You are on page 1of 9

Kaisipang Nasyonalista at Teoryang Dependensiya sa Edukasyon: Ideolohikal na Kritik ng Programang K to 12 ng Pilipinas / Nationalism

and Dependency Theory in Education: An Ideological Critique of the Philippine K to 12 Program

Ipinatutupad na ng ikalawang administrasyong Aquino ang programang Kindergarten to 12 Years of Basic Education (K to 12) na
suportado ng World Bank, mga organisasyon ng malalaking negosyante gaya ng Philippine Business for Education (PBED), Employers’
Confederation of the Philippines (ECOP), at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Tinututulan naman ito ng ilang
organisasyon ng mga guro gaya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), at ng ilang mambabatas, mga magulang, at mga grupong
nasyonalista. Bilang ambag sa pambansang diskurso hinggil sa K to 12, layunin ng papel na ito na suriin ang programang K to 12 sa
pamamagitan ng paggamit ng mga kaisipan ng mga nasyonalistang Pilipino gaya nina Jose Protacio Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto,
at Renato Constantino. Bukod sa katutubong kaisipang nasyonalista, gagamitin din ng papel na ito ang kaugnay na Teoryang Dependensiya
(Teoría de la Dependencia o Dependency Theory) na nagbibigay-diin sa sosyo-ekonomikong gahum (socio-economic hegemony) ng mga
bansang mauunlad at/o industriyalisado (First World) sa mga bansang mahihirap at/o semi-industriyalisado o agrikultural (Third World). Sa
pangkalahatan, tatangkaing sagutin ng papel na ito ang mga sumusunod na katanungan: 1) Bakit hindi maituturing na nasyonalista ang
pangkalahatang framework at adyenda ng K to 12?; 2) Paano makaaapekto ang K to 12 sa kultura, politika, at ekonomiya ng bansa?; 3) Ano
ang mga posibleng alternatibo sa K to 12, tungo sa pagbuo ng progresibo at nasyonalistang edukasyong Pilipino?

Mga Susing Salita: Nasyonalismo, Teoryang Dependensiya, Patakarang Pang-edukasyon, K to 12, Neokolonyalismo

The second Aquino administration has started implementing the Kindergarten to 12 Years of Basic Education (K to 12) program which
is supported by the World Bank, and big business organizations like Philippine Business for Education (PBED), Employers’ Confederation of the
Philippines (ECOP), and Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Meanwhile, some teachers’ organizations like the Alliance of
Concerned Teachers (ACT), and some legislators, parents, and nationalist groups oppose this scheme. As a contribution to the national discourse
on K to 12, this paper is aimed at analyzing the K to 12 scheme using ideas from nationalists like Jose Protacio Rizal, Andres Bonifacio, Emilio
Jacinto, and Renato Constantino. Aside from local nationalist thought, this paper will also utilize the related Teoría de la Dependencia or
Dependency Theory that emphasizes the socio-economic hegemony of developed and/ or industrialized countries (First World) over poor and/or
semi-industrialized or agricultural countries (Third World). In general, this paper attempts to answer the following questions: 1) Why can’t the over-
all framework and agenda of K to 12 be considered nationalist?; 2) How does K to 12 affect Philippine culture, politics and economy?; 3) What are
the possible alternatives to K to 12, toward establishing progressive and nationalist Philippine education?

Keywords: Nationalism, Dependency Theory, Educational Policy, K to 12, Neocolonialism

Pagkatapos ng ilang buwan lamang sa Mababang Kapulungan (House of Representatives) ng Kongreso, pasado na ang House Bill
6643 o “AN ACT ENHANCING THE PHILIPPINE BASIC EDUCATION SYSTEM BY STRENGTHENING ITS CURRICULUM AND
INCREASING THE NUMBER OF YEARS FOR BASIC EDUCATION, APPROPRIATING FUNDS THEREFOR AND FOR OTHER PURPOSES”
sa botong 198 - 8. Noong Enero 21, 2013, ipinasa naman sa ikatlong pagbasa ang counterpart na panukalang batas sa Senado (Senate Bill
3286 o Enhanced Basic Education Act of 2012) na nagpapataw ng programang Kindergarten to 12 Years of Basic Education (K to 12). Sa
ilalim ng programang ito, compulsory o sapilitan na ang isang taon ng kindergarten, at magiging 12 taon na ang dating 10 taon lamang na
basic education cycle sa Pilipinas. Bukod sa Grades 1 to 6 at apat na taon ng junior high school (Grades 7 to 10), kailangang dumaan din
ang isang estudyante sa Pilipinas sa dalawang taon ng senior high school o junior college (Grades 11 at 12) bago siya makapag-aral sa antas
tersiyarya (unibersidad). Sa pangkalahatan, ipinagmamalaki ng mga maka-K to 12 na ang programang ito’y isang hakbang upang ang
sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas ay makasunod sa pamantayang global o global standard. Anila, ang Djibouti at Angola na lamang
ang dalawang bansa sa daigdig na may 10 taon ng pag-aaral bago makapasok sa unibersidad ang estudyante (pre-university education).
Gayunman, kung susuriing mabuti ang mga opisyal na dokumento hinggil sa K to 12, magiging malinaw na ang programang ito ay may ibang
adyenda na hindi nasyonalista o hindi makabayan. Malaking isyu ang pagiging nasyonalista ng anumang programang pang-edukasyon sa
Pilipinas sapagkat binibigyang diin sa Artikulo XIV, Seksiyon 2.1 at 3.2 ng Konstitusyon ng bansa – na niratipikahan ng sambayanang Pilipino
noong 1987 – na ang nasyonalismo ay isa sa mga pangunahing elemento ng edukasyon. Samakatwid, kung mapapatunayang hindi
nasyonalista ang K to 12, nararapat igiit na hindi rin ito legal at konstitusyonal, at kung gayo’y dapat isantabi at palitan ng isang programang
pang-edukasyong progresibo at nasyonalista.

Bilang ambag sa pambansang diskurso hinggil sa K to 12, layunin ng papel na ito na suriin ang programang K to 12 sa pamamagitan
ng paggamit ng mga kaisipan ng mga nasyonalistang Pilipino gaya nina Jose Protacio Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Renato
Constantino. Bukod sa katutubong kaisipang nasyonalista, gagamitin din ng papel na ito ang kaugnay na Teoryang Dependensiya (Teoría
de la Dependencia o Dependency Theory) na nagbibigay-diin sa sosyo- ekonomikong gahum (socio-economic hegemony) ng mga bansang
maunlad at/o industriyalisado (First World) sa mga bansang mahirap at/o semi-industriyalisado o agrikultural (Third World). Sa
pangkalahatan, tatangkaing sagutin ng papel na ito ang mga sumusunod na katanungan: 1) Bakit hindi maituturing na nasyonalista ang
pangkalahatang framework at adyenda ng K to 12?; 2) Paano makaaapekto ang K to 12 sa kultura, politika, at ekonomiya ng bansa?; 3) Ano
ang mga posibleng alternatibo sa K to 12, tungo sa pagbuo ng progresibo at nasyonalistang edukasyong Pilipino?

Batayang Teoretikal: Kaisipang Nasyonalista at Teoryang Dependensiya sa Ekonomiya, Politika at Edukasyon

Malaki ang kontribusyon ng pambansang bayani na si Jose Protacio Rizal sa paglinang ng kaisipang nasyonalista sa Pilipinas. Sa
pamamagitan ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay isiniwalat niya ang pang-aabuso ng kolonyalismong
Espanyol sa mga mamamayan ng Pilipinas, at ang laksa-laksa pang kanser ng lipunang Pilipino. Bukod dito, ipinahayag din niya ang ilang
kaisipan hinggil sa paglinang ng edukasyon at kulturang tunay na Pilipino.

