pagkabilanggo ni Juan. Sinabi lamang niya at ipinakita sa mga
alagad ang kanyang mga ginawa: “Nakakita ang mga bulag, nakalakad ang mga
paralitiko, nagiging malinis ang ketongin, nakarinig ng mga bingi, binubuhay ang
mga patay, at ipinapangaral sa mga Dukha ang mabuting balita.” Ang kanyang turo at
mga gawa ang tanda na ang Kaharian ng Diyos ay nangyayari na. At ang
kapangyarihan niya ay lampas sa kakayahan ng tao, gayundin sa kalikasan ng mundo.
Ang kaniyang balitang hatid ay isang mgandang balita ng awa para sa mga dukha at
kayang pawiin nito ang lungkot at sakit ng bawat maralitang tao. Ang TUNAY NA
GALAK AT SAYA ay hindi nagmumula sa ating pagsusumikap kundi ito’y
BIYAYA at malayang IPINAGKAKALOOB sa bawat taong nagtitiwala at umaasa
kay Hesus.

Sa linggong ito alisin natin ang anumang uri ng pag-aalinlangan sa Diyos. SI Hesus
ay may magagawa subalit hindi sa paraan natin. Patuloy lamang tayong
manampalataya sapagkat ito ang magbubukas ng ating mga mata sa tunay na
kagalakan.

Ang pananampalataya kay Hesus ay magtutulak sa atin upang kumilos, at ang ating
pagkilos ay nakatuon nawa sa mga dukha sapagka’t si Hesus ay nagpahalaga sa mga
dukha.
Ang susi sa tunay na galak at saya ay PAGBABAGO at ang pagbabago nawang ito ay
nakaugat sa pananampalataya natin kay Kristo. Sapagka’t anumang uri ng pagbabago,
lalo’t higit sa ating lipunan, kung hindi nakaugat kay Kristo ay maaring magdulot ng
sakit, pighati, pagkakawatak-watak, pagsisiraan o kaya’y kamatayan.

Ituon nawa natin ang ating lakas at talino sa PAGBUBUO; pagbuo at pagpapanibago
ng buhay ng mga taong nalulon sa ipinagbabawal na gamot, pagbuo ng mga pamilya
na nasira dahil lamang sa pag-mamataas, inggit at pagtatanim ng sama ng loob,
pagbuo ng lipunan upang mapanatili ang pag-papahalaga at respeto sa dignidad ng
buhay ng tao. Sa pagbubuong ito, ilagay natin sa sentro si Hesus upang siyang
magbigay lakas sa bawat isa sa atin na naghahangad ng tunay na galak at saya ng
bawat isa.

Pagninilay ni,
Rev. Fr. Jimmy Reyes

You might also like