Sa Kabanata 15 ng El Filibusterismo, nilinaw ni Rizal ang kanyang paninindigan hinggil sa tunay na kabuluhan ng edukasyon at
buhay. Sa nasabing kabanata ay nagtagisang-isip si Senyor Pasta (isang kareristang abogado na walang pakialam sa kapakanan ng bayan
sapagkat may maganda naman siyang buhay), at si Isagani (ang lider ng mga kabataang naghahangad ng mga reporma). Pinayuhan ni Senyor
Pasta si Isagani na maging makasarili at “...huwag na huwag tatangkaing pagandahin o pasamain ang kalagayan ng iyong kapwa...huwag
pansinin ang anumang may kaugnayan sa pangkalahatang sitwasyon ng bansa...” Sinasalamin ng tugon ni Isagani ang paninindigan ng mga
nasyonalistang mamamayan na naniniwalang walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang: “Kung ako’y may puting buhok na gaya
ng sa inyo, ginoo, at kapag binalikan ko ang aking nakaraan at nakitang nagtrabaho lamang ako para sa aking sarili... bawat puting buhok
ko’y magiging tinik, na sa halip na ikarangal ay ikahihiya ko!”

Sa Kabanata 7 ng nasabing nobela, sina Basilio at Simoun naman ang nagtagisang-isip. Iginigiit ni Basilio (ang anak ni Sisa na
ngayo’y isa nang estudyante ng medisina) at ng kanyang mga kapwa kabataang estudyante na kailangang matuto ng wikang Espanyol ang
mga Indio upang maging kapantay sila ng mga mamamayang Kastila. Malinaw ang paninindigang Makabayan ni Simoun nang ipahayag niya
na “Kailanma’y di magiging pangkalahatang wika ng bansa ang Kastila, hindi ito gagamitin ng mga mamamayan, sapagkat ang kamalayang
nasa kanilang isip at ang damdamin sa kanilang mga puso’y di maipapahayag sa wikang iyon...Anong gagawin n’yo sa Kastila, kayong iilan
na gumagamit nito? Paslangin ang inyong pagkatao, ipailalim ang inyong kaisipan sa utak ng iba, at sa halip na palayain ang inyong mga
sarili, tunay ngang kayo’y nagpapaalipin!...tinatangka ninyong wasakin ang inyong pagkamamamayan!” Palitan lamang ng “English” ang
“Kastila” sa quotation at lalong magiging makabuluhan ang sinabi ni imoun kay Basilio.

Nagbigay rin ng paalaala si Simoun kung paano masisimulan ang muling pagtatanim ng nasyonalismo sa puso ng taong-bayan, lalo
na sa mga kabataan: “...habang pinangangalagaan ng sambayanan ang kanilang wika, pinananatili rin nila ang tanda ng kanilang kalayaan...”
Paano nga ba tayo lalaya sa ekonomikong hegemonya ng mga dayuhan kung ang mismong dila natin ay nakatanikala? Idinagdag pa ni
Simoun ang ugnayan ng paglinang ng unique national identity at pagpapaunlad ng bansa: “...Ibukod ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan
ng paglalantad ng inyong sariling pagkatao, subuking itayo ang pundasyon ng inang bayang Pilipinas! Pinagkakaitan ba nila kayo ng pag-
asa? Mainam! Huwag kayong umasa sa kanila, umasa kayo sa inyong mga sarili...paunlarin ang inyong sariling wika, palawakin ito,
pangalagaan ang sariling paraan ng pag-iisip ng mga mamamayan... mangarap kayong maging isang bansa!...mag- isip nang malaya...at
malaon, kakamtin n’yo ang inyong kalayaan!”

Sa Kabanata 20 naman ng Noli Me Tangere, isang kabataang karakter ang nagpahayag ng kaisipan ni Rizal hinggil sa makabuluhang
entertainment na maituturing na bahagi ng nasyonalistang edukasyon. Sa halip na mga karaniwang Westernisadong moro-moro ay
katutubong kuwento – tulad ng dulang tungkol kay Maria Makiling – ang nais niyang itanghal. Para kay Rizal, ang entertainment ay dapat
sumalamin sa katutubong kultura: “Hindi ba sanlibong beses na mas mainam na itanghal ang larawan ng ating mga gawi at tradisyon, upang
maunawaan at maituwid natin ang ating mga bisyo at depekto, at upang papurihan ang ating mga birtud?”

Sa kabuuan, sa pananaw ni Rizal, sa halip na pamantayang global, katutubong kultura at kapakanan ng sambayanang Pilipino ang
matatag na pundasyon ng edukasyon. Ang pananaw ni Rizal ay sinasalamin din ng perspektiba ng mga rebolusyonaryong gaya nina Emilio
Jacinto at Andres Bonifacio na kapwa naging mga pinuno ng Katipunan. Sa “Kartilya ng Katipunan” na isinulat ni Emilio Jacinto, binibigyang-
diin na “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala
sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika,
yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam
at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Idinagdag pa ni Jacinto na sa “Paglaganap ng mga aral na ito, ay maningning na sisikat ang araw
ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi’t
magkakapatid, ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang matutumbasan.” Sa
simpleng pananalita, para kay Jacinto, ang tunay na dangal ng isang mamamayan ay masusukat sa kanyang paglingap o pagmamalasakit sa
kanyang bayang tinubuan. Tiyak na ang “paglaganap ng mga aral na ito” ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng nasyonalistang
edukasyon na magpapahalaga sa mga sakripisyo ng mga nakipaglaban para sa kalayaan ng bayan.

Sa tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Andres Bonifacio, malinaw rin kung ano ang dapat bigyang-diin ng sistemang pang-
edukasyon: “Walang mahalagang hindi inihandog/ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,/dugo, yaman, dunong, katiisa’t
pagod,/buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.” Para kay Bonifacio, lahat ng mahalaga sa buhay – kasama na ang karunungan, ang
edukasyon – ay dapat ialay sa bayan. Sa halip na dependensiya o pagiging palaasa sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pag-akit sa mga
dayuhang mamumuhunan, nanawagan si Bonifacio sa sanaysay/editorial na “Ang Dapat Mabatid ng Mga Tagalog” na “... tayo’y umasa sa
ating sarili at huwag hintayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at -akala at
nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.” Bago pa kondenahin ni Renato Constantino ang
“misedukasyon ng mga Pilipino,” nilinaw na ni Bonifacio ang nararapat gawin upang masolusyunan ang misedukasyon ng mga mamamayang
utak-alipin: “...panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon,
panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating
kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan.” Ang “pinagbuhatan” o
pinagmulan ng kahirapan ng mga Tagalog (sa sanaysay ni Bonifacio’y tumutukoy ito sa lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas) ay walang
iba kundi ang kolonyalismo na sa panahong ito’y nagbagong-anyo sa porma ng neokolonyalismo sa politika, ekonomiya at kultura (lalo na
sa edukasyon).

Hindi kataka-taka na noong ika-19 ng Oktubre, ilang buwan pa lamang pagkatapos ng deklarasyon ng kalayaan sa Kawit, Cavite,
naglabas ng isang dekreto ang rebolusyonaryong pamahalaang pinamumunuan ni Emilio Aguinaldo na nagtatatag ng Universidad Literaria
de Filipinas (kauna- unahang unibersidad na itinayo ng mga Pilipino). Pagtupad ito sa layunin ng Katipunan – batay sa pahayag ni Bonifacio
– na “...simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan.” Batid
ng mga rebolusyonaryo na ang kalayaan ng bansa ay mapangangalagaan lamang nang ganap kung bibigyang-prioridad ang pagbuo ng
edukasyong tunay na para sa at maka-Pilipino, kaiba sa edukasyong iniaalok ng mga unibersidad na itinatag at pinatatakbo noon ng mga
prayleng Kastila.

Pahapyaw na binalikan ng papel na ito ang mga kaisipang nasyonalista ng mga kinikilalang bayaning Pilipino upang bigyang-diin
ang mga prinsipyong dapat balikan at ipatupad ng mga Pilipino sa kasalukuyan. Walang saysay ang opisyal na pagkilala sa mga bayaning ito
kung ang kanilang mga kaisipan ay isasantabi lamang upang ipagpilitan ang isang makadayuhang sistemang pang-edukasyon na di
nagsasaalang-alang sa ganap na kaunlaran ng mga mamamayan ng bansa.

Lagpas pa kay Dr. Jose Rizal at iba pang nasyonalista sa huling bahagi ng 1800s, sa hanay ng mga kontemporaryong Pilipinong
nasyonalista, pinakapopular ang mga akda ni Propesor Renato Constantino, isang aktibista, mananaliksik, historyador, at diplomat na
biktima ng Batas Militar ng diktadurang Marcos. Ipina-house arrest siya ng diktadura dahil sa kanyang mga radikal na artikulong mapanuri
at makabayan sa larangan ng ekonomiya, politika at edukasyon. Staple reading na sa mga klase ng kasaysayan at pedagohiya ang pamplet
na “The Miseducation of the Filipinos” ni Constantino. Sa simula pa lamang ng nasabing pamplet ay malinaw na ang kahalagahan ng
nasyonalistang edukasyon na magdudulot ng kalayaang politikal at ekonomiko sa isang bansang dating kolonya: “Ang edukasyon ay
mahalagang sandata ng sambayanang nagsisikhay makamtan ang kalayaan sa ekonomiya at politika, at muling pagsibol sa larangan ng
kultura” (1). Balido o makabuluhan pa rin ang pagsusuri ni Constantino sa sitwasyon ng edukasyon sa Pilipinas hinggil sa kawalan ng
programang pang-edukasyon na naglalayong palayain ang bansa sa aspektong politikal at ekonomiko, at hinggil sa patuloy na pag-iral ng
kaisipang kolonyal/kolonisado ng mga Pilipino mula noon hanggang ngayon, bunsod ng hegemonya ng Ingles bilang wikang panturong
ipinataw ng mga Amerikano. Ayon kay Constantino, ang imposisyon ng Ingles ang simula ng misedukasyon ng mga Pilipino (3-4). Kung
tutuusin, alingawngaw ito ng pahayag ni Simoun sa Kabanata 7 ng El Filibusterismo.

Pagkatapos punahin ang neokolonyal na sistemang pang-edukasyon, ipinaliwanag ni Constantino ang gampanin ng mga
nagsusulong ng nasyonalistang edukasyon at tinuligsa ang mga nagsasabi na pamantayang global lamang ang mahalaga: “Ang edukasyon
ay di lamang pagsagap ng impormasyon kundi paghubog ng taong epektibo at may silbi sa kanyang sariling lipunan. Kung gayon, hindi
maaaring ihiwalay sa lipunan ng isang bansa sa isang partikular na panahon ang edukasyon nito. Isang kahangalan na isiping ang mga
layuning pang-edukasyon ay dapat magkakatulad saanman, at kung gayon, ang kinakailangan sa paghubog ng edukadong Amerikano ay
siya ring kailangan sa paghubog ng edukadong Pilipino. Totoo lamang ito kung ang dalawang lipuna’y pareho ng antas sa politika, kultura
at ekonomiya, at kung sila’y may pareho ring layuning politikal, kultural, at ekonomiko...” (8)

Samakatwid, sa pananaw ni Constantino at ng iba pang nasyonalista, walang saysay ang anumang programang pang-edukasyon
kung hindi nito isinasaalang-alang ang kaunlaran ng mga mamamayan ng bansa. Sa mas tahas na pananalita: walang saysay ang edukasyong
hindi nasyonalista, kahit pa ito’y sumunod sa “pamantayang global.” Sa kabuuan, binigyang- diin ni Constantino na hangga’t kontrolado ng
mga dayuhan at ng mga Pilipinong elite na kanilang kasabwat, ang ekonomiya, politika at kultura (kasama na ang edukasyon) ng Pilipinas,
mananatiling mahirap at walang pag- unlad ang mayorya ng sambayanang Pilipino.

Sa pangkalahatan, maituturing na kapanalig ng mga naniniwala sa bisa at katotohanan ng Teoryang Dependensiya si Constantino.
Sa mga nakaraang dekada, naging popular ang teoryang ito sa Latin America at iba pang kontinenteng bahagi ng Third World. Sa pananaw
ng mga naniniwala rito, pinagsasamantalahan ng mga bansang industriyalisado ang mga bansang mahirap sa pamamagitan ng
neokolonyalismo sa ekonomiya.

Sa isang talumpati noong Marso 25, 1964 (“On Development”) sa sesyong plenaryo ng United Nations Conference on Trade and
Development (UNCTAD), ipinahayag ni Dr. Ernesto “Che” Guevara (isang physician, ekonomista at popular na lider ng mga gerilya na
katuwang ni Fidel Castro sa pagpapatalsik sa diktadura ni Fulgencio Batista), ang buod ng kritisismo ng Teoryang Dependensiya sa
pandaigdigang status quo: “Ang pagpasok ng kapital mula sa mauunlad na bansa’y rekisito sa paglalatag ng dependensiyang ekonomiko.
Ang pagpasok na ito’y may iba- ibang porma: mga utang na may mabibigat na kondisyon; puhunang naglalagay sa isang bansa sa kamay ng
mga mamumuhunan; halos pangkalahatang subordinasyong teknolohikal ng palaasang bansa sa maunlad na bansa; control ng malalaking
monopolyong internasyonal sa kalakalang panlabas; at sa ilang malalang kaso, paggamit ng dahas bilang sandatang ekonomiko na
sumusuhay sa iba pang porma ng pagsasamantala.” Higit na magiging malinaw ang kabuluhan ng Teoryang Dependensiya sa pagsusuri ng
mga programang pang-edukasyon kung sisipatin ang binanggit ni Che Guevara na “iba pang porma ng pagsasamantala.”

Nagbigay ng pahiwatig si Vincent Ferraro hinggil sa iba pang porma ng pagsasamantala sa kabanatang pinamagatang “Dependency
Theory: An Introduction,” (sa aklat na The Development Economics Reader, ed. Giorgio Secondi) na masisipat sa isang webpage ng Mount
Holyoke College: “Ang distinksiyon sa pagitan ng mabagal na pag-unlad at kawalan ng pag-unlad ay naglalagay sa mahihirap na bansa ng
daigdig sa napakakakaibang kontekstong historikal...Sila’y mahihirap sapagkat sila’y sapilitang isinama sa sistemang ekonomikong Europeo
bilang mga prodyuser lamang ng hilaw na materyales o para maging suplayer ng murang lakas-paggawa, at sila’y pinagkaitan ng oportunidad
na ibenta ang kanilang mga pinagkukunang-yaman sa paraang kokompitensiya sa mauunlad na bansa.” Ang Pilipinas ay isa sa mga
pangunahing “suplayer ng murang lakas-paggawa” sa kasalukuyan. Sa datos ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA), humigit-
kumulang sa 3,500 Pilipino ang nangingibang-bayan araw-araw para maging Overseas Filipino Workers (OFWs). Ipinagmamalaki rin ng
gobyerno na ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing sentro ng Business Processing Outsourcing (BPO) na “nagnanakaw” ng mga trabaho
sa mga Norte Amerikano at Europeo para “ibigay” sa ilang Asyanong bansa na tumatanggap ng mas mababang lebel ng suweldo kaysa sa
mauunlad na bansa, ayon sa mga kritiko nito. Kasama ang Information Technology-BPO sa 10 “priority development areas” ng gobyerno
sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP) 2011-2016. Ayon naman sa ulat ni Francis Earl A. Cueto para sa Manila Times, naungusan
na ng Pilipinas ang India bilang nangungunang bansang nagbibigay ng serbisyong BPO. Kompara sa 300,000 call center agents ng India ay
may 350,000 ang Pilipinas noong 2011, at batay sa projection ng gobyerno, aabot na sa 1,000,000 ang call center agents sa bansa sa 2016.

Samantala, madaling mapatunayan na ang Pilipinas ay isa rin sa “prodyuser ng hilaw na materyales” na nananatiling mahirap at
hindi industriyalisado dahil sa imposisyon ng mga lider na kasabwat ng mga dambuhalang dayuhang kapitalista. Mula sa administrasyong
Marcos hanggang sa ikalawang administrasyong Aquino, pag-akit sa mga dayuhang mamumuhunan o foreign investors ang bukambibig ng
gobyerno ng Pilipinas. Dapat tandaan na ang isa sa mga tunay na dahilan ng deklarasyon ng Batas Militar noong 1972 ay ang pagpapabilis
ng diktadurang Marcos sa implementasyon ng mga makadayuhang polisiya sa ekonomiya at pagsangga sa mga nasyonalistang adkokasiya
ng ilang miyembro ng Constitutional Convention noong 1972 (Lichauco 200-204; Pimentel 73-74). Bagama’t may mga makabayang
probisyon sa Konstitusyon ng 1987 na inaprubahan sa ilalim ng unang administrasyong Aquino, hindi rin binaligtad ni Pangulong Cory ang
mga makadayuhang polisiya ng diktadurang Marcos. Halimbawa, pinanatili niya at di ibinasura ang automatic debt appropriation na ipinataw
ng diktadurang Marcos at pangunahing ugat ng kakapusan sa badyet para sa mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at kalusugan.
Samantala, notorious naman ang administrasyong Ramos, Estrada at Macapagal-Arroyo dahil sa pagtatangka nilang alisin ang mga
makabayang probisyong ekonomiko sa Konstitusyon ng 1987 gaya ng pagbabawal sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga
industriya sa Pilipinas at pagbabawal sa pagmamay-ari sa lupa ng mga dayuhan sa bansa sa pamamagitan ng samu’t saring kampanyang
Charter Change o Cha-Cha (Transparency International-Philippines at Center for People Empowerment in Governance/CenPEG, circa
2005). Isinusulong din nina House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte at dating Senate President Juan “Johnny” Ponce Enrile – na pawang
kaalyado sa ideolohiya ng ikalawang administrasyong Aquino – ang ganitong uri ng Cha-Cha. Kapansin-pansin na ang Philippine
Development Plan (PDP) 2011- 2016 ng ikalawang administrasyong Aquino ay makadayuhan din ayon sa isang kritik ng Ibon Databank.

Sa kabuuan, ginagamit na palusot ng mga kontemporaryong administrasyon ang pag-akit sa dayuhang puhunan upang pigilan ang
paglaganap ng nasyonalistang kaisipan na nagbibigay-diin sa pagsandig sa sarili sa aspektong ekonomiko (ang pag-asa/pagsandig sa sarili
na gaya ng binanggit ni Simoun sa ika-7 kabanata ng “El Filibusterismo”) na makakamit sa pamamagitan ng pambansa/ makabansang
industriyalisasyon kaakibat ng tunay na reporma sa lupa at modernisasyon ng agrikultura. Bunsod nito, nananatiling prodyuser- suplayer-
eksporter lamang ng hilaw na materyales at tao (OFWs) ang bansang Pilipinas.

K to 12: Tanikalang Diyamante at Habang buhay na Dependensiya

Kung sisipatin ang tunay na adyenda ng K to 12 sa Pilipinas, madaling mapapatunayan na palalawakin at palalalain lamang nito
ang dependensiya ng bansa sa mauunlad na bansa, sa pamamagitan ng pagpapanatili sa labor export policy ng gobyerno.

Punong-puno ng rebelasyon ang “Discussion Paper on the Enhanced K+12 Basic Education Program” na inilabas ng Department
of Education (DepEd) noong Oktubre 5, 2010, gayundin ang 12-pahinang primer na pinamagatang “The K to 12 Basic Education Program”
(October 30, 2012) na inihanda ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) at nalathala sa
online Official Gazette ng Republika ng Pilipinas, at ang 73-pahinang “K TO 12 Toolkit: Reference Guide for Teacher Educators, School
Administrators, and Teachers (2012)” na inilabas ng Southeast Asian Ministers of Education Organization Regional Center for Educational
Innovation and Technology (SEAMEO-INNOTECH) na may imprimatur ng Department of Education sapagkat naglalaman ng introductory
message ng Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, si Br. Armin Luistro, FSC.

Nilinaw sa “Discussion Paper” ng DepEd ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagpapatupad ng K to 12 (sa kanila ang emphasis):
“Ang ikli ng edukasyong primarya ay isang disbentahe para sa milyon-milyong overseas Filipino workers (OFWs), lalo na yaong mga
propesyonal at mga nagnanais mag-aral sa ibang bansa. Hindi awtomatikong kinikilalang propesyonal sa ibang bansa ang mga nagtapos sa
Pilipinas... Sa ilalim ng Washington Accord, 12-taong edukasyong primarya ang kailangan para sa rekognisyon ng mga inhinyero. Sa ilalim
naman ng Bologna Accord, 12 taon din ng edukasyong primarya ang kailangan para sa pagpasok sa unibersidad at para makapagtrabaho
bilang propesyonal sa mga bansang Europeo” (4).

Sa primer sa Official Gazette ng republika, tatlo ang ibinigay na sagot sa tanong na “Why are we implementing 12 years of Basic
Education and not 11 years?”: pagsunod sa Bologna Process at Washington Accord, at pagkopya sa Sistema ng mga bansang gaya ng
Singapore na may 12-14 taong edukasyong pre-university (7). Alingawngaw lamang din ng “Discussion Paper” ng DepEd at primer sa
Official Gazette ang “K to 12 Toolkit” ng SEAMEO-INNOTECH na nagpahayag na ang K to 12 ay may benepisyo “para sa rehiyonal at
internasyonal na rekognisyon at kakayahang makipagkompitensiya” gaya diumano ng pagbuti ng“...performance sa mga pandaigdigang
akademikong pagsusulit...” at “... pandaigdigang rekognisyon ng mga Pilipinong propesyonal” (6).

Sa deliberasyon ng Kongreso hinggil sa K to 12 noong Oktubre 17, 2012, kitang-kita rin ang tunay na adyenda ng K to 12: gawing
mga trabahador ng mauunlad na bansa ang mga kabataang Pilipino sa halip na hubugin at sanayin sila para maglingkod sa sariling bayan.
Sa kuwestyon ni Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino hinggil sa mga kurso o career pathways na maaaring piliin ng mga estudyante
sa senior high school/junior college (Grades 11 at 12), narito ang tugon ni Rep. Rosenda Ann Ocampo ng ika-6 na Distrito ng Maynila:
“...ang pagtukoy sa mga kurso sa ilalim ng programang K to 12 ay idinidikta ng pangangailangan, at ng mga job market...ang mga bansang
industriyalisado at mas mayayaman ay may paparaming bilang ng matatanda na nangangailangan ng pag-aalaga, at ito ang dahilan kaya
tayo may caregiving courses.”

Nang linawin ni Rep. Palatino ang layunin ng K to 12, prangka o deretsahan ang tugon ni Rep. Ocampo na lalong naglantad sa
tunay na adyenda ng K to 12, ang gawing isang malaking pabrika ng OFWs ang Pilipinas: “isa sa mga pangunahing layunin ng K to 12 ang
mapagtapos ang ating mga estudyante nang may mga kasanayang magagamit sa trabaho. Kung dahil dito’y magtrabaho sila sa ibang bansa,
sino tayo para sabihing ang pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa ay hindi pangarap ng maraming pamilya sa ating bansa ngayon?”
Sa interpelasyon naman ni Rep. Thelma Z. Almario ng ika-2 Distrito ng Davao Oriental kay Rep. Ocampo, kinompirma ni Rep. Ocampo na
pagsunod sa pamantayang global ang isa sa mga pangunahing layunin ng K to 12. Sa pangkalahatan, malinaw na hindi gagawing makabayang
mala-Rizal o mala-Bonifacio, mala-Jacinto at mala-Constantino ng K to 12 ang mga estudyante. Sa halip, sa ilalim ng K to 12 ay agaran
silang hinihikayat, sa aktuwal ay minomolde, hinuhulma, minamanupaktura sila para maging trabahador sa ibang bansa sa halip na maging
katuwang sa pagpapalakas ng mga local na industriya tungo sa pambansang kaunlaran.

Lagpas pa sa pagpapanatili sa labor export policy, layunin din ng K to 12 na “pabilisin” ang “pagmamanupaktura” ng mga trabahador
para sa mga dayuhang negosyo sa pamamagitan ng implicit encouragement sa mga estudyante na huwag nang magkolehiyo. Sa primer ng
Official Gazette ay ganito ang binabanggit na pamimiliang landas ng estudyante pagkatapos ng senior high school (sa mananaliksik ang
emphasis): “...pagpapatuloy ng edukasyon, pagtatrabaho, pagnenegosyo” (5). Mas direkta ang pagbibigay-diin ng “K to 12 Toolkit” ng
SEAMEO-INNOTECH sa mantra na huwag nang magkolehiyo ang mahihirap at sa halip ay magtrabaho na kaagad:“Mas abot-kaya na ng
mga pamilya ang edukasyon dahil mas matipid ang karagdagang dalawang taon sa hayskul kaysa sa mas mahabang panahon ng
pagkokolehiyo o pagpasok sa unibersidad” (5). Sa “briefer” naman na inihanda ng DepEd (Nobyembre 2, 2010) at nakapost sa online Official
Gazette ng Republika, kasama ang sumusunod sa 8 dahilan ng imposisyon ng K to 12: “bigyan” ang mahihirap na pamilya ng “employable
child” sa mas maikling panahon. Tinatangka ng DepEd na ipakete o i-package ang K to 12 bilang isang programang “minus 2 instead of plus
2” na diumano’y “win scenario” para sa mga pamilyang walang kakayahang magpaaral sa kolehiyo. Sa pananaw ng gobyerno, 2 taon na
lamang ng senior high school sa halip na apat na taon ng kolehiyo ang kailangang gastusan sa ilalim ng K to 12 para magkaroon ang
mahihirap ng anak na maeempleo na kaagad. Ayon naman kay Nicki Tenazas, isang consultant ng Asian Development Bank (ADB): “Kung
may mapanghahawakan nang diploma sa hayskul ang mga estudyante sa edad na 18, may iba na silang mapamimilian bukod sa
pagkokolehiyo...” Pinuri rin ng World Bank Philippines Quarterly Update(March 2012) ang ganitong layunin ng K to 12: “...pagbibigay-
kasanayan sa mga nagtapos ng hayskul na makapagtrabaho kahit walang college degree.”

Sa pangkalahatan, trahedya ang idudulot ng kaisipang anti-edukasyong tersiyarya na isinusulong ng mga maka-K to 12. Kataka-
taka na tila hindi pinapahalagahan ng mga maka-K to 12 ang edukasyong tersiyarya, gayong kapansin- pansin na maraming maunlad na
bansa ang may mataas na porsiyento ng enrolment sa antas tersiyarya, samantalang mababa ang sa mahihirap na bansa, gaya ng ipinakikita
sa graph (Fig. 1).

Siguradong pananatilihin din ng K to 12 ang kawalan ng akses ng mahihirap sa antas tersiyarya, na malubha na bago pa man nito
pahabain ang bilang ng taon ng pag-aaral sa antas sekundarya. Ipinakikita ng datos sa ibaba ang porsiyento ng populasyon sa bawat antas
sosyo-ekonomiko na nakatapos ng kolehiyo (Fig. 2). Dahil pinahaba pa ng K to 12 ang bilang ng taon ng pag-aaral na kailangan bago
makapagkolehiyo ang isang mag-aaral, inaasahang lalong liliit ang bilang ng mahihirap na makatatapos ng kolehiyo at magiging habang
buhay na lamang na “alipin” ng mga dayuhang korporasyon – walang socio- economic mobility, walang asenso, walang professional
development – ang mayorya ng mga mamamayang Pilipino na walang kakayahang magbayad para makatapos ng kolehiyo. Ngayon, malinaw
na kung bakit ipinagtutulakan ng mga maka-K to 12 na huwag nang magkolehiyo ang mahihirap: upang sila’y mabaon sa karukhaan at di na
makabangon pa sa kumunoy ng kawalang-asenso habang nananatili ang di makatwirang “tatsulok ng lipunan” na pinangingibabawan ng
mga masalapi sa nakalipas na mga dekada (Fig. 3).

Dapat bigyang-diin na ang mauunlad na bansa ay karaniwang may mataas na bilang ng mga mamamayang nakatapos ng kolehiyo
kaya nasusustine nila ang paglago ng kanilang ekonomiya (Fig. 4).

Ang graph sa Fig. 5 ay mula sa online Public Data Explorer ng United Nations Development Program (UNDP) 2013. Ang Human
Development Index (HDI) ay holistikong sukatan ng kaunlaran. Ang 1 ay perpektong score na nangangagulugan ng ganap na kaunlaran;
ang 0 naman ang pinakamababa na nangangahulugang walang kaunlaran.

Sa mga nakalipas na school year, dumarami na ang nagkokolehiyo sa Pilipinas ngunit hindi pa rin ito maipapantay sa mga
nagkokolehiyo at nakakatapos ng kolehiyo sa ibang bansa. Sa implementasyon ng K to 12, sigurado na ang pagliit ng bilang ng mga
magkokolehiyo – bunsod ng mantrang anti-edukasyong tersiyarya ng K to 12 sa Pilipinas – at tiyak na liliit din ang bilang ng magtatapos
ng kolehiyo sa Pilipinas lalo pa at wala namang binabanggit sa K to 12 hinggil sa pagdaragdag ng subsidy sa mga state colleges and
universities (SUCs) upang mabawasan ang matrikula sa mga paaralang iyon na karaniwang pinupuntahan ng mahihirap na mag-aaral. Sa
pagliit ng bilang ng magkokolehiyo, liliit din ang bilang ng mga mamamayang Pilipino na may kakayahang maging administrador sapagkat
ang pagiging administrador ay nangangailangan ng mas mataas na antas ng edukasyon. Habang lumolobo ang populasyon ng Pilipinas,
lalong kinakailangan ng mas maraming administrador sa iba’t ibang larangan kaya sa pangkalahatan ay negatibo ang impact sa Pilipinas ng
papaliit na bilang ng magkokolehiyo at makakatatapos dito. Dapat ding tandaan na ang mga highly- skilled na propesyonal na mahalaga ang
ambag sa pagpapaunlad ng bansa ay pawang nagtapos ng kolehiyo. Samakatwid, ang mas kakaunting nagtapos ng kolehiyo ay
nangangahulugan din ng mas kakaunting highly-skilled na propesyonal para sa isang bansa. Sa datos mismo ng National Statistical
Coordination Board (NSCB) na inilabas noong April 2012, hindi sapat ang antas ng paglaki ng mga nagtapos ng kolehiyo sa bansa. Ayon sa
NSCB, ang bilang ng mga ito na nasa edad 24-34 ay hindi gaanong lumaki mula 1.9% noong 2000- 2001 tungong 2.0% noong 2009-2010.

Tanikala sa Diwa, Tanikala sa Dila: MTB– MLE at Iba Pang Usaping Pangwika at Pangkurikulum

Bukod sa mantrang anti-edukasyong tersiyarya ng K to 12 sa Pilipinas, tanikala sa diwa at dila ng mga mamamayan – pagpapatuloy
ng “misedukasyon” ng mga Pilipino – ang ilang aspekto ng programang ito. Kapansin-pansin na LAHAT ng opisyal na dokumento hinggil sa
K to 12 gayundin ang karamihan sa mga opisyal na lektura, pagsasanay, seminar, at worksyap hinggil sa K to 12 ay nasa wikang Ingles! Sa
simula pa lamang ay halatang etsa-puwera, alienated, marginalized na kaagad ang mayorya ng mga Pilipino na hindi marunong gumamit ng
Ingles sa intelektuwal na diskurso. Sino nga ba ang “kausap” ng gobyerno habang nililikha ang K to 12? Ipinagmalaki ng AusAid (aid agency
ng Australia) sa “Philippines Annual Program Performance Report 2011” na inilabas noong Hulyo 2012 na sila’y “...epektibo
atmaimpluwensiyang partner sa repormang pang-edukasyon sa antas primarya, at mahalagang source ng evidence-based advice hinggil sa
mga aspektong teknikal sa pagpapatupad ng bagong patakarang K to 12.” Noong 2013, ipinalabas din sa ilang sinehan gaya sa Glorietta (sa
Lungsod ng Makati) ang isang patalastas na maka-K to 12 na pinondohan ng AusAid. Samantala, ayon sa kritik ng Alliance of Concerned
Teachers (ACT) na inilabas noong Hulyo 2012, ang pitong magkakaugnay na “temang gagabay” sa kurikulum ng Araling Panlipunan ay
“tuwirang hango sa mga temang binuo ng National Council for Social Studies ng Estados Unidos.” Mula rin sa United States ang
pangunahing mga sangguniang aklat ng pangkalahatang kurikulum ng K to 12, ayon pa sa kritik ng ACT.

Sa antas elementarya, agarang ipinatupad ang Mother-Tongue Based Multilingual Education (MTB-MLE) na naglalayong ipagamit
ang ilang unang wikamula Grade 1 hanggang Grade 3 bilang pangunahing wikang panturo. Problematiko ang hilaw at huwad na MLE-MTB
na ito. Una, Bahasa Sug, Bikol, Cebuano, Chabacano, Hiligaynon, Iloko, Kapampangan, Maguindanaoan, Meranao, Pangasinense, Tagalog,
at Waray lamang ang saklaw ng programa (bagama’t diumano’y may dalawa pang wikang idaragdag sa taong ito, at dadagdagan pa raw sa
mga susunod pa). Paano na ang mahigit 90 pang wika sa Pilipinas? Pangalawa, bakit kailangang gamitin pang wikang panturo ang mga
unang wika kung mahusay na rin namang mag-Filipino ang mayorya ng mga bata at kabataan na lantad na lantad na rito dahil sa media. Sa
katunayan, may sapat nang ebidensiyang anekdotal na Filipino na ang default language ng maraming bata sa ibang rehiyon dahil sa
pagsulong na rin ng pagtuturo ng Filipino bilang asignatura at paggamit nito bilang wikang panturo sa ilang asignatura. Matatag na ang
Filipino na siyang wikang pambansa kahit sa mga rehiyon kaya nararapat lamang na ipagpatuloy na ang paggamit nito sa antas primarya at
lagpas pa. Pang-apat, problematiko rin ang sitwasyon ng mga nasa paaralang eksklusibo lalo na yaong mga nasa pambansang rehiyong
kabisera: maaari nilang igiit na Ingles ang unang wika nila. Ang pag-iral ng ganitong language gap sa pagitan ng masa at ng elite (na tinalakay
na ni Constantino) ay tila pananatilihin at kukunsintihin pa ng MTB-MLE. Panlima, walang sapat na plano ang gobyerno para sa mga dumayo
lamang sa mga rehiyon. Halimbawa, ano ang mangyayari sa isang Tagalog na napadpad sa Davao? Pipilitin ba siyang mag- Cebuano kasabay
ng mga kaklase niya o bibigyan siya ng bukod na gurong Tagalog? Paano kung isa o dalawa lamang sila at hindi praktikal ang pag-hire sa
bukod na guro para sa kanila? Sa pangkalahatan, tiyak na may disenfranchisement o pagkaetsa-puwera pa ring mangyayari dahil sa MTB-
MLE, at pahihinain nito ang paggamit ng Filipino – na sa ngayo’y malakas pa/na – sa antas elementarya (Fig. 6), hayskul (Fig. 7), at maging
sa kolehiyo.

Samantala, mas malala ang de-Filipinisasyon sa antas tersiarya sa ilalim ng iskemang K to 12. Wala nang Filipino sa bagong General
Education Curriculum (GEC) sa unibersidad sa ilalim ng K to 12. Diumano’y ililipat sa senior high school/ junior college ang mayorya ng mga
asignatura sa kasalukuyang GEC.

Pansinin ang nilalaman ng Revised General Education Curriculum (RGEC) para sa unibersidad (Fig. 8). Puro Ingles ang asignatura
at Ingles din ang pangunahing wikang panturo, at wala na talagang Filipinong natira sa proposed RGEC.

Bunsod ng “pag-iingay” ng mga guro saFilipino hinggil sa pagbura sa Filipino bilang asignatura sa antas tersiyarya, napilitan ang
Comission on Higher Education (CHED) na payagan ang pagtuturo ng mga asignatura sa bagong GEC sa Ingles o sa Filipino, alinsunod sa
CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na may petsang Hunyo 28. Problematiko na kaagad ang sistematikong pagbura
sa Filipino bilang asignatura sa antas tersiyarya sa kabila ng pakonsuwelo de bobong pagtataguyod ng CHED sa Filipino bilang wikang
panturo. Una, kung magdudulot ng pagbuwag sa mga departamento ng Filipino sa maraming kolehiyo at unibersidad ang K to 12, sino na
ang mangunguna sa pagsasanay ng mga guro sa ibang asignatura na gustong gumamit ng Filipino bilang wikang panturo? Sino ang
makakatuwang ng mga gurong ito sa paglikha at/o pagsasalin ng mga teksto at iba pang materyal na panturo? Dapat na igiit pa rin ang
pagkakaroon ng bukod na asignaturang Filipino, bukod pa sa Purposive Communication na maaaring palitan nga ng Malayuning
Komunikasyon (asignaturang Filipino) ngunit tiyak namang daraan sa butas ng karayom sapagkat tiyak na maggigiit din ang mga guro ng
Ingles (na mas marami) na Purposive Communication ang ituro sa antas tersiyarya.

Mas malala, sa ilalim ng K to 12 isang Filipinomsubject (Retorika) lang ang required sa senior high school/junior college gaya ng
binabanggit sa “K TO 12 TOOLKIT: Reference Guide for Teacher Educators, School Administrators, and Teachers (2012)” na inilabas ng
SEAMEO-INNOTECH. Madagdagan man ng Filipino subject sa malaon ang kurikulum na ito, masasabing lamáng pa rin ang Ingles dahil ito
pa rin ang de-facto primary medium of instruction sa senior high school gaya ng ipinahihiwatig ng talahanayan sa ibaba (Fig. 9). Pansinin
din na ang Philippine Literature ay maaaring Philippine Literature in English sa halip na Panitikan ng Pilipinas.

Sa pangkalahatan, maka-Ingles ang K to 12 dahil hindi nito binura kundi sa halip ay lalong pinatibay pa ang hegemonya ng Ingles
sa kurikulum bilang pangunahing wikang panturo lalo na sa mga mas matataas na antas ng edukasyon, sa kabila ng katotohanan na ang
Filipino ay hinog nang gamiting panturo sa lahat ng antas gaya ng pinatutunayan ng matataas na score sa National Achievement Test ng
mga mag- aaral (Fig. 10 at 11), at sa lumalaking bilang ng mga nagsasabi na Tagalog ang kanilang unang wika (Fig. 12).
Sa ilalim ng K to 12, wala na ring probisyon para sa Political Science subject. Sa lumang GEC, ang pag-aaral ng Philippine
Government and Constitution ay isang requirement (ang totoo, nasa probisyon ito ng Konstitusyon). Ano ang ibubunga ng edukasyong
walang probisyon sa politikal na kamulatan ng mga mag-aaral? Mga mamamayang sunod-sunuran sa agos at mga mamamayang
indibidwalista na ang tanging pangarap ay makapag-abroad. Nagkatotoo na ang hula ni Simoun tungkol sa isang bansang walang sariling
katangian, isang bayan ng mga alipin, at ni hindi naman masumpungan ang pangarap na bansa nina Rizal, Jacinto, Bonifacio at Constantino
– isang bansang malaya at may sariling pag-iisip, isang bansa ng mga mamamayang aktibong nakikilahok sa pagpapaunlad ng kanilang
bayan, isang bansang ang mga mamamaya’y nabubuhay sa pagpapatupad ng kaisipang “Bayan Muna, Bago Sarili.”

K to 12 Bilang Daan ng Kapahamakan: Tungo sa Kumunoy ng Utang

Isa sa mga naging dahilan ng pagtutol ng ilangmambabatas sa implementasyon ng K to 12 ay ang kawalan ng sapat na pondo ng
gobyerno para rito. Ayon kay Rep. Almario, mula 2013 hanggang 2017 ay kailangan ng mga sumusunod para sa implementasyon ng
layuning Education For All (EFA) pa lamang na ni hindi pa nga naisasakatuparan ng Pilipinas: sa 2013 – P334 billion; sa 2014 – P344 billion;
sa 2015 – P360 billion; sa 2016 – P409 billion; at sa 2017 – P434 billion. Para kay Rep. Almario, dapat munang isakatuparan ang EFA
(dapat ay nakaenrol lahat ng batang nasa edad na para mag-aral sa elementarya at sekundarya) bago magdagdag ng 2 pang taon sa dating
10-taong Basic Education Cycle. Bukod dito, ayon kay Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV, kailangan ng “P150 bilyon para sa 152,569
bagong silid-aralan, 103,599 guro, 95.6 milyong aklat, at 13.2 milyong silya” para sa K to 12. Ano na nga ba ang kalagayan ng mga
kakulangan sa pasilidad at guro sa antas elementarya at sekundarya? Makabuluhang sipatin ang datos mula sa primer na nasa online Official
Gazette ng republika (Fig. 13):

Masyadong optimistiko ang prediksiyon ng DepEd na wala nang shortage sa katapusan ng 2013 dahil ayon sa isang kritik na
inilabas ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) noong Hulyo 2012, “132,483 ang kakulangan sa teachers, 97,685 ang tinatayang
kakulangan sa classrooms, at 153,709 ang kakulangan sa mga sanitation facilities” noong Akademikong Taon 2012-2013,” at “...naglaan
ang rehimeng Aquino ng P239 bilyon para sa DepEd, katumbas ng P7/araw para sa isang estudyante. Sapat lamang ito para tugunan ang
27% ng pangangailangan para sa bagong mga klasrum, 20% ng kakulangan para sa mga bagong upuan at 12% para sa mga bagong guro.
Wala pa rito ang mahigit P100 bilyon na kinakailangan para sa dagdag na gastos para sa programang K to 12.” Idinagdag pa ng ACT na
“Mula sa bagong labas na National Budget Memorandum 113 ng Department of Budget and Management (DBM), ang budget ceiling ng
DepED para sa taong 2013 ay P259.25B pero ang pangangailangan ng DepED para sa taong 2013 ay P321.91B. Isang malaking tanong
kung saan kukunin ng gobyerno ni PNoy ang P78.95 B na kakulangan sa pondo ng DepEd.” Pagkatapos ng deliberasyon sa Kongreso at
Senado, inaprubahan ang badyet ng DepEd para sa 2013 na nagkakahalaga lamang ng P293.32 billion. Mismong ang World Bank sa
Philippine Quarterly Update4 (Hulyo 2012) ang nagsabing laging napakababa ng badyet sa edukasyon ng Pilipinas, at ni hindi ito halos
tumataas sa kabila ng paglaki ng populasyon na nagdudulot ng pagdami ng mga estudyante.

Malinaw kung gayon na malaking-malaki angpeligro na hindi matutugunan ng pamahalaan ang kinakailangang badyet para sa
implementasyon ng K to 12. Katunayan, narito ang plano ng DepEd kung paano mapopondohan ang K to 12 ayon sa pahina 11 ng primer
na nasa Official Gazette ng Republika: “...utang mula sa gobyerno at mga pribadong bangko...” Hindi kataka-taka na sinusuportahan ng
World Bankang K to 12. Sa “Country Assistance Strategy (CAS) Progress Report” ng World Bank Group na may petsang Abril 20, 2011,
nangako ang World Bank na ipagpapatuloy nito ang “suporta at ayudang teknikal” sa implementasyon ng K to 12 “katuwang ang AusAID
at iba pa...Ang operasyong umiiral at panghinaharap ng Bangko ay iniaakma...sa mga hamong dulot ng malaking pagpapasya sa patakaran
na baguhin ang basic education cycle.” Samakatwid, handa ang World Bank na pondohan ang programang K to 12 sakabila ng katotohanan
na ayaw nitong magpautang para sa alinmang proyektong industriyalisasyon ng Pilipinas gaya ng petroleum refineries, gold mines, steel
mills, atbp.

Ayon sa Seksiyon 13 ng K to 12 Bill o House Bill 6643, ang panimulang badyet para sa K to 12 ay kukunin sa kasalukuyang pondo
ng DepEd ngunit ang “halagang kailangan sa pagpapatuloy ng implementasyon” nito ay magmumula na sa pambansang badyet sa
pamamagitan ng taunang General Appropriations Act. Dahil ang kakulangan sa pambansang badyet ay karaniwang pinupunan ng utang,
tiyak na lalo lamang ibabaon ng K to 12 sa utang ang Pilipinas. Pansinin na ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng rehimeng Macapagal-
Arroyo at sa pagsisimula ng ikalawang administrasyong Aquino ay nasa apat na trilyong piso lamang. Noong Setyembre 2012, umabot na
ito sa P5.213 trilyon at posibleng lalo pa itong lumobo dahil sa K to 12 at iba pang mga programang nangangailangan ng malakingpondo.
Katunayan, sa pagtataya mismo ni Finance Secretary Cesar Purisima noong Agosto 2012, maaaring umabot sa P5.8 trilyon ang utang ng
Pilipinas ngayong 2013.
Mga Alternatibo sa K to 12

Ngayong malinaw nang ang K to 12 ay hindi isang nasyonalistang programang pang-edukasyon na nagsasaalang-alang sa
pangangailangan ng bansa at ng mga mamamayan, iminumungkahi ang agad na pagpapahinto ng implementasyon ng K to 12 maliban sa
implementasyon ng kindergarten at ng mga reporma sa kurikulum sa Grades 7 to 10. Maaari ring ipagpatuloy ang mga reporma sa Grades
1 to 6 ngunit dapat pansamantalang itigil muna ang MTB-MLE at sa halip ay ibalik ang Filipinisadong kurikulum sa antas elementarya.

Sa pangkalahatan, iminumungkahi ang pagpapabuti ng kasalukuyang 11-year Basic Education cycle (Kindergarten, Grades 1 to 6
at Grades 7 to 10) at karagdagang investment para sa mga state colleges and universities (SUCs), at sa buong sektor ng edukasyon. Ang
paglalaan ng sapat na pondo para sa edukasyon ang unang hakbang sa pagpapabuti ng 11-year Basic Education cycle. Sa kasalukuyan,
“kulelat” ang Pilipinas sa paglalaan ng porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) sa edukasyon. Sa pamantayan ng United Nations (UN),
6% ang minimum na porsiyento ng GDP na dapat ilaan sa edukasyon. Pansinin na ni hindi pa umabot ang Pilipinas sa minimum na
pamantayan sa kahit aling taon! Makikita sa Fig. 14 ang datos mula sa Public Data Explorer sa website ng United Nations Development
Programme (UNDP) na naghahambing sa badyet sa edukasyon (bilang porsiyento ng GDP) ng Pilipinas at ng mga bansang mas maunlad
dito (batay sa pamantayan ng Human Development Index ng United Nations noong 2013).

Makikita naman sa Fig. 15 ang datos na naghahambing sa badyet sa edukasyon (bilang porsiyento ng GDP) ng Pilipinas at ng mga
bansang mas mahirap kaysa rito (batay sa pamantayan ng Human Development Index ng United Nations noong 2013).

Samakatwid, ang karagdagang pondong dapat sana’y ilalaan sa K to 12 ay higit na magiging kapaki-pakinabang kung gagamitin
muna sa pagpapabuti ng 11-year Basic Education cycle. Saka na lamang pag-usapan ang pagdaragdag ng taon kapag maayos na ang
programa mula Kindergarten hanggang Grade 10, sa pamamagitan ng pagdaraos ng pambansang konsultasyon hinggil sa edukasyon na
titiyak na ang tinig ngbayan na ang masusunod at di ang dikta ng mga dayuhan at ng malalaking negosyante.

Mahalaga rin ang karagdagang puhunan sa antas tersiyarya, lalo na sa larangan ng research and development (R&D). Kulelat din
ang Pilipinas sa R&D at badyet sa antas tersiyarya kaya naman mahina rin ito sa inobasyon at modernisasyon ng teknolohiya sa edukasyon
at iba pang larangan (Fig. 16-19).

Mahalaga ang karagdagang badyet sa antas tersiyarya upang mas maraming makapagtapossa antas na ito. Napatunayan na sa
pananaliksik na mas malaki ang “balik” o rate of return ofinvestment sa pag-aaral sa kolehiyo at lagpas pa rito (Fig. 20).

Ayon naman sa World Bank East Asia and Pacific Region Poverty Reduction and Economic Management Department Report na
pinamagatang “Education and Wage Differentials in the Philippines” (Xubei Luo at Takanobu Terada): “Tertiary education is to a large
extent a prerequisite for highly-paid occupations.” Samakatwid, benepisyal at positibo sa bansa ang pagdami ng mga nagtapos ng kolehiyo
na tila mahahadlangan o mapababagal ng K to 12.

Katunayan, mas malaki ang average na kita ng mga nagtapos ng kolehiyo kaysa sa mga nagtapos ng hayskul (Fig. 21).

Samakatwid, sa halip na hikayating huwag nang magkolehiyo ang mga Pilipino sa ilalim ng K to 12, dapat dagdagan ang investment
sa antas tersiyarya upang mas dumami ang makapagkolehiyo. Ito ang isa sa susi sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga mamamayan ng bansa.
Ang bansang may mataas na antas ng edukasyon ay tiyak na may mataas na antas din ng kaunlaran na maitatala. Kaugnay nito, dapat ding
tugunan ang palala nang palalang enrollment rate, bukod pa sa drop out rates na nananatiling mataas (Fig. 22).
Reoryentasyon ng Edukasyon at Ekonomiya

Walang saysay ang anumang dagdag- pondo sa edukasyon kung hindi isasailalim sa reoryentasyon ang sistemang pang-edukasyon
at pang-ekonomiya ng bansa. Bago-baguhin man ang mga asignatura, dapat bigyang-diin ang pagkikintal o inkulkasyon ng nasyonalismo sa
isip at puso ng mga Pilipino upang ang ating mga mamamayan ay maging mga mamamayang gaya ng pinangarap nina Rizal, Bonifacio,
Jacinto at Constantino: mga mamamayang naglilingkod sa ikauunlad ng sariling bayan. Samakatwid, dapat ibasura ang labor export policy
at ang pagtrato sa mga paaralan sa Pilipinas bilang tagamanupaktura lamang ng mga trabahador at propesyonal na pang-eksport.

Kaakibat nito, dapat palawakin ang mga oportunidad sa trabaho sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng komprehensibong
planong ekonomiko na nakatuon sa pagsandig sa sarili. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon, reporma
sa lupa at modernisasyon ng agrikultura. Samakatwid, dapat gamitin ng bansa ang sariling resources di para ieksport sa ibang bansa, kundi
para sa ikauunlad ng mga mamamayan. Nasa Pilipinas ang lahat ng requirement sa resources – natural at human resources upang maging
isa itong maunlad at makapangyarihang bansa. Naghihintay lamang ito ng mga Pilipinong handang magsikap na gamitin ang mga ito para
sa kapakanan ng bansaat di ng mga dayuhan lamang. Sa ganitong diwa, malinaw na magkarugtong at di mapaghihiwalay ang reoryentasyon
ng sistemang pang-edukasyon at ng sistemang ekonomiko ng bansa. Ang nasyonalistang sistemang pang-edukasyon ang huhubog ng mga
mamamayang mag-aambag sapag-unlad ng bansa. Kailangan namang baguhin ang sistemang ekonomiko upang makalikha ito ng sapat na
trabaho para sa mga Pilipino, nang sa gayo’y hindi na maging pangangailangan at sa halip ay isang opsiyon na lamang ang pangingibang-
bayan.

You might also like